Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya: “Sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito”?

Tinutukoy ang pagpapasimula sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus, sumulat si Pablo: “Sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1 Corinto 11:25, 26) Inaakala ng ilan na nagpapahiwatig ito na dapat ipagdiwang nang madalas ang kamatayan ni Kristo, sa diwa na maraming beses. Kaya naman, ipinagdiriwang nila ito nang madalas sa halip na minsan lamang sa isang taon. Iyan ba ang ibig sabihin ni Pablo?

Halos 2,000 taon na ngayon ang nakalilipas mula nang pasimulan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Samakatuwid, kahit ang pagdiriwang sa Memoryal nang minsan sa isang taon ay nangangahulugan na maraming beses na itong ipinagdiwang mula pa noong 33 C.E. Gayunman, sa konteksto ng 1 Corinto 11:25, 26, ang tinatalakay ni Pablo ay, hindi kung gaano kadalas, kundi kung paano dapat ipagdiwang ang Memoryal. Sa orihinal na Griego, hindi niya ginamit ang salitang pol·laʹkis, na nangangahulugang “madalas” o “malimit.” Sa halip, ginamit niya ang salitang ho·saʹkis, isang idyoma na nangangahulugang “kailanma’t” at “sa bawat pagkakataon na.” Ganito ang ibig sabihin ni Pablo: ‘Sa bawat pagkakataon na gawin ninyo ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon.’

Kung gayon, gaano kadalas dapat ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus? Angkop na ipagdiwang ito nang minsan lamang sa isang taon. Talagang ito ay isang memoryal, at ang mga memoryal ay karaniwan nang ipinagdiriwang nang taun-taon. Karagdagan pa, namatay si Jesus noong araw ng Paskuwa ng mga Judio, na idinaraos nang minsan sa isang taon. Angkop naman, si Jesus ay tinukoy ni Pablo na “Kristo . . . na ating paskuwa,” yamang ang kamatayan ni Jesus bilang hain ang nagbukas ng daang patungo sa buhay para sa espirituwal na Israel, kung paanong iningatang buháy ng unang haing pam-Paskuwa ang mga panganay ng likas na mga Israelita sa Ehipto at binuksan ang daan para sa paglaya ng bansa mula sa pagkaalipin. (1 Corinto 5:7; Galacia 6:16) Ang kaugnayang ito sa taunang Paskuwa ng mga Judio ay karagdagang katibayan na ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay dapat ipagdiwang nang minsan lamang sa isang taon.

Bukod dito, iniugnay ni Pablo ang kamatayan ni Jesus sa isa pang taunang kapistahan ng mga Judio, ang Araw ng Pagbabayad-sala. Sa Hebreo 9:25, 26, mababasa natin: “Ni hindi rin naman upang ihandog [ni Jesus] nang madalas ang kaniyang sarili, gaya nga ng mataas na saserdote na pumapasok sa dakong banal taun-taon [sa Araw ng Pagbabayad-sala] na may dugong hindi sa kaniya. . . . Ngunit ngayon ay inihayag niya ang kaniyang sarili nang minsanan sa katapusan ng mga sistema ng mga bagay upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili.” Yamang hinalinhan ng hain ni Jesus ang taunang Araw ng Pagbabayad-sala, ang Memoryal ng kaniyang kamatayan ay angkop na ipagdiwang nang taun-taon. Walang maka-Kasulatang dahilan upang ipagdiwang ang Memoryal nang mas madalas kaysa roon.

Kasuwato nito, iniuulat ng istoryador na si John Laurence von Mosheim na nakaugalian na ng ikalawang-siglong mga Kristiyano sa Asia Minor na ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus “sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan [Nisan] ng mga Judio.” Lumipas pa ang maraming taon bago naging kaugalian sa Sangkakristiyanuhan na ipagdiwang ito nang madalas sa halip na minsan lamang sa isang taon.