Pagsilang ni Jesus—Kung Paano at Kung Bakit Ito Nangyari
Pagsilang ni Jesus—Kung Paano at Kung Bakit Ito Nangyari
“IMPOSIBLE!” Ito ang sasabihin ng maraming di-Kristiyano kapag narinig nila ang kuwento ng pagsilang ni Jesus. Itinuturing nilang taliwas sa siyensiya na maniwalang puwedeng maglihi at magsilang ng sanggol ang isang birhen nang hindi nakikipagtalik sa isang lalaki. Ano sa palagay mo?
Noong 1984, inilathala ng The Times ng London ang isang liham na nangangatuwiran sa bagay na ito, na nagsasabi: “Hindi makatuwirang idahilan ang siyensiya bilang argumento laban sa mga himala. Ang pananalig na hindi maaaring mangyari ang mga himala ay isang kapahayagan ng pananampalataya na gaya rin ng pananalig na maaaring mangyari ang mga ito.” Ang liham ay nilagdaan ng 14 na propesor sa siyensiya sa mga unibersidad sa Britanya. Ang sabi nila: “Malugod naming tinatanggap ang pagsisilang ng isang birhen, ang mga himala sa Ebanghelyo, at ang pagkabuhay-muli ng Kristo bilang mga pangyayari sa kasaysayan.”
Gayunman, makatuwiran lamang na maguluhan ang isang tao kapag narinig niya sa unang pagkakataon ang kuwento ng pagsisilang kay Jesus ng isang birhen. Maging ang sariling birheng ina ni Jesus ay naguluhan din nang sabihin ng anghel ng Diyos: “Narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito.” Bilang sagot, nagtanong si Maria: “Paano ito mangyayari, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” Sa gayon ay ipinaliwanag ng anghel na isasagawa ng Diyos ang himalang ito sa pamamagitan ng Kaniyang banal na espiritu, anupat idinagdag niya: “Sa Diyos ay walang kapahayagan ang imposible.” (Lucas 1:31, 34-37) Tiyak na mapangyayari rin ng Isa na lumalang ng kagila-gilalas na proseso ng pagpaparami ng tao na maipaglihi at maisilang si Jesus ng isang birhen. Kung nagawang lalangin ng Diyos ang uniberso at ang eksaktong mga batas nito, magagawa rin niyang gamitin ang isang selulang itlog mula sa obaryo ni Maria upang lumikha ng isang sakdal na Anak na tao.
Kung Bakit Kinailangan Ito
Ang makadiyos na lalaking si Jose ay katipan ni Maria noong siya ay maglihi. Sa isang panaginip, ipinaliwanag ng anghel ng Diyos kay Jose ang napakagandang dahilan kung bakit nagdadalang-tao ang kaniyang birheng katipan. Sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot na iuwi si Maria na iyong asawa, sapagkat yaong pinangyaring maipaglihi niya ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.” (Mateo 1:20, 21) Ang pangalang Jesus sa wikang Hebreo ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Ipinagugunita nito sa atin ang pangangailangang maligtas mula sa kasalanan at kamatayan at ang paglalaan ng Diyos na Jehova ng gayong kaligtasan sa pamamagitan ni Jesus.
Dahil nagkasala ang unang taong si Adan, lahat ng kaniyang anak ay isinilang na di-sakdal, na may tendensiyang sumuway sa mga Roma 5:12) Paano maililigtas mula sa kasalanan at magtatamo ng kasakdalan ang mga inapo ni Adan? Ang isa pang sakdal na buhay-tao, na katumbas ng kay Adan, ay kailangang ibayad upang magbalanse ang timbangan ng katarungan. Iyan ang dahilan kung bakit pinangyari ng Diyos ang makahimalang pagsilang ng sakdal na taong si Jesus, at iyan ang dahilan kung bakit pinahintulutan ni Jesus na patayin siya ng kaniyang mga kaaway. (Juan 10:17, 18; 1 Timoteo 2:5, 6) Pagkatapos ng pagkabuhay-muli at pag-akyat ni Jesus sa makalangit na buhay, maaari na niyang sabihin nang may pagtitiwala: “Namatay ako, ngunit, narito! Ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades [karaniwang libingan ng mga tao].”—Apocalipsis 1:18.
kautusan ng Diyos. (Sa pamamagitan ng makasagisag na mga susi ng kamatayan at ng Hades, binuksan ni Jesus ang daan upang mabawi ng makasalanang mga tao ang naiwala ni Adan. Nagpaliwanag si Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay; at ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.” (Juan 11:25, 26) Kaygandang pangako! Pero, may higit pang dahilan sa pagsilang ni Jesus.
Ang Pinakamahalagang Dahilan
Ang paglilihi kay Jesus sa sinapupunan ni Maria ay hindi siyang pasimula ng kaniyang buhay. “Bumaba ako mula sa langit,” maliwanag niyang sinabi. (Juan 6:38) Si Jesus ay nabubuhay na sa dako ng mga espiritu kasama ng kaniyang makalangit na Ama mula pa sa pasimula ng paglalang. Sa katunayan, inilalarawan siya ng Bibliya bilang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apocalipsis 3:14) Mula sa langit, nasaksihan ni Jesus ang paghihimagsik ng isang balakyot na anghel na nag-udyok sa unang mga tao na talikuran ang pamamahala ng Diyos. Ito ang nagbigay kay Jesus ng pinakamahalagang dahilan upang siya’y maghangad na isilang bilang isang sakdal na Anak ng Diyos. Ano ito?
Ito’y upang patunayan na ang kaniyang makalangit na Ama ang may karapatang mamahala sa uniberso. Sa pamamagitan ng pananatiling tapat mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa kaniyang kamatayan sa lupa, ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagnanais na ipasakop ang kaniyang sarili sa paraan ng pamamahala ni Jehova sa Kaniyang mga nilalang. Bago ang kaniyang kamatayan sa kamay ng mga kaaway ng Diyos, maliwanag na sinabi ni Jesus ang dahilan ng kaniyang pagnanais na ibigay ang kaniyang buhay bilang hain. Sinabi niya na ito’y upang malaman ng sanlibutan na iniibig niya ang Ama. (Juan 14:31) Kung nagkaroon sana ng gayong pag-ibig ang unang dalawang tao, sina Adan at Eva, napatunayan sana nilang sila’y tapat sa ilalim ng mas madaling pagsubok sa kanila.—Genesis 2:15-17.
Inilantad din ng katapatan ni Jesus na sinungaling ang balakyot na anghel, si Satanas. Siniraang-puri ni Satanas ang Diyos at ang tao sa pagsasabi sa harap ng mga anghel sa langit: “Ibibigay ng tao ang lahat ng taglay niya bilang kapalit ng kaniyang buhay.” (Job 2:1, 4, Ang Bibliya—Bagong Salin sa Pilipino) May-kamaliang nagparatang si Satanas na lahat ng tao ay susuway sa Diyos para iligtas ang kanilang buhay.
Hinamon ng nabanggit na mga usapin ang katuwiran ng pamamahala ng Diyos. Upang malutas ang mga ito, handa si Jesus na maisilang bilang tao at patunayan ang kaniyang sarili na tapat hanggang kamatayan.
Sa gayon, ang pangunahing dahilan ng pagsilang ni Jesus sa lupa ay, gaya ng sabi niya mismo, upang siya ay “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagpapakita sa salita at sa gawa na ang pamamahala ng Diyos ay lubos na matuwid at na ang pagpapasakop dito ay nagbubunga ng namamalaging kaligayahan. Ipinaliwanag din ni Jesus na siya’y dumating sa lupa upang ibigay ang kaniyang buhay-tao bilang “pantubos na kapalit ng marami,” na nagbubukas ng daan upang matamo ng makasalanang mga tao ang kasakdalan at buhay na walang hanggan. (Marcos 10:45) Upang maunawaan ng sangkatauhan ang mahahalagang bagay na ito, kinailangan ang isang ulat ng pagsilang ni Jesus. Karagdagan pa, ang mga pangyayaring nakapalibot sa pagsilang ni Jesus ay naglalaman ng iba pang mahahalagang aral, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.
[Mga larawan sa pahina 4]
Paano maililigtas ang mga inapo ni Adan mula sa kasalanan?