Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Relihiyosong Imahen—Ang Sinaunang Pinagmulan ng mga Ito

Mga Relihiyosong Imahen—Ang Sinaunang Pinagmulan ng mga Ito

Mga Relihiyosong Imahen​—Ang Sinaunang Pinagmulan ng mga Ito

“Ang mga imahen ay isang paraan upang sumaatin ang kabutihan at kabanalan ng Diyos at ng Kaniyang mga Santo.”​—ARTSIDIYOSESIS NG GRIEGO ORTODOKSO SA AUSTRALIA

SA NAPAKAINIT na araw na ito ng Agosto, matinding tumatama ang sikat ng araw sa sementadong hagdanan na patungo sa monasteryo ng “Kabanal-banalang Ina ng Diyos,” sa isla ng Tínos, sa Dagat Aegeano. Hindi napahihina ng nakapapasong init ang determinasyon ng mahigit na 25,000 debotong peregrino na Griego Ortodokso na mabagal na naglalakad at nagsisikap na maabot ang lubhang napapalamutiang imahen ng ina ni Jesus.

Isang pilay na kabataang babae, na maliwanag na nakadarama ng kirot at may nanlulumong mukha, ang gumagapang sa pamamagitan ng kaniyang labis na nagdurugong mga tuhod. Di-kalayuan mula sa kaniya, isang pagód na matandang babae na naglakbay mula sa kabilang dulo ng bansa ang nagpupunyagi upang patuloy na makalakad sa kabila ng matinding pagkahapo. Isang nananabik na lalaking nasa katanghaliang gulang ang pawis na pawis habang balisang nagsisikap na makaraan sa naggigitgitang pulutong. Ang kanilang tunguhin ay mahalikan ang isang imahen ni Maria at magpatirapa sa harapan nito.

Ang napakarelihiyosong mga taong ito ay walang-alinlangang taimtim sa kanilang hangarin na sambahin ang Diyos. Gayunman, gaano karami ang nakatatanto na ang gayong debosyon sa mga relihiyosong imahen ay nagmula sa mga kaugalian noong maraming siglo bago ng Kristiyanismo?

Ang Pagiging Laganap ng mga Imahen

Sa daigdig ng Ortodokso, ang mga imahen ay nasa lahat ng dako. Sa mga gusali ng simbahan, ang mga imahen nina Jesus, Maria, at ng maraming “santo” ay nasa prominenteng mga lugar. Madalas na pinararangalan ng mga mananampalataya ang mga imahen na ito sa pamamagitan ng mga halik, insenso, at pagtitirik ng mga kandila. Karagdagan pa, halos lahat ng tahanan ng mga Ortodokso ay may sariling sulok na pinaglalagyan ng imahen, kung saan sinasambit ang mga panalangin. Karaniwang sinasabi ng mga Kristiyanong Ortodokso na kapag sinasamba nila ang isang imahen, nadarama nilang malapít sila sa Diyos. Marami ang naniniwala na ang mga imahen ay pinagkalooban ng biyaya ng Diyos at makahimalang mga kapangyarihan.

Malamang na magugulat ang mga mananampalatayang iyon na malaman na hindi sinasang-ayunan ng unang-siglong mga Kristiyano ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Sinasabi ng aklat na Byzantium: “Ang mga sinaunang Kristiyano, yamang namana sa Judaismo ang pagkamuhi sa idolatriya, ay hindi sumasang-ayon sa anumang pagpapakundangan sa mga larawan ng mga banal na persona.” Sinabi ng aklat ding iyon: “Mula noong Ikalimang Siglo patuloy, ang mga imahen o mga larawan . . . ay naging laganap sa pangmadla at pribadong pagsamba.” Kung hindi ito nagmula sa unang-siglong Kristiyanismo, saan nagmula ang paggamit ng relihiyosong mga imahen?

Pagtalunton sa Pinagmulan Nito

Sumulat ang mananaliksik na si Vitalij Ivanovich Petrenko: “Ang paggamit ng mga imahen at ang tradisyon nito ay nagmula pa noong bago ang panahon ng Kristiyano at ito ay may ‘paganong pinagmulan.’” Maraming istoryador ang sumasang-ayon, na sinasabi na ang pinagmulan ng pagsamba sa mga imahen ay masusumpungan sa mga relihiyon ng sinaunang Babilonya, Ehipto, at Gresya. Halimbawa, sa sinaunang Gresya, ang mga relihiyosong imahen ay nasa anyong mga estatuwa. Pinaniniwalaan na ang mga ito ay pinagkalooban ng tulad-diyos na mga kapangyarihan. Inaakala ng mga tao na ang ilan sa mga imaheng ito ay hindi gawa ng mga kamay kundi mga hulog ng langit. Sa mga pantanging kapistahan, ang gayong mga imahen ng kulto ay inililibot sa lunsod sa pamamagitan ng isang prusisyon, at sa mga ito inihahandog ang mga hain. “Ang imahen ng kulto ay itinuturing ng mga deboto bilang isang diyos mismo, bagaman may mga pagtatangka . . . na ipakita ang pagkakaiba ng diyos at ng imahen nito,” ang sabi ni Petrenko.

Paano unti-unting nakapasok ang gayong mga ideya at kaugalian sa Kristiyanismo? Sinabi ng mananaliksik ding iyon na, sa loob ng maraming siglo pagkamatay ng mga apostol ni Kristo, lalo na sa Ehipto, “ang mga ideyang Kristiyano ay napaharap sa ‘paganong kombinasyon’​—na nanggaling sa mga kaugalian at paniniwalang Ehipsiyo, Griego, Judio, Silangan at Romano na isinagawa kasama ng mga paniniwala at kaugaliang Kristiyano.” Bilang resulta, “ipinatupad ng mga artisanong Kristiyano ang paraan [na pinagsanib ang iba’t ibang pananampalataya] at gumamit ng paganong mga sagisag, anupat iniugnay ang mga ito sa Kristiyanismo at binigyan ng bagong kahulugan, bagaman ang mga ito ay hindi lubusang inalisan ng paganong impluwensiya.”

Di-nagtagal, ang mga imahen ay naging sentro ng relihiyosong buhay sa pribado at sa madla. Sa aklat na The Age of Faith, inilarawan ng istoryador na si Will Durant kung paano ito nangyari, sa pagsasabing: “Habang dumarami ang mga santong sinasamba, bumangon ang pangangailangan na makilala at maalaala ang mga ito; maraming larawan ng mga ito at ni Maria ang ginawa; at sa kaso ni Kristo ay hindi lamang ang kaniyang guniguning larawan, kundi pati ang Kaniyang krus ay naging mga bagay na pinagpipitaganan​—kahit na para sa mga simpleng tao, ang mga ito’y mga anting-anting. Dahil likas sa tao ang gumawa ng mga guniguni, ang mga banal na relikya, larawan, at estatuwa ay naging mga bagay na pinagpipitaganan; nagpapatirapa ang mga tao sa harapan ng mga ito, humahalik sa mga ito, nagtitirik ng mga kandila at insenso sa harapan ng mga ito, pinuputungan ang mga ito ng mga bulaklak, at naghahanap ng mga himala mula sa okultong impluwensiya ng mga ito. . . . Paulit-ulit na ipinaliwanag ng mga Ama at konseho ng Simbahan na ang mga imahen ay hindi mga diyos, kundi mga paalaala lamang sa mga diyos; bale-wala para sa mga tao ang gayong pagkakaiba.”

Sa ngayon, sa katulad na paraan, nangangatuwiran ang maraming gumagamit ng mga relihiyosong imahen na ang mga larawan ay mga bagay na iginagalang lamang​—hindi sinasamba. Maaaring angkinin nila na ang mga relihiyosong ipinintang larawan ay lehitimo​—napakahalaga pa nga​—na mga pantulong sa pagsamba sa Diyos. Marahil ay ganiyan din ang iyong nadarama. Ngunit ang tanong ay, Ano ang nadarama ng Diyos hinggil dito? Hindi kaya ang pagpapakundangan sa isang imahen ay sa katunayan katumbas ng pagsamba rito? Ang gayon bang mga kaugalian ay talagang naghaharap ng nakatagong mga panganib?

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Ano ba ang Isang Imahen?

Di-tulad ng mga estatuwa na laganap na ginagamit ng Romano Katoliko sa pagsamba, ang mga imahen ay dalawang-dimensiyong mga larawan ni Kristo, ni Maria, ng mga “santo,” mga anghel, mga tauhan at ng mga pangyayari sa Bibliya, o mga pangyayari sa kasaysayan ng Simbahang Ortodokso. Karaniwang nakapinta ang mga ito sa nabibitbit na mga tabla.

Ayon sa Simbahang Ortodokso, “sa mga Imahen ng mga Santo, ang mga larawan ay hindi mukhang mga larawan ng ordinaryong mga tao.” Gayundin, sa mga imahen ay “malawak ang tingin sa larawan”​—hindi kumikitid ang larawan habang lumalayo ang isa. Karaniwan nang “walang mga anino, o mga pahiwatig kung araw o gabi.” Pinaniniwalaan din na ang kahoy at pintura ng isang imahen ay maaaring “mapuspos ng presensiya ng Diyos.”

[Larawan sa pahina 4]

Ang paggamit ng mga imahen ay matatalunton sa paganong mga kaugalian

[Picture Credit Line sa pahina 3]

© AFP/CORBIS