Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kung nagpatiwakal ang isa, maaari bang magbigay ng pahayag sa libing ang isang Kristiyanong ministro?
Ang bawat Kristiyanong ministro ay kailangang magpasiya sa kaniyang ganang sarili kung siya, taglay ang mabuting budhi, ay maaaring magbigay ng pahayag sa libing para sa isa na waring nagpatiwakal. Kapag nagpapasiya, dapat niyang isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong: Paano ba minamalas ni Jehova ang pagpapatiwakal? Talaga bang ang sanhi ng kamatayan ay pagpaslang sa sarili? Ang sakit ba sa isip o emosyon ang pumukaw ng pagpapatiwakal? Paano ba minamalas ng lokal na komunidad ang pagpapatiwakal?
Bilang mga Kristiyano, interesado tayo sa kung paano minamalas ni Jehova ang pagpapatiwakal. Para kay Jehova, ang buhay ng tao ay mahalaga at sagrado. (Genesis 9:5; Awit 36:9) Ang pagpapakamatay ay pagpaslang sa sarili, at samakatuwid ay di-nakalulugod sa paningin ng Diyos. (Exodo 20:13; 1 Juan 3:15) Dahil ba sa katotohanang iyan kung kaya’t hindi maaaring magbigay ng pahayag sa libing para sa isang biktima ng pagpapatiwakal?
Isaalang-alang ang kaso ni Haring Saul ng Israel. Nang matanto niya na hindi siya makaliligtas sa kaniyang huling pakikipaglaban sa mga Filisteo, sa halip na hayaang pahirapan siya ng kaniyang kaaway, “kinuha ni Saul ang tabak at nagpatibuwal doon.” Nang masumpungan ng mga Filisteo ang kaniyang bangkay, itinali nila ito sa pader ng lunsod ng Bet-san. Nang malaman nila ang ginawa ng mga Filisteo, kinuha ng mga tumatahan sa Jabes-gilead ang bangkay at sinunog ito. Pagkatapos ay kinuha nila ang mga buto at inilibing ang mga ito. Nag-ayuno pa nga sila sa loob ng pitong araw, isang tradisyonal na ritwal ng pagdadalamhati sa mga Israelita. (1 Samuel 31:4, 8-13; Genesis 50:10) Nang matuklasan ni David, ang pinahiran ni Jehova, ang ginawa ng mga tumatahan sa Jabes-gilead, sinabi niya: “Pagpalain nawa kayo ni Jehova, sapagkat ipinakita ninyo ang maibiging-kabaitang ito sa inyong panginoon, kay Saul, anupat inilibing ninyo siya. At ngayon ay pagpakitaan nawa kayo ni Jehova ng maibiging-kabaitan at pagiging mapagkakatiwalaan.” (2 Samuel 2:5, 6) Hindi ipinahihiwatig ng Bibliya na hinatulan ang mga tumatahan sa Jabes-gilead dahil sa pagsasagawa ng masasabing isang ritwal sa libing para kay Haring Saul. Ihambing iyan sa kaso ng mga pinagkaitan ng libing dahil sa kanilang paggawa ng masama. (Jeremias 25:32, 33) Maaaring isaalang-alang ng isang Kristiyanong ministro ang ulat hinggil kay Saul sa pagpapasiya kung maaari siyang magbigay ng isang pahayag sa libing para sa isang biktima ng pagpapatiwakal.
Maaaring naisin din ng ministro na isaalang-alang ang layunin ng pahayag sa libing. Di-tulad ng mga tao na naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa, hindi isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang mga libing taglay ang maling ideya na ipahayag na ang namatay ay nagtungo sa ibang daigdig. Sa halip na sa kapakinabangan ng namatay, ang pangunahing layunin ng pagkakaroon ng isang pahayag sa libing ay upang aliwin ang mga namatayan at patotohanan ang mga nagsidalo hinggil sa kalagayan ng patay. (Eclesiastes 9:5, 10; 2 Corinto 1:3-5) Ang isa pang mahalagang dahilan ng pahayag sa libing ay upang tulungan ang lahat ng nagsidalo na pag-isipan ang kaiklian ng buhay. (Eclesiastes 7:2) Matutugunan ba ang mga layuning ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pahayag sa libing para sa biktima ng pagpapatiwakal?
Totoo, maaaring madama ng ilan na talagang nagpakamatay ang tao, anupat lubusan niyang nababatid na siya ay nagkakasala laban kay Jehova. Ngunit palagi bang posible na mapatunayan ang gayong kaisipan? Hindi kaya ang gawang iyon ay bugso lamang ng damdamin? Ang ilan na nagtangkang magpatiwakal ay nagsisisi at hindi na itinutuloy ito. Hindi na maaaring magsisi ang isang tao pagkamatay niya dahil sa kaniyang ginawa.
Ang isa pang mahalagang salik ay ang mga sakit sa isip at emosyon na nasasangkot sa maraming pagpapatiwakal. Ang mga ito ay talagang matatawag na mga biktima ng pagpapatiwakal. Ayon sa ilang estadistika,
90 porsiyento ng mga nagpapatiwakal ay may isang uri ng suliranin sa isip, emosyon, o pagkasugapa sa isang bagay. Patatawarin kaya ni Jehova ang pagpaslang sa sarili na isinagawa ng mga tao na may gayong kalagayan ng isip? Wala tayo sa kalagayan na humatol kung ang namatay ay nakagawa ng isang di-mapapatawad na kasalanan sa paningin ni Jehova. Maaaring isaalang-alang ng Kristiyanong ministro ang mga kalagayan at kalusugan sa isip ng namatay kapag pinag-iisipan niya kung nararapat na magbigay ng pahayag sa libing para sa biktima ng pagpapatiwakal.May isa pang aspekto na dapat isaalang-alang: Paano minamalas ng mga tao sa komunidad ang pagpapatiwakal at kamatayan ng taong iyon? Lalo na itong isinasaalang-alang ng matatanda, na interesado sa reputasyon ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Depende sa pangkalahatang saloobin ng lokal na komunidad hinggil sa pagpapatiwakal, at lalo na hinggil sa partikular na kasong nasasangkot, ang mga matatanda ay maaaring magpasiya na hindi hayagang suportahan ang gayong libing o pahintulutan na maganap ang pahayag sa libing sa Kingdom Hall.
Magkagayunman, kung ang isang Kristiyanong ministro ay pakiusapan na mangasiwa sa isang libing, maaari niyang madama na bilang personal na pasiya ay maaari niyang gawin iyon. Kung magpasiya siyang gawin ang gayon, dapat siyang maging maingat upang hindi makapagbitiw ng anumang salitang tumitiyak kung posible ang pagkabuhay-muli. Anumang pag-asa sa hinaharap para sa namatay ay nasa kamay ni Jehova, at walang sinuman ang nasa kalagayan na magsabi kung ang namatay ay bubuhaying muli o hindi. Maaaring magtuon ng pansin ang ministro sa mga katotohanan sa Bibliya hinggil sa kamatayan at magbigay ng kaaliwan para sa mga namatayan.