Nagdudulot ng Saganang Gantimpala ang Paglakad sa mga Landas ni Jehova
Nagdudulot ng Saganang Gantimpala ang Paglakad sa mga Landas ni Jehova
NASUBUKAN mo na bang umakyat sa bundok? Kung oo, malamang na nadama mong para kang nasa taluktok ng daigdig. Tunay ngang kalugud-lugod na lumanghap ng sariwang hangin, tumingin sa malayo at masiyahan sa kagandahan ng kalikasan! Marahil ang mga kabalisahan sa ibaba ay waring hindi na gaanong mahalaga.
Ang gayong pamamasyal ay madalang at bihirang gawin ng maraming tao, ngunit kung ikaw ay isang nakaalay na Kristiyano, maaaring matagal-tagal ka nang naglalakad sa bulubunduking lugar—sa espirituwal na diwa. Gaya ng salmista noon, tiyak na nanalangin ka na ng ganito: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.” (Awit 25:4) Naaalaala mo ba kung ano ang nadama mo nang una kang umakyat sa bundok ng bahay ni Jehova at magsimulang lumakad sa matataas na dako? (Mikas 4:2; Habakuk 3:19) Walang alinlangan na sa sandaling panahon ay natanto mong nagdulot sa iyo ng proteksiyon at kagalakan ang paglakad sa matataas na landas na ito ng dalisay na pagsamba. Nadama mo ang nadama ng salmista: “Maligaya ang bayan na nakaaalam ng mga sigaw ng kagalakan. O Jehova, sa liwanag ng iyong mukha ay patuloy silang lumalakad.”—Awit 89:15.
Subalit kung minsan, ang mga umaakyat sa bulubunduking lugar ay kailangang makipagpunyagi sa mahahaba at matatarik na dalisdis. Nananakit ang kanilang mga binti, at sila ay napapagod. Tayo rin ay makararanas ng hirap sa ating makadiyos na paglilingkod. Kamakailan marahil ay medyo mabibigat na ang ating mga hakbang. Paano kaya natin mapananauli ang ating sigla at kagalakan? Ang unang dapat gawin ay ang kilalanin ang pagiging nakahihigit ng mga daan ni Jehova.
Ang Matataas na Kautusan ni Jehova
Ang mga lakad ni Jehova ay ‘mas mataas kaysa sa mga lakad ng tao,’ at ang kaniyang pagsamba ay ‘matibay na naitatag na mataas pa sa mga bundok at mataas pa sa mga burol.’ (Isaias 55:9; Mikas 4:1) Ang karunungan ni Jehova ay “ang karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) Ang kaniyang mga kautusan ay nakahihigit sa lahat. Halimbawa, noong isinasagawa ng mga Canaanita ang malupit na paghahain ng mga bata, nagbigay si Jehova sa mga Israelita ng matataas na kautusang moral at doo’y kapansin-pansin ang pagiging mahabagin. Sinabi niya sa kanila: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila. . . . Ang naninirahang dayuhan . . . ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili.”—Levitico 19:15, 34.
Pagkalipas ng labinlimang siglo, nagbigay si Jesus ng marami pang halimbawa ng ‘maringal na kautusan’ ni Jehova. (Isaias 42:21) Sa Sermon sa Bundok, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:44, 45) “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila,” ang sabi pa niya. “Ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.”—Mateo 7:12.
Ang matataas na kautusang ito ay may epekto sa puso ng mga taong tumutugon, anupat ginaganyak silang tumulad sa Diyos na kanilang sinasamba. (Efeso 5:1; 1 Tesalonica 2:13) Isaisip ang pagbabagong nangyari kay Pablo. Nang una nating marinig ang tungkol sa kaniya, siya ay “sumasang-ayon sa pagpaslang” kay Esteban at nakikitungo “sa kongregasyon nang may kalupitan.” Pagkalipas lamang ng ilang taon, may kabaitan na siyang nakikitungo sa mga Kristiyano sa Tesalonica gaya ng “isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak.” Si Pablo ay binago ng turo ng Diyos mula sa pagiging mang-uusig tungo sa pagiging mapagmalasakit na Kristiyano. (Gawa 8:1, 3; 1 Tesalonica 2:7) Tiyak na nagpapasalamat siya na hinubog ng turo ni Kristo ang kaniyang personalidad. (1 Timoteo 1:12, 13) Paano makatutulong sa atin ang gayunding pagpapahalaga upang manatiling lumalakad sa matataas na landas ng Diyos?
Paglakad Nang May Pagpapahalaga
Ang mga umaakyat sa bundok ay natutuwa sa kagila-gilalas na mga tanawin na nakikita mula sa matataas na lugar. Natututuhan din nilang masiyahan sa maliliit na bagay na nasa tabi ng daan, gaya ng isang pambihirang bato, magandang bulaklak, o namataan na isang mailap na hayop. Sa espirituwal na paraan, kailangan tayong maging alisto sa mga gantimpala—malalaki at maliliit—na dumarating dahil sa paglakad na kasama ng Diyos. Ang kabatirang ito ay makapagpapasigla sa ating paghakbang at makapagpapagaan sa mabibigat na paa sa paglalakad. Sasang-ayon tayo sa mga salita ni David: “Sa umaga ay iparinig mo sa akin ang iyong maibiging-kabaitan, sapagkat sa iyo ako naglalagak ng aking tiwala. Ipaalam mo sa akin ang daan na dapat kong lakaran.”—Awit 143:8.
Si Mary, na maraming taon nang lumalakad sa mga landas ni Jehova, ay nagsabi: “Kapag minamasdan ko ang lalang ni Jehova, nakikita ko hindi lamang ang masalimuot na disenyo kundi ang maibiging personalidad ng Diyos. Ito man ay hayop, ibon, o insekto, bawat isa ay may kani-kaniyang mga katangian, punô ng kaakit-akit na mga bagay. Ang gayunding kasiyahan ay nagmumula sa espirituwal na mga katotohanan na lalong nagiging malinaw sa paglipas ng mga taon.”
Paano natin mapalalalim ang ating pagpapahalaga? Sa isang bahagi, sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa ginagawa ni Jehova para sa atin. “Manalangin kayo nang walang lubay,” ang isinulat ni Pablo. “May kaugnayan sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo.”—1 Tesalonica 5:17, 18; Awit 119:62.
Ang personal na pag-aaral ay nakatutulong sa paglinang ng mapagpahalagang saloobin. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyanong taga-Colosas: “Patuloy na lumakad na kaisa [ni Kristo Jesus], . . . na nag-uumapaw sa pasasalamat taglay ang pananampalataya.” (Colosas 2:6, 7) Ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa ating nababasa ay nagpapatibay ng ating pananampalataya at lalong naglalapit sa atin sa Awtor ng Bibliya. Ang lahat ng pahina nito ay nagtataglay ng mga kayamanan na makapag-uudyok sa atin na ‘mag-umapaw sa pasasalamat.’
Ang paglilingkod kay Jehova kasama ng ating mga kapatid ay nagpapadali rin sa paglakad sa daan. Sinabi ng salmista tungkol sa kaniyang sarili: “Kasamahan ako ng lahat ng natatakot sa iyo.” (Awit 119:63) Ang ilan sa maliligayang sandali natin ay ginugugol sa mga asambleang Kristiyano o sa ibang mga okasyon na doo’y kasama ang ating mga kapatid. Kinikilala natin na umiiral ang ating mahalagang pambuong-daigdig na pamilyang Kristiyano dahil kay Jehova at sa kaniyang matataas na daan.—Awit 144:15b.
Bukod sa pagpapahalaga, ang pagiging responsable ay magpapatibay sa atin na patuloy na sumulong sa matataas na landas ni Jehova.
Responsableng Paglakad
Kinikilala ng mga responsableng umaakyat sa bundok na kailangang lumakad nang maingat upang maiwasang maligaw o mapadpad nang napakalapit sa matatarik na bangin. Bilang mga taong may kalayaang magpasiya, pinahihintulutan tayo ni Jehova na magkaroon ng makatuwirang antas ng kalayaan at pagkukusa. Subalit kahilingan sa gayong kalayaan ang pagiging responsable habang tinutupad natin ang ating mga pananagutang Kristiyano.
Halimbawa, nagtitiwala si Jehova sa kaniyang mga lingkod na tutuparin nila ang kanilang mga pananagutan sa responsableng paraan. Hindi niya sinasabi kung gaano karaming lakas at panahon ang dapat nating gugulin sa mga gawaing Kristiyano o kung gaano karami ang dapat nating iabuloy sa pinansiyal o iba pang paraan. Sa halip, ang mga salita ni Pablo sa mga taga-Corinto ay kumakapit sa ating lahat: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso.”—2 Corinto 9:7; Hebreo 13:15, 16.
Kasali sa responsableng pagbibigay ng Kristiyano ang pagpapaabot ng mabuting balita sa iba. Ipinakikita rin natin na responsable tayo sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa pambuong-daigdig na gawaing pang-Kaharian. Ipinaliwanag ni Gerhardt, isang matanda, na nilakihan nilang mag-asawa ang kanilang mga abuloy matapos madalaw ang isang asamblea sa Silangang Europa. “Nakita namin na ang ating mga kapatid doon ay mahihirap; gayunman ay labis nilang pinahahalagahan ang ating literatura sa Bibliya,” ang sabi niya, “kaya ipinasiya namin na ibigay ang pinakamalaking suporta na maibibigay namin sa ating mahihirap na kapatid sa ibang lupain.”
Pagpapaibayo ng Ating Pagtitiyaga
Ang paglalakad sa matataas na lugar ay nangangailangan ng lakas. Ang mga umaakyat sa bundok ay nag-eehersisyo kailanma’t magagawa nila, at marami ang naglalakad-lakad upang ihanda ang kanilang sarili sa mahahabang pag-akyat. Gayundin naman, inirekomenda ni Pablo na manatili tayong abala sa teokratikong mga gawain upang mapanatili ang ating espirituwal na kalusugan. Yaong mga nagnanais na “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova” at ‘maging malakas,’ ang sabi ni Pablo, ay dapat na ‘patuloy na namumunga sa bawat mabuting gawa.’—Colosas 1:10, 11.
May epekto ang pangganyak sa pagtitiyaga ng umaakyat sa bundok. Paano? Ang patuloy na pagtutuon ng pansin sa isang malinaw na tunguhin, gaya ng isang malayong bundok, ay may nakapagpapasiglang epekto. At kapag nararating ng umaakyat sa bundok ang mga palatandaan sa kaniyang dinaraanan, nasusukat niya ang kaniyang pagsulong tungo sa kaniyang pinakasukdulang tunguhin. Kapag nililingon niya kung gaano na kalayo ang kaniyang nalalakbay, nasisiyahan siya.
Gayundin naman, pinalalakas tayo at inuudyukan ng ating pag-asa sa buhay na walang hanggan. (Roma 12:12) Samantala, habang lumalakad tayo sa mga daan ni Jehova, nakadarama tayo ng tagumpay sa pagtatakda at pagkatapos ay pag-abot sa mga tunguhing Kristiyano. At kaylaking kagalakan ang nadarama natin kapag ginugunita natin ang mga taon ng tapat na paglilingkod o minamasdan ang mga pagbabago na nagagawa natin sa ating personalidad!—Awit 16:11.
Upang makapaglakbay nang malayo at makatipid ng lakas, ang mga umaakyat sa bundok ay hindi nagbabagu-bago ng bilis ng paglakad. Gayundin naman, ang mabuting rutina lakip na ang regular na pagdalo sa mga pulong at paglilingkod sa larangan ay magpapanatili sa atin na maging puspusan sa pag-abot sa ating tunguhin. Kaya naman, pinasigla ni Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Patuloy tayong lumakad nang maayos sa rutina ring ito.”—Filipos 3:16.
Sabihin pa, hindi tayo lumalakad nang nag-iisa sa mga landas ni Jehova. “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa,” ang isinulat ni Pablo. (Hebreo 10:24) Ang mabuting espirituwal na pakikipagsamahan ay lalong magpapadali sa ating pag-alinsabay habang lumalakad tayong kasama ng mga kapananampalataya.—Kawikaan 13:20.
Kahuli-hulihan, at pinakamahalaga, hindi natin dapat kalimutan kailanman ang lakas na ibinibigay ni Jehova. Yaong mga umaasa ng lakas kay Jehova ay “lalakad sa kalakasan at kalakasan.” (Awit 84:5, 7) Bagaman kung minsan ay kailangan nating tawirin ang baku-bakong lupain, sa tulong ni Jehova ay magagawa natin iyon.