Mga Kapansanan Lubhang Laganap
Mga Kapansanan Lubhang Laganap
SI Christian, na nakatira sa isang lupain sa Aprika, ay dinukot ng mga sundalo at sinikap na piliting sumama sa hukbo, subalit tumanggi siyang gawin iyon dahil sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Pagkatapos ay dinala siya ng mga sundalo sa isang kampong militar kung saan, pagkatapos siyang gulpihin ng apat na araw, ay binaril siya sa binti ng isang sundalo. Nakarating naman si Christian sa ospital, subalit kinailangang putulin ang kaniyang binti hanggang sa tuhod. Sa isa pang lupain sa Aprika, maging ang maliliit na bata ay pinutulan ng mga binti’t braso ng mga armadong rebelde. At mula Cambodia hanggang Balkans, mula Afghanistan hanggang Angola, ang mga bata at matatanda ay patuloy pa ring napuputulan ng iba’t ibang bahagi ng katawan at nasasalanta ng mga nakatanim na bomba nang walang patumangga.
Nagiging sanhi rin ng kapansanan ang mga aksidente at sakit, gaya ng diyabetis. Maging ang mga bagay na nakalalason sa kapaligiran ay maaaring magdulot ng kapansanan. Bilang halimbawa, sa kalapit na mga rehiyon ng isang lunsod sa Silangang Europa, maraming bata ang ipinanganak na iisa ang braso. Mayroon lamang silang nakausling buto sa ibaba ng siko. Ipinakikita ng mga katibayan na ito ay henetikong pinsala na dulot ng kemikal na polusyon. Di-mabilang na mga tao ang mayroon namang mga binti’t braso subalit may mga kapansanan dahil sa paralisis o iba pang karamdaman. Oo, talagang lubhang laganap ang mga kapansanan.
Anuman ang sanhi ng mga ito, ang mga kapansanan ay maaaring makapanlumo. Naputol ang kaliwang binti ni Junior sa edad na 20. Nang maglaon ay sinabi niya: “Dumanas ako ng maraming emosyonal na suliranin. Labis kong iniyakan ang katotohanang hindi ko na maibabalik pang muli ang aking binti. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Nagulumihanan ako.” Gayunman, sa kalaunan, malaki ang ipinagbago ng saloobin ni Junior. Nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya at natuto ng mga bagay na hindi lamang tumulong sa kaniya upang mapagtagumpayan ang kaniyang kalagayan kundi nagbigay rin sa kaniya ng kamangha-manghang pag-asa ukol sa maligayang kinabukasan dito mismo sa lupa. Kung ikaw ay may kapansanan, nais mo bang magkaroon din ng gayong pag-asa?
Kung gayon, pakisuyong basahin mo ang susunod na artikulo. Iminumungkahi namin na tingnan mo ang mga reperensiya sa Kasulatan sa iyong sariling Bibliya upang makita mo mismo kung ano ang gagawin ng Maylalang sa hinaharap para sa mga natututo hinggil sa kaniyang layunin at nag-aayon ng kanilang buhay rito.