Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Waldenses—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo

Ang mga Waldenses—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo

Ang mga Waldenses​—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo

Noon ay taóng 1545 sa magandang rehiyon ng Lubéron sa Provence, sa timugang bahagi ng Pransiya. Nagtipon ang isang hukbo upang isakatuparan ang isang kahila-hilakbot na misyon na udyok ng kawalang-pagpaparaya sa relihiyon. Dumanak ang dugo sa loob ng isang linggo.

SINUNOG ang mga nayon, at ibinilanggo o pinatay ang mga naninirahan. Isinagawa ng brutal na mga sundalo ang labis-labis na kalupitan sa isang masaker na nagpangatal sa Europa. Mga 2,700 lalaki ang pinatay at 600 ang ipinadala upang magtrabaho sa mga galera, maliban pa sa pagdurusang dinanas ng mga babae at mga bata. Ang kumandante ng hukbo na nagsagawa ng madugong kampanyang ito ay pinuri ng hari ng Pransiya at ng papa.

Nagkabaha-bahagi na ang Alemanya dahil sa Repormasyon nang ang Katolikong hari na si Francis I ng Pransiya, na nabahala sa paglaganap ng Protestantismo, ay nagtanong hinggil sa sinasabing mga erehe sa kaniyang kaharian. Sa halip na masumpungan ang mangilan-ngilang kaso ng erehiya, natuklasan ng mga awtoridad sa Provence ang buu-buong mga nayon na sumasalansang sa relihiyon. Ang utos na lipulin ang erehiyang ito ay inaprubahan at nang dakong huli ay isinagawa sa masaker noong 1545.

Sino ang mga ereheng ito? At bakit ba sila naging mga tampulan ng marahas na kawalang-pagpaparaya sa relihiyon?

Mula sa Kariwasaan Tungo sa Karalitaan

Ang mga pinatay sa masaker ay kabilang sa isang relihiyosong kilusan noong ika-12 siglo na sumaklaw sa malaking bahagi ng Europa. Ang paraan ng paglaganap at pag-iral nito sa loob ng ilang siglo ay nagpapangyaring maging kakaiba ito ayon sa mga ulat ng pagsalansang sa relihiyon. Sumasang-ayon ang karamihan sa mga istoryador na nagsimula ang kilusan noong mga taóng 1170. Sa lunsod ng Lyons sa Pransiya, isang mayamang negosyante na nagngangalang Vaudès ang naging lubhang interesado sa pag-alam kung paano palulugdan ang Diyos. Yamang maliwanag na napakilos sa paghimok ni Jesu-Kristo na ipagbili ng isang mayamang lalaki ang kaniyang mga ari-arian at ibigay sa mga dukha, naglaan si Vaudès ng pinansiyal na suporta para sa kaniyang pamilya at pagkatapos ay iniwan ang kaniyang mga kayamanan upang ipangaral ang Ebanghelyo. (Mateo 19:16-22) Di-nagtagal at nagkaroon siya ng mga tagasunod na nang maglaon ay nakilala bilang mga Waldenses. *

Pangunahin sa buhay ni Vaudès ang karalitaan, pangangaral, at ang Bibliya. Hindi bago ang pagprotesta laban sa karangyaan ng klero. Sa ilang panahon, tinuligsa ng maraming sumasalansang sa klero ang mga tiwaling gawain at pang-aabuso ng simbahan. Ngunit si Vaudès ay isang karaniwang tao, kagaya ng karamihan sa kaniyang mga tagasunod. Walang alinlangan na ito ang dahilan kung bakit nadama niyang kailangan na magkaroon ng Bibliya sa lokal na wika, sa wika ng bayan. Yamang ang Bibliya ng simbahan na isinalin sa wikang Latin ay nagagamit lamang ng klero, nag-atas si Vaudès na isalin ang mga Ebanghelyo at ang iba pang mga aklat ng Bibliya tungo sa Franco-Provençal, ang wikang nauunawaan ng karaniwang mga tao sa silangang bahagi ng gitnang Pransiya. * Bilang pagsunod sa utos ni Jesus na mangaral, ang mga Dukha ng Lyons ay nagtungo sa mga lansangan taglay ang kanilang mensahe. (Mateo 28:19, 20) Ipinaliwanag ng istoryador na si Gabriel Audisio na ang kanilang pagpupumilit sa pangmadlang pangangaral ang naging pangunahing isyu hinggil sa saloobin ng simbahan sa mga Waldenses.

Mula sa Pagiging mga Katoliko Tungo sa Pagiging mga Erehe

Noong mga panahong iyon, ang mga klero lamang ang may karapatang mangaral, at inangkin ng simbahan ang karapatang magbigay ng awtoridad na mangaral. Ang mga Waldenses ay itinuring ng mga klero na ignorante at hindi marunong bumasa at sumulat, ngunit noong 1179, sinikap ni Vaudès na makakuha ng opisyal na awtorisasyon para sa kaniyang pangangaral mula kay Pope Alexander III. Ipinagkaloob ang pahintulot​—ngunit tangi lamang kung papayag ang mga lokal na pari. Sinabi ng istoryador na si Malcolm Lambert na ito “ay halos katumbas ng ganap na pagtanggi.” Sa katunayan, pormal na ipinagbawal ng arsobispong si Jean Bellesmains ng Lyons ang pangangaral ng karaniwang tao. Tumugon si Vaudès sa pamamagitan ng pagsipi sa Gawa 5:29: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Yamang hindi siya sumunod sa pagbabawal na ito, itiniwalag si Vaudès sa simbahan noong 1184.

Bagaman ang mga Waldenses ay pinalayas mula sa diyosesis ng Lyons at ipinagtabuyan palabas sa lunsod, waring hindi ganoon kahigpit ang pagpapatupad sa unang pagpataw ng hatol. Hinangaan ng maraming ordinaryong tao ang mga Waldenses sa kanilang kataimtiman at paraan ng pamumuhay, at maging ang mga obispo ay patuloy na nakikipag-usap sa kanila.

Ayon sa istoryador na si Euan Cameron, lumilitaw na ang mga mangangaral na Waldenses ay hindi “sumasalungat sa Simbahang Romano sa dahilan na gusto lamang nilang sumalungat.” “Nais [lamang nilang] mangaral at magturo.” Sinasabi ng mga istoryador na ang kilusan ay sa paanuman, naipagtabuyan tungo sa pagiging erehiya dahil sa isang serye ng mga dekreto na lalo at permanenteng nagpahina sa kanilang kapangyarihan at impluwensiya. Ang mga pagtuligsa ng simbahan ay umakay sa pagbabawal na ipinalabas ng Ikaapat na Konseho ng Lateran laban sa mga Waldenses noong 1215. Paano ito nakaapekto sa kanilang pangangaral?

Nangaral Sila Nang Palihim

Namatay si Vaudès noong taóng 1217, at pinangalat ng pag-uusig ang kaniyang mga tagasunod patungo sa mga Alpinong libis ng Pransiya, sa Alemanya, sa hilagang Italya, at sa Gitna at Silangang Europa. Pinangyari rin ng pag-uusig na manirahan ang mga Waldenses sa mga lalawigan, at nilimitahan nito ang kanilang gawaing pangangaral sa maraming lugar.

Noong 1229, nakumpleto ng Simbahang Katoliko ang Krusada nito laban sa mga Cathar, o mga Albigenses, sa timog ng Pransiya. * Ang mga Waldenses ang sumunod na naging tampulan ng gayong mga pagsalakay. Di-magtatagal at ang Inkisisyon ay walang-awang babaling laban sa lahat ng sumasalungat sa simbahan. Naging palihim ang pangangaral ng mga Waldenses dahil sa takot. Pagsapit ng 1230, hindi na sila nangaral sa madla. Ipinaliwanag ni Audisio: “Sa halip na maghanap ng bagong tupa . . . , itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa pangangalaga sa mga nakumberte, na pinananatili ang mga ito sa kanilang pananampalataya sa kabila ng panggigipit at pag-uusig sa labas.” Idinagdag pa niya na “nanatiling mahalaga ang pangangaral ngunit ganap na nagbago ito pagdating sa gawa.”

Ang Kanilang mga Paniniwala at Gawain

Sa halip na pahintulutang makibahagi sa gawaing pangangaral ang kapuwa mga lalaki at mga babae, pagsapit ng ika-14 na siglo, itinangi ng mga Waldenses ang mga mángangarál mula sa mga mananampalataya. Tanging ang mga lubos-na-sinanay na mga lalaki ang nakikibahagi noon sa gawaing pagpapastol. Ang naglalakbay na mga ministrong ito ay nakilala nang maglaon bilang mga barbes (mga tiyuhin).

Ang mga barbes, na dumalaw sa mga tahanan ng mga pamilyang Waldenses, ay nagsikap na panatilihing buháy ang kilusan sa halip na palaganapin ito. Lahat ng barbes ay marunong bumasa at sumulat, at ang kanilang pagsasanay, na tumatagal nang anim na taon, ay nakasalig sa Bibliya. Ang paggamit ng Bibliya sa lokal na wika ay tumulong sa kanila na ipaliwanag ito sa kanilang mga kawan. Inamin maging ng mga sumasalungat na ang mga Waldenses, kasama ang kanilang mga anak, ay may matibay na kulturang nakasalig sa Bibliya at nakasisipi ng maraming bahagi ng Kasulatan.

Karagdagan pa, itinakwil ng mga Waldenses ang pagsisinungaling, purgatoryo, mga Misa para sa mga patay, pagpapatawad ng papa at mga indulhensiya, at ang pagsamba kay Maria at sa mga “santo.” Idinaos din nila ang taunang mga pangingilin ng Hapunan ng Panginoon, o Huling Hapunan. Ayon kay Lambert, ang kanilang anyo ng pagsamba “ay, sa diwa, ang relihiyon ng karaniwang tao.”

“Dobleng Pamumuhay”

Malapít sa isa’t isa ang mga komunidad ng mga Waldenses. Nagsipag-asawa ang mga indibiduwal sa loob ng kilusan, at sa loob ng maraming siglo, lumikha ito ng mga apelyidong Waldenses. Gayunman, sa kanilang pakikipagpunyagi upang manatiling buháy, sinikap ng mga Waldenses na ilihim ang kanilang mga pananaw. Ang paglilihim na iniugnay sa kanilang mga relihiyosong paniniwala at gawain ay nagpadali sa mga sumasalungat na gumawa ng mga labis-labis na paratang laban sa kanila, na sinasabi, halimbawa, na sila’y nakikibahagi sa pagsamba sa Diyablo. *

Ang isang paraan upang mapabulaanan ng mga Waldenses ang gayong mga akusasyon ay ang pagkokompromiso at pagsasagawa ng mga bagay na tinawag ng istoryador na si Cameron na “maliit na antas ng pagsunod” sa Katolikong pagsamba. Maraming Waldenses ang nangumpisal sa mga Katolikong pari, dumalo sa Misa, gumamit ng agua bendita, at pumunta pa nga sa mga relihiyosong paglalakbay. Sinabi ni Lambert: “Sa maraming bagay, ginagawa nila ang gaya ng ginagawa ng kanilang mga kapitbahay na Katoliko.” Tahasang sinabi ni Audisio na nang maglaon, “namuhay [ang mga Waldenses] ng dobleng pamumuhay.” Idinagdag pa niya: “Sa isang panig, kumilos sila sa labas na gaya ng mga Katoliko upang maingatan ang kanilang relatibong kapayapaan; sa kabilang dako naman, isinagawa nila ang ilang ritwal at mga kaugalian nang sila-sila lamang na siyang tumitiyak na ang kanilang komunidad ay patuloy na umiiral.”

Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo

Noong ika-16 na siglo, lubhang binago ng Repormasyon ang relihiyosong tanawin sa Europa. Ang mga biktima ng kawalang-pagpaparaya ay maaaring makakuha ng legal na pagkakakilanlan sa kanilang sariling bansa o tumungo sa ibang bansa upang maghanap ng mas kaayaayang mga kalagayan. Ang ideya ng erehiya ay naging di-gaanong mahalaga, yamang napakaraming tao ang nagsimulang mag-alinlangan sa mga naitatag na relihiyosong doktrina.

Sing-aga ng 1523, binanggit ng kilalang repormador na si Martin Luther ang mga Waldenses. Noong 1526, isa sa mga barbes na Waldenses ang nagbalita sa mga nasa Alpino ng hinggil sa mga relihiyosong kaganapan sa Europa. Sinundan ito ng isang yugto ng pagpapalitan ng kuru-kuro kung saan ibinahagi ng mga pamayanang Protestante ang kanilang mga ideya sa mga Waldenses. Pinasigla ng mga Protestante ang mga Waldenses na suportahan ang unang pagsasalin ng Bibliya mula sa orihinal na mga wika nito tungo sa wikang Pranses. Inilimbag ito noong 1535 at nang maglaon ay nakilala bilang ang Bibliyang Olivétan. Gayunman, balintuna naman na karamihan sa mga Waldenses ay hindi nakaiintindi ng wikang Pranses.

Habang nagpapatuloy ang pag-uusig ng Simbahang Katoliko, maraming Waldenses ang nanirahan sa mas ligtas na rehiyon ng Provence sa timugang bahagi ng Pransiya, kagaya ng ginawa ng mga dayuhang Protestante. Di-nagtagal at nabalitaan ng mga awtoridad ang pandarayuhang ito. Sa kabila ng maraming positibong ulat hinggil sa istilo ng pamumuhay at moral ng mga Waldenses, nag-alinlangan ang ilang tao sa pagkamatapat ng mga ito at inakusahan ang mga ito bilang isang banta sa kapayapaan. Ipinalabas ang utos ng Mérindol, na nagbunga ng kahila-hilakbot na pagdanak ng dugo na binanggit sa simula ng artikulong ito.

Patuloy na nasira ang ugnayan sa pagitan ng mga Katoliko at ng mga Waldenses. Bilang pagtugon sa mga pagsalakay laban sa kanila, gumamit pa nga ng puwersang sandatahan ang mga Waldenses upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Dahil sa alitang ito ay napilitan silang maging bahagi ng pangkat ng mga Protestante. Kaya ang mga Waldenses ay umanib sa kalakaran ng Protestantismo.

Sa loob ng maraming siglo, ang mga simbahan ng Waldenses ay naitatag sa mga bansang malayo sa Pransiya hanggang sa Uruguay at sa Estados Unidos. Gayunman, sumasang-ayon kay Audisio ang karamihan sa mga istoryador, na nagsabi na “natapos ang pag-iral ng mga Waldenses noong panahon ng Repormasyon,” nang ito’y “lamunin” ng Protestantismo. Sa katunayan, malaki ang nawala sa unang sigasig ng kilusan ng mga Waldenses pagkalipas ng maraming siglo. Naganap ito nang iwan ng mga miyembro nito ang salig-Bibliyang pangangaral at pagtuturo dahil sa takot.

[Mga talababa]

^ par. 7 Si Vaudès ay tinutukoy paminsan-minsan bilang Valdès, Valdesius, o Waldo. Sa huling nabanggit na pangalan nagmula ang terminong “Waldenses.” Ang mga Waldenses, o mga Waldensian, ay nakilala rin bilang ang mga Dukha ng Lyons.

^ par. 8 Sing-aga ng 1199, ang obispo ng Metz, sa hilagang-silangan ng Pransiya, ay nagreklamo kay Pope Innocent III na ang mga indibiduwal ay nagbabasa at nag-uusap hinggil sa Bibliya sa lokal na wika. Malamang na ang mga Waldenses ang tinutukoy ng obispo.

^ par. 15 Tingnan “Ang mga Cathar​—Sila ba’y mga Kristiyanong Martir?” sa Ang Bantayan, Setyembre 1, 1995, pahina 27-30.

^ par. 21 Ang walang-humpay na paninirang-puri sa mga Waldenses ay umakay sa terminong vauderie (mula sa salitang Pranses na vaudois). Ginagamit ito upang ilarawan ang pinaghihinalaang mga erehe o mananamba ng Diyablo.

[Mapa/Larawan sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga Lugar na Naimpluwensiyahan ng mga Waldenses

PRANSIYA

Lyons

PROVENCE

Lubéron

Strasbourg

Milan

Roma

Berlin

Prague

Vienna

[Larawan]

Sinuportahan ng mga Waldenses ang pagsasalin ng Bibliyang Olivétan noong 1535

[Credit Line]

Bibliya: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

VAUDÈS

Ang pagsunog sa dalawang babaing Waldenses na may-edad na

[Credit Line]

Pahina 20 at 21: © Landesbildstelle Baden, Karlsruhe