Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Wasto bang sabihin na binabantuan ng awa ni Jehova ang kaniyang katarungan?
Bagaman ginamit ang pananalitang ito, makabubuti kung iiwasan ito yamang waring ipinahihiwatig nito na pinagagaan o pinipigil ng awa ni Jehova ang kaniyang katarungan, na para bang ang kaniyang awa ay nakahihigit sa mas malupit na katangian ng katarungan. Hindi ito wasto.
Ang salitang Hebreo na isinaling “katarungan” sa Bagong Sanlibutang Salin ay maaari ring mangahulugang “kahatulan.” Malapit ang kaugnayan ng katarungan sa katuwiran. Gayunman, karaniwan nang may mga legal na pahiwatig ang katarungan. Karaniwan nang hindi ganito sa katuwiran. Totoo na maaaring masangkot sa katarungan ni Jehova ang paglalapat ng nararapat na kaparusahan, ngunit maaari ring masangkot dito ang paglalaan ng kaligtasan para sa mga karapat-dapat. (Genesis 18:20-32; Isaias 56:1; Malakias 4:2) Kung gayon, hindi dapat malasin na malupit o kailangang pagaanin ang katarungan ni Jehova.
Ang salitang Hebreo para sa “awa” ay maaaring tumukoy sa pagpigil sa pagpapatupad ng kahatulan. Maaari rin itong tumukoy sa pagpapahayag ng habag na may kalakip na pagkilos, na nagdudulot ng kaginhawahan sa mga nasa di-kaayaayang kalagayan.—Deuteronomio 10:18; Lucas 10:29-37.
Si Jehova ay kapuwa isang Diyos ng katarungan at awa. (Exodo 34:6, 7; Deuteronomio 32:4; Awit 145:9) Ang kaniyang katarungan at ang kaniyang awa ay kapuwa sakdal, at kumikilos ang mga ito nang may pagkakasuwato. (Awit 116:5; Oseas 2:19) Ganap na binabalanse o pinupunan ng dalawang katangiang ito ang isa’t isa. Kaya kung sasabihin natin na binabantuan ng awa ni Jehova ang kaniyang katarungan, dapat din nating sabihin na binabantuan ng katarungan ang kaniyang awa.
Inihula ni Isaias: “Patuloy na maghihintay si Jehova upang mapagpakitaan kayo ng lingap, at sa gayon ay titindig siya upang pagpakitaan kayo ng awa. Sapagkat si Jehova ay Diyos ng kahatulan [“katarungan,” The New English Bible].” (Isaias 30:18) Ipinakikita rito ni Isaias na ang katarungan ni Jehova ay nag-uudyok ng mga gawa na may awa sa halip na ang kaniyang awa ay nagpapagaan o pumipigil sa kaniyang katarungan. Nagpapakita ng awa si Jehova dahil siya ay makatarungan at dahil siya ay maibigin din.
Totoo, sumulat ang manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Ang awa ay matagumpay na nagbubunyi laban sa hatol.” (Santiago 2:13b) Gayunman, sa konteksto, hindi tungkol kay Jehova ang sinasabi ni Santiago kundi tungkol sa mga Kristiyano na nagpapakita ng awa—halimbawa, sa napipighati at sa maralita. (Santiago 1:27; 2:1-9) Kapag hinahatulan ang gayong mga maawain, isinasaalang-alang ni Jehova ang kanilang paggawi at may-kaawaan silang pinatatawad salig sa hain ng kaniyang Anak. Kaya ang kanilang maawaing paggawi ay nagtatagumpay sa anumang masamang hatol na maaaring nararapat sa kanila.—Kawikaan 14:21; Mateo 5:7; 6:12; 7:2.
Kung gayon, hindi wastong sabihin na ang kahatulan ni Jehova ay binabantuan ng kaniyang awa sa diwa na ang kaniyang katarungan ay kailangan pang pagaanin ng kaniyang awa. Ang dalawang katangian ay ganap na timbang kay Jehova. Binabalanse ng dalawang katangiang ito ang isa’t isa kung paanong ang mga ito ay bumabalanse sa—at nababalanse ng—iba pang mga katangian ni Jehova, kagaya ng pag-ibig at karunungan.