Alexander VI—Isang Papa na Hindi Nalilimutan ng Roma
Alexander VI—Isang Papa na Hindi Nalilimutan ng Roma
“MULA sa pangmalas ng isang Katoliko, walang sapat na magagamit na matinding pananalita upang ganap na hatulan si Alexander VI.” (Geschichte der Päpste seit dem Ausgang des Mittelalters [Kasaysayan ng mga Papa Mula sa Katapusan ng Edad Medya]) “Hindi talaga mapatatawad ang kaniyang pribadong buhay . . . Dapat nating aminin na ang papang ito ay hindi nagpaparangal sa Simbahan. Bagaman ang mga kontemporaryo ng pamilyang Borgia ay sanay na sa gayong napakasamang mga gawain, napansin nila na lubhang kagimbal-gimbal ang mga krimen na ginawa ng mga ito, anupat hindi pa rin nawawala ang epekto nito pagkaraan ng mahigit na apat na siglo.”—L’Église et la Renaissance (1449-1517)(Ang Simbahan at ang Renaissance).
Bakit ang iginagalang na mga akda hinggil sa kasaysayan ng Simbahang Romano Katoliko ay nagbigay ng gayon katinding komento hinggil sa isang papa at sa kaniyang pamilya? Ano ang kanilang ginawa upang makatanggap ng gayong pamumuna? Ang isang eksibit na ginanap sa Roma (Oktubre 2002–Pebrero 2003), na pinamagatang I Borgia—l’arte del potere (Ang mga Borgia—Ang Sining ng Kapangyarihan), ay nagbigay ng pagkakataon upang bulay-bulayin ang pantanging mga karapatan na inangkin ng papa, lalo na sa paraan ng paggamit sa mga ito ni Rodrigo Borgia, o Alexander VI (papa 1492-1503).
Pagbangon sa Kapangyarihan
Si Rodrigo Borgia ay ipinanganak noong 1431 sa isang prominenteng pamilya sa Játiva, sa kaharian ng Aragon, na ngayo’y nasa Espanya. Ang kaniyang tiyuhing si Alfonso de Borgia, obispo ng Valencia, ang nangasiwa sa edukasyon ng kaniyang pamangkin at tumiyak na kahit na siya’y tin-edyer pa lamang, si Rodrigo ay pagkalooban na ng simbahan ng eklesyastikal na mga benepisyo (tungkulin sa simbahan na may kalakip na ganansiya). Sa edad na 18, sa ilalim ng pangangalaga ni Alfonso, na kardinal na noon, si Rodrigo ay nagtungo sa Italya, kung saan siya nag-aral ng abogasya. Nang maging Pope Calixtus III na si Alfonso, ginawa niyang mga kardinal si Rodrigo at ang isa pa niyang pamangkin. Ginawang gobernador si Pere Lluís Borgia sa iba’t ibang lunsod. Di-nagtagal at hinirang si Rodrigo bilang bise-kansilyer ng simbahan, isang posisyon na taglay niya sa ilalim ng iba’t ibang papa, na nagpangyaring makamtan niya ang maraming mararangyang benepisyo, magkamal ng pagkalaki-laking kayamanan at kapangyarihan, at mamuhay nang maluho gaya ng isang prinsipe.
Si Rodrigo ay matalino, mahusay magsalita, isang tagapagtaguyod ng sining, at may kakayahang tamuhin ang kaniyang mga tunguhin. Gayunman, marami siyang bawal na pakikipagrelasyon, anupat nagkaroon siya ng apat na anak sa kaniyang habang-buhay na kinakasama at ng marami pa sa iba’t ibang babae. Bagaman sinaway siya ni Pope Pius II dahil sa kaniyang napakasidhing likas na hilig sa dibersiyon
na may “walang-patumanggang pagpapakasasa” at sa “walang-tigil na pagsasaya,” si Rodrigo ay hindi nagbago ng landas.Pagkamatay ni Pope Innocent VIII noong 1492, nagtipon ang mga kardinal upang maghalal ng kahalili. Di-mapag-aalinlanganan na si Rodrigo Borgia, dahil sa magagandang alok at hayagang pangungutya, ay nakabili ng sapat na boto mula sa kapuwa mga kardinal upang lumitaw siya mula sa sekretong pagpupulong na iyon bilang Pope Alexander VI. Paano niya binili ang boto ng mga kardinal? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga posisyon sa simbahan, mga palasyo, kastilyo, lunsod, monasteryo, at mga diyosesis lakip ang pagkalaki-laking ganansiya. Mauunawaan mo kung bakit tinawag ng isang istoryador ng simbahan ang pamamahala ni Alexander VI bilang “mga araw ng kabuktutan at iskandalo para sa Simbahang Romano.”
Walang Ipinagkaiba sa Sekular na mga Prinsipe
Sa bisa ng kaniyang espirituwal na kapangyarihan bilang pinuno ng simbahan, tumulong si Alexander VI sa paglutas ng sigalot sa pagitan ng Espanya at Portugal hinggil sa paghahati ng bagong katutuklas na mga teritoryo ng Amerika. Ang kaniyang sekular na kapangyarihan ang naging dahilan upang siya’y maging pinuno ng mga estado ng papa na may mga teritoryo sa sentro ng Italya, at pinamahalaan niya ang kaniyang kaharian na halos kagaya rin ng iba pang tagapamahala ng Renaissance. Kaya ang pamamahala ni Alexander VI, kagaya ng sa mga papang nauna at sumunod sa kaniya, ay nabahiran ng panunuhol, nepotismo, at ilang kahina-hinalang pagpaslang.
Pinaglalabanan ng mga magkaribal sa kapangyarihan ang mga teritoryo ng Italya noong maliligalig na panahong iyon, at ang papa ay aktibong nakibahagi rito. Ang kaniyang binuo at saka sinirang makapulitikang mga pagmamaniobra at pakikipag-alyansa ay dinisenyo upang maging mas makapangyarihan siya, umasenso ang mga karera ng kaniyang mga anak, at makapangibabaw ang pamilyang Borgia sa lahat ng iba pa. Ang kaniyang anak na si Juan, na naging asawa ng pinsan ng hari ng Castile, ay ginawang duke ng Gandía, Espanya. Napangasawa naman ni Jofré, na isa pa niyang anak, ang apo ng hari ng Naples.
Nang mangailangan ang papa ng kaalyado upang palakasin ang kaniyang kaugnayan sa Pransiya, sinira niya ang usapang ipakasal ang kaniyang 13-taóng-gulang na anak na babae, si Lucrezia, sa isang maharlika ng Aragon at sa halip ay ipinagkaloob ito sa isang kamag-anak ng duke ng Milan. Nang hindi na makatutulong sa pulitika ang kasal na iyon, nakasumpong siya ng dahilan upang pawalang-bisa ito, at si Lucrezia ay ikinasal sa isang miyembro ng karibal na dinastiya, kay Alfonso ng Aragon. Samantala, ang ambisyoso at walang-awang kapatid ni Lucrezia na si Cesare Borgia, ay nakipag-alyansa kay Louis XII ng Pransiya, at ang kasal kamakailan ng kaniyang kapatid na babae sa isang taga-Aragon ay naging kahiya-hiya. Ano ang naging solusyon? Isang reperensiya ang nagsabi na si Alfonso, ang kaawa-awang asawa ni Lucrezia, “ay sinaktan ng apat na lalaking nagtangkang pumatay sa kaniya sa mga baytang ng St. Peter’s Basilica. Habang nagpapagaling, binigti siya ng isa sa mga tauhan ni Cesare.” Dahil sa paghahangad ng bagong estratehikong pakikipag-alyansa, isinaayos ng papa ang ikatlong pag-aasawa ni Lucrezia, na noo’y 21 taóng gulang na, sa anak ng isang makapangyarihang duke ng Ferrara.
Ang buhay ni Cesare ay inilarawan bilang “isang rekord ng kawalan ng prinsipyo na pinapula ng dugo.” Bagaman hinirang ng kaniyang ama bilang isang kardinal sa edad na 17, mas nababagay si Cesare sa digmaan kaysa sa simbahan, dahil sa pagiging tuso, ambisyoso, at tiwali kagaya rin ng iba pa. Pagkatapos magbitiw sa tungkulin sa simbahan, nag-asawa siya ng isang prinsesang Pranses, kung kaya siya’y naging duke ng Valentinois. Pagkatapos, sa tulong ng mga tropang Pranses, sinimulan niya ang isang kampanya ng pangungubkob at pagpatay nang pataksil upang makontrol niya ang hilagang Italya.
Upang matamo ang kinakailangang tulong ng hukbo ng Pransiya para maitaguyod ang mga tunguhin ni Cesare, ang papa ay pumayag sa isang kumbinyente subalit iskandalosong diborsiyo na hinangad ni Louis XII ng Pransiya upang mapakasalan niya si Anne ng Brittany at maidagdag ang teritoryo ng dukesang ito sa kaniyang kaharian. Sa diwa, sinabi ng isang akdang reperensiya, “isinakripisyo [ng papa] ang prestihiyo ng Simbahan at ang mahihigpit na simulain nito upang tamuhin ang sekular na mga kapakinabangan para sa mga miyembro ng kaniyang pamilya.”
Pamumuna Laban sa Pagmamalabis ng Papa
Ang pagmamalabis ng mga Borgia ay lumikha ng mga kaaway at umakay sa pamumuna. Karaniwan nang ipinagwawalang-bahala ng papa ang mga pumupuna sa kaniya, subalit ang isa na hindi maaaring ipagwalang-bahala ay si Girolamo Savonarola. Siya ay isang mongheng Dominikano, isang masiglang mangangaral, at isang pulitikal na pinuno ng Florence. Kinondena niya ang mga bisyo ng mga taong nakapaligid sa papa, maging ang mismong pagkatao at pamumulitika ng papa, anupat nanawagang alisin sa tungkulin ang papa at magkaroon ng reporma sa simbahan. Si Savonarola ay bumulalas: “Mga pinuno ng Simbahan, . . . sa gabi kayo ay pumupunta sa inyu-inyong mga babae at sa umaga naman sa inyong mga relihiyosong seremonya.” Nang maglaon ay sinabi niya: “[Ang mga pinunong iyon] ay mukhang patutot, anupat sa ikasasama ng Simbahan ang kanilang kabantugan. Sinasabi ko sa inyo, ang mga ito ay hindi naniniwala sa Kristiyanong pananampalataya.”
Sa pagtatangkang suhulan si Savonarola upang manahimik, inialok sa kaniya ng papa ang puwesto ng kardinal, na tinanggihan naman niya. Bagaman hindi matiyak kung ang kaniyang pamumulitika laban sa papa o ang kaniyang pangangaral ang nagpahamak sa kaniya, sa dakong huli si Savonarola ay itiniwalag, inaresto, pinahirapan upang mangumpisal, at saka binitay at sinunog.
Maseselan na Tanong
Ang makasaysayang mga pangyayaring ito ay nagbabangon ng mahahalagang tanong. Paano ipaliliwanag ang gayong mga pakana at paggawi ng isang papa? Paano ito ipinaliliwanag ng mga istoryador? Iba’t ibang argumento ang ginamit.
Marami ang naniniwala na kailangang malasin si Alexander VI alinsunod sa panahong kinabubuhayan niya. Ang kaniyang mga gawain sa pulitika at simbahan ay naikondisyon diumano ng pagnanais niyang mapangalagaan ang kapayapaan, mapanatili ang balanse sa pagitan ng magkakaribal na estado, mapalakas ang bigkis ng pagkikipagkaibigan sa mga kaalyado na magtatanggol sa papa, at mapanatiling nagkakaisa ang mga monarka ng Sangkakristiyanuhan laban sa banta ng mga Turko.
Subalit kumusta naman ang kaniyang paggawi? “Sa bawat panahon ng pag-iral ng Simbahan ay may makikitang masasamang Kristiyano at di-karapat-dapat na mga pari,” ang sabi ng isang iskolar. “Upang hindi magitla ang sinuman dahil dito, ito ay inihula mismo ni Kristo; inihalintulad pa nga niya ang Simbahan sa isang bukid na doo’y tutubo ang mabuting trigo at ang mga panirang-damo, o sa isang lambat na may mabubuti at masasamang isda, gayundin kung paanong pinahintulutan pa nga niya ang isang Hudas sa kaniyang mga apostol.” *
Nagpatuloy pa ang iskolar na ito: “Kung paanong ang isang depektibong enggaste ay hindi nakababawas sa halaga ng isang hiyas, gayundin ang kasalanan ng isang pari ay hindi kailangang makasamâ . . . sa doktrinang kaniyang itinuturo. . . . Ang ginto ay mananatiling ginto, marumi man o malinis ang kamay na nagbigay niyaon.” Isang Katolikong istoryador ang nangatuwiran na ang pamantayan na dapat sanang sinunod ng taimtim na mga Katoliko sa kaso ni Alexander VI ay ang payong ibinigay ni Jesus sa Mateo 23:2, 3) Gayunman, sa totoo lamang, nakukumbinsi ka ba ng gayong pangangatuwiran?
kaniyang mga alagad hinggil sa mga eskriba at mga Pariseo: ‘Gawin ninyo ang ayon sa kanilang sinasabi, ngunit huwag ayon sa kanilang ginagawa.’ (Tunay na Kristiyanismo ba Ito?
Si Jesus ay nag-iwan ng isang simpleng panuntunan upang masubok ang kalidad ng nag-aangking mga Kristiyano: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Ang mga tao ay hindi pumipitas ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba? Gayundin bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy man ay makapagluluwal ng mainam na bunga. Kung gayon nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.”—Mateo 7:16-18, 20.
Sa pangkalahatan, paano nakatugon ang mga pinuno ng relihiyon noong nakalipas na mga siglo, at paano sila nakatutugon sa ngayon, sa parisan ng tunay na Kristiyanismo na itinatag ni Jesus at ipinakita ng kaniyang tunay na mga tagasunod? Isaalang-alang natin ang dalawa lamang larangan—pagkasangkot sa pulitika at istilo ng pamumuhay.
Si Jesus ay hindi isang makasanlibutang prinsipe. Nagkaroon siya ng simpleng pamumuhay anupat, gaya ng pag-amin niya, wala siyang dakong “mahihigan ng kaniyang ulo.” Ang kaniyang Kaharian ay “hindi bahagi ng sanlibutang ito,” at ang kaniyang mga alagad ay dapat na maging ‘hindi bahagi ng sanlibutan kung paanong siya ay hindi bahagi ng sanlibutan.’ Kaya tumanggi si Jesus na masangkot sa pulitikal na mga gawain noong kaniyang kapanahunan.—Mateo 8:20; Juan 6:15; 17:16; 18:36.
Gayunman, hindi ba totoong ginawang kaugalian ng mga organisasyon ng relihiyon sa nakalipas na mga siglo na makisama sa mga pulitikal na tagapamahala ukol sa kapangyarihan at materyal na kapakinabangan, kahit pa magdulot ito ng pagdurusa sa karaniwang mga tao? Hindi ba totoo rin na marami sa kanilang mga klero ang namumuhay nang maluho, kahit na ang karamihan sa mga tao na kanilang pinaglilingkuran ay nagdarahop?
Ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay nagsabi: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Bakit “kaaway ng Diyos”? Ang 1 Juan 5:19 ay kababasahan ng ganito: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.”
Hinggil sa moralidad ni Alexander VI, isang istoryador noong panahon ni Borgia ang sumulat ng ganito: “Napakasama ng istilo ng kaniyang pamumuhay. Wala siyang kahihiyan o kataimtiman, ni pananampalataya o relihiyon. Labis-labis ang kasakiman niya, masyadong ambisyoso, malupit gaya ng barbaro, at may napakasidhing hangarin na umasenso ang kaniyang maraming anak.” Sabihin pa, hindi lamang si Borgia ang miyembro ng pamunuan ng simbahan na gumawi ng gayon.
Ano ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa gayong paggawi? “Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos?” ang tanong ni apostol Pablo. “Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga mangangalunya, ni . . . ang mga taong sakim . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Ang isa sa mga ipinahayag na tunguhin ng eksibit sa Roma hinggil sa mga Borgia ay “unawain ang dakilang mga taong ito alinsunod sa panahong kinabubuhayan nila . . . , unawain subalit tiyak na hindi upang pawalang-sala ni patawan ng hatol.” Sa katunayan, ipinaubaya sa mga panauhin ang paggawa ng kanilang sariling mga konklusyon. Kaya ano ang iyong konklusyon?
[Talababa]
^ par. 20 Para sa tumpak na mga paliwanag ng mga talinghagang ito, tingnan Ang Bantayan, Pebrero 1, 1995, pahina 5-6, at Hunyo 15, 1992, pahina 17-22.
[Larawan sa pahina 26]
Rodrigo Borgia, Pope Alexander VI
[Larawan sa pahina 27]
Ginamit si Lucrezia Borgia ng kaniyang ama upang siya ay maging mas makapangyarihan
[Larawan sa pahina 28]
Si Cesare Borgia ay ambisyoso at tiwali