Isang Aral Mula sa Kasaysayan ng Roma
Isang Aral Mula sa Kasaysayan ng Roma
“KUNG, tulad ng mga tao, ako ay nakipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso.” Inakala ng ilan na ang mga salitang iyon na nakaulat sa 1 Corinto 15:32 ay nangangahulugan na si apostol Pablo ay sinentensiyahang makipaglaban sa isang arena sa Roma. Nakipaglaban man siya o hindi, ang mga labanan sa arena hanggang mamatay ay karaniwan na noong panahong iyon. Ano ang sinasabi sa atin ng kasaysayan tungkol sa arena at sa mga pangyayaring nagaganap doon?
Bilang mga Kristiyano, hangarin natin na hubugin ang ating budhi ayon sa pag-iisip ni Jehova, na makatutulong sa atin upang magdesisyon tungkol sa makabagong mga libangan. Halimbawa, isaalang-alang ang pag-iisip ng Diyos tungkol sa karahasan, na maaaninag sa mga salitang: “Huwag kang mainggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad.” (Kawikaan 3:31) Taglay ng sinaunang mga Kristiyano ang payong ito upang pumatnubay sa kanila samantalang pinananabikan naman ng marami sa palibot nila ang Romanong paligsahan ng mga gladyador. Sa pagsasaalang-alang sa mga pangyayaring nagaganap sa gayong mga palaro, tingnan natin kung anong aral ang maliwanag sa mga Kristiyano sa ngayon.
Dalawang armadong gladyador ang nagharap sa isang arena sa Roma. Sa unang tagâ pa lamang ng tabak sa kalasag, nagsigawan na agad ang di-magkamayaw na mga tagapanood para sulsulan ang kanilang paborito. Isa itong labanan ng mga desperado. Di-nagtagal, palibhasa’y sugatan at hindi na makalaban, inihagis na ng isa ang kaniyang sandata at lumuhod, bilang pagtanggap sa kaniyang pagkatalo at pakikiusap na kaawaan sana siya. Lalong lumakas ang sigawan. Ang ilang tagapanood ay sumisigaw para sa kaawaan, ang iba naman ay para sa kaniyang kamatayan. Ang lahat ay nakatingin sa emperador. Batay sa kagustuhan ng nakararami, maaari niyang palayain ang talunang mandirigma o isenyas ang kamatayan nito sa pamamagitan ng pagtuturo ng hinlalaki ng kaniyang kamay sa ibaba.
Napakahilig ng mga Romano sa panonood ng mga gladyador na naglalaban. Marahil ay magugulat kang malaman na sa simula, ang gayong labanan ay idinaraos sa mga libing ng importanteng mga tao. Ayon sa paniniwala, ang mga paligsahang ito ay nagmula sa paghahain ng tao na ginagawa noon ng mga Oscan o Samnite na nasa tinatawag ngayong sentral Italya. Ang mga paghahain ay upang payapain ang espiritu ng mga patay. Ang gayong labanan ay tinawag na munus, o “regalo” (sa pangmaramihan, munera). Ang unang nakaulat na laro sa Roma ay ginanap noong 264 B.C.E., nang tatlong pares na gladyador ang naglaban sa pamilihan ng mga toro. Sa libing ni Marcus Aemilius Lepidus, 22 duwelo ang naganap. Sa libing naman ni Publius Licinius, 60 pares ang naglaban. Noong 65 B.C.E., nagpadala si Julius Caesar ng 320 pares sa arena.
“Ang libing ng mahaharlikang tao ay isang paraan ng pamumulitika,” ang sabi ng istoryador na si Keith Hopkins, “at ang mga larong ginaganap sa libing ay may bahid ng pulitika . . . dahil sa pagiging popular ng mga ito sa mga botante. Sa katunayan, ang malaking bahagi ng patuloy na pagsikat ng mga palabas ng mga gladyador ay dahil sa pulitikal na paglalabanan ng mahaharlikang ambisyoso.” Nang mamuno si Augustus (27 B.C.E. hanggang 14 C.E.), ang munera ay naging napakaluhong panregalo—para sa kaaliwan ng masa—na ibinibigay ng mayayamang opisyal ng estado upang pabanguhin ang kanilang pangalan sa pulitika.
Mga Kalahok at Pagsasanay
Maitatanong mo marahil, ‘Sino ba ang mga gladyador?’ Buweno, sila ay posibleng mga alipin, kriminal na hinatulan ng kamatayan, bilanggo ng digmaan, o mga taong laya na nahikayat sa katuwaan o pag-asang maging sikat at mayaman. Lahat ay sinanay sa tulad-bilangguang mga paaralan. Iniulat ng aklat na Giochi e spettacoli (Mga Palaro at Panoorin) na ang mga nagsasanay na gladyador “ay palaging binabantayan ng mga guwardiya at sumasailalim sa mahigpit na disiplina, sa napakaistriktong mga patakaran, at lalo na sa malulupit na parusa . . . Ang ganitong pagtrato ay madalas na humahantong sa pagpapatiwakal, pag-aalsa, at paghihimagsik.” Ang pinakamalaking paaralan ng mga gladyador sa Roma ay may mga selda para sa di-kukulangin sa isang libong bilanggo. Bawat lalaki ay may espesyalidad. Ang ilan ay nakikipaglaban nang may baluti, kalasag, at tabak, ang iba naman ay may lambat at sibat na may tatlong tulis. Ang iba naman ay sinanay na humarap sa mababangis na hayop sa isa pang sikat na uri ng palabas, ang pangangaso. Ang panooring ito kaya ang mismong tinutukoy ni Pablo?
Ang mga organisador ng palabas ay nakahihingi ng tulong sa mga negosyante na siyang nangangalap at nagsasanay sa mga nasa edad 17 o 18 upang maging mga gladyador. Ang pagbebenta ng tao ay
malaking negosyo. Ang isang natatanging palabas na inihandog ni Trajan upang ipagdiwang ang isang tagumpay ng militar ay nagtanghal ng 10,000 gladyador at 11,000 hayop.Isang Araw sa Arena
Ang mapapanood sa arena kung umaga ay puro pangangaso. Ang lahat ng uri ng mababangis na hayop ay pilit na ipinapasok sa arena. Gustung-gusto ng mga tagapanood ang pares ng toro at oso. Karaniwan nang pinagtatali ang dalawang ito upang maglaban hanggang sa mamatay ang isa sa kanila, pagkatapos ay papatayin naman ng isang mángangasó ang natira. Ang iba pang gusto nilang paglabanin ay ang leon at tigre, o elepante at oso. Ipinakikita ng mga mángangasó ang kanilang kasanayang pumatay ng kakaibang mga hayop na inangkat pa mula sa bawat sulok ng imperyo, gaano man kamahal ang mga ito—mga leopardo, rhinoceros, hippopotamus, giraffe, hyena, kamelyo, lobo, baboy-ramo, at antilope.
Ang pangangaso ay di-malilimot dahil sa senaryo ng tanghalan. Nilagyan ito ng mga bato, maliliit na lawa, at mga punungkahoy upang magmistulang kagubatan. Sa ilang arena, ang mababangis na hayop ay lumilitaw na parang madyik, na inihahatid ng nakatagong mga elebeytor at mga pinto sa sahig. Lalong nakawiwili ang di-inaasahang gagawin ng hayop, subalit sa wari ay lalong nagiging kapana-panabik ang pangangaso kapag kinakitaan ito ng kalupitan.
Ang susunod sa programa ay ang patayan. Pinagsisikapang maitanghal ito sa naiibang paraan. Ang mga drama sa mitolohiya ay itinatanghal sa paraan na doo’y talagang namamatay ang mga artista.
Sa bandang hapon naman, naglalaban-laban ang iba’t ibang grupo ng mga gladyador na may kani-kaniyang armas at sinanay sa iba’t ibang paraan. Ang ilan sa humihila ng mga bangkay ay nakabihis na parang diyos ng mga patay.
Epekto sa mga Tagapanood
Hindi masapatan ang pagkahumaling ng mga tao sa aksiyon, kaya yaong mga nag-aatubiling gladyador ay sinusulsulan sa pamamagitan ng panghagupit at pangherong bakal. Sumisigaw ang mga tao: “Bakit ba napakaduwag niyang humarap sa tabak? Bakit ba napakahina niyang tumagâ? Bakit ba hindi pa siya mamatay-matay? Hagupitin siya para lumaban pa! Hayaan silang matagâ, hubad at lantad ang dibdib sa tama ng tabak!” Isinulat ng Romanong estadista na si Seneca na sa isang intermisyon ay may ipinatalastas: “Magkakaroon ng ilang gilitan ng leeg pansamantala, para may mapanood pa rin!”
Hindi nga kataka-takang aminin ni Seneca na umuwi siyang “mas malupit at mas makahayop.” Ang tuwirang pag-amin ng tagapanood na iyan ay nararapat nating pag-isipang mabuti. Maaari rin kayang maapektuhan ang mga tagapanood sa ilang isport sa ngayon, anupat nagiging “mas malupit at mas makahayop”?
Maaaring iniisip ng ilan na mabuti na lamang at sila’y nakauwi pa. Nang magbiro ang isang tagapanood tungkol kay Domitian, ipinakaladkad siya ng emperador na iyon mula sa kaniyang upuan at ipinahagis sa mga aso. Dahil sa kulang ang mga kriminal
na papatayin, iniutos ni Caligula na pagsusunggaban ang isang seksiyon ng mga tagapanood at ipaghahagis sa mga hayop. At nang hindi gumana ang makinarya sa entablado ayon sa gusto niya, iniutos ni Claudio na makipaglaban sa arena ang mekaniko nito.Ang pagkapanatiko ng mga tagapanood ay humantong din sa mga kasakunaan at mga kaguluhan. Isang ampiteatro sa may gawing hilaga ng Roma ang gumuho, at iniulat na libu-libo ang namatay. Sumiklab ang kaguluhan sa isang palabas sa Pompeii noong 59 C.E. Iniulat ni Tacitus na ang banggaan sa pagitan ng mga tagapanood sa lugar ng palaro at ng mga kalaban mula sa karatig na bayan ay nagsimula sa kantiyawan, sinundan ng batuhan, at natapos sa tagaan. May ilang naputulan ng mga bahagi ng katawan o nasugatan, at marami ang napatay.
Isang Maliwanag na Aral
Isang kamakailang pagtatanghal (Sangue e arena, “Dugo at Buhangin”) sa Colosseum sa Roma ang nagpapahiwatig ng modernong katumbas ng munera. Kapansin-pansin, nagpalabas ito ng mga kuha sa video na huwego-de-toro, propesyonal na boksing, malalagim na banggaan sa karera ng kotse at motorsiklo, di-masawatang awayan ng mga kalahok sa mga palaro, at magulong awayan ng mga tagapanood. Natapos ang palabas sa pamamagitan ng kuha sa Colossuem mula sa itaas. Ano kaya sa palagay mo ang sasabihin ng mga panauhin? Ilan kaya ang matututo sa aral?
Ang labanan ng mga aso, sabong, huwego-de-toro, at mararahas na isport ay karaniwan na lamang sa ilang lupain sa ngayon. Isinasapanganib ang mga buhay upang panabikin nang husto ang napakaraming tagapanood ng mga karera ng kotse at motorsiklo. At isip-isipin na lamang ang ipinalalabas sa telebisyon araw-araw. Ipinakita ng mga pag-aaral sa isang kanluraning lupain na ang isang bata na katamtamang manood ng TV ay maaaring makapanood ng 10,000 pagpatay, at 100,000 pananalakay pagsapit niya sa edad na sampu.
Ang kaluguran sa mga palabas na ito ay “hindi kasuwato ng tunay na relihiyon at ng tunay na pagsunod sa tunay na Diyos,” ang sabi ng ikatlong-siglong manunulat na si Tertullian. Para sa kaniya, ang mga nanonood nito ay mga kasabuwat ng mga aktuwal na pumapatay. Kumusta naman sa ngayon? Maaaring itanong ng isa, ‘Natutuwa ba akong makapanood ng dugo, patayan, o karahasan sa telebisyon o sa Internet?’ Mahalagang tandaan ang sinasabi sa Awit 11:5: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”
[Kahon sa pahina 28]
Mga Labanan Upang “Payapain ang mga Patay”
Tungkol sa pinagmulan ng paglalaban ng mga gladyador, ang ikatlong-siglong manunulat na si Tertullian ay nagsabi: “Inakala ng mga tao noong sinaunang panahon na ang ganitong uri ng palabas na inihahandog nila ay isang paglilingkod sa mga patay, matapos na baguhin nila ito sa pagiging mas sibilisadong uri ng kalupitan. Noong sinaunang panahon, sa paniniwalang napahihinuhod ng dugo ng tao ang kaluluwa ng mga patay, inihahain nila sa mga libing ang mga bilanggo o mabababang uri ng alipin na kanilang binili. Pagkatapos waring makabubuti na pagtakpan ang kanilang kalapastanganan sa pamamagitan ng paggawa nito na isang bagay na kasiya-siya. Kaya matapos sanayin ang nakuhang mga tao sa paggamit ng mga sandatang taglay nila noon at sa abot ng kanilang makakaya—sinasanay sila upang matutong patayin!—pagkatapos ay ipinapapatay sila sa itinakdang araw ng paglilibing. Kaya naman nakasusumpong sila ng kaaliwan sa kamatayan sa pamamagitan ng pagpaslang. Dito nagmula ang munus. Subalit nang maglaon ay naging magkapantay na ang pagpapasulong na ito at ang kalupitan; sapagkat hindi nagiging kumpleto ang kaluguran sa araw ng pagsasaya malibang lurayin din ng mababangis na hayop ang katawan ng mga lalaking ito. Ang inihandog upang payapain ang mga patay ay itinuring na isang seremonya sa libing.”
[Larawan sa pahina 27]
Sinaunang helmet at proteksiyon sa lulod ng gladyador
[Mga larawan sa pahina 29]
Ang mararahas na libangan ay hindi katanggap-tanggap para sa sinaunang mga Kristiyano. Gayundin ba ang nadarama mo?
[Credit Lines]
Boksing: Dave Kingdon/Index Stock Photography; pagbangga ng kotse: AP Photo/Martin Seppala
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Phoenix Art Museum, Arizona/Bridgeman Art Library