Gamitin Nang May Katalinuhan ang Nagbagong mga Kalagayan
Gamitin Nang May Katalinuhan ang Nagbagong mga Kalagayan
Sina Pum, Jan, Dries, at Otto, apat na Kristiyanong matatanda na naninirahan sa Netherlands, ay magkakatulad sa maraming paraan. Silang apat ay pawang may asawa at mga anak. Karagdagan pa, mga ilang taon na ang nakalilipas, silang lahat ay may buong-panahong sekular na trabaho at naninirahan sa maaalwang tahanan. Gayunman, silang lahat ay huminto sa kanilang sekular na trabaho at nagsimulang mag-ukol ng kanilang buong panahon at lakas sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian. Ano ang nagpakilos sa kanila na gawin ang ganitong pagbabago? Ginamit nila nang may katalinuhan ang nagbagong mga kalagayan.
SA KALAUNAN, tayong lahat ay naaapektuhan ng nagbagong mga kalagayan. Maraming pagbabago, gaya ng pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, o pag-aalaga sa may-edad nang mga magulang, ang nagdudulot ng karagdagang mga responsibilidad. Gayunman, ang ilang pagbabago ay nagbibigay naman sa atin ng higit na kalayaan upang mapalawak natin ang ating Kristiyanong ministeryo. (Mateo 9:37, 38) Halimbawa, baka umalis na sa tahanan ang ating mga anak, o baka nagretiro na tayo sa trabaho.
Bukod pa rito, bagaman totoo na maaaring magbago ang ating mga kalagayan gustuhin man natin ito o hindi, ang ilang Kristiyano ay nagtagumpay sa paggawa ng mga pagbabago sa kanilang mga kalagayan na nagbukas ng mga pagkakataon upang higit silang makabahagi sa ministeryo. Ganiyang-ganiyan ang ginawa nina Pum, Jan, Dries, at Otto. Paano?
Kapag Umalis Na sa Tahanan ang mga Anak
Nagtatrabaho si Pum bilang tinidor-de-libro sa isang kompanya ng parmasiyutiko. Siya at ang kaniyang asawa, si Anny, ay madalas na naglilingkod bilang mga ministrong auxiliary pioneer kasama ng kanilang dalawang anak na babae. Gumawa rin ng mga kaayusan sina Pum at Anny upang maglibang kasama ng ibang payunir. “Nagbigay ito ng proteksiyon laban sa mga suliraning maaaring idulot ng ibang uri ng pakikisama,” ang sabi nila. Palibhasa’y napakilos ng halimbawa ng kanilang mga magulang, kapuwa naging regular pioneer ang kanilang dalawang anak na babae nang magtapos sila sa haiskul.
Nang umalis na sa tahanan ang kanilang mga anak, natanto nina Pum at Anny na ang pagbabagong ito ng kalagayan ay nagbigay sa kanila ng karagdagang kalayaan at pananalapi na maaari nilang samantalahin upang makapaglakbay sa kawili-wiling mga lugar o masiyahan sa iba pang uri ng libangan. Subalit sa halip ay nagpasiya ang mag-asawa na gamitin ang kanilang nagbagong kalagayan upang palawakin ang kanilang ministeryong Kristiyano. Kaya humingi si Pum ng permiso sa kaniyang amo na bawasan ng isang araw ang kaniyang pagtatrabaho bawat linggo. Nang maglaon, isinaayos ni Pum ang mga bagay-bagay upang makapagtrabaho siya mula ala-7:00 n.u. hanggang alas-2:00 n.h. Siyempre pa, ang nabawas na panahon ng pagtatrabaho ay nangangahulugan ng pamumuhay sa mas maliit na kita. Magkagayunman, nagtagumpay sila, at noong 1991, naglingkod din si Pum bilang regular pioneer kasama ng kaniyang asawa.
Sumunod, hinilingan si Pum na maging katulong na tagapangalaga ng isang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagtanggap sa Genesis 19:26; Lucas 17:32.
paanyayang ito ay nangangahulugan na kailangang lisanin ng mag-asawa ang kanilang tahanan na tinirhan nila sa loob ng 30 taon at lumipat sa isang apartment na nasa loob ng pasilidad ng Assembly Hall. Lumipat nga sila sa apartment na iyon. Mahirap ba ito? Sinabi ni Anny na kapag hinahanap-hanap niya ang kanilang dating tahanan, tinatanong niya ang kaniyang sarili, ‘Katulad ba ako ng asawa ni Lot?’ Tumanggi siyang “lumingon.”—Nadarama nina Pum at Anny na ang kanilang desisyon ay nagdulot ng maraming pagpapala. Bukod sa iba pang mga bagay, nasisiyahan sila sa kanilang paglilingkod sa Assembly Hall, sa paghahanda sa mga pandistritong kombensiyon, at sa pakikipag-ugnayan sa mga tagapangasiwa ng sirkito (mga naglalakbay na ministro) na nagpapahayag sa bulwagan. Paminsan-minsan, dumadalaw sila sa iba’t ibang kongregasyon kapag si Pum ay naglilingkod bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito.
Bakit naging matagumpay ang mag-asawang ito sa pagpapalawak ng kanilang paglilingkod? Ganito ang sabi ni Pum: “Kapag nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyong buhay, dapat kang maging determinado na gamitin sa pinakamatalinong paraan ang bagong mga kalagayan hangga’t maaari.”
Pagpapasimple ng Buhay
Si Jan at ang kaniyang asawa, si Woth, ay may tatlong anak. Kagaya ni Pum at ng kaniyang pamilya, ginamit ni Jan nang may katalinuhan ang nagbagong mga kalagayan. Sa loob ng maraming taon, mataas ang sahod ng trabaho ni Jan sa isang bangko at nakapaglalaan siya ng maalwang istilo ng pamumuhay sa kaniyang pamilya. Gayunman, sumidhi ang hangarin niya na palawakin ang kaniyang ministeryo. Ipinaliwanag niya: “Habang tumatagal, lumalalim ang aking pagpapahalaga sa katotohanan, at sumisidhi ang aking pag-ibig kay Jehova.” Kaya noong 1986, binago ni Jan ang kaniyang kalagayan. Sinabi niya: “Sinamantala ko ang muling pag-oorganisa sa opisina at nagsimula akong magtrabaho nang mas kaunting oras. Tinawag akong Diwodo ng aking nagtatakang mga katrabaho dahil nagtatrabaho lang ako tuwing dinsdag [Martes], woensdag [Miyerkules], at donderdag [Huwebes]. Bumaba nang 40 porsiyento ang aking sahod. Ipinagbili ko ang aming bahay at bumili ako ng isang houseboat upang makapaglingkod kami kung saan may higit na pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Nang maglaon, sinamantala ko ang maagang pagreretiro; bumaba pa nang 20 porsiyento ang aking kita, ngunit noong 1993, nakapagpasimula akong maglingkod bilang regular pioneer.”
Sa ngayon, si Jan ay miyembro ng isang Hospital Liaison Committee at regular na nakapaglilingkod bilang tagapangasiwa ng kombensiyon. Sa kabila ng kaniyang mahinang kalusugan, naglilingkod si Woth bilang isang auxiliary pioneer
paminsan-minsan. Ang lahat ng kanilang tatlong anak ay may mga asawa na at masisigasig na ministro ng Kaharian kasama ng kani-kanilang kabiyak.Paano nakabagay sina Jan at Woth sa bumabang pamantayan ng pamumuhay? “Noong sagana kami,” ang tugon ni Jan, “tiniyak namin na hindi masyadong mapamahal sa amin ang materyal na mga bagay. Sa ngayon, medyo di-kumbinyente na maghintay muna bago matamo ang isang bagay, ngunit sagana namang napupunan ito ng mga espirituwal na pagpapala at pribilehiyo na natanggap namin.”
Kagaya nina Jan at Woth, si Dries at ang kaniyang asawa, si Jenny, ay nagpasiya ring gawing simple ang kanilang buhay upang makapaglaan ng higit na panahon para sa mga kapakanan ng Kaharian. Naglingkod sina Dries at Jenny bilang mga payunir hanggang sa maging mga magulang sila. Pagkatapos, upang mapangalagaan ang kaniyang pamilya, nagtrabaho si Dries bilang isang administrador sa isang malaking kompanya. Pinahalagahan ng kaniyang mga amo ang kaniyang trabaho at inalukan siya ng promosyon. Gayunman, tinanggihan ni Dries ang promosyon dahil ang pagtanggap dito ay mangangahulugan ng mas kaunting panahon para sa mga gawaing Kristiyano.
Ang pag-aalaga sa isang pamilya—gayundin ang pangangalaga sa may-sakit na ina ni Jenny—ay humihiling ng malaking panahon at lakas sa mag-asawa. Gayunman, patuloy nilang nilinang ang espiritu ng pagpapayunir. Ano ang tumulong sa kanila na gawin ito? Ganito ang paliwanag ni Jenny: “May mga payunir na nakatira sa amin, inaanyayahan namin ang mga payunir na kumaing kasama namin, at pinatutuloy rin namin sa aming tahanan ang mga tagapangasiwa ng sirkito.” Idinagdag pa ni Dries: “Pinanatili naming simple ang aming buhay at iniwasan ang pagkakaroon ng utang. Nagpasiya kami na huwag masangkot sa malalaking negosyo o bumili ng isang tahanan, upang sa darating na mga araw ay hindi kami matali sa gayong mga bagay.”
Ang pasiya nina Dries at Jenny na gumawa ng mga kalagayan na magpapahintulot sa kanila na magkaroon ng higit na panahon para sa mga kapakanan ng Kaharian ay may kapaki-pakinabang na mga resulta. Ang kanilang dalawang anak na lalaki ay naglilingkod na ngayon bilang matatanda, at ang isa ay nagpapayunir kasama ng kaniyang asawa. Naglingkod sina Dries at Jenny bilang mga special pioneer, at nang maglaon ay sinamahan ni Jenny si Dries sa gawaing pansirkito. Ngayon ay mga boluntaryo sila sa Bethel, kung saan si Dries ay naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay.
Maagang Pagreretiro
Katulad nina Dries at Jenny, si Otto at ang kaniyang asawa, si Judy, ay nagpayunir bago sila nagkaroon ng dalawang anak na babae. Nang ipinagdadalang-tao ni Judy ang kanilang panganay na anak, nakakita ng trabaho si Otto bilang guro sa isang paaralan.
Habang lumalaki ang mga bata, madalas na inaanyayahan nina Otto at Judy ang mga payunir sa kanilang tahanan upang makita ng mga anak nila ang kagalakan ng buong-panahong mga manggagawang Kristiyano. Nang maglaon, nagpayunir
ang kanilang panganay na anak. Pagkatapos, nag-aral siya sa Paaralang Gilead, at ngayon ay naglilingkod bilang misyonera sa isang lupain sa Aprika kasama ng kaniyang asawa. Nagsimula namang magpayunir ang kanilang nakababatang anak noong 1987, at nagpayunir din si Judy.Nang ang nagbagong mga kalagayan ay magpahintulot kay Otto na makapagtrabaho nang mas kaunting oras sa paaralan, ginamit niya ang ekstrang panahon sa pagpapayunir. Nang dakong huli, lubusan na niyang iniwan ang kaniyang trabaho. Sa ngayon, bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, ginagamit ni Otto ang kaniyang kakayahan bilang guro upang patibayin sa espirituwal ang mga kongregasyon.
Ano ang payo ni Otto para sa mga maagang nagretiro sa kanilang sekular na trabaho? “Kapag nagretiro ka, huwag kang magpasiyang magrelaks sa loob ng isang taon o higit pa. Madaling mahirati ang isa sa pagrerelaks. Bago mo pa mamalayan ito, malilimutan mo na ang pagpapayunir. Sa halip, simulan mo na kaagad-agad ang higit pang paglilingkod bilang ministro.”
Matalinong Paggamit sa Iyong Karanasan sa Buhay
Sabihin pa, hindi na taglay ng mga kapatid na gaya nina Pum, Jan, Dries, at Otto ang lakas na taglay nila noong sila’y bata pa. Ngunit taglay nila ang higit na pagkamaygulang, karanasan, at karunungan. (Kawikaan 20:29) Alam nila kung ano ang nasasangkot sa pagiging ama, at mula sa pakikipagtulungan nila sa kani-kanilang asawa, may ideya sila kung ano ang nasasangkot sa pagiging isang ina. Kasama ang kani-kanilang asawa, naharap nila ang mga suliranin sa pamilya at nakapagtakda ng teokratikong mga tunguhin para sa kanilang mga anak. Ganito ang sabi ni Otto: “Bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, kapag nagpapayo ako hinggil sa pamilya, nakatutulong ang bagay na ako mismo ay nakapag-alaga ng isang pamilya.” Sa katulad na paraan, dahil sa karanasan ni Dries, siya ngayon ay isang mahalagang karagdagan sa pamilyang Bethel, na may maraming kabataang manggagawa.
Oo, ang personal na kaalaman ay tumutulong sa gayong mga kapatid na asikasuhin ang maraming iba’t ibang uri ng pangangailangan sa kongregasyon. Ang kanilang karanasan ay nakapagpatalas, wika nga, sa mga kagamitang ginagamit nila, upang lubusang mapakinabangan ang kanilang lakas. (Eclesiastes 10:10) Sa katunayan, sa isang espesipikong yugto ng panahon, madalas na mas marami ang naisasakatuparan nila kaysa sa mga mas malakas sa pisikal ngunit mas kaunti ang karanasan.
Ang gayong mga kapatid, kasama ang kani-kanilang asawa, ay maiinam na halimbawa para sa mga kabataang kabilang sa bayan ni Jehova. Nakikita ng mga kabataan na ang mga mag-asawang kagaya ng mga ito ay personal na nakaranas ng maraming hamon at pagpapala na iniuulat sa ating mga publikasyong Kristiyano. Nakapagpapatibay na makita ang mga lalaki’t babae na nagpapamalas ng espiritung kagaya niyaong kay Caleb, na bagaman may-edad na, ay humiling ng isang mahirap na atas.—Josue 14:10-12.
Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Maaari mo bang tularan ang pananampalataya at ang ginawa ng mga mag-asawang nabanggit sa artikulong ito? Tandaan, ginawa nilang pangunahin sa kanilang buhay ang katotohanan. Nilinang nila sa kanilang mga anak ang hangaring magpayunir. Ginawa nila ito, gaya ng sinabi ni Jan, “sa pamamagitan ng pagiging isang halimbawa sa pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang organisasyon, sa pamamagitan ng paggawa ng mga kaayusan ukol sa mabuting pakikipagsamahan, at sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata na suportahan ang kanilang sarili.” Gumawa at naglaro rin sila nang sama-sama bilang isang pamilya. “Kapag bakasyon,” ang gunita ni Pum, “ang buong pamilya ay karaniwan nang lumalabas sa larangan sa umaga at naglilibang naman nang sama-sama sa hapon.”
Karagdagan pa, ang mga Kristiyanong ito ay nagplano nang patiuna, para kapag nagbago ang kanilang mga kalagayan, handa nilang samantalahin ang bagong situwasyon. Nagtakda sila ng mga tunguhin at gumawa ng mga pasiya na tumulong sa kanila upang mabilis na matamo ang kanilang mga tunguhin. Naghanap sila ng mga paraan upang mabawasan ang kanilang sekular na trabaho at handa silang mamuhay nang may mas mababang kita. (Filipos 1:10) Lubos na sinuportahan ng mga asawang babae ang kani-kanilang asawang lalaki. Pare-pareho silang may masidhing hangarin na pasukin ang “malaking pinto na umaakay sa gawain” at bilang resulta, natamasa nila ang mayamang mga pagpapala mula kay Jehova.—1 Corinto 16:9; Kawikaan 10:22.
Hangad mo rin bang palawakin ang iyong pakikibahagi sa ministeryo? Kung oo, ang paggamit nang may katalinuhan sa nagbagong mga kalagayan ang maaaring susi upang magawa iyan.
[Larawan sa pahina 20]
Pinangangalagaan nina Pum at Anny ang Assembly Hall
[Larawan sa pahina 20]
Nakikibahagi sa gawaing pangangaral sina Jan at Woth
[Larawan sa pahina 21]
Naglilingkod sa Bethel sina Dries at Jenny
[Larawan sa pahina 21]
Naghahanda sina Otto at Judy upang dumalaw sa susunod na kongregasyon