Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Hapunan ng Panginoon?

Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Hapunan ng Panginoon?

Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Hapunan ng Panginoon?

“Ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon.”​—1 CORINTO 11:27.

1. Ano ang pinakamahalagang okasyon na nakaplano para sa taóng 2003, at ano ang pinagmulan nito?

ANG pinakamahalagang okasyon na nakaplano para sa taóng 2003 ay gaganapin paglubog ng araw sa Abril 16. Sa panahong iyon ay magtitipon ang mga Saksi ni Jehova upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, itinatag ni Jesus ang pagdiriwang na ito, na tinatawag ding Hapunan ng Panginoon, matapos niyang ipagdiwang kasama ng kaniyang mga apostol ang Paskuwa noong Nisan 14, 33 C.E. Ang mga emblema ng Memoryal na tinapay na walang lebadura at pulang alak ay sumasagisag sa walang-salang katawan ni Kristo at sa kaniyang itinigis na dugo​—ang tanging hain na makatutubos sa sangkatauhan mula sa minanang kasalanan at kamatayan.​—Roma 5:12; 6:23.

2. Anong babala ang nakaulat sa 1 Corinto 11:27?

2 Yaong mga nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay dapat na karapat-dapat sa pakikibahagi rito. Niliwanag ito ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto, kung saan ang Hapunan ng Panginoon ay ipinagdiriwang sa di-wastong paraan. (1 Corinto 11:20-22) Ganito ang isinulat ni Pablo: “Sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon.” (1 Corinto 11:27) Ano ang kahulugan ng mga salitang iyon?

Ipinagdiriwang Ito ng Ilan Nang Di-karapat-dapat

3. Paano gumawi ang maraming Kristiyano sa Corinto sa mga pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon?

3 Maraming Kristiyano sa Corinto ang nakibahagi sa Memoryal nang di-karapat-dapat. May pagkakabaha-bahagi sa gitna nila, at marahil may mga pagkakataon na dinala ng ilan ang kanilang hapunan at kinain iyon bago o sa panahon ng pagpupulong, anupat kadalasan ay labis-labis silang kumakain at umiinom. Kapuwa sila hindi gising sa mental at espirituwal. Dahil dito, sila ay ‘nagkasala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon.’ Yaong mga hindi naghapunan ay gutóm at hindi nakapagtuon ng pansin. Oo, marami ang nakibahagi nang walang paggalang at lubos na kabatiran sa kaselanan ng okasyon. Hindi kataka-taka na nagdulot sila ng hatol sa kanilang sarili!​—1 Corinto 11:27-34.

4, 5. Bakit mahalaga ang pagsusuri sa sarili para sa mga karaniwan nang nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal?

4 Kapag malapit nang ipagdiwang ang Memoryal sa bawat taon, mahalaga ang pagsusuri sa sarili para sa mga karaniwan nang nakikibahagi sa mga emblema. Upang wastong makabahagi sa salu-salong ito, sila ay dapat na nasa malusog na kalagayan sa espirituwal. Sinumang magpapakita ng kawalang-galang, maging ng paghamak man, sa hain ni Jesus ay manganganib na ‘malipol mula sa bayan ng Diyos,’ gaya ng isang Israelitang nakibahagi sa haing pansalu-salo, na marumi ang katayuan.​—Levitico 7:20; Hebreo 10:28-31.

5 Inihambing ni Pablo ang Memoryal sa isang salu-salo sa sinaunang Israel. Tinukoy niya ang mga nakikibahagi kay Kristo at pagkatapos ay sinabi niya: “Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:16-21) Kung ang isang tao na karaniwan nang nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay nakagawa ng malubhang pagkakasala, dapat niya itong ipagtapat kay Jehova at dapat din niyang hingin ang espirituwal na tulong ng matatandang lalaki sa kongregasyon. (Kawikaan 28:13; Santiago 5:13-16) Kung siya ay tunay na nagsisisi at nagluluwal ng mga bungang naaangkop sa pagsisisi, hindi siya maituturing na nakikibahagi nang di-karapat-dapat.​—Lucas 3:8.

Pagdalo Bilang Magagalang na Tagamasid

6. Kanino lamang ibinigay ng Diyos ang pribilehiyo na makibahagi sa Hapunan ng Panginoon?

6 Dapat bang makibahagi sa Hapunan ng Panginoon ang mga gumagawa ngayon ng mabuti sa mga nalabi ng 144,000 kapatid ni Kristo? (Mateo 25:31-40; Apocalipsis 14:1) Hindi. Ibinigay lamang ng Diyos ang pribilehiyong iyon sa mga indibiduwal na pinahiran niya ng banal na espiritu upang maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:14-18; 1 Juan 2:20) Kung gayon, ano ang katayuan ng mga umaasang mabuhay magpakailanman sa isang pangglobong paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian? (Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4) Yamang hindi sila mga kasamang tagapagmana ni Jesus na may makalangit na pag-asa, dumadalo sila sa Memoryal bilang magagalang na tagamasid.​—Roma 6:3-5.

7. Bakit alam ng unang-siglong mga Kristiyano na dapat silang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal?

7 Ang tunay na mga Kristiyano noong unang siglo ay pinahiran ng banal na espiritu. Nagamit ng marami sa kanila ang isa o higit pang makahimalang mga kaloob ng espiritu, tulad ng pagsasalita ng mga wika. Kaya naman, hindi naging mahirap para sa gayong mga indibiduwal na malaman na sila ay pinahiran ng espiritu at dapat makibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Subalit sa ating panahon, maaari itong matiyak salig sa kinasihang mga salita na tulad nito: “Ang lahat ng inaakay ng espiritu ng Diyos, ito ang mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo muling tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na sanhi ng pagkatakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ ”​—Roma 8:14, 15.

8. Kanino kumakatawan ang “trigo” at “ang mga panirang-damo” na binanggit sa Mateo kabanata 13?

8 Sa nakalipas na maraming siglo, ang tunay na mga pinahiran ay lumago na gaya ng “trigo” sa isang bukirin ng “mga panirang-damo,” o huwad na mga Kristiyano. (Mateo 13:24-30, 36-43) Mula noong dekada ng 1870, lalong nakikilala kung sino ang mga “trigo,” at pagkalipas ng ilang taon ay sinabi sa pinahirang mga Kristiyanong tagapangasiwa: “Ang matatanda . . . ay dapat magharap sa mga nagkatipon [para sa Memoryal] ng ganitong mga kahilingan at mga kondisyon,​—(1) pananampalataya sa dugo [ni Kristo]; at (2) pagiging nakaalay sa Panginoon at sa paglilingkod sa kaniya, kahit hanggang kamatayan. Pagkatapos ay dapat nilang anyayahan ang lahat ng may gayong kaisipan at sa gayo’y nakaalay na makibahagi sa pag-alaala sa kamatayan ng Panginoon.”​—Studies in the Scriptures, Serye VI, The New Creation, pahina 473. *

Paghahanap sa “Ibang mga Tupa”

9. Paano naging malinaw ang pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” noong 1935, at paano ito nakaapekto sa ilan na nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal?

9 Nang maglaon, nagsimulang magtuon ng pansin ang organisasyon ni Jehova sa iba bukod pa sa pinahirang mga tagasunod ni Kristo. Ang isang kapansin-pansing pangyayari hinggil dito ay naganap noong kalagitnaan ng dekada ng 1930. Bago ang panahong iyon, minamalas ng bayan ng Diyos ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis 7:9 bilang pangalawahing grupong espirituwal na makakasama sa langit ng 144,000 binuhay-muling mga pinahiran​—katulad ng mga abay o kasamahan ng kasintahang babae ni Kristo. (Awit 45:14, 15; Apocalipsis 7:4; 21:2, 9) Subalit noong Mayo 31, 1935, sa isang pahayag sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Washington, D.C., E.U.A., ipinaliwanag mula sa Kasulatan na ang “malaking pulutong” (“lubhang karamihan,” sa King James Version) ay tumutukoy sa “ibang mga tupa” na nabubuhay sa panahon ng kawakasan. (Juan 10:16) Pagkatapos ng kombensiyong iyon, ang ilan na dating nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal ay huminto sa pakikibahagi dahil natanto nila na ang kanilang pag-asa ay makalupa, hindi makalangit.

10. Paano mo ilalarawan ang pag-asa at mga pananagutan ng makabagong-panahong “ibang mga tupa”?

10 Lalo nang pinag-ibayo noong 1935 ang paghahanap sa magiging “ibang mga tupa,” na may pananampalataya sa pantubos, nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos, at sumusuporta sa pinahirang “munting kawan” sa gawaing pangangaral ng Kaharian. (Lucas 12:32) Ang ibang mga tupang ito ay umaasang mabuhay sa lupa magpakailanman, subalit sa lahat ng iba pang aspekto, nakakatulad sila ng makabagong-panahong mga nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian. Gaya ng mga naninirahang dayuhan sa sinaunang Israel na sumamba kay Jehova at sumunod sa Kautusan, ang ibang mga tupa ngayon ay tumatanggap ng mga pananagutang Kristiyano, tulad ng pangangaral ng mabuting balita kasama ng mga miyembro ng espirituwal na Israel. (Galacia 6:16) Subalit kung paanong walang naninirahang dayuhan ang maaaring maging hari ng Israel o maging isang saserdote, wala rin sa ibang mga tupang ito ang maaaring mamahala sa makalangit na Kaharian o maglingkod bilang mga saserdote.​—Deuteronomio 17:15.

11. Bakit ang petsa ng pag-aalay ng isang tao ay maaaring may kaugnayan sa kaniyang pag-asa?

11 Pagsapit ng dekada ng 1930, lalong lumilinaw noon na, sa pangkalahatan, napili na ang uring makalangit. Maraming dekada na ngayon ang nakalipas, ang paghahanap ay nakatuon na sa ibang mga tupa, na may makalupang pag-asa. Kung ang isang pinahiran ay napatunayang di-tapat, mas malamang na isang taong matagal nang naglilingkod nang tapat sa Diyos bilang isa sa ibang mga tupa ang tatawagin upang punan ang nabakanteng puwesto sa 144,000.

Kung Bakit Nagkakaroon ng Maling Palagay

12. Sa ilalim ng anong mga kalagayan dapat huminto ang isang tao sa pakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, at bakit?

12 Ganap na nakatitiyak ang mga pinahirang Kristiyano na sila’y may makalangit na pagtawag. Subalit paano kung ang ilang indibiduwal na wala namang ganitong pagtawag ay nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal? Ngayong alam na nila na wala silang makalangit na pag-asa, tiyak na uudyukan sila ng kanilang budhi na huminto sa pakikibahagi. Hindi sasang-ayunan ng Diyos ang sinuman na nagpapakilala sa kaniyang sarili bilang isang tao na tinawag upang maging makalangit na hari at saserdote gayong nalalaman niyang hindi naman siya talaga tinawag. (Roma 9:16; Apocalipsis 20:6) Pinatay ni Jehova ang Levitang si Kora dahil sa may-kapangahasang hinangad nito ang Aaronikong pagkasaserdote. (Exodo 28:1; Bilang 16:4-11, 31-35) Kung matanto ng sinumang Kristiyano na nagkamali siya sa pakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, dapat siyang huminto sa pakikibahagi at mapagpakumbabang manalangin ukol sa kapatawaran ni Jehova.​—Awit 19:13.

13, 14. Bakit maaaring magkaroon ng maling palagay ang ilan na sila ay may makalangit na pagtawag?

13 Bakit maaaring magkaroon ng maling palagay ang ilan na sila ay may makalangit na pagtawag? Ang kamatayan ng isang kabiyak o ang iba pang trahedya ay maaaring dahilan ng kanilang pagkawala ng interes sa buhay sa lupa. O baka naisin nilang magkaroon ng pag-asa na katulad niyaong taglay ng kanilang matalik na kaibigan na nag-aangking isang pinahirang Kristiyano. Sabihin pa, hindi inatasan ng Diyos ang sinuman na mangalap ng iba para sa pribilehiyong ito. At hindi niya pinapahiran ang mga tagapagmana ng Kaharian sa pamamagitan ng pagpaparinig sa kanila ng mga tinig na may mga mensahe hinggil dito.

14 Ang maling relihiyosong ideya na lahat ng mabubuting tao ay magtutungo sa langit ay maaaring umakay sa ilan na mag-isip na sila ay may makalangit na pagtawag. Kaya naman, kailangan tayong magbantay upang hindi maimpluwensiyahan ng dating maling mga pangmalas o iba pang mga salik. Halimbawa, maaaring itanong ng ilan sa kanilang sarili: ‘Gumagamit ba ako ng mga gamot na nakaaapekto sa aking emosyon? May tendensiya ba akong maimpluwensiyahan ng matitinding emosyon anupat nagkakamali ako sa pagpapasiya?’

15, 16. Bakit maaaring magkamali ang ilan sa paghihinuha na sila ay mga pinahiran?

15 Maaaring itanong ng ilan sa kanilang sarili: ‘Gusto ko bang maging prominente? May ambisyon ba akong magkaroon ng awtoridad ngayon o bilang kasamang tagapagmana ni Kristo sa hinaharap?’ Nang tawagin ang mga tagapagmana ng Kaharian noong unang siglo, hindi lahat sa kanila ay humawak ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyon. At ang mga indibiduwal na may makalangit na pagtawag ay hindi naghahangad ng katanyagan o nagyayabang hinggil sa kanilang pagiging pinahiran. Ipinamamalas nila ang kapakumbabaan na inaasahan sa mga nagtataglay ng “pag-iisip ni Kristo.”​—1 Corinto 2:16.

16 Maaaring nahinuha ng ilan na sila ay may makalangit na pagtawag dahil nakapagtamo sila ng napakalaking kaalaman sa Bibliya. Subalit ang pagiging pinahiran ng espiritu ay hindi nagdudulot ng pambihirang unawa, sapagkat kinailangang turuan at payuhan ni Pablo ang ilang pinahiran. (1 Corinto 3:1-3; Hebreo 5:11-14) Ang Diyos ay may kaayusan sa paglalaan ng espirituwal na pagkain para sa lahat ng kabilang sa kaniyang bayan. (Mateo 24:45-47) Kaya walang dapat mag-isip na nakahihigit ang karunungan ng isang pinahirang Kristiyano kaysa sa mga may makalupang pag-asa. Ang pagpapahid ng espiritu ay hindi ipinahihiwatig ng kahusayan sa pagsagot sa mga tanong sa Kasulatan, pagpapatotoo, o pagbibigay ng mga pahayag hinggil sa Bibliya. Mahuhusay rin ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa pagdating sa gayong mga bagay.

17. Sa ano at kanino nakasalalay ang pagpapahid ng espiritu?

17 Kung ang isang kapananampalataya ay magtanong tungkol sa makalangit na pagtawag, maaaring talakayin sa kaniya ng isang matanda o ng ibang may-gulang na Kristiyano ang bagay na iyon. Gayunman, hindi maaaring magpasiya sa bagay na ito ang isang tao para sa iba. Ang isang tao na talagang may ganitong pagtawag ay hindi na kailangang magtanong sa iba kung siya ay may gayong pag-asa. Ang mga pinahiran ay ‘binigyan ng isang bagong pagsilang, hindi sa pamamagitan ng nasisira, kundi ng walang-kasiraang binhi sa pag-aanak, sa pamamagitan ng salita ng buháy at namamalaging Diyos.’ (1 Pedro 1:23) Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at Salita, itinatanim ng Diyos ang “binhi” na nagpapangyaring maging “isang bagong nilalang” ang indibiduwal, taglay ang makalangit na pag-asa. (2 Corinto 5:17) At si Jehova ang pumipili. Ang pagpapahid ay ‘nakasalalay, hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos.’ (Roma 9:16) Kaya paano makatitiyak ang isang tao na siya ay may makalangit na pagtawag?

Kung Bakit Sila Nakatitiyak

18. Paano nagpapatotoo ang espiritu ng Diyos kasama ng espiritu ng mga pinahiran?

18 Ang patotoo ng espiritu ng Diyos ang kumukumbinsi sa mga pinahirang Kristiyano na sila ay may makalangit na pag-asa. “Tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak,” ang sulat ni Pablo, “na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.” (Roma 8:15-17) Sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu, ang espiritu, o nangingibabaw na saloobin, ng mga pinahiran ay nag-uudyok sa kanila na ikapit sa kanilang sarili ang mga sinasabi ng Kasulatan tungkol sa espirituwal na mga anak ni Jehova. (1 Juan 3:2) Binibigyan sila ng espiritu ng Diyos ng damdamin ng pagiging anak niya at iminumulat sa kanila ang isang walang katulad na pag-asa. (Galacia 4:6, 7) Oo, ang walang-hanggang buhay sa lupa bilang sakdal na mga tao na napalilibutan ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay kahanga-hanga, ngunit hindi iyon ang kanilang bigay-Diyos na pag-asa. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, lumikha ang Diyos sa loob nila ng gayon na lamang kasidhing hangarin ukol sa makalangit na pag-asa anupat handa nilang isakripisyo ang lahat ng kaugnayan at pag-asa sa lupa.​—2 Corinto 5:1-5, 8; 2 Pedro 1:13, 14.

19. Anong papel ang ginagampanan ng bagong tipan sa buhay ng isang pinahirang Kristiyano?

19 Ang mga pinahirang Kristiyano ay nakatitiyak sa kanilang makalangit na pag-asa, sa kanilang pagiging bahagi ng bagong tipan. Binanggit ito ni Jesus nang itatag niya ang Memoryal at sinabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” (Lucas 22:20) Ang magkabilang panig sa bagong tipan ay ang Diyos at ang mga pinahiran. (Jeremias 31:31-34; Hebreo 12:22-24) Si Jesus ang tagapamagitan. Yamang nagkaroon ito ng bisa dahil sa itinigis na dugo ni Kristo, ang bagong tipan ay hindi lamang kumuha ng isang bayan ukol sa pangalan ni Jehova mula sa mga Judio kundi mula rin naman sa mga bansa at ginawa silang bahagi ng “binhi” ni Abraham. (Galacia 3:26-29; Gawa 15:14) Ang “walang-hanggang tipan” na ito ang nagpapangyari na mabuhay muli tungo sa imortal na buhay sa langit ang lahat ng espirituwal na Israelita.​—Hebreo 13:20.

20. Ang mga pinahiran ay inilalakip sa anong tipan kasama ni Kristo?

20 Ang mga pinahiran ay nakatitiyak sa kanilang pag-asa. Sila ay inilakip sa isa pang tipan, ang tipan ng Kaharian. May kinalaman sa kanilang pakikibahagi kay Kristo, sinabi ni Jesus: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:28-30) Ang tipang ito sa pagitan ni Kristo at ng kaniyang mga kasamang hari ay mananatiling may bisa magpakailanman.​—Apocalipsis 22:5.

Ang Panahon ng Memoryal​—Isang Pinagpalang Okasyon

21. Paano tayo makapagtatamo ng malaking pakinabang mula sa panahon ng Memoryal?

21 Marami ang mga pagpapalang dulot ng panahon ng Memoryal. Maaari tayong makinabang mula sa pagbabasa ng Bibliya na nakaiskedyul para sa panahong ito. Ito rin ay lalo nang isang angkop na panahon para manalangin, para bulay-bulayin ang buhay at kamatayan ni Jesus sa lupa, at para makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian. (Awit 77:12; Filipos 4:6, 7) Ang mismong pagdiriwang na ito ay nagpapaalaala sa atin sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos at ni Kristo may kaugnayan sa haing pantubos ni Jesus. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Ang paglalaang ito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kaaliwan at dapat itong magpatibay sa ating determinasyon na itaguyod ang tulad-Kristong landasin. (Exodo 34:6; Hebreo 12:3) Dapat din tayong mapatibay ng Memoryal na tuparin ang ating pag-aalay bilang mga lingkod ng Diyos at maging matapat na mga tagasunod ng kaniyang mahal na Anak.

22. Ano ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan, at ano ang isang paraan upang ipakita ang pagpapahalaga rito?

22 Kaybuting mga kaloob nga ang ibinibigay sa atin ni Jehova! (Santiago 1:17) Taglay natin ang patnubay ng kaniyang Salita, ang tulong ng kaniyang espiritu, at ang pag-asang buhay na walang hanggan. Ang pinakadakilang kaloob ng Diyos ay ang hain ni Jesus para sa mga kasalanan ng mga pinahiran at para sa lahat ng iba pang nananampalataya. (1 Juan 2:1, 2) Kung gayon, gaano ba kahalaga sa iyo ang kamatayan ni Jesus? Mapapabilang ka ba sa mga magpapakita ng pagpapahalaga rito sa pamamagitan ng pakikipagtipon sa Abril 16, 2003, pagkalubog ng araw, upang ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?

[Talababa]

^ par. 8 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova ngunit hindi na inililimbag ngayon.

Anu-ano ang Iyong Sagot?

• Sino ang dapat makibahagi sa mga emblema ng Memoryal?

• Bakit dumadalo ang “ibang mga tupa” sa Hapunan ng Panginoon bilang magagalang na tagamasid lamang?

• Paano nalalaman ng mga pinahirang Kristiyano na dapat silang makibahagi sa tinapay at alak sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo?

• Ang panahon ng Memoryal ay isang mainam na panahon para sa ano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Graph/Mga larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng mga Dumalo sa Memoryal

SA BILANG NA MILYON

15,597,746

15

14

13,147,201

13

12

11

10

 9

 8

 7

 6

 5

4,925,643

 4

 3

 2

 1

878,303

63,146

1935 1955 1975 1995 2002

[Larawan sa pahina 18]

Dadalo ka ba sa Hapunan ng Panginoon sa taóng ito?

[Mga larawan sa pahina 21]

Ang panahon ng Memoryal ay isang angkop na panahon para sa higit na pagbabasa ng Bibliya at pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian