‘Manatili Kayo sa Aking Salita’
‘Manatili Kayo sa Aking Salita’
“Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko.”—JUAN 8:31.
1. (a) Nang bumalik sa langit si Jesus, ano ang kaniyang iniwan sa lupa? (b) Anu-anong tanong ang ating isasaalang-alang?
NANG bumalik sa langit si Jesu-Kristo, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo, wala siyang iniwang mga aklat na isinulat niya, mga monumentong itinayo niya, o mga kayamanang inipon niya sa lupang ito. Subalit may iniwan siyang mga alagad at espesipikong mga kahilingan sa pagiging alagad. Sa katunayan, sa Ebanghelyo ni Juan, masusumpungan natin na binanggit ni Jesus ang tatlong mahahalagang kahilingan na dapat maabot ng sinumang nagnanais na maging kaniyang tagasunod. Ano ang mga kahilingang ito? Ano ang magagawa natin upang maabot ang mga ito? At paano natin matitiyak na tayo mismo ay kuwalipikado bilang mga alagad ni Kristo sa ngayon? *
2. Ano ang isang mahalagang kahilingan sa pagiging alagad, gaya ng iniulat sa Ebanghelyo ni Juan?
2 Mga anim na buwan bago siya mamatay, nagtungo si Jesus sa Jerusalem at nangaral sa mga pulutong na nagtipon doon upang ipagdiwang ang sanlinggong Kapistahan ng mga Kubol. Bilang resulta, nang mangalahati na ang kapistahan, “marami sa pulutong ang nanampalataya sa kaniya.” Nagpatuloy si Jesus sa pangangaral, anupat sa huling araw ng kapistahan, minsan pa ay “marami ang nanampalataya sa kaniya.” (Juan 7:10, 14, 31, 37; 8:30) Nang panahong iyon, itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin sa bagong mga mananampalataya at binanggit niya ang isang mahalagang kahilingan sa pagiging alagad, gaya ng iniulat ni apostol Juan: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko.”—Juan 8:31.
3. Anong katangian ang kailangan upang ang isa ay ‘manatili sa salita ni Jesus’?
3 Hindi ipinahihiwatig ng mga pananalitang iyon ni Jesus na ang bagong mga mananampalataya ay walang sapat na pananampalataya. Sa halip, binabanggit niya na may pagkakataon silang maging kaniyang tunay na mga alagad—sa kondisyon na mananatili sila sa kaniyang salita at magpapamalas sila ng pagbabata. Tinanggap na nila ang kaniyang salita, ngunit ngayon ay kailangan silang manatili rito. (Juan 4:34; Hebreo 3:14) Sa katunayan, minalas ni Jesus ang pagbabata bilang isang napakahalagang katangian para sa kaniyang mga tagasunod anupat sa mismong huling pakikipag-usap niya sa kaniyang mga apostol, na iniulat sa Ebanghelyo ni Juan, dalawang beses silang hinimok ni Jesus: “Patuloy [kayong] sumunod sa akin.” (Juan 21:19, 22) Ganiyang-ganiyan ang ginawa ng maraming sinaunang Kristiyano. (2 Juan 4) Ano ang tumulong sa kanila na magbata?
4. Ano ang dahilan kung bakit nakapagbata ang sinaunang mga Kristiyano?
4 Binanggit ni apostol Juan, isang tapat na alagad ni Kristo sa loob ng mga pitong dekada, ang isang mahalagang salik. Pinuri niya ang tapat na mga Kristiyano, na sinasabi: “Kayo ay malalakas at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at dinaig ninyo ang isa na balakyot.” Nakapagbata, o nanatili sa salita ng Diyos, ang mga alagad na iyon ni Kristo sapagkat ang salita ng Diyos ay nanatili sa kanila. May taos-puso silang pagpapahalaga rito. (1 Juan 2:14, 24) Gayundin sa ngayon, upang ‘makapagbata hanggang sa wakas,’ kailangan nating tiyakin na ang salita ng Diyos ay nananatili sa atin. (Mateo 24:13) Paano natin magagawa iyan? Ang isang ilustrasyong binanggit ni Jesus ay naglalaan ng kasagutan.
“Nakikinig sa Salita”
5. (a) Anong iba’t ibang uri ng lupa ang binanggit ni Jesus sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon? (b) Ano ang inilalarawan ng binhi at ng lupa sa ilustrasyon ni Jesus?
5 Nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon hinggil sa isang manghahasik na naghasik ng binhi, at nakaulat ito sa mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, at Lucas. (Mateo 13:1-9, 18-23; Marcos 4:1-9, 14-20; Lucas 8:4-8, 11-15) Habang binabasa mo ang mga ulat, mapapansin mo na ang pangunahing itinampok sa ilustrasyon ay na iisang uri ng binhi ang nahuhulog sa iba’t ibang uri ng lupa, na nagluluwal ng iba’t ibang resulta. Ang una ay matigas na uri ng lupa, ang ikalawa naman ay mababaw, at ang ikatlo ay punô ng tinik. Ang ikaapat na uri, di-tulad ng iba pang tatlo, ay “mainam” at “mabuting lupa.” Ayon sa mismong paliwanag ni Jesus, ang binhi ay ang mensahe ng Kaharian na masusumpungan sa Salita ng Diyos, at ang lupa ay kumakatawan sa mga tao na may iba’t ibang kalagayan ng puso. Bagaman ang mga taong inilalarawan ng iba’t ibang uri ng lupa ay magkakatulad sa ilang bagay, yaong mga inilalarawan ng mainam na lupa ay may katangiang namumukod-tangi sa iba.
6. (a) Paano naiiba ang ikaapat na uri ng lupa sa ilustrasyon ni Jesus mula sa tatlong iba pang uri, at ano ang ibig sabihin nito? (b) Ano ang kailangan upang maipamalas ang pagbabata bilang mga alagad ni Kristo?
6 Ipinakikita ng ulat sa Lucas 8:12-15 na sa apat na kalagayan, ‘narinig ng mga tao ang salita.’ Gayunman, higit pa sa basta ‘pakikinig sa salita’ ang ginawa niyaong mga nagtataglay ng “mainam at mabuting puso.” ‘Pinanatili nila ito at nagbunga nang may pagbabata.’ Palibhasa’y malambot at malalim, pinangyayari ng mainam at mabuting lupa na bumaong mabuti ang mga ugat ng binhi, at bilang resulta, sumisibol ang binhi at namumunga. (Lucas 8:8) Sa katulad na paraan, nauunawaan, pinahahalagahan, at pinagbubuhusan ng pansin ng mga may mainam na puso ang salita ng Diyos. (Roma 10:10; 2 Timoteo 2:7) Ang salita ng Diyos ay nananatili sa kanila. Bilang resulta, namumunga sila nang may pagbabata. Kaya mahalaga ang isang malalim at taos-pusong pagpapahalaga sa Salita ng Diyos upang maipamalas ang pagbabata bilang mga alagad ni Kristo. (1 Timoteo 4:15) Gayunman, paano natin malilinang ang gayong taos-pusong pagpapahalaga sa Salita ng Diyos?
Kalagayan ng Puso at Makabuluhang Pagbubulay-bulay
7. Sa anong gawain lubhang iniuugnay ang mabuting puso?
7 Pansinin kung sa anong gawain paulit-ulit na iniuugnay ng Bibliya ang mainam at mabuting puso. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kawikaan 15:28) “Ang mga pananalita ng aking bibig at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova.” (Awit 19:14) “Ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay sa mga bagay tungkol sa unawa.”—Awit 49:3.
8. (a) Kapag binabasa ang Bibliya, ano ang dapat nating iwasan ngunit ano naman ang dapat nating gawin? (b) Anong mga pakinabang ang nakukuha natin sa pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos nang may pananalangin? (Ilakip ang kahong ‘Matibay na Nakatatag sa Katotohanan.’)
8 Katulad ng mga manunulat na ito ng Bibliya, kailangan din nating bulay-bulayin ang Salita ng Diyos at ang kaniyang gawain nang may pagpapahalaga at pananalangin. Kapag nagbabasa ng Bibliya o ng mga publikasyong salig sa Bibliya, hindi tayo dapat gumawi na parang mga turistang nagmamadaling umalis sa isang magandang lugar upang makapunta sa isa pa, na kinukunan ng litrato ang lahat ng tanawin ngunit hindi naman talaga nasisiyahan sa bawat lugar. Sa halip, kapag nag-aaral ng Bibliya, nais nating maglaan ng panahon upang masiyahan sa tanawin, wika nga. * Habang tahimik nating binubulay-bulay ang ating binabasa, nagkakaroon ng epekto ang salita ng Diyos sa ating puso. Inaantig nito ang ating damdamin at hinuhubog ang ating pag-iisip. Pinakikilos din tayo nito na ipaalam sa Diyos ang ating niloloob sa pamamagitan ng panalangin. Bunga nito, napatitibay ang ating kaugnayan kay Jehova, at ang pag-ibig natin sa Diyos ang mag-uudyok sa atin na patuloy na sundin si Jesus maging sa mahihirap na kalagayan. (Mateo 10:22) Maliwanag na mahalaga ang pagbubulay-bulay sa sinasabi ng Diyos kung nais nating manatiling tapat hanggang sa wakas.—Lucas 21:19.
9. Paano natin matitiyak na patuloy na tinatanggap ng ating puso ang salita ng Diyos?
9 Ipinakikita rin ng ilustrasyon ni Jesus na may mga balakid sa paglaki ng binhing tumutukoy sa salita ng Diyos. Kaya upang manatiling tapat na mga alagad, dapat na (1) kilalanin natin ang mga balakid na inilalarawan ng di-kaayaayang mga kalagayan ng lupa na binanggit sa ilustrasyon at (2) gumawa ng mga hakbang upang ituwid o iwasan ang mga ito. Sa ganitong paraan, matitiyak natin na patuloy na tinatanggap ng ating puso ang binhi ng Kaharian at patuloy itong namumunga.
“Sa Tabi ng Daan”—Pagiging Labis na Abala sa mga Gawain sa Buhay
10. Ilarawan ang unang uri ng lupa sa ilustrasyon ni Jesus, at ipaliwanag ang kahulugan nito.
10 Ang unang uri ng lupa kung saan nahulog ang binhi ay sa “tabi ng daan,” kung saan ang binhi ay “nayurakan.” (Lucas 8:5) Ang lupa sa tabi ng daan na patungo sa bukirin ng mga butil ay tumigas dahil palagi itong nilalakaran ng mga tao. (Marcos 2:23) Gayundin naman, baka masumpungan ng mga tao na wala silang panahon upang makapaglinang ng taos-pusong pagpapahalaga sa salita ng Diyos dahil hinahayaan nila ang mga kaabalahan sa daigdig na umubos ng kanilang panahon at lakas. Napakikinggan nila ito, ngunit nabigo silang bulay-bulayin ito. Kaya nananatiling hindi tumutugon ang kanilang puso. Bago pa nila malinang ang pag-ibig dito, “dumarating ang Diyablo at kinukuha ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila maniwala at maligtas.” (Lucas 8:12) Maiiwasan ba ito?
11. Paano natin maiiwasan na maging kagaya ng matigas na lupa ang kalagayan ng ating puso?
11 Maraming magagawa upang maiwasan na ang puso ay maging kagaya ng di-mabungang Lucas 12:13-15) Sa halip, tiyaking maglaan ng panahon upang magbulay-bulay sa “mga bagay na higit na mahalaga” sa buhay.—Filipos 1:9-11.
lupa sa tabi ng daan. Ang natapak-tapakan at matigas na lupa ay maaaring maging malambot at mabunga kung ito ay aararuhin at hindi ito pararaanan. Sa katulad na paraan, ang paglalaan ng panahon para sa pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos ay magpapangyari sa puso na maging kagaya ng mainam at mabungang lupa. Ang susi ay ang hindi pagiging labis na abala sa pangkaraniwang mga bagay sa buhay. (“Sa Ibabaw ng Batong-Limpak”—Pagiging Matatakutin
12. Ano ang tunay na dahilan ng pagkalanta ng sibol sa ikalawang uri ng lupa na binanggit sa ilustrasyon ni Jesus?
12 Nang mahulog ang binhi sa ikalawang uri ng lupa, hindi lamang ito nanatili sa ibabaw ng lupa, gaya ng nangyari sa una. Nagkaugat ito at sumibol. Ngunit nang sumikat ang araw, natuyo ang sibol at nalanta ito. Gayunman, pansinin ang mahalagang detalyeng ito. Hindi init ang tunay na dahilan ng pagkalanta ng sibol. Sa katunayan, ang halamang sumibol sa mainam na lupa ay nakalantad din naman sa araw, ngunit hindi ito nalanta—sa katunayan, lumago pa nga ito. Ano ang dahilan ng kaibahan? Nalanta ang sibol na ito, ang paliwanag ni Jesus, “dahil sa hindi malalim ang lupa” at dahil sa “walang halumigmig.” (Mateo 13:5, 6; Lucas 8:6) Ang isang “batong-limpak” na nasa mismong ilalim ng pang-ibabaw na suson ng lupa, ang pumigil sa binhi na maibaon ang mga ugat nito upang makasumpong ng halumigmig at maging matatag ito. Nalanta ang sibol dahil mababaw ang lupa.
13. Anong uri ng mga indibiduwal ang kagaya ng mababaw na lupa, at ano ang mas malalim na dahilan ng kanilang pagtugon?
13 Ang bahaging ito ng ilustrasyon ay tumutukoy sa mga indibiduwal na “tumatanggap sa salita nang may kagalakan” at may-kasigasigang sumusunod kay Jesus “sa loob ng isang kapanahunan.” (Lucas 8:13) Nang mahantad sa napakainit na araw ng “kapighatian o pag-uusig,” naging lubha silang matatakutin anupat nawalan sila ng kagalakan at lakas at hindi na sumunod kay Kristo. (Mateo 13:21) Gayunman, hindi pananalansang ang mas malalim na dahilan ng kanilang pagkatakot. Sa katunayan, binabata ng milyun-milyon sa mga alagad ni Kristo ang iba’t ibang uri ng kapighatian, ngunit nananatili silang tapat. (2 Corinto 2:4; 7:5) Ang tunay na dahilan kung bakit naging matatakutin ang ilan at iniwan nila ang katotohanan ay na pinipigilan sila ng tulad-batong kalagayan ng kanilang puso na magbulay-bulay nang husto hinggil sa positibo at espirituwal na mga bagay. Bunga nito, ang pagpapahalagang nalinang nila para kay Jehova at sa kaniyang salita ay napakababaw at napakahina upang makayanan ang pananalansang. Paano maiiwasan ng isa ang gayong kahihinatnan?
14. Anu-anong hakbang ang dapat gawin ng isang indibiduwal upang hindi maging gaya ng mababaw na lupa ang kalagayan ng kaniyang puso?
14 Kailangang tiyakin ng indibiduwal na walang tulad-batong mga balakid, tulad ng nakaugat na hinanakit, natatagong kaimbutan, o nakakatulad na matigas ngunit nakakubling damdamin, ang nasa kaniyang puso. Kung nasa puso na ang gayong hadlang, kaya itong tibagin ng kapangyarihan ng salita ng Diyos. (Jeremias 23:29; Efeso 4:22; Hebreo 4:12) Pagkatapos nito, ang pagbubulay-bulay nang may pananalangin ang magpapasigla sa malalim na “pagkikintal ng salita” sa puso ng indibiduwal. (Santiago 1:21) Magbibigay ito ng lakas upang mapanagumpayan ang panahon ng pagkasiphayo, at ng tibay ng loob upang makapanatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok.
“Sa Gitna ng mga Tinik”—Pagiging Hati ang Puso
15. (a) Bakit ang ikatlong uri ng lupa na binanggit ni Jesus ay lalo nang kailangan nating pag-ukulan ng pansin? (b) Ano ang nangyari sa ikatlong uri ng lupa sa dakong huli, at bakit?
15 Ang ikatlong uri ng lupa, ang isa na may mga tinik, ay lalo nang Lucas 8:7.
kailangan nating pag-ukulan ng pansin dahil nakakatulad ito ng mainam na lupa sa ilang paraan. Kagaya ng mainam na lupa, hinahayaan ng matinik na lupa na mag-ugat at sumibol ang binhi. Sa simula, walang pagkakaiba ang paglaki ng bagong halaman sa dalawang uring ito ng lupa. Gayunman, sa paglipas ng panahon, nalilikha ang isang kalagayan na sa kalaunan ay sumasakal sa halaman. Di-tulad ng mainam na lupa, ang lupang ito ay napunô ng mga tinik. Habang tumutubo ang murang halaman mula sa lupang ito, napapaharap ito sa pakikipagpunyagi sa ‘mga tinik na tumutubong kasama nito.’ Sa una ay nagpunyagi ang dalawang tanim para sa sustansiya, liwanag, at espasyo, ngunit sa dakong huli ay nadaig ng mga tinik ang halaman at “sinakal ito.”—16. (a) Anong mga indibiduwal ang inilalarawan ng matinik na lupa? (b) Ayon sa ulat ng tatlong Ebanghelyo, sa ano kumakatawan ang mga tinik?—Tingnan ang talababa.
16 Anong uri ng mga indibiduwal ang inilalarawan ng matinik na lupa? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Ito yaong mga nakarinig, ngunit, sa pagpapadala sa mga kabalisahan at mga kayamanan at mga kaluguran sa buhay na ito, sila ay lubusang nasasakal at walang anumang dinadala sa kasakdalan.” (Lucas 8:14) Kung paanong ang binhi ng manghahasik at ang mga tinik ay sabay na tumutubo sa lupa, gayon sinisikap ng ilang indibiduwal na pagsabayin ang pagtataguyod sa salita ng Diyos at sa “mga kaluguran sa buhay na ito.” Ang katotohanan ng salita ng Diyos ay inihasik sa kanilang puso, ngunit napapaharap ito sa pakikipagpaligsahan sa iba pang mga gawain na umaagaw ng kanilang pansin. Nahahati ang kanilang makasagisag na puso. (Lucas 9:57-62) Pinipigilan sila nito na maglaan ng sapat na panahon upang gumawa ng makabuluhan at may-pananalanging pagbubulay-bulay sa salita ng Diyos. Nabigo silang magbuhos ng lubos na pansin sa salita ng Diyos at sa gayon ay wala silang taos-pusong pagpapahalaga na kinakailangan upang makapagbata. Unti-unti, ang kanilang espirituwal na mga kapakanan ay nadaraig ng di-espirituwal na mga gawain hanggang sa punto na sila ay ‘lubusang nasakal.’ * Kaysaklap na wakas para sa mga hindi umiibig kay Jehova nang buong puso!—Mateo 6:24; 22:37.
17. Anong mga pagpapasiya ang kailangan nating gawin sa buhay upang hindi tayo masakal ng makasagisag na mga tinik na binanggit sa ilustrasyon ni Jesus?
17 Sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga bagay kaysa sa materyal na mga bagay, iniiwasan natin na tayo ay masakal ng mga pasakit at mga kaluguran ng sanlibutang ito. (Mateo 6:31-33; Lucas 21:34-36) Dapat na hindi natin kailanman kaligtaan ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa ating nabasa. Magkakaroon tayo ng mas maraming panahon para sa buhos-na-buhos at may-pananalanging pagbubulay-bulay kung gagawin nating simple ang ating buhay hangga’t maaari. (1 Timoteo 6:6-8) Ang mga lingkod ng Diyos na gumawa ng gayon—na wika nga ay bumunot sa mga tinik mula sa lupa upang magkaroon ng higit na sustansiya, liwanag, at espasyo ang namumungang halaman—ay nakararanas ng pagpapala ni Jehova. Ganito ang sabi ni Sandra, na 26 na taóng gulang: “Kapag binubulay-bulay ko ang aking mga pagpapala sa katotohanan, natatanto ko na bale-wala ang iniaalok ng sanlibutan kung ihahambing dito!”—Awit 84:11.
18. Paano tayo makapananatili sa salita ng Diyos at makapagbabata bilang mga Kristiyano?
18 Kung gayon, maliwanag na tayong lahat, bata at matanda, ay makapananatili sa salita ng Diyos at makapagbabata bilang mga alagad ni Kristo hangga’t nananatili sa atin ang salita ng Diyos. Samakatuwid, tiyakin natin na ang lupa ng ating makasagisag na puso ay hindi kailanman maging matigas, mababaw, o mapunô ng masasamang halaman kundi sa halip ay manatiling malambot at malalim. Sa ganitong paraan, lubusan nating mapagbubuhusan ng pansin ang salita ng Diyos at ‘makapamumunga nang may pagbabata.’—Lucas 8:15.
[Mga talababa]
^ par. 1 Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ang una sa mga kahilingang ito. Ang dalawang iba pa ay tatalakayin sa sumusunod na mga artikulo.
^ par. 8 Upang mabulay-bulay nang may pananalangin ang isang bahagi ng Bibliya na iyong nabasa, maaari mong tanungin ang iyong sarili, tulad ng: ‘Isinisiwalat ba nito ang isa o higit pa sa mga katangian ni Jehova? Paano ito nauugnay sa tema ng Bibliya? Paano ko ito maikakapit sa aking buhay o paano ko ito magagamit upang matulungan ang iba?’
^ par. 16 Ayon sa ulat ng tatlong Ebanghelyo hinggil sa talinghaga ni Jesus, ang binhi ay sinakal ng mga pasakit at kaluguran ng sanlibutang ito: “Ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay,” “ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” “ang mga pagnanasa sa iba pang mga bagay,” at ang “mga kaluguran sa buhay na ito.”—Marcos 4:19; Mateo 13:22; Lucas 8:14; Jeremias 4:3, 4.
Anu-ano ang Iyong Sagot?
• Bakit tayo kailangang ‘manatili sa salita ni Jesus’?
• Paano natin mapananatili sa ating puso ang salita ng Diyos?
• Anu-anong uri ng indibiduwal ang inilalarawan ng apat na iba’t ibang uri ng lupa na binanggit ni Jesus?
• Paano ka makapaglalaan ng panahon upang magbulay-bulay sa salita ng Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
‘MATIBAY NA NAKATATAG SA KATOTOHANAN’
TAUN-TAON ay pinatutunayan ng maraming matatagal nang alagad ni Kristo na “matibay [silang] nakatatag sa katotohanan.” (2 Pedro 1:12) Ano ang tumutulong sa kanila na magbata? Isaalang-alang ang ilan sa kanilang mga komento.
“Tinatapos ko ang bawat araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya at pananalangin. Pagkatapos ay pinag-iisipan ko ang aking binasa.”—Jean, nabautismuhan noong 1939.
“Ang pagbubulay-bulay sa kung gaano kasidhi ang pag-ibig ni Jehova sa atin, bagaman napakatayog Niya, ay nagbibigay sa akin ng katiwasayan at lakas upang manatiling tapat.”—Patricia, nabautismuhan noong 1946.
“Dahil sa pananatili sa mabubuting kaugalian sa pag-aaral ng Bibliya at pagbubuhos ng pansin sa ‘malalalim na bagay ng Diyos,’ nakapagpatuloy ako sa paglilingkod kay Jehova.”—1 Corinto 2:10; Anna, nabautismuhan noong 1939.
“Binabasa ko ang Bibliya at ang ating mga publikasyong salig sa Bibliya upang masuri ko ang aking puso at mga motibo.”—Zelda, nabautismuhan noong 1943.
“Ang pinakamainam sa aking panahon ay kapag nakapaglalakad ako at nakikipag-usap kay Jehova sa panalangin at ipinaaalam sa kaniya kung ano talaga ang aking nadarama.”—Ralph, nabautismuhan noong 1947.
“Sinisimulan ko ang araw sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa pang-araw-araw na teksto at pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya. Sa pamamagitan nito ay may bago akong punto na bubulay-bulayin sa buong araw.”—Marie, nabautismuhan noong 1935.
“Para sa akin, ang talata-por-talatang pagtalakay sa isang aklat sa Bibliya ay isang tunay na pampalakas.”—Daniel, nabautismuhan noong 1946.
Kailan ka ba nagbubulay-bulay nang may pananalangin sa salita ng Diyos?—Daniel 6:10b; Marcos 1:35; Gawa 10:9.
[Larawan sa pahina 13]
Sa pamamagitan ng pag-una sa espirituwal na mga bagay, ‘makapamumunga tayo nang may pagbabata’