Isang Tunay na Kristiyanong Pananampalataya—Talagang Umiiral Ito
Isang Tunay na Kristiyanong Pananampalataya—Talagang Umiiral Ito
IISA lamang ang iglesya, o kongregasyon, na itinatag ni Jesu-Kristo. Ang kongregasyong iyon ay isang espirituwal na katawan, isang espirituwal na pamilya. Ang nais naming sabihin dito ay isa itong pagtitipong sama-sama ng mga taong pinili ng banal na espiritu ng Diyos—na lahat ay kinikilala ng Diyos bilang kaniyang “mga anak.”—Roma 8:16, 17; Galacia 3:26.
Itinuro ni Jesus na isang paraan lamang ang ginamit ng Diyos upang akayin ang mga tao sa katotohanan at sa buhay. Upang ilarawan ang mahalagang katotohanang iyan, inihalintulad ni Jesus ang landas patungo sa buhay na walang hanggan sa isang daan. Sinabi niya: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay, at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”—Mateo 7:13, 14; Juan 14:6; Gawa 4:11, 12.
Isang Nagkakaisang Kongregasyon
Hindi natin dapat isipin na ang unang-siglong kongregasyong iyon ay “isang pambuong-daigdig, panlahatan, organisadong lipunan kagaya ng ipinangangahulugan natin sa ngayon kapag pinag-uusapan natin ang simbahang katoliko,” ang sabi ng The New Dictionary of Theology. Bakit hindi? “Sa simpleng kadahilanan,” sabi nito, “na ang gayong organisado at panlahatang lipunan ay talagang hindi umiral.”
Walang sinuman ang wastong makatututol sa bagay na ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay walang pagkakahawig sa matagal nang umiiral na mga sistema ng simbahan na ating nakikita sa ngayon. Subalit iyon ay organisado. Ang bawat kongregasyon ay hindi kumilos nang kani-kaniya. Kinilala nilang lahat ang awtoridad ng isang lupong tagapamahala sa Jerusalem. Ang lupong iyon—na binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki sa kongregasyon ng Jerusalem—ang nakatulong upang mapanatili ang pagkakaisa ng kongregasyon Efeso 4:4, 11-16; Gawa 15:22-31; 16:4, 5.
bilang “isang katawan” ng Kristo.—Ano ang nangyari sa iisang tunay na kongregasyong iyon? Iyon ba ang naging makapangyarihang Simbahang Katoliko? Dito ba nanggaling ang iba’t ibang denominasyon at baha-bahaging sistema ng simbahang Protestante na ating nakikita sa ngayon? O may iba bang nangyari?
Ang “Trigo” at “mga Panirang-Damo”
Upang makita natin ang mga sagot, maingat nating isaalang-alang kung ano ang sinabi ni Jesu-Kristo mismo tungkol sa mangyayari. Magugulat kang mabatid na inasahan ni Jesus na mawawala sa tanawin ng kasaysayan ang kaniyang kongregasyon at pahihintulutan niya na magpatuloy ang gayong malungkot na kalagayan sa loob ng ilang siglo.
Sa pag-uugnay sa kaniyang kongregasyon sa “kaharian ng mga langit,” sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid. Habang natutulog ang mga tao, ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo, at pagkatapos ay umalis. Nang sumibol na ang dahon at magluwal na ng bunga, saka naman lumitaw rin ang mga panirang-damo. Kaya ang mga alipin ng may-bahay ay lumapit at nagsabi sa kaniya, ‘Panginoon, hindi ba naghasik ka ng mainam na binhi sa iyong bukid? Kung gayon, paano ito nagkaroon ng mga panirang-damo?’ Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway, isang tao, ang gumawa nito.’ Sinabi nila sa kaniya, ‘Kung gayon, ibig mo bang lumabas kami at tipunin ang mga iyon?’ Sinabi niya, ‘Hindi; baka sa paanuman, samantalang tinitipon ninyo ang mga panirang-damo, ay mabunot ninyong kasama nila ang trigo. Hayaan ninyong kapuwa sila lumaking magkasama hanggang sa pag-aani; at sa kapanahunan ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga panirang-damo at bigkisin ang mga iyon sa mga bungkos upang sunugin ang mga iyon, pagkatapos ay tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”—Mateo 13:24-30.
Ipinaliwanag ni Jesus na siya “ang manghahasik.” Ang “mainam na binhi” ay lumalarawan sa kaniyang tunay na mga alagad. Ang kaniyang “kaaway” ay si Satanas na Diyablo. “Ang mga panirang-damo” ay ang huwad na mga Kristiyanong nakapasok sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Sinabi niya na hahayaan niyang tumubong magkasama “ang trigo” at “ang mga panirang-damo” hanggang sa “pag-aani,” na darating sa “katapusan ng isang sistema ng mga bagay.” (Mateo 13:37-43) Ano ang kahulugan ng lahat ng ito?
Pinasamâ ang Kongregasyong Kristiyano
Di-nagtagal pagkamatay ng mga apostol, ang apostatang mga guro mula sa loob ng kongregasyon ay nagsimulang kumontrol dito. Nagsalita sila ng ‘mga bagay na pilipit upang ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.’ (Gawa 20:29, ) Bilang resulta, marami sa mga Kristiyano ang ‘humiwalay mula sa pananampalataya.’ ‘Bumaling sila sa mga kuwentong di-totoo.’— 301 Timoteo 4:1-3; 2 Timoteo 4:3, 4.
Pagsapit ng ikaapat na siglo C.E., sabi ng The New Dictionary of Theology, “ang Kristiyanismo ng Katoliko ay naging opisyal . . . na relihiyon ng Imperyong Romano.” Nagkaroon ng “pagsasanib ang lipunan ng simbahan at ang mga mamamayan”—isang pagsasama ng Simbahan at ng Estado na lubhang salansang sa mga paniniwala ng unang mga Kristiyano. (Juan 17:16; Santiago 4:4) Sinasabi ng gayunding reperensiya na pagsapit ng panahon, ang buong kayarian at kalikasan ng simbahan, at maging ang marami sa saligang mga paniniwala nito, ay lubhang nagbago “sa ilalim ng impluwensiya ng isang mapanghimasok at lubos na di-mabuting kombinasyon ng M[atandang] T[ipan] at ng mga modelong neoplatonic.” Gaya ng inihula ni Jesu-Kristo, ang tunay niyang mga alagad ay nakubli sa paningin habang lumalago ang huwad na mga Kristiyano.
Nalalaman ng mga tagapakinig ni Jesus kung gaano kahirap makilala ang tunay na trigo mula sa mga panirang-damo, tulad ng nakalalasong mabalahibong damo (darnel), na sa panahon ng paglaki nito ay kahawig ng trigo. Kaya inilalarawan ni Jesus na sa ilang panahon, magiging mahirap makilala ang tunay na mga Kristiyano mula sa mga huwad na uri. Hindi ito nangangahulugan na huminto na sa pag-iral ang kongregasyong Kristiyano, sapagkat ipinangako ni Jesus na patuloy niyang papatnubayan ang kaniyang espirituwal na mga kapatid “sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Sinabi ni Jesus na ang trigo ay patuloy na lalago. Magkagayunman, sa paglipas ng mga panahon, walang-pagsalang ginawa ng tunay na mga Kristiyano—indibiduwal man o mga grupo—ang kanilang makakaya upang umayon sa mga turo ni Kristo. Subalit hindi na sila binubuo ng madaling makilala at nakikitang lupon, o organisasyon. Tiyak na hindi sila katulad ng nakikitang apostatang relihiyosong sistema na sa buong kasaysayan ay walang idinulot kundi kahihiyan at kasiraang-puri sa pangalan ni Jesu-Kristo.—2 Pedro 2:1, 2.
‘Ang Taong Tampalasan ay Masisiwalat’
Inihula ni apostol Pablo ang isang bagay na magiging tanda ng huwad na relihiyosong sistemang ito. Sumulat siya: “Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan, sapagkat hindi ito [ang araw ni Jehova] darating malibang ang apostasya ay dumating muna at ang taong tampalasan ay maisiwalat.” (2 Tesalonica 2:2-4) Ang “taong tampalasan” ay walang iba kundi ang uring klero na nagtaas ng kanilang sarili tungo sa isang namamahalang kalagayan sa ibabaw ng kongregasyong “Kristiyano.” *
Ang apostasya ay nagsimula noong kapanahunan ni apostol Pablo. Mabilis itong lumaganap pagkamatay ng mga apostol at pagkawala ng kanilang pumipigil na impluwensiya. Ito ay maliwanag na makikilala, sabi ni Pablo, sa pamamagitan ng “pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang.” (2 Tesalonica 2:6-12) Lubhang tumpak ngang paglalarawan ito sa mga gawain ng napakaraming pinunong relihiyoso sa buong kasaysayan!
Bilang suporta sa kanilang pag-aangkin na ang Katolisismong Romano ang siyang tunay na relihiyon, ang mga pinunong Katoliko ay nagsasabi na ang kanilang mga obispo ay “nagmana ng kanilang pagka-apostol sa orihinal na mga apostol sa pamamagitan ng kasalukuyang paghahalili buhat nang magpasimula ang Kristiyanismo.” Ang totoo, ang pag-aangking ito ng apostolikong paghahalili ay walang makasaysayan o maka-Kasulatang saligan. Walang kapani-paniwalang ebidensiya na ang sistema ng simbahan na lumitaw pagkamatay ng mga apostol ni Jesus ay pinatnubayan kailanman ng banal na espiritu ng Diyos.—Roma 8:9; Galacia 5:19-21.
At kumusta naman ang iba pang mga relihiyon na mabilis na lumitaw kasunod ng tinatawag na Repormasyon? Tumulad ba sila sa halimbawa ng sinaunang kongregasyong Kristiyano? Ibinalik ba nila ang kadalisayan ng orihinal na kongregasyong Kristiyano? Totoo na kasunod ng Repormasyon, nagkaroon ng Bibliya ang marami sa karaniwang mga tao sa kanilang sariling wika. Subalit ang kasaysayan ay nagpapakita na ang mga relihiyong ito ay patuloy na nagtuturo ng maling mga doktrina. *—Mateo 15:7-9.
Gayunman, pansinin ito. Tiyakang inihula ni Jesu-Kristo na ang kaniyang nag-iisang tunay na kongregasyon ay maisasauli sa panahon na tinawag niyang katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mateo 13:30, 39) Ang katuparan ng mga hula ng Bibliya ay nagpapakita na tayo ngayon ay nabubuhay na sa panahong iyon. (Mateo 24:3-35) Dahil sa pagiging totoo nito, kailangang itanong ng bawat isa sa atin ang ganito, ‘Nasaan ang nag-iisang tunay na relihiyong iyan?’ Dapat na ito’y maging higit at higit na madaling makilala.
Marahil ay nadarama mo na nasumpungan mo na ang iglesya, o kongregasyong iyon. Mahalaga na matiyak mo ito. Bakit? Sapagkat kagaya noong unang siglo, mayroon lamang iisang tunay na relihiyon. Pinag-ukulan mo na ba ng panahon na tiyakin kung ang iyong relihiyon ay lubusang kasuwato ng parisan na ibinigay ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano at kung ito ay matapat na sumusunod sa mga turo ni Jesu-Kristo? Bakit hindi suriin ito ngayon? Ang mga Saksi ni Jehova ay malugod na tutulong sa iyo na gawin ang gayon.—Gawa 17:11.
[Mga talababa]
^ par. 17 Ang karagdagang impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng “taong tampalasan” ay masusumpungan sa Ang Bantayan, Pebrero 1, 1990, pahina 10-14.
^ par. 20 Tingnan ang kabanata na “Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon” sa aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, pahina 306-28, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 5]
Ano ang itinuturo sa atin ng ilustrasyon ni Jesus hinggil sa trigo at mga panirang-damo tungkol sa tunay na kongregasyon?
[Mga larawan sa pahina 7]
Nasusunod ba ng iyong relihiyon ang parisan na ibinigay ng unang-siglong mga Kristiyano sa pangangaral at pag-aaral?