Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Madilim na Nakaraan, Maliwanag na Kinabukasan
Bago at Pagkatapos Mag-aral ng Bibliya—Madilim na Nakaraan, Maliwanag na Kinabukasan
“ANG salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Ganiyan ang sinabi ni apostol Pablo hinggil sa tumatagos na kapangyarihan ng mensahe ng Diyos. Ang kakayahan nitong maabot ang puso ay kitang-kita noong unang siglo C.E. Sa kabila ng di-kanais-nais na impluwensiya nang panahong iyon, ang mga naging Kristiyano ay nagsuot ng bagong personalidad.—Roma 1:28, 29; Colosas 3:8-10.
Ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos na magpabago, gaya ng nakaulat sa Bibliya, ay nakikita rin sa ngayon. Halimbawa, isaalang-alang ang kaso ng isang matangkad at matipunong lalaki na nagngangalang Richard. Palibhasa’y magagalitin, si Richard ay nakikipagsuntukan agad sa bahagyang pagkapukaw ng galit. Ang kaniyang buhay ay nabahiran ng karahasan. Si Richard ay sumali pa nga sa samahan ng mga boksingero. Puspusan siyang nagsanay at naging kampeon ng heavyweight sa Westphalia, Alemanya. Si Richard ay malakas ding uminom ng alak at madalas na nakikipag-away. May namatay sa isa sa gayong pagkakataon, at si Richard ay muntik nang mabilanggo.
Kumusta naman ang pag-aasawa ni Richard? “Bago kami mag-aral ni Heike ng Bibliya,” naalaala ni Richard, “kami ay nagkakani-kaniya ng lakad. Si Heike ay nagbababad sa kaniyang kabarkadang mga babae, samantalang gumugugol naman ako ng malaking panahon sa aking paboritong mga libangan—lalung-lalo na sa boksing, surfing, at pagsisid.”
Nang magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sina Richard at Heike, lubhang ikinalungkot ni Richard ang ideya na kailangan siyang gumawa ng tila imposibleng mga pagbabago upang maiayon ang kaniyang buhay sa matataas na pamantayan ng Salita ng Diyos. Gayunman, habang nakikilala niyang mabuti ang Diyos na Jehova, nagkaroon si Richard ng matinding pagnanais na palugdan siya. Natanto ni Richard na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga umiibig sa karahasan o yaong mga gumagawa nito para sa paglilibang. Natutuhan ni Richard na ‘ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng kaluluwa ni Jehova.’—Awit 11:5.
Bukod diyan, ang pag-asang mabuhay sa isang paraisong lupa ay pumukaw sa interes nina Richard at Heike. Nais nilang magkasama sila roon! (Isaias 65:21-23) Ang paanyayang “lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo” ay lubhang nakaantig kay Richard. (Santiago 4:8) Nakita niya ang kahalagahan ng pagsunod sa kinasihang payong ito: “Huwag kang mainggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad. Sapagkat ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.”—Kawikaan 3:31, 32.
Sa kabila ng matinding pagnanais na baguhin ang kaniyang landas, napag-isip-isip ni Richard na hindi niya magagawa iyon sa kaniyang sariling lakas. Nakita niyang kailangang humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. Kaya naman siya ay kumilos na kasuwato ng mga salita ni Jesus sa Kaniyang mga apostol: “Manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso. Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”—Mateo 26:41.
Nang malaman ang pangmalas ng Diyos sa karahasan at sa silakbo ng galit, natiyak ni Richard na ang boksing ay isang di-kanais-nais na isport. Sa tulong ni Jehova at pampatibay-loob ng mga nakipag-aral sa kaniya ng Bibliya, nakaalpas si Richard sa karahasan.
Itinigil na niya ang boksing at pakikipag-away at nagpasiyang pagbutihin ang kaniyang buhay pampamilya. “Ang pagkatuto ng katotohanan mula sa Bibliya ay nakatulong sa akin upang huminto at mag-isip muna bago kumilos,” ang sabi ni Richard, na isa na ngayong mahinahong-loob na tagapangasiwa sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Dagdag pa niya: “Ang mga simulain ng pag-ibig at paggalang ang pumapatnubay sa akin ngayon sa relasyon ko sa aking asawa at mga anak. Bilang resulta, ang aming pamilya ay naging malapít sa isa’t isa.”Kung minsan, nag-aakusa ang mga taong nakatanggap ng maling impormasyon na winawasak daw ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamilya. Gayunman, ang mga halimbawa ng mga indibiduwal na kagaya ni Richard ay nagpapabulaan sa kanilang pagbibintang. Sa katunayan, ang katotohanan sa Bibliya ay makapagdudulot ng katatagan sa sambahayan at isang maliwanag na kinabukasan para roon sa mga nagkaroon ng madilim na nakaraan.—Jeremias 29:11.
[Blurb sa pahina 9]
“Ang pag-asa sa isang paraisong lupa ay gumanyak sa akin upang magbago”
[Kahon sa pahina 9]
Gumagana ang mga Simulain sa Bibliya
Ang Bibliya ay maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensiya sa buhay ng mga tao. Narito ang ilang simulain sa Kasulatan na nakatulong sa mararahas na indibiduwal upang magbago:
“Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.” (Kawikaan 16:32) Ang di-mapigil na galit ay tanda ng kahinaan, hindi ng kalakasan.
“Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” (Kawikaan 19:11) Ang pagkakaroon ng kaunawaan sa isang situwasyon ay tumutulong sa isa na makita ang nasa likod ng inaakalang dahilan para sa komprontasyon at makapipigil sa pagsiklab ng galit.
‘Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit upang hindi mo matutuhan ang kaniyang mga landas.’ (Kawikaan 22:24, 25) May-katalinuhang iniiwasan ng mga Kristiyano ang pakikisama doon sa mga magagalitin.