Patuloy na Maglingkod Nang Balikatan
Patuloy na Maglingkod Nang Balikatan
“Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—Zefanias 3:9.
1. Ano ang nagaganap bilang katuparan ng Zefanias 3:9?
MGA 6,000 wika ang ginagamit ngayon sa buong lupa. Bukod dito, may iba’t ibang diyalekto, o lokal na mga anyo ng wika. Gayunman, nagsasalita man ang mga tao ng mga wikang magkaibang-magkaiba tulad ng wikang Arabe at Zulu, talagang kamangha-mangha pa rin ang nagawa ng Diyos. Napangyari niya na ang mga tao sa lahat ng dako ay matuto at makapagsalita ng tanging dalisay na wika. Ito ay nagaganap bilang katuparan ng pangakong ibinigay sa pamamagitan ni propeta Zefanias: “Ibibigay ko [ng Diyos na Jehova] sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika [sa literal ay “malinis na labi”], upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.”—Zefanias 3:9.
2. Ano ang “dalisay na wika,” at ano ang pinangyayari nito?
2 Ang “dalisay na wika” ay ang katotohanan ng Diyos na masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Partikular na itong tumutukoy sa katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos, na magpapabanal sa pangalan ni Jehova, magbabangong-puri sa kaniyang pagkasoberano, at magdudulot ng mga pagpapala sa sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10) Bilang ang tanging espirituwal na malinis na wika sa lupa, ang dalisay na wika ay ginagamit ng mga tao ng lahat ng bansa at lahi. Pinangyayari nito na makapaglingkod sila kay Jehova nang “balikatan.” Dahil dito ay naglilingkod sila sa kaniya nang may pagkakaisa, o “may iisang pagsang-ayon.”—The New English Bible.
Walang Dako ang Pagtatangi
3. Ano ang nagpapangyari na makapaglingkod tayo kay Jehova nang may pagkakaisa?
3 Bilang mga Kristiyano, pinahahalagahan natin ang pagtutulungan ng mga magkakaiba ang wika sa gitna natin. Bagaman ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian sa maraming wika ng tao, naglilingkod tayo sa Diyos nang may pagkakaisa. (Awit 133:1) Ito ay posible dahil, saanman tayo naninirahan sa lupa, ginagamit natin ang iisang dalisay na wika ukol sa kapurihan ni Jehova.
4. Bakit dapat na walang pagtatangi sa gitna ng bayan ng Diyos?
4 Dapat na walang pagtatangi sa gitna ng bayan ng Diyos. Niliwanag ito ni apostol Pedro nang mangaral siya sa tahanan ng Gentil na opisyal ng hukbo na si Cornelio noong 36 C.E. at naudyukang magsabi: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Yamang iyan ay totoo, walang dako ang pagtatangi, paggugrupu-grupo, o paboritismo sa kongregasyong Kristiyano.
5. Bakit mali na magtaguyod ng mga paggugrupu-grupo sa kongregasyon?
5 Hinggil sa kaniyang pagdalaw sa Kingdom Hall, isang estudyante sa kolehiyo ang nagsabi: “Karaniwan na, naaakit ng mga simbahan ang mga miyembro ng isang lahi o grupong etniko. . . . Ang mga Saksi ni Jehova ay pawang nauupong magkakasama at hindi naggugrupu-grupo.” Gayunman, ang ilang miyembro ng kongregasyon sa sinaunang Corinto ay bumuo ng nagkakasalungatang mga grupo. Dahil sa di-pagkakasundong ibinubunga nito, sinasalansang nila ang pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos, yamang itinataguyod ng banal na espiritu ang pagkakaisa at kapayapaan. (Galacia 5:22) Kung itataguyod natin ang paggugrupu-grupo sa kongregasyon, sasalungat tayo sa pag-akay ng espiritu. Kaya naman, lagi nating isaisip ang mga salita ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Idiniin din ni Pablo ang pagkakaisa sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso.—Efeso 4:1-6, 16.
6, 7. Anong payo ang ibinigay ni Santiago hinggil sa paboritismo, at paano kumakapit ang kaniyang mga salita?
6 Ang kawalang-pagtatangi ay laging hinihiling sa mga Kristiyano. (Roma 2:11) Dahil ang ilan sa unang-siglong kongregasyon ay nagpapakita ng paboritismo sa mayayamang indibiduwal, sumulat ang alagad na si Santiago: “Mga kapatid ko, hindi kayo nanghahawakan sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo, na ating kaluwalhatian, nang may mga gawa ng paboritismo, hindi ba? Sapagkat, kung ang isang tao na may mga singsing na ginto sa kaniyang mga daliri at may marilag na pananamit ay pumasok sa inyong pagtitipon, ngunit ang isang taong dukha naman na may maruming pananamit ay pumasok din, at tinitingnan ninyo nang may paglingap ang isa na nakasuot ng marilag na pananamit at sinasabi: ‘Umupo ka rito sa isang mabuting dako,’ at sinasabi ninyo sa isa na dukha: ‘Manatili kang nakatayo,’ o: ‘Umupo ka riyan sa ilalim ng aking tuntungan,’ kayo ay may pagtatangi-tangi sa gitna ninyo at kayo ay naging mga hukom na naggagawad ng mga balakyot na pasiya, hindi ba?”—Santiago 2:1-4.
7 Kung ang mayayamang di-sumasampalataya na may mga singsing na ginto at marilag na kasuutan ay dumating sa isang Kristiyanong pagpupulong gayundin ang mga dukhang di-sumasampalataya na may maruming pananamit, ang mayayaman ay pinakikitunguhan sa espesyal na paraan. Sila ay pinauupo “sa isang mabuting dako,” samantalang ang dukha naman ay sinasabihang tumayo o maupo sa sahig na tinutuntungan ng isa. Subalit walang-pagtatanging inilaan ng Diyos ang haing pantubos ni Jesus kapuwa sa mga mayaman at dukha. (Job 34:19; 2 Corinto 5:14) Kaya upang mapalugdan natin si Jehova at mapaglingkuran siya nang balikatan, hindi tayo dapat magpakita ng paboritismo o ‘humanga sa mga personalidad para sa ating sariling kapakinabangan.’—Judas 4, 16.
Umiwas sa Bulung-bulungan
8. Ano ang nangyari dahil nagbulung-bulungan ang mga Israelita?
8 Upang mapanatili ang ating pagkakaisa at patuloy na taglayin ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat nating sundin ang payo ni Pablo: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan.” (Filipos 2:14, 15) Ang walang-pananampalatayang mga Israelita na pinalaya sa pagkaalipin sa Ehipto ay nagbulung-bulungan laban kina Moises at Aaron at kung gayon ay maging sa Diyos na Jehova. Dahil dito, lahat ng lalaki na 20 taóng gulang pataas, maliban sa tapat na sina Josue at Caleb at sa mga Levita, ay hindi nakapasok sa Lupang Pangako kundi namatay sa panahon ng 40-taóng paglalakbay ng Israel sa ilang. (Bilang 14:2, 3, 26-30; 1 Corinto 10:10) Kaylaking kabayaran dahil sa kanilang bulung-bulungan!
9. Ano ang naranasan ni Miriam dahil sa kaniyang pagbubulung-bulong?
9 Ipinakikita nito kung ano ang maaaring mangyari sa buong bansang nagbubulung-bulungan. Kumusta naman ang mga indibiduwal na mapagbulong? Buweno, ang kapatid na babae ni Moises, si Miriam, kasama ang kaniyang kapatid na lalaking si Aaron, ay nagbulung-bulungan: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita siya?” Idinagdag pa ng ulat: “Nakikinig si Jehova.” (Bilang 12:1, 2) Ang resulta? Si Miriam, ang maliwanag na nanguna sa pagrereklamong ito, ay ipinahiya ng Diyos. Paano? Sa pagkakaroon ng sakit na ketong anupat napilitan siyang manatili sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw hanggang sa luminis siya.—Bilang 12:9-15.
10, 11. Ang hindi napigil na pagbubulung-bulungan ay maaaring magbunga ng ano? Ilarawan.
10 Ang bulung-bulungan ay hindi lamang isang reklamo tungkol sa masamang gawa. Ang mga patuloy na nagbubulung-bulungan ay labis na nababahala sa kanilang damdamin o katayuan, anupat inaakay ang pansin sa kanilang sarili sa halip na sa Diyos. Kung hindi
pipigilin, ito ay magiging sanhi ng di-pagkakasundo ng espirituwal na magkakapatid at hahadlang sa kanilang pagsisikap na paglingkuran si Jehova nang balikatan. Totoo ito dahil laging ibinubulalas ng mga mapagbulong ang kanilang mga reklamo, anupat walang-alinlangang umaasa na ang iba ay papanig sa kanila.11 Halimbawa, maaaring may pumuna sa paraan ng pagganap ng isang matanda sa kaniyang mga bahagi sa kongregasyon o sa pag-aasikaso niya sa kaniyang mga tungkulin. Kung makikinig tayo sa nagrereklamo, baka magsimula tayong mag-isip na gaya niya. Bago naitanim sa ating isip ang binhi ng kawalang-kasiyahan, ang mga gawain ng matanda ay hindi naman nakayayamot sa atin, subalit ngayon ay nakayayamot na ang mga ito. Sa dakong huli, wala nang tamang nagagawa ang matanda sa ating paningin, at tayo rin ay baka magsimula nang magreklamo tungkol sa kaniya. Ang ganitong uri ng paggawi ay hindi angkop sa isang kongregasyon ng bayan ni Jehova.
12. Ang pagbubulung-bulungan ay maaaring magdulot ng anong epekto sa ating kaugnayan sa Diyos?
12 Ang pagbubulung-bulungan tungkol sa mga lalaki na ang tungkulin ay pastulan ang kawan ng Diyos ay maaaring mauwi sa panlalait. Ang gayong pagbubulung-bulungan o mapanirang-puring pagsumpa sa kanila ay makapipinsala sa ating kaugnayan kay Jehova. (Exodo 22:28) Ang di-nagsisising mga manlalait ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 5:11; 6:10) Sumulat ang alagad na si Judas tungkol sa mga mapagbulong na “nagwawalang-halaga sa pagkapanginoon at nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa mga maluwalhati,” o responsableng mga lalaki sa kongregasyon. (Judas 8) Ang gayong mga mapagbulong ay hindi nagtataglay ng pagsang-ayon ng Diyos, at may-katalinuhan nating iniiwasan ang kanilang balakyot na landasin.
13. Bakit hindi lahat ng reklamo ay mali?
13 Gayunman, hindi lahat ng reklamo ay di-nakalulugod sa Diyos. Hindi niya ipinagwalang-bahala “ang sigaw ng pagdaing” tungkol sa Sodoma at Gomorra kundi pinuksa niya ang balakyot na mga lunsod na iyon. (Genesis 18:20, 21; 19:24, 25) Sa Jerusalem, di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., “nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.” Dahil dito, itinuwid ng “labindalawa” ang situwasyon sa pamamagitan ng pag-aatas ng “pitong lalaking may patotoo” sa ‘mahalagang gawain’ na pamamahagi ng pagkain. (Gawa 6:1-6) Ang makabagong-panahong matatanda ay hindi dapat ‘magtakip ng kanilang tainga’ sa lehitimong mga reklamo. (Kawikaan 21:13) At sa halip na punahin ang mga kapuwa mananamba, ang matatanda ay dapat na nakapagpapasigla at nakapagpapatibay-loob.—1 Corinto 8:1.
14. Upang makaiwas sa bulung-bulungan, anong katangian ang lalo nang kailangan?
14 Tayong lahat ay kailangang umiwas sa bulung-bulungan, sapagkat ang espiritu ng pagrereklamo ay nakasasamâ sa espirituwal. Ang gayong saloobin ay makasisira sa ating pagkakaisa. Sa halip, lagi nawa nating hayaan ang banal na espiritu na magluwal ng pag-ibig sa atin. (Galacia 5:22) Ang pagtalima sa ‘makaharing kautusan ng pag-ibig’ ay tutulong sa atin na manatiling naglilingkod kay Jehova nang balikatan.—Santiago 2:8; 1 Corinto 13:4-8; 1 Pedro 4:8.
Magbantay Laban sa Paninirang-Puri
15. Ano ang masasabi mong pagkakaiba ng tsismis at paninirang-puri?
15 Yamang ang bulung-bulungan ay maaaring umakay sa nakapipinsalang tsismis, dapat tayong mag-ingat sa sinasabi natin. Ang tsismis ay walang-saysay na usapan tungkol sa mga tao at sa kanilang mga ginagawa. Subalit ang paninirang-puri ay bulaang ulat na may layong sirain ang reputasyon ng isang tao. Ang gayong usapan ay mapaminsala at di-makadiyos. Kaya naman sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag kang maglilibot sa iyong bayan upang manirang-puri.”—Levitico 19:16.
16. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa ilang tsismosa, at paano tayo dapat maapektuhan ng kaniyang payo?
16 Yamang ang walang-saysay na usapan ay maaaring mauwi sa paninirang-puri, hayagang sinaway ni Pablo ang ilang tsismosa. Matapos banggitin ang mga babaing balo na kuwalipikadong tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon, tinukoy niya ang mga babaing balo na natutong “maging walang pinagkakaabalahan, nagpapalipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang walang pinagkakaabalahan, kundi mga tsismosa rin naman at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat.” (1 Timoteo 5:11-15) Kung masumpungan ng isang babaing Kristiyano na siya ay may kahinaan sa uri ng usapan na maaaring humantong sa paninirang-puri, makabubuti na pakinggan niya ang payo ni Pablo na maging “seryoso, hindi naninirang-puri.” (1 Timoteo 3:11) Sabihin pa, ang mga lalaking Kristiyano ay dapat ding magbantay laban sa nakapipinsalang tsismis.—Kawikaan 10:19.
Huwag Kayong Humatol!
17, 18. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa paghatol sa ating kapatid? (b) Paano natin maikakapit ang mga salita ni Jesus hinggil sa paghatol?
17 Kahit na hindi natin sinisiraang-puri ang sinuman, baka kailangan tayong gumawa ng taimtim na pagsisikap upang maiwasang maging mapanghatol. Hinatulan ni Jesus ang gayong saloobin nang sabihin niya: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo; at ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo. Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? O paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pahintulutan mo akong alisin ang dayami mula sa iyong mata’; gayong, narito! isang tahilan ang nasa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.”—Mateo 7:1-5.
18 Hindi tayo dapat mangahas na mag-alok na alisin ang maliit na “dayami” sa mata ng ating kapatid upang tulungan siya gayong ang ating kakayahang gumawa ng tamang paghatol ay nahahadlangan ng isang makasagisag na “tahilan.” Sa katunayan, kung talagang nauunawaan natin kung gaano kalubos ang pagkamaawain ng Diyos, hindi tayo mahihilig na humatol sa ating espirituwal na mga kapatid. Paano natin sila mauunawaan na gaya ng pagkaunawa sa kanila ng ating makalangit na Ama? Hindi nakapagtataka na binigyan tayo ni Jesus ng babala na ‘huwag na tayong humatol upang hindi tayo mahatulan’! Ang tapat na pagsusuri sa ating sariling mga di-kasakdalan ay dapat pumigil sa atin sa paghatol na maituturing ng Diyos na di-matuwid.
Mahina Ngunit Marangal
19. Paano natin dapat malasin ang mga kapananampalataya?
19 Kung determinado tayong paglingkuran ang Diyos nang balikatan kasama ng mga kapananampalataya, hindi lamang natin basta iiwasan ang pagiging mapanghatol. Mangunguna tayo sa pagpapakita ng dangal sa kanila. (Roma 12:10) Sa katunayan, hahanapin natin ang kanilang kapakinabangan, hindi ang sa atin, at buong-kagalakan nating gagampanan ang mabababang atas alang-alang sa kanila. (Juan 13:12-17; 1 Corinto 10:24) Paano natin mapananatili ang gayong mainam na saloobin? Sa pamamagitan ng pagsasaisip na ang bawat mananampalataya ay mahalaga kay Jehova at na kailangan natin ang isa’t isa, kung paanong ang bawat sangkap ng katawan ng tao ay dumedepende sa iba.—1 Corinto 12:14-27.
20, 21. Ano ang kahulugan para sa atin ng mga salita sa 2 Timoteo 2:20, 21?
20 Totoo, ang mga Kristiyano ay mahihinang sisidlang luwad na pinagkatiwalaan ng maluwalhating kayamanan ng ministeryo. (2 Corinto 4:7) Upang maisakatuparan natin ang pinagpalang gawaing ito ukol sa kapurihan ni Jehova, dapat nating panatilihin ang isang marangal na katayuan sa harap niya at ng kaniyang Anak. Maaari tayong manatiling marangal na sisidlan na magagamit ng Diyos tangi lamang kung mananatili tayong dalisay sa moral at espirituwal. Hinggil dito, sumulat si Pablo: “Sa isang malaking bahay ay may mga sisidlan na hindi lamang ginto at pilak kundi kahoy at luwad din, at ang ilan ay para sa isang marangal na layunin ngunit ang iba ay para sa isang layuning walang dangal. Kung ang sinuman nga ay nananatiling hiwalay sa mga huling nabanggit, siya ay magiging isang sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, kapaki-pakinabang sa may-ari sa kaniya, naihanda para sa bawat gawang mabuti.”—2 Timoteo 2:20, 21.
21 Ang mga indibiduwal na hindi gumagawi kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos ay ‘mga sisidlan na walang dangal.’ Gayunman, sa pagtataguyod ng makadiyos na landasin, tayo ay magiging ‘mga sisidlan para sa isang marangal na layunin, pinabanal, o itinalaga, para sa paglilingkod kay Jehova at naihanda para sa bawat gawang mabuti.’ Kaya makabubuting tanungin natin ang ating sarili: ‘Ako ba ay isang “marangal na sisidlan”? Mabuti ba akong impluwensiya sa mga kapananampalataya? Ako ba ay isang miyembro ng kongregasyon na nakikipagbalikatan sa paggawa kasama ng mga kapuwa mananamba?’
Patuloy na Maglingkod Nang Balikatan
22. Sa ano maihahambing ang kongregasyong Kristiyano?
22 Ang kongregasyong Kristiyano ay isang tulad-pamilyang kaayusan. May maibigin, matulungin, at kaayaayang kapaligiran sa isang pamilya kapag ang lahat ng miyembro nito ay sumasamba kay Jehova. Ang isang pamilya ay maaaring binubuo ng ilang indibiduwal na may iba’t ibang personalidad, subalit ang lahat ay may marangal na dako. Ang situwasyon ay katulad ng sa kongregasyon. Bagaman tayong lahat ay magkakaiba—at di-sakdal—inilapit tayo ng Diyos sa kaniyang sarili sa pamamagitan ni Kristo. (Juan 6:44; 14:6) Iniibig tayo ni Jehova at ni Jesus, at tulad ng isang nagkakaisang pamilya, talagang kailangan tayong magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa.—1 Juan 4:7-11.
23. Ano ang dapat nating tandaan at determinadong gawin?
23 Ang tulad-pamilyang kongregasyong Kristiyano ay isa ring dako na doo’y angkop lamang na asahang makasumpong ng pagkamatapat. Sumulat si apostol Pablo: “Nais ko na sa bawat dako ay magpatuloy sa pananalangin ang mga lalaki, na itinataas ang matatapat na kamay, hiwalay sa poot at mga debate.” (1 Timoteo 2:8) Sa gayon ay iniugnay ni Pablo ang pagkamatapat sa pangmadlang pananalangin “sa bawat dako” na doo’y nagtitipon ang mga Kristiyano. Tanging ang matapat na mga lalaki ang dapat na kumatawan sa kongregasyon sa pangmadlang panalangin. Sabihin pa, inaasahan ng Diyos na tayong lahat ay magiging matapat sa kaniya at sa isa’t isa. (Eclesiastes 12:13, 14) Kaya maging determinado nawa tayo na gumawang magkakasama nang nagkakasuwato, tulad ng mga sangkap ng katawan ng tao. Maglingkod din nawa tayo nang may pagkakaisa bilang bahagi ng pamilya ng mga mananamba ni Jehova. Higit sa lahat, tandaan nawa natin na kailangan natin ang isa’t isa at tatamasahin natin ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos kung patuloy tayong maglilingkod kay Jehova nang balikatan.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang nagpapangyari na makapaglingkod nang balikatan ang bayan ni Jehova sa kaniya?
• Bakit iniiwasan ng mga Kristiyano ang pagtatangi?
• Ano ang masasabi mong mali sa bulung-bulungan?
• Bakit dapat nating parangalan ang mga kapananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Napag-unawa ni Pedro na “ang Diyos ay hindi nagtatangi”
[Larawan sa pahina 16]
Alam mo ba kung bakit ipinahiya ng Diyos si Miriam?
[Larawan sa pahina 18]
Ang matapat na mga Kristiyano ay may-kagalakang naglilingkod kay Jehova nang balikatan