Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapagtatagumpayan Mo ang Kalungkutan

Mapagtatagumpayan Mo ang Kalungkutan

Mapagtatagumpayan Mo ang Kalungkutan

SINO ang makapag-aangking hindi pa nila naranasan ang pighating dulot ng kalungkutan? Maraming salik ang maaaring pagmulan ng kalungkutan. Gayunman, maaaring lalo nang matindi ang kalungkutan ng mga babaing hindi kailanman nag-asawa o yaong mga nabalo o nagdiborsiyo.

Halimbawa, isang kabataang babaing Kristiyano na nagngangalang Frances ang nagsabi: “Pagtuntong ko sa edad na 23, waring ang lahat ng mga kaibigan ko ay nagsipag-asawa na, at ako na lamang ang naiwang mag-isa.” * Maaaring sumidhi ang damdamin ng pag-iisa sa paglipas ng panahon at lalong lumiit ang tsansa na makapag-asawa ang isa. “Hindi ko kailanman binalak na manatiling dalaga, at gusto ko pa ring mag-asawa kung may pagkakataon,” inamin ni Sandra, na ngayon ay lampas na sa edad na 45. Ganito ang sabi ni Angela, na mahigit nang 50 anyos: “Hindi ako determinadong manatiling dalaga, subalit ganiyan ang kalagayan ko ngayon. Kakaunti ang mga binata sa lugar na iniatas sa akin bilang isang special pioneer.”

Kapuri-puri, pinili ng maraming babaing Kristiyano na hindi mag-asawa sapagkat matapat nilang sinusunod ang payo ni Jehova na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Ang ilan ay nasanay na sa pagiging walang asawa, subalit nasusumpungan naman ng iba na ang pagnanais na mag-asawa at magkaanak ay tumitindi sa paglipas ng mga taon. “Lagi kong nadarama na may kulang sa akin dahil sa wala akong asawa,” ang pagtatapat ni Sandra.

Maaaring palubhain ng iba pang salik ang kalungkutan, gaya ng pag-aasikaso sa matanda nang mga magulang. “Yamang wala akong asawa, inaasahan ng pamilya na ako ang mag-aalaga sa aming matanda nang mga magulang,” ang sabi ni Sandra. “Binalikat ko sa loob ng 20 taon ang malaking bahagi ng pananagutang ito, kahit na isa ako sa anim na magkakapatid. Mas madali sana ang buhay kung may kasama akong asawa na susuporta sa akin.”

Binanggit ni Frances ang isa pang salik na nakadaragdag sa kaniyang kalungkutan. Sabi niya: “Kung minsan ay tuwiran akong tinatanong ng mga tao, ‘Bakit hindi ka pa nag-aasawa?’ Ipinadarama sa akin ng gayong komento na sa paano man, ako ang may diperensiya kung bakit wala akong asawa. Sa lahat halos ng kasalang dinadaluhan ko, may nagtatanong sa akin ng kinatatakutang tanong, ‘Kailan ka naman mag-aasawa?’ At nagsisimula akong mag-isip, ‘Kung hindi interesado sa akin ang mga kapatid na lalaki na palaisip sa espirituwal, marahil ay wala ako ng kinakailangang mga katangiang Kristiyano o marahil ay hindi lamang ako kaakit-akit.’ ”

Paano mapagtatagumpayan ang mga damdamin ng pangungulila at kalungkutan? Ano, kung mayroon man, ang maitutulong ng iba?

Manalig kay Jehova

Umawit ang salmista: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Ang salitang “pasanin” sa tekstong Hebreo ay literal na nangangahulugang “bahagi,” at tumutukoy ito sa mga pagkabahala at mga kabalisahan na maaari nating maranasan dahil sa ating kalagayan sa buhay. Higit na nababatid ni Jehova ang mga pasaning ito kaysa sa kaninuman at mabibigyan niya tayo ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga ito. Ang pananalig sa Diyos na Jehova ang tumulong kay Angela na maharap ang kalungkutan. Sa pagtukoy sa kaniyang buong-panahong ministeryo, nagugunita niya: “Nang magsimula akong magpayunir, kami ng kapareha ko ay nakatira nang malayo mula sa pinakamalapit na kongregasyon. Natuto kaming lubusang magtiwala kay Jehova, at ang pagtitiwalang ito ang nakatulong sa akin sa buong buhay ko. Kapag nagkakaroon ako ng negatibong mga kaisipan, kinakausap ko si Jehova at tinutulungan niya ako. Laging malaking kaaliwan sa akin ang Awit 23, at madalas ko itong basahin.”

Si apostol Pablo ay may kapansin-pansing pasanin na dapat dalhin. Sa di-kukulanging tatlong pagkakataon, ‘namanhik siya sa Panginoon na maalis sa kaniya ang kaniyang tinik sa laman.’ Si Pablo ay hindi makahimalang tinulungan, subalit tumanggap siya ng pangako na palalakasin siya ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (2 Corinto 12:7-9) Natuklasan din ni Pablo ang lihim ng pagiging nasisiyahan. Nang maglaon ay sumulat siya: “Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan. Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:12, 13.

Paano matatamo ng isa ang lakas ng Diyos kapag siya ay nasisiraan ng loob o nalulungkot? Sumulat si Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ikinapit ni Sandra ang payong ito. Sabi niya: “Palibhasa’y walang asawa, maraming panahon na ako ay nag-iisa. Nagbibigay ito sa akin ng maraming pagkakataon na manalangin kay Jehova. Nadarama kong napakalapit ko sa kaniya at malaya ko siyang nakakausap tungkol sa aking mga problema at mga kagalakan.” At sabi ni Frances: “Ang pakikipaglaban sa negatibong mga kaisipan sa ganang sarili ay isang patuloy na pakikipagpunyagi. Subalit malaki ang naitutulong ng pagtatapat ko ng aking mga niloloob kay Jehova. Kumbinsido ako na interesado si Jehova sa anumang bagay na maaaring makaapekto sa aking espirituwal at emosyonal na kapakanan.”​—1 Timoteo 5:5.

“Patuloy Ninyong Dalhin ang mga Pasanin ng Isa’t Isa”

Sa loob ng kapatirang Kristiyano, ang mga pasanin ay hindi kailangang dalhin nang mag-isa. “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang kautusan ng Kristo,” ang payo ni apostol Pablo. (Galacia 6:2) Sa pamamagitan ng pakikisama natin sa mga kapuwa Kristiyano, makakakuha tayo ng “mabuting salita” ng pampatibay-loob na makapagpapagaan sa pinapasan nating kalungkutan.​—Kawikaan 12:25.

Isaalang-alang din ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa anak na babae ni Hukom Jepte ng Israel. Bago ang kaniyang tagumpay sa mga kaaway na puwersa ng Ammon, nanata si Jepte na ibibigay niya kay Jehova ang unang lalabas mula sa kaniyang sambahayan upang bumati sa kaniya. Ang lumabas ay ang kaniyang anak na babae. (Hukom 11:30, 31, 34-36) Bagaman ito ay nangangahulugan na siya ay mananatiling walang asawa at tatalikdan ang normal niyang hangarin na magkapamilya, kusang nagpasakop sa panatang ito ang anak na babae ni Jepte at naglingkod sa santuwaryo sa Shilo sa buong buhay niya. Ipinagwalang-bahala ba ang kaniyang sakripisyo? Sa kabaligtaran: “Taun-taon ay yumayaon ang mga anak na babae ng Israel upang magbigay ng papuri sa anak ni Jepte na Gileadita, apat na araw sa isang taon.” (Hukom 11:40) Oo, napatitibay-loob ng komendasyon yaong mga tumatanggap nito. Kaya huwag nating kaligtaan na papurihan yaong mga karapat-dapat.

Makabubuting isaalang-alang din natin ang halimbawa ni Jesus. Bagaman hindi kaugalian ng mga Judio na makipag-usap ang mga lalaki sa mga babae, si Jesus ay gumugol ng panahon na kasama nina Maria at Marta. Malamang, mga biyuda sila o mga babaing walang asawa. Ibig ni Jesus na ang dalawang ito ay magtamasa ng espirituwal na mga pakinabang sa kaniyang pakikipagkaibigan. (Lucas 10:38-42) Matutularan natin ang halimbawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagsasama sa ating espirituwal na mga kapatid na babae na walang asawa sa sosyal na mga okasyon at sa pagsasaayos na gumawang kasama nila sa gawaing pangangaral. (Roma 12:13) Pinahahalagahan ba nila ang gayong atensiyon? Isang kapatid na babae ang nagsabi: “Alam kong minamahal at pinahahalagahan ako ng mga kapatid, subalit nagpapasalamat ako kapag nagpapakita sila ng higit na personal na interes sa akin.”

“Yamang wala kaming sariling pamilya,” paliwanag ni Sandra, “lalo kaming nakadarama ng higit na pangangailangan na pakamahalin, maging bahagi ng pamilya ng espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae.” Maliwanag, si Jehova ay nagmamalasakit sa kanila, at nakikipagtulungan tayo sa kaniya kung ipinadarama natin na sila ay ating pinahahalagahan at minamahal. (1 Pedro 5:6, 7) Mapapansin ang gayong pagmamalasakit, sapagkat “siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya [ng Diyos na Jehova] sa kaniya.”​—Kawikaan 19:17.

“Ang Bawat Isa ay Magdadala ng Kaniyang Sariling Pasan”

Bagaman maaaring tumulong ang iba, at ang kanilang suporta ay maaaring maging nakapagpapatibay-loob, “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Gayunman, sa pagdadala ng pasan ng kalungkutan, kailangang mag-ingat tayo sa ilang panganib. Halimbawa, maaari tayong madaig ng kalungkutan kung ibubukod natin ang ating sarili. Sa kabilang dako naman, mapagtatagumpayan natin ang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-ibig. (1 Corinto 13:7, 8) Ang pagbibigay at pagbabahagi ang pinakamainam na paraan upang masumpungan ang kaligayahan​—anuman ang ating kalagayan. (Gawa 20:35) “Wala akong masyadong panahon upang maging malungkot,” ang sabi ng isang masipag na kapatid na babaing payunir. “Kapag ako ay nakatutulong at abala, hindi ako nakadarama ng lungkot.”

Dapat din tayong mag-ingat na huwag tayong gipitin ng kalungkutan na pumasok sa isang di-matalinong pakikipagkasintahan. Halimbawa, kaylungkot kung hahayaan natin na ang pagnanais na makapag-asawa ay maging dahilan upang hindi natin makita ang maraming problemang nagmumula sa pag-aasawa ng hindi kapananampalataya at maging bulag tayo lalo na sa payo ng Kasulatan na iwasan ang gayong pakikipamatok! (2 Corinto 6:14) Isang diborsiyadang babaing Kristiyano ang nagsabi: “Mayroon pang mas masahol sa pagiging walang asawa. Ito ay ang mapangasawa mo ang maling tao.”

Ang isang problemang hindi malutas ay kailangang batahin nang kahit pansamantala. Sa tulong ng Diyos, mababata ang kalungkutan. Habang patuloy tayong naglilingkod kay Jehova, magtiwala nawa tayo na balang araw ang lahat ng ating mga pangangailangan ay sasapatan sa pinakamabuting paraan.​—Awit 145:16.

[Talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan ng mga babaing sinipi.

[Mga larawan sa pahina 28]

Mapagtatagumpayan ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagbibigay at pagbabahagi