Paano Ka Makagagawa ng Matatalinong Pasiya?
Paano Ka Makagagawa ng Matatalinong Pasiya?
“ANG taong marunong ay makikinig at kukuha ng higit pang turo,” sabi ni Solomon, hari ng sinaunang Israel. Kung minsan, ang karamihan sa atin ay nakagagawa ng di-matatalinong pasiya dahil lamang sa hindi tayo nakinig sa payo ng iba.—Kawikaan 1:5.
Nang maglaon, ang mga pananalitang ito ni Solomon ay isinulat sa Bibliya, pati na ang iba pa sa “tatlong libong kawikaan” na kinatha niya. (1 Hari 4:32) Makikinabang ba tayo sa pag-alam at pagsunod sa kaniyang matatalinong kasabihan? Oo. Tinutulungan tayo nito na “makaalam ng karunungan at disiplina, upang makakilala ng mga pananalita ng pagkaunawa, upang tumanggap ng disiplinang nagbibigay ng kaunawaan, katuwiran at kahatulan at katapatan.” (Kawikaan 1:2, 3) Talakayin natin ang limang panuntunang salig sa Bibliya na makatutulong sa atin sa paggawa ng matatalinong pasiya.
Isaalang-alang ang Pangmatagalang mga Kahihinatnan
May mga desisyon na nagdudulot ng mabibigat na kahihinatnan. Samakatuwid, sikaping tiyakin nang patiuna kung ano ang magiging mga kahihinatnan nito. Mag-ingat na hindi ka mabulag sa posibleng di-kanais-nais na pangmatagalang mga resulta dahil sa panandaliang mga pakinabang. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan,” ang babala ng Kawikaan 22:3.
Baka makatulong na itala kung ano ang magiging panandalian at pangmatagalang mga resulta. Ang panandaliang mga resulta ng pagpili ng isang trabaho ay maaaring ang mataas na suweldo at kasiya-siyang trabaho. Subalit maaari kayang kasali sa pangmatagalang mga resulta ang pagkakaroon ng isang trabaho na walang tunay na kinabukasan? Maaari kayang sa dakong huli ay hilingin nitong lumipat ka sa ibang dako, marahil ay mapalayo pa nga sa mga kaibigan o pamilya? Maaari kayang ihantad ka nito sa masamang kapaligiran o maaari kaya itong maging lubhang di-kawili-wili anupat madama mong ikaw ay lubhang bigo? Timbang-timbangin ang mga bentaha at mga disbentaha, at saka magpasiya kung ano ang iyong uunahin.
Maglaan ng Sapat na Panahon
Ang padalus-dalos na pagpapasiya ay maaaring maging di-matalino. Ang Kawikaan 21:5 ay nagbababala: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” Halimbawa, dapat mag-isip nang mabuti ang nahuhumaling na mga tin-edyer bago magmadali sa pagpapasiya na mag-asawa. Kung hindi, maaari nilang maranasan ang katotohanan ng sinabi ni William Congreve, isang Ingles na manunulat ng dula noong unang mga taon ng ika-18 siglo: “Ang mga nagmamadaling mag-asawa ay nagsisisi nang mahabang panahon.”
Gayunman, ang paglalaan ng sapat na panahon ay hindi nangangahulugan ng pagpapaliban. Ang ilang desisyon ay napakahalaga anupat isang karunungan na gawin ito kaagad hangga’t maaari. Ang
pagpapaliban ay maaaring magdulot ng malaking pinsala sa ating sarili o sa iba. Ang pagpapaliban ng desisyon ay maaaring maging isang pasiya sa ganang sarili—marahil isang di-matalinong pasiya.Maging Bukás ang Isip sa Pagtanggap ng Payo
Yamang walang dalawang kalagayan ang magkaparehong-magkapareho, maaaring hindi laging magkatulad ang pasiya ng dalawang tao kapag napaharap sa magkahawig na mga problema. Gayunman, nakatutulong na marinig kung paano nagpasiya ang iba sa mga bagay na nakakatulad ng sa atin. Tanungin sila kung paano nila tinitimbang-timbang ngayon ang kanilang desisyon. Halimbawa, sa pagpili ng isang hanapbuhay, humingi ng payo sa mga pumasok sa gayong hanapbuhay hinggil sa positibo at negatibong aspekto ng hanapbuhay na kanilang pinasok. Anu-anong kapakinabangan ang nasumpungan nila sa kanilang napili, at ano naman ang mga problema o posibleng mga panganib?
“Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan,” ang babala sa atin, “ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” (Kawikaan 15:22) Sabihin pa, kapag humihingi ng payo at kumukuha ng aral mula sa karanasan ng iba, kailangang lubos nating nababatid na tayo ang personal na magpapasiya sa huli at tayo rin ang mananagot sa paggawa nito.—Galacia 6:4, 5.
Sundin ang Budhing Sinanay na Mainam
Matutulungan tayo ng budhi na magpasiya kasuwato ng mahahalagang simulain na pinipili nating sundin sa ating buhay. Para sa isang Kristiyano, nangangahulugan ito ng pagsasanay sa budhi upang gawin itong kaayon ng mga kaisipan ng Diyos. (Roma 2:14, 15) Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:6) Mangyari pa, sa ilang bahagi ay maaaring makabuo ang dalawang tao—na bawat isa’y may budhing sinanay na mainam—ng magkaibang konklusyon at sa gayo’y gumawa ng magkaibang pasiya.
Subalit isinasaisantabi ng budhing sinanay na mainam ang gayong kalayaan sa pagpili kapag ang mga bagay na pinagpapasiyahan ay tuwirang hinahatulan ng Salita ng Diyos. Halimbawa, maaaring payagan ng isang budhing hindi sinanay sa mga simulain ng Bibliya ang isang lalaki at babae na magsama muna para masubok kung sila’y magkakasundo bago magpakasal. Maaaring isipin nila na matalino ang kanilang naging desisyon, anupat nangangatuwiran na maiiwasan nilang maging padalus-dalos sa di-matalinong pag-aasawa. Maaaring hindi sila usigin ng kanilang budhi. Gayunman, hindi pipiliin ng sinumang sumasang-ayon sa pangmalas ng Diyos sa sekso at pag-aasawa ang gayong panandalian at imoral na pagsasama.—1 Corinto 6:18; 7:1, 2; Hebreo 13:4.
Kung Paano Naaapektuhan ang Iba ng Iyong mga Desisyon
Kadalasan, maaaring maapektuhan ang iba ng iyong mga desisyon. Kaya, huwag kailanman kusang gumawa ng di-matalino—hangal pa nga—na desisyon na maaaring magsapanganib sa mahalagang kaugnayan mo sa iyong mga kaibigan at kamag-anak o, higit sa lahat, sa Diyos. Ganito ang sabi ng Kawikaan 10:1: “Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama, at ang anak na hangal ay pighati ng kaniyang ina.”
Sa kabilang dako naman, isipin mo rin na kung minsan ay kailangan kang mamilì sa pagitan ng mga pakikipagkaibigan. Upang ilarawan, maaari mong ipasiya na tanggihan ang dati mong pinanghahawakang relihiyosong mga opinyon na ngayo’y nalalaman mong salungat sa Kasulatan. O maaari kang magpasiya na gumawa ng malaking pagbabago sa iyong personalidad sapagkat nais mong iayon ang iyong buhay sa mga panuntunan ng Diyos na tanggap mo na ngayon. Maaaring
hindi malugod sa desisyon mo ang ilan sa iyong mga kaibigan o kamag-anak, subalit anumang pasiya na nakalulugod sa Diyos ay isang matalinong pasiya.May-Katalinuhang Gawin ang Pinakamahalagang Pasiya
Lingid sa kaalaman ng mga tao sa pangkalahatan, napapaharap ang lahat sa ngayon sa pagpapasiya na nangangahulugan ng buhay at kamatayan. Gayunding kalagayan ang napaharap sa sinaunang mga Israelita na nagkampo sa hanggahan ng Lupang Pangako noong 1473 B.C.E. Bilang tagapagsalita ng Diyos, sinabi sa kanila ni Moises: “Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw, upang matahanan mo ang lupa na isinumpa ni Jehova sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay sa kanila.”—Deuteronomio 30:19, 20.
Ipinakikita ng hula at kronolohiya ng Bibliya na tayo ay nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” at na “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (2 Timoteo 3:1; 1 Corinto 7:31) Ang inihulang pagbabago ay aabot sa sukdulan nito sa pagkawasak ng walang-kakayahang sistema ng tao, na papalitan ng bagong sanlibutan ng katuwiran ng Diyos.
Nasa pintuan na tayo ng bagong sanlibutang iyon. Papasok ka ba upang magtamasa ng buhay na walang hanggan sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos? O aalisin ka kaya mula sa lupa kapag naglaho na ang sistema ni Satanas? (Awit 37:9-11; Kawikaan 2:21, 22) Ikaw ang magpapasiya kung anong landasin ang iyong susundin sa ngayon at ito ay tunay na isang desisyon na nangangahulugan ng buhay o kamatayan. Tatanggapin mo ba ang tulong sa paggawa ng tamang pasiya, ang matalinong pasiya?
Ang pagpapasiya para sa buhay ay nangangahulugan ng pag-alam muna sa mga kahilingan ng Diyos. Sa kalakhang bahagi, ang mga kahilingang ito ay hindi tumpak na naituro ng mga relihiyon. Kadalasang naililigaw ng kanilang mga lider ang mga tao upang maniwala sa mga kasinungalingan at gumawa ng mga bagay na di-nakalulugod sa Diyos. Hindi nila naipaliwanag ang pangangailangang gumawa ng personal na desisyon upang sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kaya hindi iyon ginagawa ng karamihan sa mga tao. Subalit pansinin ang sinabi ni Jesus: “Siya na wala sa panig ko ay laban sa akin, at siya na hindi natitipong kasama ko ay nangangalat.”—Mateo 12:30.
Ang mga tao ay may-kagalakang tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova na magtamo ng mas mabuting kaalaman sa Salita ng Diyos. Regular silang nakikipag-usap sa mga indibiduwal o mga grupo hinggil sa Bibliya sa oras at lugar na kumbinyente sa kanila. Ang mga nagnanais makinabang sa kaayusang ito ay dapat makipagkita sa mga Saksi sa kanilang lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng Ang Bantayan.
Sabihin pa, baka ang ilan ay may saligang kaalaman na sa mga kahilingan ng Diyos. Maaaring kumbinsido pa nga sila sa katotohanan at pagkamaaasahan ng Bibliya. Gayunman, ipinagpaliban ng marami sa kanila ang pagpapasiyang ialay ang kanilang sarili sa Diyos. Bakit? Baka may ilang kadahilanan.
Posible kaya na hindi nila alam ang kahalagahan ng paggawa nito? Maliwanag na sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 7:21) Hindi sapat ang kaalaman lamang sa Bibliya; kailangang kumilos. Nagtakda ng halimbawa ang sinaunang kongregasyong Kristiyano. Ganito ang mababasa natin tungkol sa ilan noong unang siglo: “Nang maniwala sila kay Felipe, na nagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, sila ay nabautismuhan, kapuwa ang mga lalaki at mga babae.” (Gawa 2:41; 8:12) Kaya, kung buong-pusong tinatanggap ng isang tao ang Salita ng Diyos, pinaniniwalaan ang sinasabi nito, at iniaayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos, ano ang humahadlang sa kaniya upang magpabautismo bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay? (Gawa 8:34-38) Sabihin pa, upang maging kaayaaya sa Diyos, dapat niyang gawin ang hakbanging ito nang kusang loob at taglay ang isang nagagalak na puso.—2 Corinto 9:7.
Nadarama ng ilan na hindi pa sapat ang kanilang kaalaman upang ialay ang kanilang buhay
sa Diyos. Subalit ang lahat ng nagsisimula sa isang bagong landasin ng buhay ay may limitadong kaalaman. Sinong propesyonal ang magsasabing alam na niya sa simula pa ng kaniyang karera ang nalalaman niya sa ngayon? Ang pagpapasiyang maglingkod sa Diyos ay nangangailangan lamang ng kaalaman hinggil sa pangunahing mga turo at mga simulain sa Bibliya, na nilalakipan ito ng taimtim na pagnanais na mamuhay kasuwato nito.Ipinagpapaliban ba ng ilan ang kanilang pagpapasiya sa takot na hindi nila matupad ito? Ang makatuwirang pagkabahala na hindi makatupad ay nasasangkot sa maraming pananagutan ng tao. Maaaring madama ng isang tao na nagpapasiyang mag-asawa at magpamilya na waring kulang siya sa kakayahan, subalit ang paggawa ng pangako ay nagsisilbing isang pampasigla sa kaniya na gawin ang pinakamabuting magagawa niya. Sa katulad na paraan, ang isang kabataang may bagong lisensiya sa pagmamaneho ay maaaring takót na maaksidente—lalo na kung batid niya ang mga estadistika na nagpapakitang ang mga kabataang drayber ay mas malamang na maaksidente kaysa sa nakatatandang mga drayber. Gayunman, ang kaalamang ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang, anupat mag-uudyok sa kaniya na magmaneho nang mas maingat. Ang hindi pagkuha ng lisensiya ay hindi siyang solusyon!
Magpasiya Ukol sa Buhay!
Ipinakikita ng Bibliya na ang kasalukuyang pangglobong sistema sa pulitika, ekonomiya, at relihiyon at ang mga sumusuporta rito ay malapit nang maparam sa lupa. Subalit, ang mga indibiduwal na may-katalinuhang nagpasiya ukol sa buhay at kumikilos ayon dito ay mananatili. Bilang pundasyon ng isang bagong sanlibutang lipunan, tutulong sila upang gawing paraiso ang lupa, gaya ng orihinal na nilayon ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, gusto mo bang makibahagi sa nakagagalak na gawaing ito?
Kung gayon, magpasiyang mag-aral ng Salita ng Diyos. Magdesisyong pag-aralan ang mga kahilingan ng Diyos upang mapalugdan siya. Magpasiyang abutin ang mga ito. Higit sa lahat, magdesisyong lubusang tuparin ang iyong pasiya. Sa maikli, magpasiya ukol sa buhay!
[Mga larawan sa pahina 4]
Maglaan ng sapat na panahon para sa mabibigat na pasiya
[Larawan sa pahina 5]
Maging bukás ang isip sa payo kung pumipili ng isang karera
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang mga nagpapasiyang maglingkod sa Diyos ngayon ay tutulong upang gawing paraiso ang lupa