“Dalawang Tao ang Kumatok sa Aming Pinto”
“Dalawang Tao ang Kumatok sa Aming Pinto”
“DALAWANG taon na mula nang dumanas kami ng matinding kalumbayan sa pagkamatay ng aming sanggol na babae.” Ganiyan nagsimula ang isang bukás na liham sa pahayagang Le Progrès, na inilathala sa Saint-Étienne, Pransiya.
“Si Mélissa ay tatlong buwang gulang at dumanas ng kahila-hilakbot na karamdamang tinatawag na trisomy 18. Ang isa ay hindi kailanman lubusang gumagaling sa gayong tila napakalupit na trahedya. Bagaman kami ay pinalaki sa relihiyong Katoliko, lagi kaming nag-iisip, ‘Diyos ko, kung umiiral ka, bakit mo po pinahihintulutang mangyari ang gayong mga bagay?’ ” Maliwanag, ang ina na sumulat ng liham na ito ay napipighati at nasisiraan ng loob. Ang kaniyang liham ay nagpapatuloy:
“Di-nagtagal pagkatapos ng mga pangyayaring ito, dalawang tao ang kumatok sa aming pinto. Kaagad ko silang nakilala bilang mga Saksi ni Jehova. Magalang ko sana silang paaalisin, subalit napansin ko ang isang brosyur na iniaalok nila. Ito’y tungkol sa kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang paghihirap. Kaya nagpasiya akong papasukin sila taglay ang intensiyon na patunayang mali sila. Naisip ko na kung tungkol sa paghihirap, talagang dumanas na ng labis na paghihirap ang aking pamilya at na narinig na namin ang mga bukambibig na gaya ng ‘Ibinigay siya sa amin ng Diyos, at kinuha na siya ng Diyos.’ Ang mga Saksi ay nanatili nang mahigit-higit sa isang oras. Pinakinggan nila ako taglay ang matinding pagkahabag, at nang papaalis na sila, mas mabuti na ang aking pakiramdam anupat sumang-ayon ako sa isa pang pagdalaw. Dalawang taon na ang nakalipas mula noon. Hindi ako naging Saksi ni Jehova, subalit nagsimula na akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila, at pinagsisikapan kong dumalo sa kanilang mga pagpupulong hangga’t magagawa ko.”