Karalitaan—Paghanap ng Permanenteng Solusyon
Karalitaan—Paghanap ng Permanenteng Solusyon
SA KABILA ng negatibong mga ulat mula sa palibot ng daigdig hinggil sa karalitaan, positibo pa rin ang saloobin ng ilan na mayroon pang tiyak na magagawa. Halimbawa, ayon sa isang ulong balita sa Manila Bulletin, iniulat ng Asian Development Bank na “maaaring pawiin ng Asia ang karalitaan sa loob ng 25 taon.” Inirekomenda ng bangko ang pagpapaunlad sa ekonomiya bilang isang paraan upang mahango ang mga tao mula sa pagkakasadlak sa karalitaan.
Ang ibang mga organisasyon at mga pamahalaan ay nagpalabas ng mahabang talaan ng mga mungkahi at mga plano upang sikaping lutasin ang problema. Kabilang sa mga ito ang: mga programa sa segurong panlipunan, pinabuting edukasyon, pagkansela sa mga utang ng papaunlad na mga bansa sa industriyalisadong mga bansa, pag-alis sa mga hadlang sa pag-aangkat upang ang mga bansa na doo’y marami ang mga taong mahihirap ay madaling makapagbenta ng kanilang mga produkto, at mga pabahay para sa mahihirap na may mababang sahod.
Noong taóng 2000, nagtakda ang United Nations General Assembly ng mga tunguhin na maaabot pagsapit ng taóng 2015. Kabilang dito ang pagpawi sa labis na karalitaan at gutom gayundin sa lubhang di-pagkakapantay-pantay ng kita sa mga bansa. Gaanuman karangal ang gayong mga tunguhin, marami ang nag-aalinlangan kung matatamo nga ang mga ito sa di-nagkakaisang daigdig na ito.
Praktikal na mga Hakbang sa Pagharap sa Karalitaan
Yamang kaunti ang pag-asa para sa tunay na pag-unlad sa buong daigdig, saan makahihingi ng tulong
ang isang tao? Gaya ng nabanggit na, may isang pinagmumulan ng praktikal na karunungan na makatutulong sa mga tao sa ngayon. Ano ito? Ito ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.Ano ang kaibahan ng Bibliya sa lahat ng iba pang pinagmumulan ng impormasyon? Nanggaling ito sa pinakamataas na awtoridad, ang ating Maylalang. Inilakip niya sa mga pahina nito ang mga hiyas ng karunungan—praktikal na mga simulain na kapit sa lahat ng tao, sa lahat ng lugar, at sa lahat ng panahon. Kung ikakapit, ang mga simulaing ito ay makatutulong sa mahihirap na matamasa ang isang mas kasiya-siyang buhay maging sa ngayon. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Magkaroon ng wastong pangmalas sa salapi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay pananggalang kung paanong ang salapi ay pananggalang; ngunit ang pakinabang sa kaalaman ay na iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Ano ang kahulugan nito? Hindi naibibigay ng salapi ang lahat ng bagay. Totoo, nagbibigay ito ng isang antas ng seguridad. Pinangyayari nito na makabili tayo ng ilang bagay na kailangan natin, ngunit may mga limitasyon ito. May mas mahahalagang bagay na hindi kayang bilhin ng salapi. Ang pagkilala sa bagay na ito ay tutulong sa atin na magkaroon ng wastong pangmalas sa materyal na mga bagay, at sa gayon ay maiiwasan ang mga pagkasiphayo na nararanasan ng mga nagsisikap na gawing pangunahin sa kanilang buhay ang pagkakamal ng salapi. Hindi mabibili ng salapi ang buhay, ngunit ang pagkilos nang may karunungan ay makapagsasanggalang ng buhay ngayon at makapagbubukas pa nga ng posibilidad na magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Mamuhay ayon sa iyong taglay. Hindi laging nangangahulugan na ang mga gusto natin ay kailangan natin. Dapat na unahin ang mga kailangan natin. Madali nating makukumbinsi ang ating sarili na kailangan natin ang isang bagay, gayong ang totoo ay gusto lamang natin ito at hindi naman talaga kailangan. Iuukol muna ng matalinong tao ang kaniyang pinaghirapang kita sa mga pangunahing bagay na kailangan niya—pagkain, pananamit, tirahan, at iba pa. Pagkatapos, bago gastusin ang anumang sobra, titiyakin muna niya kung ang kaniyang natitirang salapi ay sasapat para sa karagdagang mga bagay. Sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, inirekomenda ni Jesus na ‘maupo muna ang isang tao at tuusin ang gastusin, upang makita niya kung mayroon siyang sapat.’—Lucas 14:28.
Sa Pilipinas, nahirapan si Eufrosina, isang nagsosolong magulang na may tatlong anak, sa paghahanap ng ikabubuhay at sa pagsunod sa isang mahigpit na badyet mula nang iwan siya ng kaniyang asawa mga ilang taon na ang nakalilipas. Habang ginagawa ang gayon, sinanay niya ang kaniyang mga anak upang maunawaan nila kung saan muna dapat gastusin ang badyet. Halimbawa, maaaring makakita ang mga bata ng isang bagay na gusto nila. Sa halip na basta sabihing hindi puwede, nakikipagkatuwiranan siya sa kanila sa pagsasabing: “Buweno, maaari ninyong makuha iyan kung gusto ninyo, ngunit kailangan kayong magpasiya. Sapat lamang ang pera natin para sa isang bagay. Maaari nating bilhin ang bagay na ito na gusto ninyo, o maaari tayong bumili ng kaunting karne o gulay na ipang-uulam sa ating kanin para sa linggong ito. Ngayon, alin ang gusto ninyo? Kayo ang magpasiya.” Kadalasan, agad na nauunawaan ng mga bata ang punto at sumasang-ayon sila na mas gusto nila ang pagkain kaysa sa ibang bagay.
Maging kontento. “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito,” ang sabi ng isa pang simulain sa Bibliya. (1 Timoteo 6:8) Ang salapi sa ganang sarili ay hindi nagdudulot ng kaligayahan. Maraming mayayamang tao ang hindi maligaya, samantalang marami namang mahihirap na tao ang napakaliligaya. Ang mga huling nabanggit ay natutong masiyahan sa simpleng mga bagay na kailangan sa buhay. Binanggit ni Jesus ang tungkol sa pagkakaroon ng ‘simpleng mata’ na nakapokus sa mas mahahalagang bagay. (Mateo 6:22) Tumutulong ito sa isang tao na maging kontento. Maraming mahihirap na tao ang lubhang nasisiyahan dahil nakapaglinang sila ng mabuting kaugnayan sa Diyos at mayroon silang maligayang buhay pampamilya—mga bagay na hindi mabibili ng salapi.
Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng praktikal na mga mungkahi ng Bibliya na makatutulong sa mahihirap upang makayanan ang kanilang situwasyon. Marami pang iba. Halimbawa, iwasan ang mga bisyo na tulad ng paninigarilyo at pagsusugal, na pagwawaldas lamang ng salapi; alamin ang mas mahahalagang bagay sa buhay, lalo na ang espirituwal na mga tunguhin; kapag kaunti ang mapapasukan, subuking ialok ang kasanayan o serbisyo na kailangan ng iba. (Kawikaan 22:29; 23:21; Filipos 1:9-11) Inirerekomenda ng Bibliya ang pagkakapit sa gayong ‘praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip’ dahil ‘ang mga ito ay magiging buhay sa iyong kaluluwa.’—Kawikaan 3:21, 22.
Bagaman ang mga mungkahi ng Bibliya ay makapaglalaan ng kapaki-pakinabang na tulong sa mga nakikipagpunyagi sa karalitaan, nananatili pa rin ang mga tanong hinggil sa hinaharap. Nakatalaga bang maghirap ang mga tao magpakailanman? Maitutuwid pa kaya ang di-pagkakapantay-pantay ng mga napakayayaman at ng mga labis na naghihirap? Suriin natin ang isang solusyon na hindi pa alam ng marami.
Nagbibigay ng Dahilan ang Bibliya Para Umasa
Inaamin ng marami na isang mabuting aklat ang Bibliya. Gayunman, madalas ay hindi nila alam na nagbibigay ito ng espesipikong impormasyon na tumutukoy sa malalaking pagbabago na malapit nang maganap.
Balak ng Diyos na kumilos upang lutasin ang mga problema ng sangkatauhan, pati na ang karalitaan. Yamang napatunayan na hindi kaya o hindi handa ang mga pamahalaan ng tao na gawin iyon, balak ng Diyos na halinhan ang mga ito. Paano? Mariing sinasabi ng Bibliya sa Daniel 2:44: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”
Kapag naalis na ang ‘mga kaharian,’ o mga pamahalaang ito, kikilos na ang Tagapamahala na hinirang mismo ng Diyos. Ang Tagapamahalang iyon ay hindi isang tao kundi isang makapangyarihan at makalangit na persona na gaya ng Diyos mismo, na nagtataglay ng kakayahang gumawa ng malalaking pagbabago na kailangan upang mapawi ang kasalukuyang di-pagkakapantay-pantay. Pinili ng Diyos ang kaniyang sariling Anak upang gawin ito. (Gawa 17:31) Inilalarawan ng Awit 72:12-14 kung ano ang gagawin ng Tagapamahalang ito, sa pagsasabing: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” Tunay ngang kahanga-hangang pag-asa! Kaginhawahan sa wakas! Kikilos ang Tagapamahalang hinirang ng Diyos alang-alang sa mahihirap at maralita.
Napakaraming problema na nauugnay sa karalitaan ang malulutas sa panahong iyon. Sinasabi ng talata 16 ng Awit 72: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” Hindi na magkakaroon ng kakapusan sa pagkain bilang resulta ng taggutom, kawalan ng salapi, o maling pangangasiwa.
Malulutas din ang iba pang mga problema. Halimbawa, isang malaking porsiyento ng mga naninirahan sa lupa sa ngayon ang walang sariling tahanan. Gayunman, ipinangangako ng Diyos: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Ang lahat ay magkakaroon ng sariling tahanan at masisiyahan sa kani-kanilang gawa. Kaya ang Diyos ay nangangako ng lubusan at permanenteng solusyon sa karalitaan. Hindi na magkakaroon ng napakalalaking pagkakaiba sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, wala nang tao ang magiging isang kahig, isang tuka.
Kapag unang narinig ang mga pangakong ito ng Bibliya, maaaring madama ng isa na hindi ito makatotohanan. Gayunman, ang mas masusing pagsusuri sa Bibliya ay nagpapakita na lahat ng mga pangako ng Diyos noong nakalipas ay natupad. (Isaias 55:11) Kaya ang pinag-uusapan dito ay hindi kung mangyayari ito. Sa halip, ang talagang dapat itanong ay, Ano ang dapat mong gawin upang makinabang ka kapag nangyari ito?
Naroroon Ka Kaya?
Yamang ang pamahalaan ay sa Diyos, dapat tayong maging yaong uri ng tao na tatanggapin ng Diyos bilang mga mamamayan sa ilalim ng pamamahalang iyan. Hindi niya tayo iniwang walang-alam hinggil sa kung paano tayo magiging kuwalipikado. Ang mga tuntunin ay binalangkas sa Bibliya.
Ang hinirang na Tagapamahala, ang Anak ng Diyos, ay matuwid. (Isaias 11:3-5) Kung gayon, ang lahat ng tatanggapin ukol sa buhay sa ilalim ng pamahalaang ito ay inaasahang matuwid din. Sinasabi ng Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”
May paraan ba upang matutuhan kung paano maaabot ang mga pamantayang ito? Oo, mayroon. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit sa mga utos nito, maihahanay mo ang iyong sarili para sa kamangha-manghang kinabukasang ito. (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay maliligayahang tumulong sa iyo sa pag-aaral na iyan. Inaanyayahan ka naming samantalahin ang pagkakataong ito na mapabilang sa isang lipunan na hindi makararanas kailanman ng karalitaan at kawalang-katarungan.
[Larawan sa pahina 5]
Eufrosina: “Ang mahigpit na badyet ay tumutulong sa aking pamilya na matamo ang aming kailangan”
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang mabuting kaugnayan sa Diyos at ang maligayang buhay pampamilya ay hindi mabibili ng salapi