‘Magtaglay ng Isang Mabuting Budhi’
‘Magtaglay ng Isang Mabuting Budhi’
MADALAS nating marinig ang payo na, “Sundin mo ang sinasabi ng iyong budhi.” Subalit para makatiyak tayong mapananaligan natin ang ating budhi, kailangan na wasto itong maturuan ng tama at mali, at dapat na alisto tayo sa pag-akay nito.
Isaalang-alang ang karanasan ng isang lalaking nagngangalang Zaqueo, na nakaulat sa Bibliya. Si Zaqueo, na nakatira sa Jerico, ay isang punong maniningil ng buwis at isang taong mayaman. Ayon na rin sa kaniya, nakamit niya ang kaniyang kayamanan sa pamamagitan ng pangingikil—isang gawain na tiyak na nakapinsala sa iba. Inusig ba si Zaqueo ng kaniyang budhi dahil sa kaniyang di-matuwid na mga gawa? Kung oo, malamang na hindi niya ito pinakinggan.—Lucas 19:1-7.
Gayunman, may nangyari na naging dahilan upang makapag-isip-isip si Zaqueo tungkol sa kaniyang ginagawa. Dumating si Jesus sa Jerico. Gusto sana ng may-kaliitang si Zaqueo na makita siya, ngunit hindi niya makita si Jesus dahil sa dami ng tao. Kaya nauna siyang tumakbo at umakyat sa isang puno para makita si Jesus. Palibhasa’y humanga sa kasabikang ito ni Zaqueo, sinabi ni Jesus sa kaniya na dadalawin niya siya sa kaniyang bahay. Malugod na tinanggap ni Zaqueo ang kaniyang bantog na panauhin.
Ang nakita at narinig ni Zaqueo habang kasama si Jesus ay sumalíng sa kaniyang puso at nag-udyok sa kaniya na baguhin ang kaniyang mga daan. Sinabi niya: “Narito! Ang kalahati ng aking mga pag-aari, Panginoon, ay ibibigay ko sa mga dukha, at anumang kinikil ko kaninuman sa pamamagitan ng bulaang akusasyon ay isasauli kong makaapat na ulit.”—Lucas 19:8.
Naturuan ang budhi ni Zaqueo, at nakinig siya at tumugon dito. Malaki ang epekto ng mabubuting resulta nito. Isipin na lamang ang nadama ni Zaqueo nang sabihin sa kaniya ni Jesus: “Sa araw na ito ay dumating sa bahay na ito ang kaligtasan!”—Lucas 19:9.
Tunay ngang isang nakapagpapatibay na halimbawa! Ipinakikita nito na anumang landasin ang dati na nating tinatahak, maaari pa rin tayong magbago. Gaya ni Zaqueo, masusunod natin ang mga salita ni Jesus—na nakaulat sa Bibliya—at mapasusulong ang ating pagkadama ng tama at mali. Kung gayon, gaya ng paghimok ni apostol Pedro, magagawa nating ‘magtaglay ng isang mabuting budhi.’ Maaari tayong makinig sa ating sinanay na budhi at gumawa ng tama.—1 Pedro 3:16.