Kataimtiman—Kanais-nais, Ngunit Sapat Na ba Ito?
Kataimtiman—Kanais-nais, Ngunit Sapat Na ba Ito?
ANG kataimtiman ba ay talagang kanais-nais sa ating pang-araw-araw na pamumuhay? Binibigyang-katuturan ang kataimtiman bilang ang kawalan ng pagkukunwari o pagpapaimbabaw; pagkamatapat; pagiging prangka; pagiging tunay. Maliwanag, ang katangiang ito ay kapaki-pakinabang sa pagtataguyod ng mabuting kaugnayan sa iba. Nagpaalaala si apostol Pablo: “Maging masunurin kayo sa lahat ng bagay doon sa inyong mga panginoon ayon sa laman, hindi sa pamamagitan ng mga gawa na pakitang-taong paglilingkod, gaya ng mga nagpapalugod sa tao, kundi may kataimtiman ng puso, na may takot kay Jehova.” (Colosas 3:22) Sino ba naman ang hindi masisiyahang magkaroon ng gayon kataimtim na empleado? Sa ngayon, maaaring magkaroon ng mas malaking tsansa ang taimtim na mga tao na makasumpong ng trabaho at magtagal dito.
Gayunman, nagiging lubhang kanais-nais ang kataimtiman dahil sa epekto nito sa ating kaugnayan sa Diyos. Tinatamasa ng sinaunang mga Israelita ang pagpapala ng Diyos noong maingat nilang sinusunod ang mga kautusan at mga kapistahan. Sa pagtalakay hinggil sa kalinisan ng kongregasyon, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano: “Ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1 Corinto 5:8) Upang maging kaayaaya sa Diyos ang ating pagsamba, ang kataimtiman ay hindi lamang kanais-nais kundi talagang mahalaga. Gayunman, pansinin na hindi sapat ang kataimtiman. Dapat itong lakipan ng katotohanan.
Ang mga gumawa at mga pasahero ng Titanic ay maaaring taimtim na naniniwalang hindi lulubog ang malaking barkong pampasaherong iyon. Subalit sa unang biyahe nito noong 1912, bumangga ito sa isang napakalaking tipak ng yelo at 1,517 katao ang namatay. Ang ilang Judio noong unang siglo ay maaaring taimtim na naniniwala sa kanilang paraan ng pagsamba sa Diyos, ngunit ang sigasig nila ay “hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Upang maging kaayaaya tayo sa Diyos, ang ating taimtim na paniniwala ay dapat na nakasalig sa tumpak na impormasyon. Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad na tulungan kang magsuri kung ano ang nasasangkot sa paglilingkod sa Diyos taglay ang kataimtiman at katotohanan.