Ang Buhay sa Kampo ng mga Lumikas
Ang Buhay sa Kampo ng mga Lumikas
ANO ang pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang pananalitang “kampo ng mga lumikas”? Nakadalaw ka na ba sa ganoong lugar? Ano kaya talaga ang hitsura nito?
Sa panahong isinusulat ang artikulong ito, 13 iba’t ibang kampo ng mga lumikas ang naitayo na sa kanlurang bahagi ng Tanzania. Palibhasa’y naitaboy dahil sa mga digmaang sibil, mga 500,000 lumikas mula sa iba pang mga lupain sa Aprika ang tinutulungan ng pamahalaan ng Tanzania at ng United Nations High Commissioner of Refugees (UNHCR). Ano kaya ang buhay sa kampo?
Pagdating sa Kampo
Ipinaliwanag ng isang babaing tin-edyer na nagngangalang Kandida ang nangyari nang sila ng kaniyang pamilya ay dumating sa kampo ng mga lumikas mga ilang taon na ang nakalipas: “Binigyan nila kami ng isang kard na may ID number para sa pagkuha ng rasyon, at ang aming pamilya ay inatasang magtungo sa kampo ng Nyarugusu. Doon ay nakatanggap kami ng numero ng lote at numero ng kalye. Ipinakita sa amin kung saan puputol ng mga punungkahoy at kukuha ng talahib upang magamit sa pagtatayo ng aming maliit na bahay. Gumawa kami ng mga laryong gawa sa putik. Binigyan kami ng UNHCR ng malaking plastik na ilalagay namin sa bubong. Ito’y mahirap na trabaho, ngunit maligaya kami nang matapos ang aming simpleng tahanan.”
Ginagamit ang kard para sa pagkuha ng rasyon tuwing makalawang Miyerkules. “Oo, pumipila kami sa kantina upang kumuha ng pangunahing pagkain na ipinamamahagi ng UNHCR,” ang sabi pa ni Kandida.
Ano ba ang araw-araw na kinakain ng isang tao?
“Bawat isa sa amin ay tumatanggap ng mga 3 tasa ng harinang mais, isang tasa ng gisantes, 20 gramo ng harinang balatong, 2 kutsara ng mantika, at 10 gramo ng asin. Kung minsan ay nakatatanggap din kami ng isang bareta ng sabon, na dapat tumagal nang isang buwan.”
Kumusta naman ang tubig na maiinom? Makukuha ba ito? Isang kabataang babae na nagngangalang Riziki ang nagsabi: “Oo, binobomba ang tubig mula sa kalapit na mga ilog patungo sa mga tubo na papunta sa malalaking imbakan. Nilalagyan ng chlorine ang tubig bago ito bombahin patungo sa maraming istasyon ng tubig sa bawat kampo. Pinakukuluan
pa rin namin ang tubig bago namin ito inumin para maiwasan ang pagkakasakit. Madalas na abala kami mula umaga hanggang gabi sa pag-iigib ng tubig at paglalaba ng aming mga damit sa mga istasyon ng tubig na ito. Maaari lamang kaming makakuha ng isa at kalahating timba ng tubig bawat araw.”Kung daraan ka sa isa sa mga kampo, maaari mong makita ang mga paaralang preschool, elementarya, at haiskul. Baka may ilan pa ngang paaralan para sa mga adulto sa kampo. Isang himpilan ng pulisya at tanggapan ng pamahalaan ang nasa labas lamang ng kampo upang tiyakin na tiwasay at ligtas ang kampo. Baka makakita ka ng isang malaking palengke na may maraming maliliit na tindahan kung saan masusumpungan ng mga lumikas ang gulay, prutas, isda, manok, at iba pang pangunahing pagkain. Nagpupunta sa palengke ang ilang tagaroon upang magnegosyo. Ngunit saan nakakakuha ng salapi ang mga lumikas upang makabili ng mga bagay-bagay? Ang ilan ay nagtatanim ng mga gulay sa isang maliit na hardin at ipinagbibili ang mga ito sa palengke. Maaaring ipinagbibili naman ng iba ang ibang bahagi ng harina o gisantes na kanilang natatanggap, anupat ginagamit ito upang makakuha ng karne o prutas. Oo, ang kampo ay baka mas mukha pa ngang isang malaking nayon kaysa sa isang kampo. Karaniwan nang makikita ang ilang tao sa palengke na nagtatawanan at nagkakasiyahan, gaya ng ginagawa nila sa kanilang tinubuang lupain.
Kung pupunta ka sa ospital, baka sabihin sa iyo ng isa sa mga doktor na may ilang klinika sa kampo kung saan ginagamot ang di-gaanong malulubhang kaso; ang mga emergency at malulubhang kaso naman ay dinadala sa ospital. Mauunawaan na mahalagang bahagi ng ospital ang
departamento para sa pagdadalang-tao at ang silid sa panganganak, yamang sa kampo ng 48,000 lumikas, maaaring humigit-kumulang sa 250 ang ipinanganganak sa loob ng isang buwan.Pinakakaing Mabuti sa Espirituwal
Sa buong globo, maaaring pinag-iisipan ng mga Saksi ni Jehova ang kalagayan ng kanilang espirituwal na mga kapatid na naninirahan sa mga kampo sa Tanzania. Lahat-lahat, may mga 1,200 Saksi rito, at ang mga ito ay inorganisa sa 14 na kongregasyon at 3 grupo. Kumusta naman sila?
Kabilang sa mga unang ginawa ng tapat na mga Kristiyanong ito nang dumating sila sa mga kampo ay ang humingi ng isang lote upang maitayo roon ang isang Kingdom Hall. Sa pamamagitan nito, malalaman ng mga lumikas kung saan masusumpungan ang mga Saksi at kung saan sila makadadalo sa kanilang lingguhang mga pulong. Sa kampo ng Lugufu, may 7 kongregasyon, na may kabuuang bilang na 659 na aktibong Kristiyano. Sa kanilang mga pulong kapag Linggo, ang kabuuang bilang ng mga nagsisidalo sa 7 kongregasyong ito ay karaniwan nang umaabot ng mga 1,700.
Nakikinabang din sa mas malalaking Kristiyanong asamblea at kombensiyon ang mga Saksi mula sa lahat ng kampo. Nang ganapin ang unang pandistritong kombensiyon sa kampo ng Lugufu, 2,363 ang nagsidalo. Ang mga Saksi ay gumawa ng isang tipunang-tubig para sa bautismo sa labas lamang ng lugar ng kombensiyon. Ang tipunang-tubig ay isang malaking hukay sa lupa, na nilagyan ng plastik upang mapanatili ang tubig. Sa pamamagitan ng bisikleta, umiigib ng tubig ang mga kapatid mula sa ilog na mga dalawang kilometro ang layo. Yamang limang galon lamang ang kaya nilang igibin sa bawat biyahe, nangangahulugan ito ng maraming balikan. Ang mga kandidato sa bautismo, na may mahinhing pananamit, ay pumila upang magpabautismo. Lahat-lahat, 56 ang nabautismuhan sa pamamagitan ng lubusang paglulubog. Ipinaliwanag ng isang buong-panahong ministro na kinapanayam sa kombensiyon na nakapagdaos siya ng pag-aaral sa Bibliya sa 40 iba’t ibang indibiduwal. Apat sa kaniyang mga estudyante ang nabautismuhan sa kombensiyong iyon.
Isinaayos ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang regular na mga pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Ganito ang sabi ng isa sa kanila: “Masisigasig sa ministeryo ang ating mga kapatid. Malaki ang kanilang teritoryo na pangangaralan,
at sa isang kongregasyon, ang bawat Saksi ay gumugugol ng mga 34 na oras buwan-buwan sa ministeryo. Marami ang nagdaraos ng lima o higit pang pag-aaral ng Bibliya sa mga interesado. Sinabi ng isang payunir [buong-panahong ministro] na wala na siyang mas magandang teritoryo kaysa rito. Lubhang pinahahalagahan ng mga tao sa kampo ang ating mga publikasyon.”Paano nakararating sa mga kampo ang mga literatura sa Bibliya? Ipinadadala ito ng tanggapan sa pamamagitan ng tren na patungong Kigoma, isang bayan sa silangang baybayin ng Lawa ng Tanganyika. Doon tinatanggap ng mga kapatid ang mga publikasyon at gumagawa ng mga kaayusan upang dalhin ang mga ito sa mga kongregasyon. Kung minsan ay nag-aarkila sila ng isang pick-up at sila na mismo ang naghahatid ng literatura sa lahat ng kampo. Gugugulin dito ang mga tatlo o apat na araw na paglalakbay sa lubhang baku-bakong mga daan.
Materyal na Tulong
Ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya, Belgium, at Switzerland ay partikular nang nakatutulong sa pagbibigay ng panustos sa mga lumikas sa mga kampong ito. Ang ilan ay dumadalaw sa mga kampo sa Tanzania, na may pahintulot ng Ministry of Home Affairs at UNHCR. Nakapag-ipon ang mga Saksi sa Europa ng tone-toneladang gatas na hango sa balatong, damit, sapatos, aklat-araling pampaaralan, at sabon. Ang mga ito ay iniabuloy upang ipamahagi sa lahat ng lumikas, kasuwato ng simulain ng Bibliya: “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.”—Galacia 6:10.
Ang mapagkawanggawang mga pagsisikap na ito ay nagkaroon ng mabubuting resulta, anupat maraming lumikas ang natulungan. Ang Refugee Community Committee sa isa sa mga kampo ay nagpahayag ng kanilang pagpapahalaga sa ganitong mga salita: “Sa ngalan ng aming buong komunidad, karangalan namin ang magpasalamat sa inyong pagkakawanggawa na tatlong beses na ipinakita ng inyong organisasyon . . . Nakaabot ang mga damit sa 12,654 na nangangailangang mga lalaki, babae, at mga bata, gayundin sa bagong-silang na mga sanggol . . . Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga lumikas na naninirahan sa kampo ng Muyovozi ay 37,000. Lahat-lahat, 12,654 katao ang natulungan, o 34.2 porsiyento ng populasyon.”
Sa isa pang kampo, ang bawat isa sa 12,382 lumikas ay binigyan ng tatlong piraso ng pananamit, at ang isa pang kampo ay nakatanggap ng libu-libong aklat-araling pampaaralan na gagamitin sa mga paaralang panghaiskul at pang-elementarya at sa mga day-care center. Ang opisyal sa lohistika ng UNHCR sa isa sa mga rehiyon ay nagkomento: “Lubha kaming nagpapasalamat sa donasyong natanggap [na tumugon sa] malalaking pangangailangan ng populasyon sa mga kampo ng mga lumikas. Ang pinakahuling natanggap namin ay ang 5 container ng mga aklat, na ipinamahagi ng aming mga serbisyong pangkomunidad sa mga lumikas. . . . Maraming-maraming salamat.”
Maging ang mga lokal na pahayagan ay nagkomento sa ibinigay na tulong. Ganito ang sinabi ng isang ulong balita sa Sunday News noong Mayo 20, 2001: “Parating Na ang Mga Damit Para sa mga Lumikas sa Tanzania.” Ganito ang komento ng edisyon nito noong Pebrero 10, 2002: “Pinahahalagahan ng komunidad ng mga lumikas ang donasyon dahil ang ilan sa mga bata, na hindi nagpatuloy sa kanilang pag-aaral dahil sa kakulangan ng damit, ay pumapasok na ngayon nang regular sa klase.”
Nagigipit Ngunit Tinutulungan Naman
Para sa karamihan ng mga lumikas, mga isang taon ang kailangan upang makabagay sila sa bagong paraan ng pamumuhay sa kampo. Namumuhay sila nang simple. Ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong ito ang malaking bahagi ng kanilang panahon upang ipaabot sa kanilang mga kapuwa lumikas ang nakaaaliw na mabuting balita mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ipinakikipag-usap nila ang hinggil sa isang bagong sanlibutan, kung saan “pupukpukin [ng lahat] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Pagkatapos, “uupo [ang lahat], ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.” Maliwanag na sa pamamagitan ng pagpapala ng Diyos, ito ay magiging isang sanlibutan na wala nang mga kampo ng mga lumikas.—Mikas 4:3, 4; Awit 46:9.
[Larawan sa pahina 8]
Mga bahay sa kampo ng Nduta
[Mga larawan sa pahina 10]
Kingdom Hall sa Lukole (kanan) Bautismo sa Lugufu (ibaba)
[Larawan sa pahina 10]
Pandistritong kombensiyon sa kampo ng Lugufu