Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan

Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan

Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan

“Tinubos mo ako, O Jehova na Diyos ng katotohanan.”​—AWIT 31:5.

1. Ano ang mga kalagayan sa langit at sa lupa noong wala pang kabulaanan?

MAY panahon na wala pang kabulaanan. Ang nakatira sa di-nakikitang mga langit ay sakdal na mga espiritung nilalang, na naglilingkod sa kanilang Maylalang, “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Wala pang kabulaanan at wala pang panlilinlang. Ipinabatid ni Jehova sa kaniyang espiritung mga anak kung ano ang totoo. Ginawa niya ito sapagkat iniibig niya sila at sapagkat lubha siyang interesado sa kanilang kapakanan. Gayundin ang kalagayan noon sa lupa. Nilalang ni Jehova ang unang lalaki at babae, at sa pamamagitan ng kaniyang itinalagang alulod, lagi siyang nakikipag-ugnayan sa kanila sa maliwanag, tahasan, at tapat na paraan. Tunay ngang kamangha-mangha iyon!

2. Sino ang nagsimulang gumamit ng kabulaanan, at bakit?

2 Gayunman, nang maglaon, isang espiritung anak ng Diyos ang buong-kapangahasang nagsimula na gawin ang kaniyang sarili na isang karibal na diyos, na sumasalansang kay Jehova. Ang espiritung nilalang na ito, na nakilala bilang si Satanas na Diyablo, ay nagnais na sambahin siya ng iba. Upang maisagawa ang kaniyang tunguhin, nagsimula siyang gumamit ng kabulaanan upang mailagay niya ang iba sa ilalim ng kaniyang kontrol. Sa paggawa nito, siya ay naging kapuwa “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44.

3. Paano tumugon sina Adan at Eva sa kasinungalingan ni Satanas, at ano ang mga resulta nito?

3 Sa pamamagitan ng isang serpiyente, sinabi ni Satanas sa unang babaing si Eva, na kapag sumuway siya sa utos ng Diyos at kumain ng ipinagbabawal na bunga, hindi siya mamamatay. Isang kasinungalingan iyan. Sinabi pa niya kay Eva na kapag kumain siya, magiging katulad siya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama. Isa ring kasinungalingan iyan. Bagaman si Eva ay hindi pa kailanman pinagsinungalingan, malamang na natanto niya na ang kaniyang narinig sa serpiyente ay hindi kasuwato ng sinabi ng Diyos sa kaniyang asawang si Adan. Gayunman, pinili pa rin niyang maniwala kay Satanas, hindi kay Jehova. Palibhasa’y lubusang nadaya, kinuha niya ang bunga at kinain. Nang maglaon, si Adan ay kumain din ng bunga. (Genesis 3:1-6) Kagaya ni Eva, si Adan ay hindi pa rin nakarinig kailanman ng kasinungalingan, subalit hindi siya nadaya. (1 Timoteo 2:14) Dahil sa kaniyang ginawa, ipinakita niya na itinakwil niya ang kaniyang Maylikha. Kapaha-pahamak ang ibinunga nito sa sangkatauhan. Dahil sa pagsuway ni Adan, ang kasalanan at kamatayan​—lakip na ang katiwalian at di-mabilang na kahapisan​—ay lumaganap sa lahat ng kaniyang mga supling.​—Roma 5:12.

4. (a) Anong mga kasinungalingan ang binigkas sa Eden? (b) Ano ang dapat nating gawin upang hindi mailigaw ni Satanas?

4 Ang kabulaanan ay lumaganap din. Dapat nating kilalanin na ang mga kasinungalingang iyon na binigkas sa hardin ng Eden ay mga pagsalakay sa pagkamatapat ni Jehova mismo. Iginiit ni Satanas na may-panlilinlang na ipinagkakait ng Diyos ang mabuti sa unang mag-asawa. Sabihin pa, iyon ay hindi totoo. Sina Adan at Eva ay hindi nakinabang sa kanilang pagsuway. Namatay sila, kagaya ng sinabi sa kanila ni Jehova. Gayunpaman, nagpatuloy ang mapanirang-puring pagsalakay ni Satanas kay Jehova anupat pagkalipas ng maraming siglo, si apostol Juan ay kinasihang sumulat na ‘inililigaw ni Satanas ang buong tinatahanang lupa.’ (Apocalipsis 12:9) Upang hindi mailigaw ni Satanas na Diyablo, dapat tayong magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa pagkamatapat ni Jehova at ng kaniyang Salita. Paano mo malilinang at mapatitibay ang iyong pagtitiwala kay Jehova at mapalalakas ang iyong sarili laban sa panlilinlang at mga kasinungalingang itinataguyod ng kaniyang Kaaway?

Alam ni Jehova ang Katotohanan

5, 6. (a) Anong kaalaman ang taglay ni Jehova? (b) Paano maihahambing ang kaalaman ng tao sa kaalaman ni Jehova?

5 Palaging ipinakikilala ng Bibliya si Jehova bilang ang isa na “lumalang ng lahat ng mga bagay.” (Efeso 3:9) Siya “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng bagay na nasa mga ito.” (Gawa 4:24) Yamang si Jehova ang Maylalang, alam niya ang katotohanan tungkol sa lahat ng bagay. Bilang paglalarawan: Isaalang-alang ang isang tao na nagdisenyo at saka nagtayo ng kaniyang sariling bahay, anupat siya mismo ang naglapat ng bawat tabla at gumawa ng lahat ng gawain sa pagtatayo. Lubos niyang malalaman ang kayarian ng bahay na iyon at magtataglay siya ng higit na kaunawaan dito kaysa sa sinumang nagmamasid. Alam na alam ng mga tao ang mga bagay na kanilang dinisenyo at ginawa. Sa katulad na paraan, nalalaman ng Maylalang ang lahat ng bagay may kinalaman sa kaniyang nilikha.

6 Napakaganda ng kapahayagan ni propeta Isaias hinggil sa lawak ng kaalaman ni Jehova. Ating mababasa: “Sino ang tumakal ng tubig sa palad lamang ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit sa pamamagitan lamang ng isang dangkal at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang pantakal, o nagtimbang ng mga bundok sa isang panukat, at ng mga burol sa timbangan? Sino ang sumukat sa espiritu ni Jehova, at bilang kaniyang taong tagapayo ay sino ang makapagpapabatid sa kaniya ng anuman? Kanino siya nakipagsanggunian upang may makapagpaunawa sa kaniya, o sino ang nagtuturo sa kaniya sa landas ng katarungan, o nagtuturo sa kaniya ng kaalaman, o nagpapabatid sa kaniya ng mismong daan ng tunay na unawa?” (Isaias 40:12-14) Tunay nga, si Jehova ay “Diyos ng kaalaman” at “sakdal sa kaalaman.” (1 Samuel 2:3; Job 36:4; 37:16) Kayliit nga ng ating nalalaman kung ihahambing sa kaniya! Sa kabila ng kahanga-hangang kaalaman na naipon ng sangkatauhan, ang ating unawa sa materyal na mga nilalang ay hindi umaabot kahit sa ‘mga gilid man lamang ng mga daan ng Diyos.’ Ito ay kagaya ng “bulong” kung ihahambing sa “malakas na kulog.”​—Job 26:14.

7. Ano ang kinilala ni David tungkol sa kaalaman ni Jehova, kung kaya ano ang dapat nating kilalanin?

7 Yamang nilalang tayo ni Jehova, makatuwiran lamang na kilalang-kilala niya tayo. Kinilala ito ni Haring David. Siya ay sumulat: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako. Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo. Ang aking paglalakbay at ang aking paghigang nakaunat ay sinukat mo, at naging pamilyar ka sa lahat nga ng aking mga lakad. Sapagkat wala pa mang salita sa aking dila, ngunit, narito! O Jehova, alam mo nang lahat iyon.” (Awit 139:1-4) Sabihin pa, batid ni David na ginagamit ng mga tao ang kanilang malayang kalooban​—ibinigay sa atin ng Diyos ang kakayahang sumunod o sumuway sa kaniya. (Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:15) Gayunpaman, kilala tayo ni Jehova nang higit sa pagkakilala natin sa ating sarili. Nais niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin, at kaya niyang ituwid ang ating mga daan. (Jeremias 10:23) Tunay nga, walang guro, walang eksperto, walang tagapayo ang higit na nasasangkapan upang magturo sa atin ng katotohanan at gawin tayong matalino at maligaya.

Si Jehova ay Tapat

8. Paano natin nalalaman na si Jehova ay tapat?

8 Hindi nangangahulugan na kapag alam ng isa ang katotohanan ay lagi na siyang magsasalita ng katotohanan, anupat magiging matapat. Halimbawa, pinili ng Diyablo na hindi ‘manindigan sa katotohanan.’ (Juan 8:44) Sa kabaligtaran, si Jehova ay “sagana sa . . . katotohanan.” (Exodo 34:6) Ang Kasulatan ay laging nagpapatunay sa pagkamatapat ni Jehova. Sinabi ni apostol Pablo na “imposibleng magsinungaling ang Diyos,” at na ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling.” (Hebreo 6:18; Tito 1:2) Ang pagkamatapat ay isang mahalagang bahagi ng personalidad ng Diyos. Maaari tayong manalig at magtiwala kay Jehova sapagkat siya ay tapat; hindi niya kailanman nililinlang ang mga tapat sa kaniya.

9. Paano nauugnay ang pangalan ni Jehova sa katotohanan?

9 Ang mismong pangalan ni Jehova ay nagpapatunay sa kaniyang pagkamatapat. Ang banal na pangalan ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Ipinakikilala nito si Jehova bilang ang isa na nagiging Tagatupad ng lahat ng kaniyang ipinangangako sa progresibong paraan. Walang sinuman ang may kakayahang gumawa niyaon. Sapagkat si Jehova ang Kadaki-dakilaan, walang makahahadlang sa katuparan ng kaniyang mga layunin. Si Jehova ay hindi lamang tapat kundi siya lamang ang may kapangyarihan at karunungan na makatutupad sa lahat ng kaniyang sinasabi.

10. (a) Paano nasaksihan ni Josue ang pagkamatapat ni Jehova? (b) Anong mga pangako ni Jehova ang nakita mong natupad?

10 Si Josue ay isa sa maraming nakasaksi sa kamangha-manghang mga pangyayari na nagpapatunay sa pagkamatapat ni Jehova. Si Josue ay nasa Ehipto noong pasapitin ni Jehova ang sampung salot sa bansang iyon, na patiunang ipinatatalastas ang bawat isa. Bukod sa iba pang mga bagay, naranasan ni Josue ang katuparan ng mga pangako ni Jehova na ililigtas ang mga Israelita mula sa Ehipto at aakayin sila patungo sa Lupang Pangako, anupat susupilin ang makapangyarihang mga hukbo ng mga Canaanita na sumasalansang sa kanila. Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, sinabi ni Josue sa matatandang lalaki ng bansang Israel: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Josue 23:14) Bagaman hindi mo nasaksihan ang mga himalang nasaksihan ni Josue, naranasan mo na ba sa iyong buong buhay ang pagiging totoo ng mga pangako ng Diyos?

Isinisiwalat ni Jehova ang Katotohanan

11. Ano ang nagpapakita na nais ipakipag-usap ni Jehova ang katotohanan sa sangkatauhan?

11 Gunigunihin mo ang isang magulang na may napakalawak na kaalaman subalit bihirang makipag-usap sa kaniyang mga anak. Hindi ka ba nagpapasalamat na hindi gayon si Jehova? Si Jehova ay maibiging nakikipag-usap sa sangkatauhan, at ginagawa niya ito nang maraming beses. Tinatawag siya sa Kasulatan na “Dakilang Tagapagturo.” (Isaias 30:20) Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, nakikipag-usap din siya maging sa mga ayaw makinig sa kaniya. Halimbawa, inatasan si Ezekiel na mangaral sa mga taong alam ni Jehova na hindi makikinig. Sinabi ni Jehova: “Anak ng tao, yumaon ka, pumasok ka sa gitna ng sambahayan ng Israel, at sasalitain mo ang aking mga salita sa kanila.” Saka nagbabala siya: “Hindi nila nanaising makinig sa iyo, sapagkat hindi nila nais na makinig sa akin; sapagkat lahat niyaong nasa sambahayan ng Israel ay matitigas ang ulo at matitigas ang puso.” Iyon ay isang mahirap na atas, subalit may-katapatang isinagawa iyon ni Ezekiel, at sa paggawa niyaon, ipinakita niya ang pagkamahabagin ni Jehova. Kung nahihirapan ka sa iyong atas sa pangangaral at ikaw ay nananalig sa Diyos, makapagtitiwala ka na ikaw ay palalakasin niya kagaya ng kaniyang ginawa sa propeta niyang si Ezekiel.​—Ezekiel 3:4, 7-9.

12, 13. Sa anong mga paraan nakipag-usap ang Diyos sa mga tao?

12 Nais ni Jehova na ang “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Siya ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta, sa pamamagitan ng mga anghel, at maging sa pamamagitan ng kaniyang minamahal na Anak, si Jesu-Kristo. (Hebreo 1:1, 2; 2:2) Sinabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” Taglay ni Pilato ang napakahalagang pagkakataon na tuwirang malaman mula sa Anak ng Diyos ang katotohanan tungkol sa paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan. Gayunman, si Pilato ay wala sa panig ng katotohanan, at hindi niya nais matuto mula kay Jesus. Sa halip, mapang-uyam na tumugon si Pilato: “Ano ang katotohanan?” (Juan 18:37, 38) Tunay na nakalulungkot ang kaniyang ginawa! Subalit, marami ang nakinig sa katotohanang ipinahayag ni Jesus. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Maligaya ang inyong mga mata sapagkat ang mga iyon ay nakakakita, at ang inyong mga tainga sapagkat ang mga iyon ay nakaririnig.”​—Mateo 13:16.

13 Iningatan ni Jehova ang katotohanan sa pamamagitan ng Bibliya at pinapangyari niyang magamit ito ng mga tao sa lahat ng dako. Isinisiwalat ng Bibliya ang mga bagay-bagay nang may katotohanan. Inilalarawan nito ang mga katangian, layunin, at mga kautusan ng Diyos, at maging ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari sa sangkatauhan. Sinabi ni Jesus sa panalangin kay Jehova: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Dahil dito, ang Bibliya ay isang natatanging aklat. Ito lamang ang isinulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay. (2 Timoteo 3:16) Ito ay isang mahalagang kaloob sa sangkatauhan, isa na pinakaiingatan ng mga lingkod ng Diyos. Katalinuhan na basahin natin ito araw-araw.

Manghawakang Mahigpit sa Katotohanan

14. Ano ang ilan sa mga bagay na sinabi ni Jehova na gagawin niya, at bakit dapat tayong maniwala sa kaniya?

14 Dapat nating dibdibin kung ano ang sinasabi ni Jehova sa atin sa kaniyang Salita. Totoo talaga ang sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili, at gagawin niya kung ano ang kaniyang sinasabing gagawin niya. Taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala sa Diyos. Mapaniniwalaan natin kapag sinabi ni Jehova na siya’y magpapasapit ng “paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Maaari rin nating pagtiwalaan ang salita ni Jehova nang kaniyang sabihing iniibig niya yaong mga nagtataguyod ng katuwiran, nang kaniyang sabihing pagkakalooban niya ng buhay na walang-hanggan ang mga sumasampalataya, at nang kaniyang sabihing aalisin niya ang kirot, paghiyaw, at maging ang kamatayan. Idiniin ni Jehova ang pagkamaaasahan ng huling pangakong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tagubiling ito kay apostol Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”​—Apocalipsis 21:4, 5; Kawikaan 15:9; Juan 3:36.

15. Ano ang ilan sa mga kasinungalingang itinataguyod ni Satanas?

15 Si Satanas ang eksaktong kabaligtaran ni Jehova. Sa halip na magbigay ng kaliwanagan, nanlilinlang siya. Upang maisagawa ang kaniyang tunguhin na ilayo ang mga tao sa dalisay na pagsamba, itinataguyod ni Satanas ang sari-saring kasinungalingan. Halimbawa, nais ni Satanas na maniwala tayo na ang Diyos ay malayo sa atin at bale-wala sa kaniya ang pagdurusa sa lupa. Subalit ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ay lubos na nagmamalasakit sa kaniyang mga nilalang at napipighati sa kasamaan at pagdurusa. (Gawa 17:24-30) Nais ding paniwalain ni Satanas ang mga tao na ang espirituwal na mga tunguhin ay walang kabuluhan. Sa kabaligtaran, tinitiyak sa atin ng Kasulatan na “ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” Bukod diyan, maliwanag na sinasabi nito na “siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”​—Hebreo 6:10; 11:6.

16. Bakit dapat na manatiling nagbabantay at nanghahawakang mahigpit sa katotohanan ang mga Kristiyano?

16 Tungkol kay Satanas, sumulat si apostol Pablo: “Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.” (2 Corinto 4:4) Kagaya ni Eva, ang ilan ay lubusang nalilinlang ni Satanas na Diyablo. Ang iba ay sumusunod sa landas ni Adan, na hindi nalinlang kundi sadyang pumili sa landas ng pagsuway. (Judas 5, 11) Kaya, mahalaga na manatiling nagbabantay at nanghahawakang mahigpit sa katotohanan ang mga Kristiyano.

Hinihiling ni Jehova ang “Pananampalatayang Walang Pagpapaimbabaw”

17. Ano ang dapat nating gawin upang tamuhin ang paglingap ni Jehova?

17 Sapagkat siya ay tapat sa lahat ng kaniyang mga daan, inaasahan ni Jehova na ang mga sumasamba sa kaniya ay magiging tapat din. Ang salmista ay sumulat: “O Jehova, sino ang magiging panauhin sa iyong tolda? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok? Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:1, 2) Para sa mga Judiong umawit ng mga salitang iyan, ang pagbanggit sa banal na bundok ni Jehova ay walang pagsalang nagpaalaala tungkol sa Bundok Sion, kung saan dinala ni Haring David ang kaban ng tipan sa toldang kaniyang itinayo roon. (2 Samuel 6:12, 17) Ang bundok at ang tolda ay nagpaalaala tungkol sa dako na doo’y makasagisag na tumahan si Jehova. Doon ay makalalapit ang mga tao sa Diyos upang magsumamo ukol sa kaniyang paglingap.

18. (a) Ano ang hinihiling ng pakikipagkaibigan sa Diyos? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Ang sinumang nagnanais na makipagkaibigan kay Jehova ay dapat na magsalita ng katotohanan “sa kaniyang puso,” hindi lamang sa kaniyang mga labi. Ang tunay na mga kaibigan ng Diyos ay dapat na may matapat na puso at dapat magbigay ng katibayan ng “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw,” dahil ang mga gawa ng pagkamatapat ay nagmumula sa puso. (1 Timoteo 1:5; Mateo 12:34, 35) Ang isang kaibigan ng Diyos ay hindi madaya o mapanlinlang, sapagkat “ang taong . . . nanlilinlang ay kinasusuklaman ni Jehova.” (Awit 5:6) Ang mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay puspusang nagsisikap na maging tapat bilang pagtulad sa kanilang Diyos. Susuriin ng susunod na artikulo ang paksang ito.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit alam ni Jehova ang katotohanan tungkol sa lahat ng bagay?

• Ano ang nagpapakita na si Jehova ay tapat?

• Paano isinisiwalat ni Jehova ang katotohanan?

• Hinggil sa katotohanan, ano ang hinihiling sa atin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 10]

Nalalaman ng Diyos ng katotohanan ang lahat ng bagay may kinalaman sa kaniyang nilikha

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Ang mga pangako ni Jehova ay matutupad