Gaano Kahalaga ang Maibiging-Kabaitan?
Gaano Kahalaga ang Maibiging-Kabaitan?
“ANG kanais-nais na bagay sa makalupang tao ay ang kaniyang maibiging-kabaitan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 19:22) Totoo, ang mga gawang kabaitan na udyok ng pag-ibig ay tunay na kanais-nais. Gayunman, ang salitang “maibiging-kabaitan” sa Bibliya ay tumutukoy sa kabaitan na maaaring salig sa dati nang umiiral na ugnayan, tulad niyaong nakasalig sa isang naunang gawa ng kabaitan na ipinamalas ng isang tao. Kaya naman, kalakip dito ang diwa ng pagkamatapat.
Hindi nalinang ni Haring Jehoas ng Juda ang kanais-nais na katangiang ito. Malaki ang utang na loob niya sa kaniyang tiya at kay Jehoiada, na kaniyang tiyo. Nang wala pang isang taóng gulang si Jehoas, ginawang reyna ng kaniyang napakasamang lola ang sarili niya at pinatay ang lahat ng kapatid na lalaki ni Jehoas, na mga tagapagmana ng trono. Subalit hindi nito napatay si Jehoas dahil maingat siyang itinago ng kaniyang tiya at tiyo. Tinuruan din nila siya tungkol sa Kautusan ng Diyos. Nang pitong taóng gulang na si Jehoas, ginamit ng kaniyang tiyo ang awtoridad nito bilang mataas na saserdote upang maipapatay ang napakasamang reyna at mailuklok sa trono si Jehoas.—2 Cronica 22:10–23:15.
Naging mahusay ang pamamahala ng kabataang si Jehoas bilang hari hanggang noong mamatay ang kaniyang tiyo, ngunit pagkatapos noon ay bumaling siya sa pagsamba sa mga idolo. Isinugo ng Diyos si Zacarias, na anak na lalaki ni Jehoiada, upang babalaan si Jehoas hinggil sa kaniyang apostasya. Iniutos ni Jehoas na pagbabatuhin si Zacarias. Tunay ngang isang nakagigitlang gawa ng kawalang-katapatan sa isang pamilya na pinagkakautangan niya nang malaki!—2 Cronica 24:17-21.
Sinasabi ng Bibliya: “Hindi inalaala ni Jehoas na hari ang maibiging-kabaitang ipinakita sa kaniya ni Jehoiada na . . . ama [ni Zacarias], anupat pinatay niya ang kaniyang anak.” Nang mamamatay na siya, sinabi ni Zacarias: “Tingnan nawa ito ni Jehova at singilin.” Nagkatotoo nga ang mga salita ni Zacarias anupat si Jehoas ay nagkasakit nang malubha at pinatay ng kaniyang sariling mga lingkod.—2 Cronica 24:17-25.
Sa halip na maging kagaya ni Haring Jehoas, ang lahat ng sumusunod sa payong ito ay magkakaroon ng pinagpalang kinabukasan: “Huwag ka nawang iwan ng maibiging-kabaitan at ng katapatan. . . . At sa gayon ay makasusumpong ka ng lingap . . . sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao.”—Kawikaan 3:3, 4.