Espirituwal na mga Pamantayan—Saan Kaya Patungo ang mga Ito?
Espirituwal na mga Pamantayan—Saan Kaya Patungo ang mga Ito?
“Labinlimang pares ang dumalo sa isang panggabing [Katolikong] sesyon ng pagpapayo para sa mga ikakasal. Sa 30 kataong naroroon, 3 lamang ang nag-aangking sila’y may pananampalataya.”—La Croix, Katolikong pahayagan ng Pransiya.
ANG relihiyosong mga pamantayan ay nasa krisis ngayon. Sa pabalat sa harap ng isyu nito noong Hulyo 12, 1999, ang internasyonal na edisyon ng Newsweek ay nagtanong ng ganito: “Patay ba ang Diyos?” Para sa kanluraning Europa, ang sagot ng magasin ay waring gayon nga. Sa pag-uulat nito hinggil sa sinodo ng Simbahang Katoliko na idinaos sa Roma noong Oktubre ng taon ding iyon, ang pahayagan sa Pransiya na Le Monde ay nagsabi: “Hirap na hirap ang Simbahan na itawid ang mensahe nito sa isang kultura na may ‘alerdyi’ rito. . . . Sa Italya, hindi na nagkakaisa ang lahat ng Katoliko sa doktrina at gawain . . . . Sa Alemanya, dahil sa pagtatalo hinggil sa sentro ng mga konsultasyon sa aborsiyon, lumalaki ang agwat sa pagitan ng papa at ng isang demokrasyang hindi na handang tumanggap ng pag-uutos. Ang mapangahas na paninindigan [ng Netherlands] sa moralidad at euthanasia (pagkitil sa maysakit dahil sa awa) ayon sa ilang nagmamasid ay dahil sa biglang pag-alis nito sa Kristiyanismo.”
Ang situwasyon ay parehong-pareho saan mang dako. Noong 1999, ang Arsobispo ng Canterbury, si George Carey, ay nagbabala na ang Simbahan ng Inglatera ay “maglalaho sa loob ng isang salinlahi.” Sa isang artikulong pinamagatang “Ang Wakas ng Kristiyanong Europa,” sinabi ng pahayagan sa Pransiya na Le Figaro: “Ang gayunding parisan ay makikita sa lahat ng dako. . . . Sistematikong nagpapahayag ng pag-aalinlangan ang mga tao sa etikal at doktrinal na mga paniniwala.”
Mas Kakaunting Pakikibahagi sa Relihiyon
Malaki ang ibinaba ng bilang ng nagsisimba sa Europa. Wala pang 10 porsiyento ng Katolikong Pranses ang dumadalo sa Misa tuwing Linggo, samantalang mula 3 hanggang 4 na porsiyento lamang ng mga Katolikong taga-Paris ang regular na nagtutungo sa simbahan. Ang katulad o mas mababang bilang ng dumadalo ay napapansin din sa United
Kingdom, Alemanya, at mga bansa sa Scandinavia.Ang lubhang ikinababahala ng mga awtoridad ng relihiyon ay ang kakapusan ng mga kandidato sa pagpapari. Sa loob ng wala pang isang siglo, ang bilang ng mga pari sa Pransiya ay lubhang bumaba, mula sa 14 na pari sa bawat 10,000 mamamayan tungo sa wala pang 1 sa bawat 10,000 sa ngayon. Sa buong Europa, ang katamtamang edad ng mga pari ay tumataas, at ang kakapusan ng pari ay napapansin maging sa mga bansang gaya ng Ireland at Belgium. Sa panahon ding iyon, ang bilang ng mga batang nagpapatala sa mga klase ng katesismo ay umuunti, anupat nagbabangon ng malulubhang pag-aalinlangan hinggil sa kakayahan ng Simbahang Katoliko na matiyak ang pagbalik ng dating kasiglahan nito.
Kung tungkol naman sa relihiyon, waring wala nang tiwala ang mga tao. Anim na porsiyento lamang sa mga mamamayang Pranses ang naniniwala na “ang katotohanan ay masusumpungan sa iisa lamang relihiyon,” kung ihahambing sa 15 porsiyento noong 1981 at 50 porsiyento noong 1952. Lumalaganap ang kawalang-interes sa relihiyon. Dumami ang mga taong nagsasabing wala silang kinaaanibang relihiyon mula sa 26 na porsiyento noong 1980 tungo sa 42 porsiyento noong 2000.—Les valeurs des Français—Évolutions de 1980 à 2000 (Mga Pamantayang Pranses—Pagbabago Mula 1980 Hanggang 2000).
Malaking Pagbabago sa Moral na mga Pamantayan
Ang krisis sa mga pamantayan ay makikita rin sa moralidad. Gaya ng nabanggit kanina, ayaw tanggapin ng maraming nagsisimba ang mga kautusan sa moral ng kanilang simbahan. Hindi sila sumasang-ayon sa ideya na ang mga pinuno ng relihiyon ay may karapatang magtakda ng mga pamantayan ng paggawi. Ang mismong mga pulutong na nagpahayag ng pagsang-ayon sa paninindigan ng papa hinggil sa mga karapatang pantao ay tumatangging sumunod sa kaniya kapag ang kaniyang mga salita ay nakaaapekto na sa kanilang pribadong pamumuhay. Halimbawa, ang kaniyang paninindigan hinggil sa kontrasepsiyon ay ipinagwawalang-bahala ng marami, maging ng maraming mag-asawang Katoliko.
Ang saloobing ito ay nakaaapekto kapuwa sa relihiyoso at di-relihiyosong mga tao, sa lahat ng katayuan sa lipunan. Ang mga gawaing maliwanag na hinahatulan sa Banal na Kasulatan ay pinahihintulutan. Noong nakalipas na dalawampung taon, ang homoseksuwalidad ay hindi sinang-ayunan ng 45 porsiyento ng mamamayang Pranses. Sa ngayon, katanggap-tanggap na ito sa 80 porsiyento. Bagaman ang lubhang nakararami ay pabor sa katapatan sa pag-aasawa, 36 na porsiyento lamang ang humahatol na di-makatuwiran kailanman ang pakikipagrelasyon sa di-asawa.—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10; Hebreo 13:4.
Isang Halu-halong Relihiyon
Sa Kanluraning lipunan, nabubuo ang isang relihiyon na sariling gawa kung saan ang bawat isa ay kumukuha at pumipili ng kaniyang mga paniniwalaan. Ang ilang doktrina ay tinatanggap, samantalang ang iba naman ay tinatanggihan. Tinatawag ng ilan ang kanilang sarili bilang mga Kristiyano samantalang naniniwala sila sa reinkarnasyon, at ang iba naman ay hindi nag-aatubiling pagsabay-sabayin ang pagsunod sa ilang relihiyosong paniniwala. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4, 20; Mateo 7:21; Efeso 4:5, 6) Mariing ipinakikita ng aklat na Les valeurs des Français na maraming mananampalataya sa ngayon ang napapalayo mula sa landasing itinatag ng simbahan, anupat wala nang pag-asang makabalik pa.
Gayunman, ang hilig na ito tungo sa higit na pagsasarili hinggil sa relihiyon ay mapanganib. Si Jean Delumeau, istoryador ng relihiyon at miyembro ng Institut de France, ay lubos na naniniwala na imposible para sa isang tao na gumawa ng kaniyang sariling relihiyon nang hiwalay sa anumang nakatatag na sistema. “Ang pananampalataya ay hindi magtatagal kung hindi ito matatag na nakaugat sa isang espesipikong organisadong relihiyon.” Ang maiinam na espirituwal na pamantayan at relihiyosong gawain ay dapat na magkaugnay. Saan masusumpungan ang gayong pagkakaugnay sa lipunang nililigalig ng pagbabago?
Sa buong Bibliya, ipinaalaala sa atin na ang Diyos ang siyang nagtatag ng katanggap-tanggap na mga pamantayan ng paggawi at moralidad, bagaman binibigyan niya ng laya ang mga tao na sundin ito o hindi. Kinikilala ng milyun-milyong tao sa buong daigdig na ang matagal nang iginagalang na aklat na ito ay may praktikal na kahalagahan sa ngayon at ito ay ‘lampara sa kanilang paa at liwanag sa kanilang landas.’ (Awit 119:105) Paano sila sumapit sa gayong konklusyon? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.