Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Mesa ng Kapitan

Sa Mesa ng Kapitan

Sa Mesa ng Kapitan

DAHIL sa kawili-wiling mga tao, masasarap na pagkain, at kasiya-siyang pag-uusap ay nagiging kalugud-lugod ang pagkain sa mesa ng kapitan habang nakasakay sa barko. Subalit ang pag-uusap sa mesa ni Kapitan Robert G. Smith, ng White Star Line, ay nagsiwalat ng isang espirituwal na piging.​—Isaias 25:6.

Noong 1894, sa edad na 24, si Robert ang namuno sa paglalayag ng barkong Kinclune of Dundee upang gawin ang kauna-unahang paglalayag niya sa buong daigdig. Nang maglaon, siya ang naging kapitan ng mga barko ng White Star, tulad ng Cedric, Cevic, at Runic. * Samantalang bumabagtas sa Atlantiko mula sa New York patungong Liverpool, Inglatera, sa isa sa mga barkong ito, si Robert ang naging punong-abala ni Charles Taze Russell sa mesa ng kapitan. Ang pakikipag-usap kay Russell ay pumukaw sa interes ni Robert sa mensahe ng Bibliya, at upang tulungan siyang matuto nang higit pa, malugod niyang tinanggap mula kay Russell ang mga kopya ng Studies in the Scriptures.

Nagpatuloy sa pakikipag-ugnayan si Russell sa pamamagitan ng liham, at bilang resulta, lumago ang interes ni Robert sa Bibliya. Ibinahagi ni Robert sa kaniyang asawa ang kaniyang bagong nasumpungang kaalaman. Hindi nagtagal at silang dalawa ay naging aktibong mga Estudyante ng Bibliya, na siyang pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon ay nagkapribilehiyo si Robert na magbigay ng mga pahayag hinggil sa Bibliya. Halimbawa, sa Brisbane, Australia, ipinahayag niya ang hinggil sa “Ang Balsamo ng Gilead” at ipinakita kung paanong ang Salita ng Diyos ay nagtataglay ng isang mensahe na “panlunas sa lahat ng kaabahan sa lupa.” Sa Inglatera naman, tumulong ang kaniyang asawa at mga anak na bata pa sa paghaharap ng “Photo-Drama of Creation,” anupat pinatutugtog ang mga rekording ng mga komentaryo ni Russell habang ipinalalabas ang mga slide.

Ipinamana ni Robert sa kaniyang mga anak ang katotohanan ng Kaharian na tinanggap niya. Sa ngayon, pagkaraan ng limang salinlahi, 18 miyembro ng pamilya ang abalang nagbabahagi ng mabuting balita sa iba, anupat nagpapasalamat sa inihain sa mesa ng kapitan.

Sa pamamagitan ng kanilang mga publikasyon at ng kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova na malaman ng mga tao sa buong daigdig ang mensahe ng Bibliya na pumukaw sa interes ni Kapitan Smith. Maaari mo ring malaman kung ano ang lubhang kawili-wili sa mesa ng kapitan.

[Talababa]

^ par. 3 Ang isang katulad na barko, ang Titanic, ay pinamunuan ni Kapitan E. J. Smith (walang kaugnayan) sa kapaha-pahamak na unang paglalayag nito.

[Larawan sa pahina 8]

Robert G. Smith

[Larawan sa pahina 8]

Charles T. Russell