Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Espirituwal na mga Pamantayan?
Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Espirituwal na mga Pamantayan?
“KUNG susunod ka sa isang relihiyon dahil lamang sa tradisyon ng pamilya, bakit hindi mo piliin ang relihiyong Celtic na isinagawa ng ating mga ninuno 2,000 taon na ang nakalilipas?” ang tanong ni Rodolphe na may himig ng panlilibak. Napangiti ang kabataang nakikinig sa kaniya dahil sa ideyang ito.
“Napakahalaga sa akin ang aking kaugnayan sa Diyos,” ang komento ni Rodolphe. “Salungat na salungat ako sa ideya na dapat ipilit sa akin ng tradisyon ang relihiyosong paniniwala, dahil lamang sa ang mga miyembro ng aking pamilya na nabuhay nang sampu-sampu o maging daan-daang taon na ang nakalilipas ay nagsasagawa ng gayong relihiyon.” Maingat na tinimbang ni Rodolphe ang mga bagay-bagay; hindi niya itinuring ang mahalagang bagay na ito na basta minana lamang niya.
Bagaman ang pagpapasa ng isang relihiyon mula sa isang salinlahi tungo sa isang salinlahi ay hindi na gaanong ginagawa ngayon, ang karamihan ay nananatili pa rin sa relihiyon ng kanilang pamilya. Subalit lagi bang tama na manghawakan ang isa sa relihiyosong mga pamantayan ng mga magulang? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Makalipas ang 40 taon sa disyerto, si Josue, ang kahalili ni Moises, ay naglagay ng pagpipilian sa harapan ng mga Israelita: “Kung masama sa inyong paningin ang maglingkod kay Jehova, piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo, kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog o ang mga diyos ng mga Amorita na sa kanilang lupain ay nananahanan kayo. Ngunit kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.”—Josue 24:15.
Ang isa sa mga ninuno na tinukoy ni Josue ay si Tera, ang ama ni Abraham, na tumira sa lunsod ng Ur, na noong panahong iyon ay nasa silangan ng Ilog Eufrates. Walang gaanong sinasabi ang Bibliya tungkol kay Tera, maliban sa bagay na siya ay sumasamba sa ibang mga diyos. (Josue 24:2) Ang kaniyang anak na si Abraham, kahit na walang ganap na kaalaman sa layunin ng Diyos, ay handang umalis sa kaniyang tinubuang lunsod nang utusan siya ni Jehova na gawin iyon. Oo, pinili ni Abraham ang isang relihiyon na naiiba sa kaniyang ama. Dahil dito, si Abraham ay tumanggap ng mga pagpapala gaya ng ipinangako sa kaniya ng Diyos, at siya ay kinilala ng maraming relihiyon bilang ang “ama ng lahat ng naniniwala sa Diyos.”—Roma 4:11, Today’s English Version.
Inilalahad din ng Bibliya sa positibong paraan ang kasaysayan ni Ruth, isang ninuno ni Jesu-Kristo. Si Ruth ay isang babaing Moabita na nag-asawa ng isang Israelita, naging balo at napaharap sa isang pagpili: manatili sa kaniyang sariling bansa o bumalik sa Israel kasama ng kaniyang biyenang babae. Palibhasa’y natatantong nakahihigit ang pagsamba kay Jehova kaysa sa pagsamba sa mga idolo na isinasagawa ng kaniyang mga magulang, ipinahayag ni Ruth sa kaniyang biyenang babae: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.”—Ruth 1:16, 17.
Sa pagkokomento sa kahalagahan ng rekord na ito sa kanon ng Bibliya, ang Dictionnaire de la Bible ay nagpapaliwanag na ipinakikita ng ulat na ito “kung paano ang isang babaing isinilang sa ibang bansa, ipinanganak sa gitna ng isang paganong bayan na lumalaban at kinapopootan ng Israel, . . . dahil sa kaniyang pag-ibig sa bayan ni Jehova at sa pagsamba sa kaniya, ay naging ninuno ng banal na haring si David sa patnubay ng Diyos.” Hindi nag-atubili si Ruth na piliin ang relihiyong naiiba sa taglay ng kaniyang mga magulang, at bilang resulta ng pasiyang iyon, tumanggap siya ng pagpapala ng Diyos.
Mas maliwanag ang ulat hinggil sa pasimula ng Kristiyanismo kung tungkol sa mga dahilan kung bakit iniwan ng mga alagad ni Jesus ang relihiyon ng kanilang mga ninuno. Sa isang lubhang nakahihikayat na talumpati, inanyayahan ni apostol Pedro ang kaniyang mga tagapakinig na ‘maligtas mula sa likong salinlahing ito’ sa pamamagitan ng pagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pagpapabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo. (Gawa 2:37-41) Ang isa sa lubhang kamangha-manghang halimbawa ay yaong kay Saul, isang Judiong tagausig ng mga Kristiyano. Habang nasa daan patungong Damasco, nakakita siya ng isang pangitain hinggil kay Kristo, anupat pagkatapos nito, si Saul ay naging isang Kristiyano at nakilala bilang ang apostol Pablo.—Gawa 9:1-9.
Ang karamihan sa sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagkaroon ng gayong kagila-gilalas na karanasan. Subalit kailangang talikuran ng lahat ng mga ito ang Judaismo o ang pagsamba sa iba’t ibang paganong diyos. Ginawa ito ng mga tumanggap sa Kristiyanismo taglay ang lubos na kaalaman sa katotohanan, kadalasan ay pagkatapos ng mahahabang pakikipag-usap hinggil sa papel ni Jesus bilang ang Mesiyas. (Gawa 8:26-40; 13:16-43; 17:22-34) Maliwanag na ipinabatid sa unang mga Kristiyanong iyon ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Ang paanyaya ay ibinigay sa lahat, kapuwa sa mga Judio at di-Judio, subalit ang mensahe ay pareho rin. Upang mapalugdan ang Diyos, kailangang sundin ang isang bagong anyo ng pagsamba, yaong sa Kristiyanismo.
Isang Pagpili na Mahalaga Para sa Atin
Malamang na noong unang siglo ay kinailangan ang lakas ng loob upang tanggihan ang relihiyosong mga tradisyon ng pamilya—Judaismo, pagsamba sa emperador, pagsamba sa paganong mga diyos—at sumama sa isang relihiyon na inaalipusta ng kapuwa mga Judio at mga Romano. Di-nagtagal, ang pagpiling ito ay humantong sa malupit na pag-uusig. Sa ngayon, kailangan ang gayunding lakas ng loob upang hindi “hayaan ng isa ang kaniyang sarili na masangkot at magbuhos ng pansin sa nangingibabaw na espiritu ng pagtulad sa iba,” gaya ng ipinaliwanag ni Hippolyte Simon, Katolikong obispo ng Clermont-Ferrand, sa kaniyang aklat na Vers une France païenne? (Patungo sa Isang Paganong Pransiya?) Nangangailangan ng lakas ng loob para mapasama sa isang kilusang minorya ng relihiyon na kung minsan ay binabatikos, ang mga Saksi ni Jehova.
Si Paul, isang kabataan mula sa Bastia, Corsica, na pinalaki sa relihiyong Katoliko, ay paminsan-minsang nakikibahagi sa mga gawain ng simbahan, tulad ng pagtitinda ng mga keyk upang lumikom ng salapi para sa isang Katolikong organisasyon na pangkawanggawa. Dahil sa pagnanais niyang magkaroon ng higit na kaunawaan sa Bibliya, sumang-ayon siyang regular na makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, natanto niya na ang kaniyang natututuhan ay magdudulot sa kaniya ng namamalaging mga kapakinabangan. Kaya, lubusang tinanggap ni Paul ang mga pamantayan ng Bibliya at naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Iginalang ng kaniyang mga magulang ang ginawa niyang pagpili, na hindi naman nakaapekto sa kanilang matalik na ugnayang pampamilya.
Si Amélie ay nakatira sa timugang Pransiya. Ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ay naging mga Saksi ni Jehova sa loob ng apat na salinlahi. Bakit niya piniling tanggapin ang relihiyosong mga pamantayan ng kaniyang mga magulang? “Hindi ka nagiging isang Saksi ni Jehova dahil sa ang iyong mga magulang o mga lolo’t lola ay mga Saksi ni Jehova,” ang sabi
niya. “Subalit sa dakong huli, sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Ito ang aking relihiyon sapagkat ang mga ito ang aking pinaniniwalaan.’ ” Kagaya ng maraming iba pang kabataang Saksi ni Jehova, nababatid ni Amélie na ang kaniyang matibay na relihiyosong mga paniniwala ay nagbigay sa kaniya ng layunin sa buhay at isang pinagmumulan ng namamalaging kaligayahan.Kung Bakit Kailangang Tanggapin ang Makadiyos na mga Pamantayan
Ang aklat ng Mga Kawikaan, kabanata 6, talata 20, ay nagpapasigla roon sa mga nagnanais na palugdan ang Diyos: “O anak ko, tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” Sa halip na irekomenda ang bulag na pagsunod, ang gayong payo ay nagbibigay ng tagubilin sa mga kabataan na tanggapin ang makadiyos na mga pamantayan sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanilang pananampalataya at sa pamamagitan ng kanilang sariling paninindigan sa Diyos. Inanyayahan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kasamahan na ‘tiyakin ang lahat ng bagay,’ upang masuri kung ang itinuturo sa kanila ay kasuwato ng Salita ng Diyos at ng Kaniyang kalooban, at upang kumilos alinsunod doon.—1 Tesalonica 5:21.
Pinalaki man o hindi sa isang Kristiyanong sambahayan, ang mahigit sa anim na milyong mga Saksi ni Jehova, kapuwa bata at matanda, ay gumawa ng gayong pasiya. Sa pamamagitan ng maingat na pag-aaral ng Bibliya, nakasumpong sila ng mapananaligang mga kasagutan sa kanilang mga katanungan hinggil sa layunin ng buhay at tumanggap ng isang maliwanag na kaunawaan sa kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan. Pagkatapos matamo ang kaalamang ito, tinanggap nila ang mga pamantayan ng Diyos at ginagawa ang kanilang buong makakaya upang gawin ang kalooban ng Diyos.
Ikaw man ay regular na mambabasa ng magasing ito o hindi, bakit hindi tanggapin ang alok ng mga Saksi ni Jehova na tulungan kang suriin ang espirituwal na mga pamantayan ng Bibliya. Sa ganitong paraan, maaari mong ‘matikman at makita na si Jehova ay mabuti’ at matamo ang kaalaman na, kapag isinagawa, ay aakay sa buhay na walang hanggan.—Awit 34:8; Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 5]
Apat na salinlahi ng isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya
[Larawan sa pahina 7]
Pinili ni Ruth na maglingkod kay Jehova sa halip na sa mga diyos ng kaniyang mga ninuno