“Wala Akong Gaanong Alam Tungkol sa Diyos”
“Wala Akong Gaanong Alam Tungkol sa Diyos”
“SA NAKALIPAS na taon, dinadalaw ako ng mga Saksi ni Jehova at ibinabahagi nila sa akin ang kamangha-manghang balita hinggil sa Kaharian ng Diyos. Walong taon na akong Katoliko, ngunit wala akong gaanong alam tungkol sa Diyos. Pero sa loob lamang ng isang taon na ito, marami na akong natutuhan,” ang isinulat ng isang lalaking naninirahan sa Kerala, India. “Tuwang-tuwa akong malaman na Ang Bantayan ay inilalathala sa 139 [ngayon ay 146] na wika,” ang sabi pa niya. “Kamangha-mangha na ang mga tao mula sa lahat ng wika ay nakaaalam ng mensahe tungkol sa Diyos.”
Bagaman maraming pilosopo ang nag-aangkin na imposibleng makilala ang Diyos, niliwanag ni apostol Pablo na posible ito. Sa kaniyang pakikipag-usap sa mga taga-Atenas, na ang ilan ay sumasamba sa isang altar na inialay sa “isang Di-kilalang Diyos,” sinabi ni Pablo: “Yaong pinag-uukulan ninyo ng makadiyos na debosyon nang di-namamalayan, ito ang ipinahahayag ko sa inyo. Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto . . . ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. At ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.”—Gawa 17:23-26.
Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga tagapakinig na sikapin nilang makilala ang Maylalang, yamang “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang makilala ang tunay na Diyos at ang kaniyang kaakit-akit na mga katangian.