“Nakasumpong Ako ng Pagkakaibigan, Pag-ibig, at Pagmamalasakit”
“Nakasumpong Ako ng Pagkakaibigan, Pag-ibig, at Pagmamalasakit”
“SA GANITO malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Gaya ng sinabi ni Jesus, pag-ibig ang naging pagkakakilanlan ng sinaunang kapatirang Kristiyano. Nang sumulat si Tertullian mahigit na isang daang taon pagkamatay ni Kristo, sinipi niya ang mga nagmamasid na nagsabi: ‘Tingnan ninyo kung gaano nila iniibig ang isa’t isa at kung gaano pa nga sila kahandang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’
May makikita pa bang ganiyang uri ng pag-ibig sa sanlibutan? Oo. Isaalang-alang, halimbawa, ang isang liham na natanggap ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Brazil. Ganito ang isinulat ng may-akda, isang babaing nagngangalang Marília:
“Noong nakatira siya sa Villa Mercedes, Argentina, ang nanay ko, na isang Saksi ni Jehova, ay nagkaroon ng osteoarthritis anupat naparalisa siya mula sa baywang pababa. Sa unang walong buwan ng kaniyang karamdaman, mga Saksi sa Villa Mercedes ang maibigin at mabait na nag-alaga sa kaniya. Inasikaso nila ang lahat, ang paglilinis ng kaniyang bahay at paghahanda ng pagkain niya. Kahit noong nasa ospital siya, palaging may kasama si Inay, araw at gabi.
“Nakabalik na kami ni Inay sa Brazil mula noon, kung saan siya nagpapagaling mula sa kaniyang karamdaman. Ginagawa ng mga Saksing nakatira malapit sa amin ngayon ang lahat ng makakaya nila upang tulungang gumaling si Inay.”
Ganito nagtapos ang sulat ni Marília: “Inaamin ko na hindi ako Saksi, ngunit nakasumpong ako ng pagkakaibigan, pag-ibig, at pagmamalasakit sa mga Saksi.”
Oo, mayroon pa ring mga taong gumagawi nang may tunay na pag-ibig Kristiyano. Sa gayon, ipinakikita nila ang kapangyarihang maaaring gawin ng mga turo ni Jesus sa ating buhay.