“Sundan Ninyo Ako Nang Patuluyan”
“Sundan Ninyo Ako Nang Patuluyan”
“Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.”—1 PEDRO 2:21.
1, 2. Bakit hindi naman labis na napakataas ang sakdal na halimbawa ni Jesus bilang guro para matularan natin?
SI Jesu-Kristo ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman sa lupa. Karagdagan pa, siya ay sakdal, hindi kailanman nagkasala sa kaniyang buong landasin ng buhay bilang isang tao. (1 Pedro 2:22) Gayunman, nangangahulugan ba iyan na lubhang napakataas ng halimbawa ni Jesus bilang guro para matularan nating di-sakdal na mga tao? Hindi naman.
2 Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang saligan ng turo ni Jesus ay pag-ibig. At ang pag-ibig ay isang bagay na maaaring linangin nating lahat. Madalas tayong hinihimok ng Salita ng Diyos na pasidhiin at pasulungin ang ating pag-ibig sa iba. (Filipos 1:9; Colosas 3:14) Hindi kailanman inasahan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang ang hindi nila kayang gawin. Sa katunayan, yamang “ang Diyos ay pag-ibig” at ginawa niya tayo ayon sa kaniyang larawan, masasabi na dinisenyo niya tayo upang magpakita ng pag-ibig. (1 Juan 4:8; Genesis 1:27) Kaya kapag binabasa natin ang mga salita ni apostol Pedro na nakaulat sa ating temang teksto, makatutugon tayo nang may pananalig. Maingat nating masusundan ang mga yapak ni Kristo. Sa katunayan, masusunod natin ang mismong utos ni Jesus: ‘Sundan ninyo ako nang patuluyan.’ (Lucas 9:23) Ating isaalang-alang kung paano natin matutularan ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo, una, sa mga katotohanan na itinuro niya at pagkatapos ay sa mga tao na kaniyang tinuruan.
Paglinang ng Pag-ibig sa mga Katotohanan na Ating Natututuhan
3. Bakit nahihirapang mag-aral ang ilan, ngunit anong payo ang masusumpungan sa Kawikaan 2:1-5?
3 Upang magkaroon ng pag-ibig sa katotohanan na ating itinuturo sa iba, dapat nating ibigin mismo ang pagkatuto sa mga katotohanang iyon. Sa daigdig sa ngayon, hindi laging madaling magkaroon ng gayong uri ng pag-ibig. Ang mga salik na gaya ng di-sapat na edukasyon at masamang mga kinaugalian na nalinang sa panahon ng kabataan ay nagiging dahilan ng namamalaging kawalang-hilig sa pag-aaral. Gayunman, mahalaga na matuto tayo mula kay Jehova. Sinasabi ng Kawikaan 2:1-5: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”
4. Ano ang ibig sabihin ng “ikiling” ang puso, at anong pangmalas ang makatutulong sa atin upang gawin iyon?
4 Pansinin na sa talata 1 hanggang 4, tayo ay paulit-ulit na hinimok na magsikap hindi lamang upang ‘tumanggap’ at ‘mag-ingat’ kundi ‘patuloy ring maghanap’ at ‘patuloy na magsaliksik.’ Subalit ano ang mag-uudyok sa atin na ganapin ang lahat ng ito? Buweno, pansinin ang pariralang “ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan.” Sinabi ng isang reperensiyang akda na ang payong ito “ay hindi lamang pagsamo na magbigay ng pansin; ito ay kahilingang magtaglay ng isang uri ng saloobin: ang pagiging sabik at handang tumanggap ng mga turo.” At ano ang tutulong sa atin na maging handang tumanggap at sabik na matuto sa mga itinuturo sa atin ni Jehova? Ang ating pangmalas. Dapat nating ituring “ang mismong kaalaman sa Diyos” bilang “pilak” at bilang “nakatagong kayamanan.”
5, 6. (a) Ano ang maaaring mangyari sa paglipas ng panahon, at paano natin ito maiiwasan? (b) Bakit dapat nating patuloy na dagdagan ang mga kayamanan ng kaalaman na nasumpungan natin sa Bibliya?
5 Hindi naman mahirap magkaroon ng gayong pangmalas. Halimbawa, malamang na kalakip sa “kaalaman sa Diyos” na natutuhan mo ay ang layunin ni Jehova na mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa ang tapat na mga tao. (Awit 37:28, 29) Nang una mong matutuhan ang katotohanang iyan, walang alinlangan na itinuring mo itong isang tunay na kayamanan, isang piraso ng kaalaman na lumipos sa iyong isip at puso ng pag-asa at kagalakan. Kumusta naman ngayon? Sa paglipas ng panahon, kumupas ba ang pagpapahalaga mo sa iyong kayamanan? Kung gayon, subukan mong gawin ang dalawang bagay. Una, panumbalikin mo ang iyong pagpapahalaga, ang ibig sabihin, palagi mong sariwain sa iyong isipan kung bakit mo pinahahalagahan ang bawat katotohanan na itinuro sa iyo ni Jehova, maging ang mga bagay na natutuhan mo maraming taon na ang nakalilipas.
6 Ikalawa, patuloy na dagdagan ang iyong kayamanan. Tutal, kung nagkataong nakahukay ka ng mahalagang hiyas, ibubulsa mo na lamang ba iyon at basta ka na lamang aalis nang nasisiyahan? O maghuhukay ka pa upang tingnan kung mayroon ka pang makukuha? Ang Salita ng Diyos ay punô ng mahahalagang katotohanan na gaya ng mga hiyas at tipak ng pilak. Gaanuman karami ang iyong natagpuan, marami ka pang masusumpungan. (Roma 11:33) Habang hinuhukay mo ang mga tipak ng katotohanan, tanungin ang iyong sarili: ‘Paano ito naging isang kayamanan? Nagbibigay ba ito sa akin ng mas malalim na kaunawaan tungkol sa personalidad ni Jehova o sa kaniyang mga layunin? Nagbibigay ba ito ng praktikal na patnubay na makatutulong sa akin upang sundan ang mga yapak ni Jesus?’ Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga katanungan ay tutulong sa iyo na mapasidhi ang iyong pag-ibig sa mga katotohanan na itinuro sa iyo ni Jehova.
Pagpapakita ng Pag-ibig sa mga Katotohanan na Ating Itinuturo
7, 8. Ano ang ilang paraan upang maipakita natin sa iba na iniibig natin ang mga katotohanan na ating natutuhan mula sa Bibliya? Magbigay ng halimbawa.
7 Habang nagtuturo tayo sa iba, paano natin maipakikita na iniibig natin ang mga katotohanan na ating natutuhan mula sa Salita ng Diyos? Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, lubos tayong umaasa sa Bibliya sa ating pangangaral at pagtuturo. Nitong nakalipas na mga panahon, pinasigla ang bayan ng Diyos sa buong daigdig na higit na gamitin ang Bibliya sa kanilang pangmadlang ministeryo. Habang ikinakapit mo ang mungkahing iyan, humanap ng mga paraan upang maipaalam sa may-bahay na pinahahalagahan mo mismo ang mga bagay na iyong ibinabahagi mula sa Bibliya.—Mateo 13:52.
8 Halimbawa, pagkatapos na pagkatapos ng pag-atake ng mga terorista sa New York City noong nakaraang taon, ibinahagi ng isang Kristiyanong kapatid na babae ang Awit 46:1, 11 sa mga tao na natagpuan niya sa kaniyang ministeryo. Una muna ay tinanong niya ang mga tao kung paano nila hinarap ang epekto ng katatapos na trahedya. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang sagot, pinasalamatan ito, at pagkatapos ay sinabi niya: “Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang isang kasulatan na talagang nakaaliw sa akin sa napakahirap na panahong ito?” Iilan lamang ang tumanggi, at nagbunga ito ng maraming magagandang pag-uusap. Sa pakikipag-usap naman sa mga kabataan, malimit na sinasabi ng kapatid na babae ring iyon ang ganito: “Limampung taon na ako ngayong nagtuturo ng Bibliya, at alam mo ba? Wala pang problema na napaharap sa akin na hindi nakatulong ang aklat na ito na lutasin.” Sa pamamagitan ng taimtim at masiglang paglapit, naipakikita natin sa mga tao na pinahahalagahan natin at iniibig ang mga natutuhan natin mula sa Salita ng Diyos.—Awit 119:97, 105.
9, 10. Bakit mahalaga na gamitin ang Bibliya sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa ating mga paniniwala?
9 Kapag nagtatanong ang mga tao tungkol sa ating mga paniniwala, may magandang pagkakataon tayo upang ipakita na iniibig natin ang Salita ng Diyos. Sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus, hindi natin basta ibinabatay ang ating mga sagot sa sarili nating mga ideya. (Kawikaan 3:5, 6) Sa halip, ginagamit natin ang Bibliya sa pagsagot. Natatakot ka ba na baka may magtanong sa iyo na hindi mo masagot? Isaalang-alang ang dalawang positibong hakbang na maaari mong gawin.
10 Gawin mo ang iyong makakaya upang maging handa. Sumulat si apostol Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Handa ka bang ipagtanggol ang iyong mga paniniwala? Halimbawa, kung may gustong makaalam kung bakit hindi ka nakikibahagi sa ilang di-makakasulatang kaugalian o gawain, huwag basta makontento sa pagsasabing, “Bawal ito sa relihiyon ko.” Maaaring ipahiwatig ng gayong sagot na hinahayaan mo ang iba na magpasiya para sa iyo at na miyembro ka kung gayon ng isang kulto. Baka mas mabuti kung ganito ang iyong sasabihin, “Ipinagbabawal ito ng Salita ng Diyos, ang Bibliya” o, “Hindi ito makalulugod sa aking Diyos.” Pagkatapos ay magbigay ng makatuwirang paliwanag kung bakit.—Roma 12:1.
11. Anong gamit sa pagsasaliksik ang maaaring tumulong sa atin upang maging handa sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa mga katotohanan sa Salita ng Diyos?
11 Kung sa akala mo ay hindi ka handa, bakit hindi gumugol ng ilang panahon sa pag-aaral ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan? * Pumili ng ilang paksa na malamang na bumangon, at sikaping isaulo ang ilang punto sa Kasulatan. Dapat na laging nakahanda ang iyong aklat na Nangangatuwiran at ang Bibliya mo. Huwag mag-atubili na parehong gamitin ito, anupat sinasabi sa iyong kausap na mayroon kang gamit sa pagsasaliksik na gusto mong gamitin upang makatulong sa paghahanap sa mga sagot ng Bibliya sa mga tanong.
12. Paano tayo maaaring tumugon kung hindi natin alam ang sagot sa isang tanong sa Bibliya?
12 Huwag mag-alala nang labis-labis. Walang di-sakdal na tao ang nakaaalam ng lahat ng kasagutan. Kaya kapag tinanong ka tungkol sa Bibliya na hindi mo kayang sagutin, maaari kang laging sumagot ng ganito: ‘Salamat sa magandang tanong na iyan. Ang totoo, hindi ko alam ang sagot, pero tiyak ko na tinatalakay ng Bibliya ang bagay na iyan. Gustung-gusto kong magsaliksik sa Bibliya, kaya susuriin ko ang iyong tanong at babalik ako.” Ang gayong tapat at mahinhing paraan ay malamang na makapagbukas ng magandang pagkakataon para sa higit pang pagtalakay.—Kawikaan 11:2.
Pag-ibig sa mga Taong Tinuturuan Natin
13. Bakit dapat nating panatilihin ang positibong pangmalas sa mga taong pinangangaralan natin?
13 Si Jesus ay nagpakita ng pag-ibig sa mga taong kaniyang tinuruan. Paano natin siya matutularan sa bagay na ito? Huwag nawa tayong magkaroon kailanman ng manhid na saloobin sa mga taong nakapaligid sa atin. Totoo, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay palapit na nang palapit, at marami sa bilyun-bilyong tao ang mapupuksa. (Apocalipsis 16:14; Jeremias 25:33) Subalit hindi natin alam kung sino ang mabubuhay at kung sino ang mamamatay. Ang paghatol na iyan ay magaganap sa hinaharap pa at ipinaubaya sa inatasan ni Jehova, si Jesu-Kristo. Hangga’t hindi pa nagaganap ang paghatol, itinuturing natin ang bawat tao na may potensiyal para maging isang lingkod ni Jehova.—Mateo 19:24-26; 25:31-33; Gawa 17:31.
14. (a) Paano natin masusuri ang ating sarili kung tayo ba’y nagpapakita ng empatiya sa mga tao? (b) Sa anu-anong praktikal na paraan natin maipakikita ang empatiya at personal na interes sa iba?
14 Kaya gaya ni Jesus, sinisikap nating magkaroon ng empatiya sa mga tao. Maaari nating itanong sa ating sarili: ‘May empatiya ba ako sa mga taong nalinlang ng tusong mga kasinungalingan at pandaraya ng relihiyoso, makapulitika, at komersiyal na mga elemento ng sanlibutang ito? Kung sila ay tila walang interes sa mensahe na inihahatid natin sa kanila, sinisikap ko bang unawain kung bakit gayon ang kanilang nadarama? Kinikilala ko ba na gayundin noon ang nadama ko, o ng iba pa na kasalukuyang naglilingkod nang tapat kay Jehova? Ibinabagay ko ba ang aking mga pamamaraan alinsunod dito? O basta ipinapalagay ko na wala nang pag-asa ang mga taong ito?’ (Apocalipsis 12:9) Kapag nadarama ng mga tao ang ating tunay na empatiya, mas malamang na tumugon sila sa ating mensahe. (1 Pedro 3:8) Mapakikilos din tayo ng empatiya na magkaroon ng higit na interes sa mga taong natatagpuan natin sa ating ministeryo. Maaari nating isulat ang kanilang mga tanong at mga ikinababahala. Kapag nagbalik tayo, maaari nating ipakita sa kanila na pinag-iisipan natin ang kanilang mga sinabi noong nakaraan nating pagdalaw. At kung sila ay may mahalagang pangangailangan sa sandaling iyon, baka nasa kalagayan tayo para magbigay ng praktikal na tulong.
15. Bakit dapat nating hanapin ang mabubuting katangian sa mga tao, at paano natin magagawa iyon?
15 Tulad ni Jesus, hinahanap natin ang mabubuting katangian sa mga tao. Marahil ay kahanga-hanga ang ginagawang pagsisikap ng nagsosolong magulang sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak. Baka nagpupunyagi ang isang tao para masuportahan ang kaniyang pamilya. Marahil isang may-edad na ang nagpapakita ng interes sa espirituwal na mga bagay. Napapansin ba natin ang gayong mga katangian sa mga taong ating nakakausap at sa gayo’y pinapupurihan sila? Sa paggawa ng gayon, idiniriin natin ang magkapareho nating interes at maaari itong magbukas ng pagkakataon upang makapagpatotoo tungkol sa Kaharian.—Gawa 26:2, 3.
Mahalaga ang Kapakumbabaan sa Pagpapakita ng Pag-ibig
16. Bakit mahalaga na manatiling mahinahon at magalang sa mga pinangangaralan natin?
16 Ang pag-ibig sa mga tao na ating tinuturuan ay magpapakilos sa atin na sundin ang matalinong babala ng Bibliya: “Ang kaalaman ay nakapagpapalalo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1 Corinto 8:1) Si Jesus ay may pambihirang kaalaman, ngunit hindi siya kailanman palalo. Kaya habang ibinabahagi mo ang iyong mga paniniwala, iwasan ang tonong nakikipagtalo o ang pag-aastang mahangin. Ang ating tunguhin ay maantig ang mga puso at maakit ang mga tao sa katotohanan na labis nating iniibig. (Colosas 4:6) Tandaan, nang payuhan ni Pedro ang mga Kristiyano na maging handang magtanggol, inilakip niya ang paalaala na dapat nating gawin iyon “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kung tayo ay mahinahon at magalang, mas malamang na maaakit natin ang mga tao tungo sa Diyos na ating pinaglilingkuran.
17, 18. (a) Paano tayo dapat tumugon sa mapamunang mga saloobin tungkol sa ating mga kuwalipikasyon bilang mga ministro? (b) Bakit hindi kinakailangan sa mga estudyante ng Bibliya ang kaalaman sa sinaunang mga wika sa Bibliya?
17 Hindi kailangang pahangain ang mga tao sa ating kaalaman o edukasyon. Kung ang ilan sa inyong teritoryo ay tumatangging makinig sa sinumang walang titulo sa unibersidad, huwag ninyong hayaang masiraan kayo ng loob dahil sa kanilang saloobin. Ipinagwalang-bahala lamang ni Jesus ang pagtutol na hindi siya nag-aral sa prestihiyosong mga paaralang rabiniko noong kaniyang panahon; ni nakiayon man siya sa popular na mga maling akala sa pamamagitan ng pagsisikap na pahangain ang mga tao sa kaniyang malawak na kaalaman.—Juan 7:15.
18 Ang kapakumbabaan at pag-ibig ay higit na mahalaga sa mga ministrong Kristiyano kaysa sa anumang dami ng sekular na edukasyon. Ang Dakilang Edukador, si Jehova, ang nagpapangyaring maging kuwalipikado tayo para sa ministeryo. (2 Corinto 3:5, 6) At anuman ang sabihin ng ilang klero ng Sangkakristiyanuhan, hindi na tayo kailangang matuto ng sinaunang mga wika sa Bibliya upang maging mga guro ng Salita ng Diyos. Kinasihan ni Jehova na maisulat ang Bibliya sa napakalinaw at espesipikong mga pananalita anupat halos lahat ay makauunawa sa mahahalagang katotohanan nito. Ang mga katotohanang iyon ay nananatiling di-nagbabago kahit pa naisalin na sa daan-daang wika. Kaya ang kaalaman sa sinaunang mga wika, bagaman nakatutulong paminsan-minsan, ay hindi naman kinakailangan. Karagdagan pa, ang pagmamalaki dahil sa kahusayan sa wika ay maaaring maging dahilan upang maiwala ng isa ang katangian na mahalaga sa tunay na mga Kristiyano—ang pagiging madaling turuan.—1 Timoteo 6:4.
19. Sa anong diwa isang paglilingkod ang ating ministeryong Kristiyano?
19 Walang alinlangan na ang ating ministeryong Kristiyano ay isang gawain na nangangailangan ng mapagpakumbabang saloobin. Lagi tayong napapaharap sa pagsalansang, pagwawalang-bahala at maging sa pag-uusig pa nga. (Juan 15:20) Gayunman, sa pamamagitan ng buong katapatang pagsasagawa ng ating ministeryo, ginagampanan natin ang isang mahalagang paglilingkod. Kung patuloy tayong mapagpakumbabang maglilingkod sa iba sa gawaing ito, tinutularan natin ang pag-ibig na ipinakita ni Jesu-Kristo sa mga tao. Pag-isipan ito: Kung kailangan tayong mangaral sa libu-libong mapagwalang-bahala o salansang na mga tao upang maabot ang isang tulad-tupang indibiduwal, hindi ba’t sulit ang pagsisikap na iyon? Tiyak na gayon nga! Kaya sa pagtitiyaga sa gawaing ito, anupat hindi sumusuko, buong katapatan nating pinaglilingkuran ang mga tulad-tupa na kailangan pa nating maabot. Walang alinlangan na titiyakin ni Jehova at ni Jesus na marami pang gayong mahahalagang indibiduwal ang masumpungan at matulungan bago dumating ang wakas.—Hagai 2:7.
20. Ano ang ilang paraan na makapagtuturo tayo sa pamamagitan ng halimbawa?
20 Ang pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa ay isa pang paraan upang maipakita ang ating pagkukusang paglingkuran ang iba. Halimbawa, nais nating ituro sa mga tao na ang paglilingkod kay Jehova, ang “maligayang Diyos,” ang siyang pinakamainam at pinakakasiya-siyang paraan ng pamumuhay na maaaring matamo. (1 Timoteo 1:11) Habang inoobserbahan nila ang ating paggawi at ang ating mga pakikitungo sa ating kapuwa, kaeskuwela, at mga katrabaho, nakikita ba nila na tayo ay maligaya at kontento? Sa katulad na paraan, itinuturo natin sa mga estudyante ng Bibliya na ang kongregasyong Kristiyano ay isang kanlungan ng pag-ibig sa isang walang damdamin at malupit na sanlibutan. Talaga bang nakikita ng ating mga estudyante na iniibig natin ang lahat ng nasa kongregasyon at nagpapagal tayo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa isa’t isa?—1 Pedro 4:8.
21, 22. (a) Ang pagsusuri sa sarili hinggil sa ating ministeryo ay aakay sa atin na samantalahin ang anong mga pagkakataon? (b) Ano ang tatalakayin sa mga artikulo sa susunod na isyu ng Ang Bantayan?
21 Ang may pagkukusang saloobin ukol sa ating ministeryo ay maaaring magpakilos sa atin, kung minsan, na muling suriin ang ating sarili. Sa matapat na paggawa nito, marami ang nakasusumpong na sila ay nasa kalagayan upang palawakin ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong ministeryo o sa pamamagitan ng paglipat upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan. Ang iba ay nagpasiyang mag-aral ng wikang banyaga upang makapaglingkod sa lumalaking komunidad ng mga nandayuhan na matatagpuan sa kanila mismong teritoryo. Kung bukas ang gayong mga pagkakataon sa iyo, maingat at may pananalangin mo itong isaalang-alang. Ang isang buhay ukol sa paglilingkod ay nagdudulot ng malaking kagalakan, kasiyahan, at kapayapaan ng isip.—Eclesiastes 5:12.
22 Sa lahat ng paraan, patuloy nating tularan si Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagpapasidhi sa ating pag-ibig para sa mga katotohanang ating itinuturo at para sa mga tao na ating tinuturuan. Ang pagpapasidhi at pagpapakita ng pag-ibig sa dalawang larangang ito ay tutulong sa atin na makapaglatag ng isang mainam na pundasyon sa pagiging tulad-Kristong mga guro. Gayunman, paano tayo makapagtatayo sa pundasyong iyan? Sa susunod na isyu ng Ang Bantayan, tatalakayin ng isang serye ng mga artikulo ang ilan sa espesipikong mga pamamaraan ng pagtuturo na ginamit ni Jesus.
[Talababa]
^ par. 11 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Anong katiyakan ang taglay natin na ang halimbawa ni Jesus bilang isang guro ay hindi naman napakataas para matularan natin?
• Paano natin maipakikita na iniibig natin ang mga katotohanang ating natutuhan mula sa Bibliya?
• Bakit mahalaga na manatiling mapagpakumbaba habang sumusulong tayo sa kaalaman?
• Ano ang ilang paraan upang maipakita natin ang pag-ibig sa mga taong pinagsisikapan nating turuan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 16]
Gawin ang iyong buong makakaya upang maging handa
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Kung pinahahalagahan mo “ang kaalaman sa Diyos,” maaari mong gamitin nang mabisa ang Bibliya
[Larawan sa pahina 18]
Ipinakikita natin ang pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mabuting balita sa kanila