Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Lubusang Nagbago ang Kaniyang Buhay
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Lubusang Nagbago ang Kaniyang Buhay
TUNAY na di-kaayaaya at walang kabuluhan ang naging buhay ni Matsepang! Isa siyang kabataang babae sa Lesotho, isang bansa sa gitnang bahagi ng Timog Aprika. Pinalaki si Matsepang na isang Katoliko. Gayunman, sa halip na tulungang lumapit sa Diyos, maraming taon siyang inabuso ng mga madre na nagsuhol sa kaniya upang akitin siyang gumawa ng imoral na mga bagay.
Bunga nito, nadismaya si Matsepang sa relihiyon at hindi na siya makapaniwalang may isang maibiging Maylalang na talagang nagmamalasakit sa kaniyang mga taong nilalang. Dahil sa pagpapabaya at pang-aabuso na naranasan niya, si Matsepang ay nagkaroon ng malalalim na sugat sa emosyon at lubhang nakadama ng kawalang-halaga. Lumaki siyang napakarahas at napakaagresibo. Umakay ito sa kriminal na paggawi.
Nang dakong huli, si Matsepang ay naging kaanib ng isang gang na nagnanakaw sa mga pasaherong nakasakay sa mga tren. Inaresto siya at sinentensiyahang mabilanggo sa Timog Aprika. Nang maglaon, ipinatapon siyang pabalik sa kaniyang tinubuang lupain, sa Lesotho, kung saan ipinagpatuloy niya ang kaniyang buhay na lipos ng krimen, paglalasing, karahasan, at imoralidad.
Nang siya’y lubhang nanlulumo, may-pagmamakaawang nanalangin sa Diyos si Matsepang upang siya’y tulungan. Nangako siya, “Diyos ko, kung mabubuhay po ako, gagawin ko ang aking buong makakaya upang paglingkuran kayo.”
Di-nagtagal, nilapitan si Matsepang ng mga misyonerong Saksi ni Jehova. Inalok nila siyang makipag-aral sa kanila ng Bibliya. Mula sa kaniyang pag-aaral, natanto niya na ang Diyos pala ay nababahala at nagmamalasakit. Sa katunayan, naunawaan niya na si Satanas, ang “ama ng kasinungalingan,” ay gumagamit ng tuso at mapanlinlang na mga taktika upang ipadama sa iba na sila ay walang halaga at upang papaniwalain sila na hindi sila kailanman maaaring maging kaibig-ibig kay Jehova.—Juan 8:44; Efeso 6:11.
Sa kabaligtaran, kaylaking kaaliwan para kay Matsepang nang matutuhan niya na maaari tayong magkaroon ng paggalang sa sarili na bunga ng malinis na moral kung pagsisisihan natin ang ating mga nagawang kasalanan, hihingi ng kapatawaran sa Diyos, at pagsisikapang paluguran siya! Natulungan siyang maunawaan na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso” at minamalas niya tayo sa paraan na maaaring lubhang naiiba sa pangmalas natin sa ating sarili.—1 Juan 3:19, 20.
Tuwang-tuwa si Matsepang nang mabasa niya ang mga salitang ito ng salmistang si David: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Yamang isa siya sa mga “may espiritung nasisiil,” natanto niya na hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, kahit na ang ilan sa kanila ay manlumo o makadama na hindi sila mahalaga. Napasigla siya nang kaniyang malaman na nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng kaniyang tupa at pinalalakas niya sila sa mahihirap na panahon. (Awit 55:22; 1 Pedro 5:6, 7) Lalo siyang naantig sa mga salitang: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.
Di-nagtagal, nakita sa buhay ni Matsepang ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga pulong Kristiyano at iniwan niya ang kaniyang di-makakasulatang mga paggawi. Ano ang resulta? Hindi na niya nadaramang siya ay hindi karapat-dapat sa pag-ibig at paglingap ng Diyos. Mula noong siya ay mabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova, gumugol na siya ng libu-libong oras sa ministeryong Kristiyano bilang tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian. Sa kabila ng mga sugat sa emosyon na likha ng nakalipas, si Matsepang ngayon ay may maligaya at makabuluhang buhay. Tunay ngang isang halimbawa ng kapangyarihan ng Bibliya na pabutihin ang buhay!—Hebreo 4:12.
[Blurb sa pahina 9]
“Diyos ko, kung mabubuhay po ako, gagawin ko ang aking buong makakaya upang paglingkuran kayo”
[Kahon sa pahina 9]
May Epekto ang mga Simulain ng Bibliya
Ang mga sumusunod ay kabilang sa mga simulain ng Bibliya na nakaaaliw sa mga biktima ng pang-aabuso:
“Nang ang aking mga nakababalisang kaisipan ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pang-aaliw [ng Diyos] ay nagsimulang humaplos sa aking kaluluwa.” (Awit 94:19) Ang “mga pang-aaliw” ni Jehova na masusumpungan sa kaniyang Salita ay pinagmumulan ng malaking kaaliwan. Ang pagsasaalang-alang sa mga ito sa panahon ng pagbubulay-bulay at pananalangin ay makatutulong upang bawasan ang nakababalisang mga kaisipan at linangin ang pagtitiwala sa Diyos bilang isang maunawaing Kaibigan.
“Pinagagaling niya [ni Jehova] ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 147:3) Kung pinahahalagahan natin ang awa ni Jehova at ang kaniyang paglalaan upang pawiin ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, makalalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala anupat hindi nakadaramang hinahatulan niya tayo. Makapagdudulot ito ng di-matutumbasang kaaliwan at kapayapaan ng isip.
“Walang taong makalalapit sa akin [kay Jesu-Kristo] malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin; at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.” (Juan 6:44) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng gawaing pangangaral ng Kaharian, personal na inilalapit tayo ni Jehova sa kaniyang Anak at binibigyan tayo ng pag-asang buhay na walang hanggan.