Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahusay na Pamumuno—Saan Natin Ito Masusumpungan?

Mahusay na Pamumuno—Saan Natin Ito Masusumpungan?

Mahusay na Pamumuno​—Saan Natin Ito Masusumpungan?

“BAWAT bahay ay may nagtayo,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4; Apocalipsis 4:11) Yamang ang tunay na Diyos na si Jehova ang ating Maylalang, “nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin.” (Awit 103:14) Alam na alam niya ang ating mga limitasyon at mga pangangailangan. At dahil sa siya ay isang maibiging Diyos, nais niyang sapatan ang mga pangangailangang iyan. (Awit 145:16; 1 Juan 4:8) Kabilang dito ang ating pangangailangan ukol sa mahusay na pamumuno.

Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, si Jehova ay nagpahayag: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” (Isaias 55:4) Ang solusyon sa krisis ukol sa pamumuno sa ngayon ay nagsasangkot ng pagkilala sa Lider na ito​—na hinirang mismo ng Makapangyarihan-sa-lahat​—at pagtanggap sa kaniyang pamumuno. Kung gayon, sino itong inihulang Lider at Kumandante? Ano ang kaniyang mga kredensiyal bilang isang lider? Saan niya tayo aakayin? Ano ang dapat nating gawin upang makinabang sa kaniyang pamumuno?

Ang Ipinangakong Lider ay Dumating

Mga 2,500 taon na ang lumipas, ang anghel na si Gabriel ay nagpakita sa propetang si Daniel at nagsabi sa kaniya: “Alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo. Siya ay babalik at muli ngang itatayo, na may liwasan at bambang, ngunit sa mga kaligaligan ng mga panahon.”​—Daniel 9:25.

Maliwanag, ipinagbigay-alam ng anghel kay Daniel ang espesipikong panahon ng pagdating ng Lider na pinili ni Jehova. Lilitaw ang “Mesiyas na Lider” sa katapusan ng 69 na sanlinggo, o 483 taon, na bumibilang mula 455 B.C.E., nang lumabas ang salita upang muling itayo ang Jerusalem. * (Nehemias 2:1-8) Ano ang naganap sa katapusan ng yugtong iyon? Ganito ang salaysay ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas: “Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, nang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang tagapamahala ng distrito ng Galilea [29 C.E.], . . . ang kapahayagan ng Diyos ay dumating kay Juan na anak ni Zacarias sa ilang. Kaya pumaroon siya sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na nangangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Nang panahong iyon, “ang mga tao ay naghihintay” sa Mesiyas na Lider. (Lucas 3:1-3, 15) Bagaman ang mga pulutong ay lumapit kay Juan, hindi siya ang Lider na iyon.

Pagkatapos noong mga Oktubre ng 29 C.E., si Jesus na taga-Nazaret ay lumapit kay Juan upang magpabautismo. At si Juan ay nagpatotoo, na sinasabi: “Nakita ko ang espiritu na bumababang gaya ng isang kalapati mula sa langit, at nanatili ito sa kaniya. Ako man ay hindi nakakilala sa kaniya, ngunit ang mismong Isa na nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Sinuman ang makita mong babaan ng espiritu at panatilihan nito, ito ang isa na nagbabautismo sa banal na espiritu.’ At nakita ko iyon, at nagpatotoo ako na ang isang ito ang Anak ng Diyos.” (Juan 1:32-34) Noong kaniyang bautismo, si Jesus ay naging pinahirang Lider​—ang Mesiyas, o Kristo.

Oo, ang ipinangakong “lider at kumandante sa mga liping pambansa” ay napatunayang si Jesu-Kristo. At kapag sinuri natin ang kaniyang mga katangian bilang lider, madali nating mauunawaan na ang kaniyang pamumuno ay makapupong higit kaysa sa makabagong-panahong mga kahilingan para sa isang huwarang lider.

Ang Mesiyas​—Isang Huwarang Lider

Ang isang mahusay na lider ay nagbibigay ng malinaw na tagubilin at tumutulong sa mga taong nasasakupan niya na magkaroon ng determinasyon at abilidad upang malutas nila nang matagumpay ang mga problema. ‘Ito ay isang kahilingan para sa matagumpay na lider sa ika-21 siglo,’ ang sabi ng aklat na 21st Century Leadership: Dialogues With 100 Top Leaders. Kay-inam nga ng ginawang paghahanda ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig upang maharap nila ang pang-araw-araw na mga kalagayan! Isaalang-alang na lamang ang kaniyang pinakabantog na diskurso​—ang Sermon sa Bundok. Sagana sa praktikal na payo ang mga salitang nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7.

Halimbawa, isaalang-alang ang payo ni Jesus sa paglutas ng personal na mga di-pagkakaunawaan. Sinabi niya: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mateo 5:23, 24) Ang pagkukusang makipagpayapaan sa iba ang pinakapangunahing bagay​—mas mahalaga pa nga kaysa sa pagsasagawa ng isang relihiyosong tungkulin, tulad ng pagbibigay ng mga kaloob sa altar sa templo sa Jerusalem na siyang kahilingan sa Kautusang Mosaiko. Dahil kung hindi, ang mga gawa ng pagsamba ay hindi kaayaaya sa Diyos. Ang payo ni Jesus ay praktikal din sa ngayon gaya noong maraming siglo na ang nakalilipas.

Tinulungan din ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na iwasan ang silo ng imoralidad. Binabalaan niya sila: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Napakaangkop nga na babala! Bakit natin pasisimulan ang pagsasagawa ng pangangalunya sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga bagay na may kaugnayan dito? Mula sa puso nanggagaling ang pakikiapid at pangangalunya, ang sabi ni Jesus. (Mateo 15:18, 19) Makabubuting ingatan natin ang ating puso.​—Kawikaan 4:23.

Ang Sermon sa Bundok ay naglalaman din ng mahusay na payo sa pag-ibig sa kaaway ng isa, sa pagpapakita ng pagkabukas-palad, sa pagkakaroon ng tamang pangmalas sa materyal at espirituwal na mga bagay, at sa mga bagay na tulad nito. (Mateo 5:43-47; 6:1-4, 19-21, 24-34) Ipinakita pa nga ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig kung paano humiling ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung paano manalangin. (Mateo 6:9-13) Pinalalakas at inihahanda ng Mesiyas na Lider ang kaniyang mga tagasunod na harapin ang mga suliranin na karaniwan sa sangkatauhan.

Anim na ulit sa Sermon sa Bundok, sinimulan ni Jesus ang kaniyang mga pananalita sa pamamagitan ng katagang “narinig ninyo na sinabi” o “bukod diyan ay sinabi,” ngunit pagkatapos ay nagharap siya ng ibang ideya, sa pagsasabing “gayunman, sinasabi ko sa inyo.” (Mateo 5:21, 22, 27, 28, 31-34, 38, 39, 43, 44) Iyon ay nagpapakita na ang kaniyang mga tagapakinig ay nahirating kumilos sa isang partikular na paraan, ayon sa bibigang tradisyon ng mga Pariseo. Ngunit ipinakikita ngayon ni Jesus sa kanila ang isang naiibang daan​—isa na nagpapamalas ng tunay na diwa ng Kautusang Mosaiko. Sa gayon ay inihaharap ni Jesus ang isang pagbabago, at ginagawa niya ito sa paraan na madaling tanggapin ng kaniyang mga tagasunod. Oo, pinakilos ni Jesus ang mga tao na gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay, sa espirituwal at moral na paraan. Ito ay tanda ng isang tunay na lider.

Tinutukoy ng isang aklat-aralin sa pangangasiwa kung gaano kahirap na pangyarihin ang gayong pagbabago. Sinasabi nito: “Ang ahente [lider] na nagpapangyari ng pagbabago ay nangangailangan ng pagiging sensitibo ng isang social worker, ng kaunawaan ng isang sikologo, ng pagbabata ng isang mananakbo sa marathon, ng pagpupursige ng isang bulldog, ng pananalig-sa-sarili ng isang ermitanyo, at ng pagtitiis ng isang santo. At kahit na sa pagtataglay ng gayong mga katangian, walang garantiya ng tagumpay.”

“Ang mga lider ay kailangang gumawi sa paraan na nais nilang gumawi ang kanilang mga tagasunod,” ang sabi ng isang artikulo na pinamagatang “Pamumuno: Mahalaga ba ang mga Katangian?” Sa katunayan, isinasagawa ng isang mahusay na lider kung ano ang kaniyang ipinangangaral. Totoong-totoo iyan kay Jesu-Kristo! Oo, tinuruan niya yaong mga kasama niya na maging mapagpakumbaba, ngunit naglaan din siya ng praktikal na aral para sa kanila sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa. (Juan 13:5-15) Hindi lamang niya isinugo ang kaniyang mga alagad upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, kundi nagsumikap din siya nang lubusan sa gawaing iyon. (Mateo 4:18-25; Lucas 8:1-3; 9:1-6; 10:1-24; Juan 10:40-42) At may kaugnayan sa pagtugon sa pamumuno, nagpakita si Jesus ng halimbawa. “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa,” ang sabi niya tungkol sa kaniyang sarili, “kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.”​—Juan 5:19.

Ang nabanggit na pagsasaalang-alang sa sinabi at ginawa ni Jesus ay maliwanag na nagpapakita na siya ang huwarang Lider. Ang totoo, nahigitan niya ang lahat ng pamantayan ng tao sa mahusay na pamumuno. Si Jesus ay sakdal. Palibhasa’y tumanggap ng imortalidad pagkalipas ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli, siya ay nabubuhay magpakailanman. (1 Pedro 3:18; Apocalipsis 1:13-18) Sinong lider na tao ang makapapantay sa mga kuwalipikasyong ito?

Ano ang Dapat Nating Gawin?

Bilang nagpupunong Hari ng Kaharian ng Diyos, ang “Mesiyas na Lider” ay magpapasapit ng mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan. Hinggil sa bagay na ito, ang Kasulatan ay nangangako: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) “Ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Ang daigdig sa ngayon ay dumaranas ng krisis sa pamumuno. Gayunman, inaakay ni Jesu-Kristo ang mga maaamo tungo sa mapayapang bagong sanlibutan, kung saan ang masunuring sangkatauhan ay magkakaisa sa pagsamba sa Diyos na Jehova at susulong tungo sa kasakdalan. Pagkahala-halaga nga na maglaan tayo ng panahon upang magtamo ng kaalaman tungkol sa tunay na Diyos at sa kaniyang hinirang na Lider at kumilos kasuwato ng kaalamang iyan!​—Juan 17:3.

Ang isa sa pinakamaiinam na papuri na maibibigay natin sa isang tao ay ang tularan siya. Kung gayon, hindi ba dapat nating sikaping tularan ang pinakadakilang Lider sa kasaysayan ng tao​—si Jesu-Kristo? Paano natin magagawa ito? Ano ang magiging epekto sa ating sariling buhay ng pagtanggap sa kaniyang pamumuno? Ang mga tanong na ito at ang iba pa ay tatalakayin sa susunod na dalawang artikulo.

[Talababa]

^ par. 6 Tingnan ang pahina 186-92 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 4]

Inihula ni Daniel ang pagdating ng Lider na pinili ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 7]

Inihanda ng mga turo ni Jesus ang mga tao na harapin ang mga suliranin sa buhay

[Larawan sa pahina 7]

Aakayin ni Jesus ang masunuring sangkatauhan tungo sa isang mapayapang bagong sanlibutan