Isang Aral Mula sa Siguana
Isang Aral Mula sa Siguana
“MAGING ang siguana sa langit—nalalaman nitong lubos ang kaniyang mga takdang panahon . . . Ngunit kung tungkol sa aking bayan, hindi nila napag-alaman ang kahatulan ni Jehova.” (Jeremias 8:7) Sa mga salitang iyon, ipinahayag ni propeta Jeremias ang kahatulan ni Jehova laban sa apostatang bayan ng Juda, na tumalikod kay Jehova na kanilang Diyos at bumaling sa pagsamba sa banyagang mga diyus-diyosan. (Jeremias 7:18, 31) Bakit pinili ni Jeremias ang siguana bilang praktikal na halimbawa para sa mga di-tapat na Judio?
Para sa mga Israelita, ang siguana, at lalo na ang white stork (isang uri ng siguana), ay pangkaraniwang nakikitang nandarayuhan sa mga lupain ng Bibliya. Ang pangalang Hebreo para sa ibong ito na malaki, mahaba ang binti, at lumalakad sa tubig ay nasa anyong pambabae ng salitang nangangahulugang “isa na matapat; isa na may maibiging-kabaitan.” Angkop ito, yamang di-tulad ng karamihan sa mga ibon, ang mga lalaki at babaing siguana ay nananatili sa kani-kanilang kabiyak habang-buhay. Pagkatapos magpalipas ng taglamig sa mas maiinit na lugar, bumabalik taun-taon ang karamihan sa mga siguana, kadalasan ay sa dating pugad na kanilang ginamit.
Inilalarawan ng likas na ugali ng siguana ang katangian ng pagkamatapat sa iba pang katangi-tanging mga paraan. Kapuwa ang mga lalaki at mga babaing ibon ang naglilimlim sa mga itlog at nagpapakain sa mga sisiw. Ganito ang paliwanag ng aklat na Our Magnificent Wildlife: “Bilang mga magulang, kahanga-hanga ang pagkamatapat ng mga siguana. Isang lalaking siguana sa Alemanya ang lumipad sa mga kawad ng kuryente anupat nakuryente ito at namatay. Ipinagpatuloy ng kaniyang kabiyak ang paglilimlim sa mga itlog nang mag-isa sa loob ng 3 araw, anupat iniwan niya ang pugad nang miminsan lamang sa sandaling panahon upang maghanap ng pagkain. . . . Sa isa pang pagkakataon, nang mabaril ang isang babaing siguana, ang ama naman ang nag-alaga sa mga inakay.”
Tunay nga, sa pamamagitan ng likas na pagpapakita ng katapatan nito sa kabiyak habang-buhay at magiliw na pag-aalaga sa mga inakay, tinutupad ng siguana ang kahulugan ng pangalan nito—“isa na matapat.” Kaya, ang mga siguana ay nagsilbing isang mabisang aral para sa mga di-tapat at suwail na mga Israelita.
Para sa maraming tao sa ngayon, makaluma ang pagiging matapat—kahanga-hanga ngunit hindi praktikal. Ang paglaganap ng diborsiyo, pag-aabandona, panlulustay, at iba pang anyo ng panlilinlang ay nagpapakita na ang pagkamatapat ay hindi na pinahahalagahan. Sa kabaligtaran, lubhang pinahahalagahan ng Bibliya ang pagkamatapat na udyok ng pag-ibig at kabaitan. Hinihimok nito ang mga Kristiyano na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:24) Oo, ang bagong personalidad ay tumutulong sa atin na maging matapat, ngunit may matututuhan din tayong aral sa pagkamatapat ng siguana.