Tularan si Jehova, ang Ating Di-nagtatanging Diyos
Tularan si Jehova, ang Ating Di-nagtatanging Diyos
“Walang pagtatangi ang Diyos.”—ROMA 2:11.
1, 2. (a) Ano ang layunin ni Jehova sa mga Canaanita sa pangkalahatan? (b) Ano ang ginawa ni Jehova, at anong mga tanong ang ibinabangon nito?
HABANG nagkakampo sa Kapatagan ng Moab noong 1473 B.C.E., matamang nakinig ang Israel kay Moises. Mapapaharap sa isang hamon ang bayan sa kabila ng Ilog Jordan. Ipinahayag ni Moises ang layunin ni Jehova na talunin ng Israel ang pitong malalakas na bansang Canaanita sa Lupang Pangako. Tunay ngang nakapagpapalakas-loob ang mga salita ni Moises: “Tiyak na pababayaan sila sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, at tatalunin mo sila”! Hindi dapat makipagtipan ang Israel sa kanila, at hindi sila karapat-dapat sa anumang lingap.—Deuteronomio 1:1; 7:1, 2.
2 Gayunman, iniligtas ni Jehova ang isang pamilya mula sa unang lunsod na sinalakay ng Israel. Ang mga taong nagmula sa apat na iba pang bayan ay tumanggap din ng proteksiyon ng Diyos. Bakit kaya? Ano ang itinuturo sa atin tungkol kay Jehova ng kapansin-pansing pagkakaligtas ng mga Canaanitang ito? At paano natin siya matutularan?
Pagtugon sa Kabantugan ni Jehova
3, 4. Ano ang naging epekto sa mga indibiduwal sa Canaan ng mga balita hinggil sa tagumpay ng mga Israelita?
3 Sa 40 taon na pamamalagi ng Israel sa iláng bago pumasok sa Lupang Pangako, ipinagsanggalang at ipinaglaban ni Jehova ang kaniyang bayan. Sa timog ng Lupang Pangako, hinarap ng Israel ang Canaanitang hari ng Arad. Sa tulong ni Jehova, tinalo ng mga Israelita ang hari at ang bayan nito sa Horma. (Bilang 21:1-3) Nang maglaon, ang Israel ay dumaan sa tabi ng lupain ng Edom at naglakbay pahilaga sa hilagang-silangan ng Dagat na Patay. Ang lugar na ito na dati’y tirahan ng Moab ay okupado na ngayon ng mga Amorita. Tumanggi ang Amoritang hari na si Sihon na paraanin ang Israel sa kaniyang teritoryo. Nagkaroon ng digmaan sa Jahaz, na maliwanag na nasa hilaga ng Agusang Libis ng Arnon, kung saan napatay si Sihon. (Bilang 21:23, 24; Deuteronomio 2:30-33) Sa dako pa roon ng hilaga, namahala si Og sa iba pang mga Amorita sa Basan. Bagaman si Og ay isang higante, wala siyang laban kay Jehova. Napatay si Og sa Edrei. (Bilang 21:33-35; Deuteronomio 3:1-3, 11) Ang mga balitang ito ng tagumpay pati na ang mga kuwento hinggil sa Pag-alis ng Israel sa Ehipto ay may malaking epekto sa mga indibiduwal na naninirahan sa Canaan. *
4 Noong unang makapasok ang Israel sa Canaan pagkatawid sa Jordan, nagkampo sila sa Gilgal. (Josue 4:9-19) Naroroon sa may di-kalayuan ang napapaderang lunsod ng Jerico. Ang narinig ng Canaanitang si Rahab hinggil sa mga gawa ni Jehova ang nag-udyok sa kaniya na kumilos nang may pananampalataya. Bunga nito, nang pasapitin ni Jehova ang pagkawasak ng Jerico, iniligtas Niya siya at ang mga nasa kaniyang bahay.—Josue 2:1-13; 6:17, 18; Santiago 2:25.
5. Ano ang nag-udyok sa mga Gibeonita na kumilos nang may katalinuhan?
5 Sumunod, umahon ang Israel mula sa kapatagan na malapit sa ilog tungo sa gitnang mga burol ng rehiyon. Bilang pagsunod sa tagubilin ni Jehova, gumamit si Josue ng mga taktika ng pananambang laban sa lunsod ng Ai. (Josue, kabanata 8) Dahil sa napabalitang kasunod na matinding pagkatalong ito, marami sa mga hari ng Canaan ang nagtipon upang makipagdigma. (Josue 9:1, 2) Subalit iba naman ang naging reaksiyon ng mga naninirahan sa kalapit na Hivitang lunsod ng Gibeon. “Sila, ayon sa sarili nilang kagustuhan,” ang ulat ng Josue 9:4, “ay kumilos nang may katalinuhan.” Kagaya ni Rahab, nabalitaan nila ang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan sa Pag-alis at sa paglupig kina Sihon at Og. (Josue 9:6-10) Napagtanto ng mga Gibeonita na walang saysay ang lumaban. Kaya alang-alang sa Gibeon at sa tatlong kalapit na lunsod—Kepira, Beerot, at Kiriat-jearim—ipinadala nila kay Josue sa Gilgal ang isang delegasyong kunwa’y nagmula sa isang malayong lupain. Nagtagumpay ang pakana. Nakipagtipan sa kanila si Josue na tumiyak sa kanilang pagkaligtas. Pagkalipas ng tatlong araw, nalaman ni Josue at ng mga Israelita na sila’y nalinlang. Gayunpaman, sumumpa sila kay Jehova na kanilang tutuparin ang tipan at sa gayon ay nanghawakan dito. (Josue 9:16-19) Sinang-ayunan ba ito ni Jehova?
6. Paano tumugon si Jehova sa pakikipagtipan ni Josue sa mga Gibeonita?
6 Pinahintulutan ang mga Gibeonita na maging mga tagaputol ng kahoy at tagadala ng tubig para sa mga Israelita, maging “para sa altar ni Jehova” sa tabernakulo. (Josue 9:21-27) Bukod pa riyan, nang pagbantaan ng limang Amoritang hari at ng kanilang mga hukbo ang mga Gibeonita, makahimalang namagitan si Jehova. Mas maraming napatay na mga kaaway ang mga batong graniso kaysa sa mga sundalo ni Josue. Sinagot pa nga ni Jehova ang pakiusap ni Josue na pahintuin sana ang araw at ang buwan upang maging lubusan ang kanilang paglupig. “Wala pang araw ang naging katulad ng isang iyon, bago pa nito o pagkatapos nito,” ang sabi ni Josue, “anupat nakinig si Jehova sa tinig ng tao, sapagkat si Jehova ang nakipaglaban para sa Israel.”—Josue 10:1-14.
7. Anong saligang katotohanan na kinilala ni Pedro ang nakita sa ilang Canaanita?
7 Ang Canaanitang si Rahab at ang kaniyang pamilya, gayundin ang mga Gibeonita, ay natakot kay Jehova at kumilos ayon dito. Maliwanag na ipinakikita ng nangyari sa kanila ang katotohanang sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pedro nang maglaon: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Pakikitungo kay Abraham at sa Israel
8, 9. Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang kawalang-pagtatangi sa kaniyang pakikitungo kay Abraham at sa bansang Israel?
8 Ang alagad na si Santiago ay nagtuon ng pansin sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa Kaniyang pakikitungo kay Abraham at sa mga supling nito. Ang pananampalataya ni Abraham, hindi ang kaniyang etnikong pinagmulan, ang dahilan kung bakit siya naging “kaibigan ni Jehova.” (Santiago 2:23) Ang pananampalataya at pag-ibig ni Abraham kay Jehova ay nagdulot ng mga pagpapala sa kaniyang mga inapo. (2 Cronica 20:7) Nangako si Jehova kay Abraham: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” Ngunit pansinin ang pangako sa susunod na talata: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.”—Genesis 22:17, 18; Roma 4:1-8.
9 Sa halip na magpamalas ng pagtatangi, ipinakita ni Jehova sa kaniyang pakikitungo sa Israel ang magagawa niya para sa mga sumusunod sa kaniya. Ang gayong mga pakikitungo ay isang halimbawa kung paano ipinahahayag ni Jehova ang kaniyang matapat na pag-ibig sa tapat na mga lingkod niya. Bagaman ang Israel ay “pantanging pag-aari” ni Jehova, hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bayan ay hindi makapagtatamasa ng kagandahang-loob ng Diyos. (Exodo 19:5; Deuteronomio 7:6-8) Totoo, tinubos ni Jehova ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto at alinsunod dito ay nagpahayag: “Kayo lamang ang kinilala ko sa lahat ng mga pamilya sa lupa.” Ngunit sa pamamagitan ni propeta Amos at ng iba pa, nagbigay rin si Jehova ng isang kamangha-manghang pag-asa para sa mga tao sa “lahat ng mga bansa.”—Amos 3:2; 9:11, 12; Isaias 2:2-4.
Si Jesus, ang Di-nagtatanging Guro
10. Paano tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa pagpapakita ng kawalang-pagtatangi?
10 Sa kaniyang makalupang ministeryo, tinularan ni Jesus, na siyang eksaktong larawan ng kaniyang Ama, ang kawalang-pagtatangi ni Jehova. (Hebreo 1:3) Ang pangunahing bagay sa kaniya noong panahong iyon ay hanapin ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Gayunman, hindi siya nag-atubiling magpatotoo sa isang Samaritana sa isang balon. (Mateo 15:24; Juan 4:7-30) Gumawa rin siya ng isang himala bilang tugon sa hiling ng isang opisyal ng hukbo, na maliwanag na isang di-Judio. (Lucas 7:1-10) Bukod pa ito sa kaniyang mga ginawa bilang pagpapakita ng kaniyang pag-ibig sa bayan ng Diyos. Ang mga alagad ni Jesus ay nangaral din nang malawakan. Naging maliwanag na ang batayan sa pagtanggap ng pagpapala ni Jehova ay may kaugnayan, hindi sa nasyonalidad, kundi sa saloobin. Ang mapagpakumbaba at tapat-pusong mga tao na naghahangad ng katotohanan ay tumugon sa mabuting balita ng Kaharian. Sa kabaligtaran naman, si Jesus at ang mensahe niya ay hinamak ng mapagmapuri at hambog na mga tao. “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa,” ang pahayag ni Jesus, “sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol. Oo, O Ama, sapagkat ang paggawa ng gayon ang siyang paraan na sinang-ayunan mo.” (Lucas 10:21) Kapag nakikitungo tayo sa iba salig sa pag-ibig at pananampalataya, kumikilos tayo nang walang pagtatangi, anupat nalalaman na ito ang paraang sinasang-ayunan ni Jehova.
11. Paano ipinakita ang kawalang-pagtatangi sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?
11 Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, pantay-pantay ang mga Judio at di-Judio. “Kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan para sa bawat isa na gumagawa ng mabuti,” ang paliwanag ni Pablo, “para sa Judio muna at gayundin para sa Griego. Sapagkat walang pagtatangi ang Diyos.” * (Roma 2:10, 11) Hindi nakasalalay sa etnikong pinagmulan ang pagtatamasa nila ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, kundi sa kanilang pagtugon nang matutuhan nila ang hinggil kay Jehova at ang pag-asang ibinigay ng pantubos ng kaniyang Anak, si Jesus. (Juan 3:16, 36) Sumulat si Pablo: “Siya ay hindi Judio na gayon sa panlabas, ni ang pagtutuli man ay yaong nasa panlabas sa laman. Kundi siya ay Judio na gayon sa panloob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, at hindi sa pamamagitan ng isang nakasulat na kodigo.” Pagkatapos, sa pamamagitan ng mapamaraang paggamit ng mga salitang may kinalaman sa terminong “Judio” (na nangangahulugang “ng Juda,” samakatuwid nga’y, pinapurihan), idinagdag ni Pablo: “Ang papuri ng isang iyon ay nanggagaling, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” (Roma 2:28, 29) Pumupuri si Jehova nang walang pagtatangi. Ganoon din ba tayo?
12. Anong pag-asa ang ibinibigay ng Apocalipsis 7:9, at para kanino?
12 Nang maglaon, sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan ang tapat na pinahirang mga Kristiyano na inilalarawan bilang espirituwal na bansa na binubuo ng 144,000, “na tinatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel.” Pagkatapos nito, nakita ni Juan ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.” (Apocalipsis 7:4, 9) Kaya walang etnikong grupo o wika ang ibinubukod mula sa kongregasyong Kristiyano sa makabagong panahon. Ang mga indibiduwal mula sa lahat ng pinagmulan ay may pag-asang makaligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at makainom sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay” sa bagong sanlibutan.—Apocalipsis 7:14-17.
Positibong mga Epekto
13-15. (a) Paano natin madaraig ang mga pagkakaiba-iba ng lahi at kultura? (b) Magbigay ng mga halimbawa ng mga pakinabang na naidudulot ng pagiging palakaibigan.
13 Kilalang-kilala tayo ni Jehova, kagaya ng pagkakilala 1 Corinto 9:19-23) Kitang-kita ito sa gawain ng mga misyonerong naglilingkod sa mga atas sa ibang bansa. Interesado sila sa mga taong naninirahan doon, at bilang resulta, nagiging madali para sa kanila na makibagay sa lokal na mga kongregasyon.—Filipos 2:4.
ng isang ama sa kaniyang mga anak. Gayundin, kapag higit nating nakikilala ang iba sa pamamagitan ng pagpapakita ng interes sa kanilang kultura at pinagmulan, nagiging maliit na bagay na lamang ang mga pagkakaiba. Naglalaho ang mga etnikong balakid, at napatitibay ang mga buklod ng pagkakaibigan at pag-ibig. Napasisidhi ang pagkakaisa. (14 Ang positibong mga epekto ng kawalang-pagtatangi ay nakikita sa maraming lupain. Si Aklilu, na taga-Etiopia, ay mag-isang nanirahan sa kabisera ng Britanya, ang London. Ang kaniyang pangungulila ay nadagdagan pa ng inaakala niyang pagiging di-palakaibigan ng mga tao pagdating sa mga dayuhan, na mapapansin sa maraming malalaking lunsod ng makabagong Europa. Tunay na ibang-iba ang naranasan ni Aklilu nang makadalo siya sa isang Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova! Malugod siyang tinanggap ng mga naroroon, at di-nagtagal, naging palagay ang kaniyang loob sa kanila. Mabilis siyang sumulong sa pagpapasidhi ng kaniyang pagpapahalaga sa Maylalang. Di-nagtagal, naghanap siya ng mga pagkakataon upang makibahagi sa pagpapalaganap sa iba ng mabuting balita ng Kaharian sa distritong iyon. Sa katunayan, isang araw nang tanungin si Aklilu ng kaniyang kasama sa pangangaral kung ano na ang kaniyang mga tunguhin ngayon sa buhay, agad na sumagot si Aklilu sa pagsasabing umaasa siya na balang-araw ay magiging bahagi siya ng isang kongregasyong nagsasalita ng kaniyang wika, Amharic. Nang malaman ito ng mga elder sa isang lokal na kongregasyong nagsasalita ng Ingles, malugod nilang isinaayos ang isang pangmadlang pahayag sa Bibliya sa katutubong wika ni Aklilu. Ang paanyayang dumalo rito ay nagpakilos sa maraming dayuhan at mga tagaroon na magtipun-tipon upang suportahan ang kauna-unahang pulong pangmadla sa Britanya sa wikang Amharic. Sa ngayon, ang mga Etiope at ang iba pa sa lugar na iyon ay nagkakaisa sa isang sumusulong na kongregasyon. Nasumpungan ng marami roon na walang anumang makahahadlang sa kanila na manindigan sa panig ni Jehova at sagisagan ito ng Kristiyanong bautismo.—Gawa 8:26-36.
15 Iba’t iba ang mga katangian at mga pinagmulan. Hindi saligan ang mga ito kung sino ang nakahihigit o kung sino ang nakabababa; mga pagkakaiba lamang ang mga ito. Nang pinanonood nila ang bautismo ng bagong nakaalay na mga lingkod ni Jehova sa isla ng Malta, ang labis na kasiyahan ng mga Saksing tagaroon ay nadagdagan pa ng mga luha ng kagalakang umaagos sa mga mata ng mga panauhing nagmula sa Britanya. Ipinahayag kapuwa ng mga grupong taga-Malta at taga-Britanya ang kanilang damdamin subalit sa magkaibang paraan, at ang kanilang masidhing pag-ibig kay Jehova ang nagpatibay sa mga buklod ng Kristiyanong pagsasamahan.—Awit 133:1; Colosas 3:14.
Pagdaig sa Pagtatangi
16-18. Ilahad ang isang karanasan na nagpapakita kung paano maaaring madaig ang pagtatangi sa kongregasyong Kristiyano.
16 Habang sumisidhi ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga Kristiyanong kapatid, higit
nating matutularan si Jehova sa pangmalas natin sa iba. Anumang pagtatangi na dati nating nadarama laban sa ilang nasyonalidad, lahi, o kultura ay maaaring madaig. Halimbawa, isaalang-alang ang kaso ni Albert na naglingkod sa Hukbo ng Britanya noong Digmaang Pandaigdig II at nabihag ng mga Hapones nang bumagsak ang Singapore noong 1942. Nang maglaon ay gumugol siya ng humigit-kumulang tatlo at kalahating taon sa pagtatrabaho sa “riles ng kamatayan,” na malapit sa naging kilaláng tulay sa ilog ng Kwai. Sa kaniyang paglaya nang matapos ang digmaan, ang timbang niya ay 32 kilo, baság ang panga at ilong, at may disintirya, buni, at malarya. Mas malala pa ang naranasan ng libu-libo sa kaniyang kasamahang mga bilanggo; marami ang hindi nakaligtas. Bunga ng kaniyang nakita at naranasang kalupitan, umuwi si Albert noong 1945 na isang lalaking punô ng hinanakit, na walang pakialam sa Diyos o sa relihiyon.17 Ang asawa ni Albert, si Irene, ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Upang paluguran ang kaniyang asawa, dumalo si Albert sa ilang pulong ng lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Isang kabataang Kristiyano na nasa buong-panahong ministeryo na nagngangalang Paul ang dumalaw kay Albert upang makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Di-nagtagal, napagtanto niyang tinitingnan pala ni Jehova ang mga indibiduwal salig sa kalagayan ng kanilang puso. Inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at nagpabautismo.
18 Nang maglaon ay lumipat si Paul sa London, nag-aral ng salitang Hapon, at umugnay sa isang kongregasyong gumagamit ng wikang Hapon. Nang imungkahi niyang isasama niya ang ilang bisitang Saksing Hapones sa kaniyang dating kongregasyon, naalaala ng mga kapatid sa kongregasyon ang matinding pagtatangi ni Albert laban sa mga taga-Hapon. Mula nang magbalik siya sa Britanya, iniwasan na ni Albert na makaharap ang sinumang taga-Hapon, kaya nag-isip ang mga kapatid kung paano niya haharapin ang situwasyon. Hindi sila kailangang mag-alala—tinanggap ni Albert ang mga panauhin taglay ang walang-pasubaling pagmamahal na pangkapatid.—1 Pedro 3:8, 9.
“Magpalawak”
19. Anong payo ni apostol Pablo ang makatutulong sa atin kung mayroon tayong anumang tendensiyang magtangi?
19 “Ang pagpapakita ng pagtatangi ay hindi mabuti,” ang sulat ni Haring Solomon. (Kawikaan 28:21) Madaling mápalapít sa mga kilalang-kilala natin. Gayunman, kung minsan, may tendensiya tayong hindi masyadong pansinin yaong mga hindi natin gaanong kilala. Ang gayong pagtatangi ay hindi naaangkop sa isang lingkod ni Jehova. Tiyak na tayong lahat ay dapat sumunod sa maliwanag na payo ni Pablo na “magpalawak”—oo, palawakin natin ang ating pag-ibig sa mga kapuwa Kristiyano mula sa iba’t ibang pinagmulan.—2 Corinto 6:13.
20. Sa anu-anong mga pitak ng buhay dapat nating tularan si Jehova, ang ating di-nagtatanging Diyos?
20 May pribilehiyo man tayo ng makalangit na pagtawag o pag-asa na mabuhay magpakailanman sa lupa, ang ating kawalang-pagtatangi ay magpapangyari sa atin na matamasa ang pagkakaisa ng iisang kawan, iisang Pastol. (Efeso 4:4, 5, 16) Ang pagsisikap na tularan si Jehova, ang ating di-nagtatanging Diyos, ay makatutulong sa atin sa ating ministeryong Kristiyano, sa loob ng ating pamilya, at sa kongregasyon, sa katunayan, sa lahat ng pitak ng buhay. Paano? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang paksang ito.
[Mga talababa]
^ par. 3 Nang maglaon, ang kabantugan ni Jehova ay naging paksa ng sagradong mga awit.—Awit 135:8-11; 136:11-20.
^ par. 11 Dito, ang pananalitang “Griego” ay tumutukoy sa mga Gentil sa pangkalahatan.—Insight on the Scriptures, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, Tomo 1, pahina 1004.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano ipinakita ni Jehova ang kawalang-pagtatangi kay Rahab at sa mga Gibeonita?
• Paano ipinakita ni Jesus ang kawalang-pagtatangi sa kaniyang pagtuturo?
• Ano ang makatutulong sa atin na madaig ang anumang pagtatangi sa kultura at lahi?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 13]
Nagsimula ang panlulupig ng Israel sa Canaan
[Larawan sa pahina 15]
Hindi nag-atubiling magpatotoo si Jesus sa isang Samaritana
[Larawan sa pahina 16]
Isang pulong pangmadla sa wikang Amharic sa Britanya
[Larawan sa pahina 16]
Ang pag-ibig ni Albert kay Jehova ang tumulong sa kaniya na madaig ang pagtatangi