Tulong Upang Mapanatili ang Kabanalan ng Dugo
Tulong Upang Mapanatili ang Kabanalan ng Dugo
SA BUONG lupa, ang mga lingkod ni Jehova ay nagpapamalas ng pagkamatapat sa Diyos may kaugnayan sa kabanalan ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Ang tulong sa Kristiyanong kapatiran ay inilalaan sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin. (Mateo 24:45-47) Tingnan natin kung ano ang naging resulta nito sa Pilipinas.
Ang sangay sa Pilipinas ay nag-ulat: “Noong 1990, ipinabatid sa amin na ang mga kinatawan mula sa Brooklyn Bethel ay magdaraos ng isang seminar dito sa Pilipinas. Inanyayahan ang mga kapatid mula sa ilang sangay sa Asia, kasali na ang Korea, Taiwan, at Hong Kong. Ang layunin nito ay upang magtatag ng Hospital Information Services sa kani-kanilang sangay at upang magsaayos din ng mga Hospital Liaison Committee. Sa Pilipinas, ang mga komite ay itinatag muna sa apat na pangunahing lunsod.” Pagsisikapan ng mga komite na humanap ng mga doktor na handang makipagtulungan sa atin hinggil sa Kristiyanong paninindigan sa dugo. Tutulungan din nila ang mga kapatid kapag may bumangong mga suliranin hinggil sa dugo.
Si Remegio ay pinili upang maglingkod sa Hospital Liaison Committee sa Baguio. Habang lumilipas ang panahon, napapansin na ng mga doktor ang gawain ng komiteng ito. Natatandaan pa ni Remegio ang isang pagkakataon na ang ilang doktor na nakikipagpulong sa Hospital Liaison Committee ay nagnais na makaalam kung paano gagamutin ang mga pasyenteng Saksi na ayaw magpasalin ng dugo. Sinabi ni Remegio: “Ang mga doktor ay nagsimulang magtanong, subalit ako ay natigilan dahil sa ang mga tanong ay masyadong teknikal.” Nanalangin siya kay Jehova na tulungan siyang harapin ang suliraning ito. Nagpatuloy si Remegio: “Pagkatapos ng bawat tanong, nagtataas ng kamay ang ibang doktor at nagsasabi kung paano nila hinarap ang katulad na situwasyon.” Natuwa si Remegio sa tulong na iyon, lalo na nga’t ang tanong-sagot ay tumagal nang dalawang oras.
Mayroon na ngayong 21 komite sa buong bansa at may kabuuang bilang na 77 kapatid na lalaki ang naglilingkod sa mga ito. Si Danilo, isang doktor na Saksi, ay nagsabi: “Napagtanto ng mga doktor na ang kanilang mga pasyenteng Saksi ay tinutulungan ng isang organisasyon na maibiging nagmamalasakit sa kanila.” Isang doktor ang sa simula’y atubiling mag-opera sa isang kapatid na lalaki nang walang pagsasalin ng dugo. Gayunman, ang kapatid ay matatag sa kaniyang paninindigan. Isinagawa ang operasyon at naging matagumpay. Ang Hospital Information Services ay nag-ulat: “Nagulat ang doktor sa madaling paggaling ng kapatid. Sinabi niya: ‘Batay sa nangyaring ito, kung sinuman sa inyong miyembro ang mangailangan ng ganitong uri ng operasyon nang walang dugo, ikinagagalak kong gawin iyon.’ ”