Ang Bagong Mukha ng Digmaan
Ang Bagong Mukha ng Digmaan
NOON pa man ay naging malupit na ang digmaan. Malaon na nitong winawasak ang buhay ng mga sundalo at malaon na nitong pinahihirapan ang mga sibilyan. Ngunit nitong nakaraang mga taon, nagpalit na ng mukha ang digmaan. Sa anong paraan?
Ang mga digmaan sa ngayon ay halos pawang mga digmaang sibil—mga digmaan sa pagitan ng magkakalabang pangkat ng mga mamamayan ng iisang bansa. At ang mga digmaang sibil ay kadalasan nang mas tumatagal, nag-iiwan ng mas masasaklap na karanasan sa mga mamamayan, at mas nagwawasak ng mga bansa kaysa sa mga digmaan sa pagitan ng mga bansa. “Ang mga digmaang sibil ay malulupit, madudugong pagkilos ng militar na nagiging dahilan ng pagkamatay ng libu-libo, seksuwal na panghahalay, puwersahang pagpapalayas at, sa pinakasukdulan, paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao,” ang sabi ng Kastilang istoryador na si Julián Casanova. Sa katunayan, kapag ang kalupitan ay nagmula sa magkakaratig na grupo, mangangailangan ng maraming siglo bago maghilom ang mga sugat nito.
Mula nang magwakas ang Malamig na Digmaan, halos iilang digmaan na lamang ang nagaganap sa pagitan ng mga hukbo ng iba’t ibang bansa. “Ang lahat maliban sa tatlong malalaking armadong labanan na nakarehistro para sa 1990-2000 ay pawang panloob,” ang pag-uulat ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI).
Totoo, sa wari’y hindi gaanong banta ang panloob na mga labanan at maaaring halos hindi ito pansin ng internasyonal na media, subalit ang pagdurusa at paglipol na dulot ng ganitong labanan ay mapangwasak pa rin. Milyun-milyong tao ang namatay na sa panloob na mga labanan. Sa katunayan, sa nakalipas na dalawang dekada, halos limang milyong tao ang namatay sa tatlo lamang sa mga bansang ginigiyagis ng digmaan—Afghanistan, Demokratikong Republika ng Congo, at Sudan. Sa mga bansa sa Balkan, ang malulupit na labanan ng lipi ay nagbuwis ng buhay ng halos 250,000 katao, at ang malaon nang pakikihamok ng mga gerilya sa Colombia ay kumitil naman ng 100,000 katao.
Kitang-kita ang kalupitan ng digmaang sibil sa nagiging epekto nito sa mga bata. Noong nakalipas na dekada, mahigit na dalawang milyong bata ang namatay sa labanang sibil, ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees. Anim na milyon pa ang nasugatan. Parami nang paraming bata ang sinasanay bilang mga sundalo. Ang sabi ng isang batang sundalo: “Sinanay nila ako. Binigyan nila ako ng baril. Gumamit ako ng droga. Pumatay ako ng mga sibilyan. Napakarami. Digmaan lang naman ito . . . Sumusunod lang naman ako sa utos. Alam kong masama ito. Hindi ko ito gusto.”
Maraming bata sa mga bansang laging may digmaang sibil ang lumalaki nang hindi man lamang nakatitikim ng kapayapaan. Nabubuhay sila sa isang daigdig kung saan wasak ang mga paaralan at ang pag-uusap ay dinaraan sa dulo ng mga baril. Ang sabi ng 14-na-taóng-gulang na si Dunja: “Napakarami nang namamatay . . . Wala ka nang maririnig na awit ng mga ibon, kundi mga hikbi ng mga batang nag-iiyakan dahil sa pagkamatay ng kanilang nanay o tatay, o ng isang kapatid.”
Ano ba ang mga Dahilan?
Ano ba ang nagpapaalab sa apoy ng ganitong malulupit na digmaang sibil? Ang pagkakapootan
sa lipi at tribo, pagkakaiba-iba ng relihiyon, kawalang-katarungan, at magulong pulitika ay pawang mahahalagang dahilan. Ang isa pang pangunahing dahilan ay ang kasakiman—kasakiman sa kapangyarihan at kasakiman sa salapi. Pinapag-aalab ng mga lider sa pulitika, na kadalasa’y pinaghaharian ng kasakiman, ang poot na lalong nagpapalala sa labanan. Sinasabi ng isang ulat na inilathala ng SIPRI na marami sa mga nakikilahok sa armadong pagdidigmaan “ay dahil sa personal na pakinabang.” Dagdag pa ng ulat: “Makikita ang kasakiman sa maraming anyo, mula sa malakihang negosyo ng brilyante ng mga lider ng militar at pulitika hanggang sa pandarambong sa mga nayon ng mga kabataang may hawak na baril.”Nakaragdag pa sa madugong pagpapatayan ang madaling pagkakaroon ng mura ngunit nakamamatay na mga sandata. Ang namamatay na mga 500,000 sa isang taon—karamihan ay mga babae at mga bata—ay isinisisi sa tinatawag na maliliit na armas. Sa isang bansa sa Aprika, ang isang AK-47 na ripleng pansalakay ay mabibili sa halaga ng isang manok. Nakalulungkot sabihin na sa ilang lugar, ang mga riple ay nagiging kasindami na rin ng mga alagang manok na ito. Sa buong daigdig, mayroon na ngayong mga 500 milyong maliliit na armas at magagaan na sandata—1 sa bawat 12 buháy na tao.
Ang mapapait na labanang sibil na ito kaya ang magiging tanda ng ika-21 siglo? Masusugpo pa kaya ang mga digmaang sibil? Darating kaya ang panahon na hindi na papatay ang mga tao? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Kahon sa pahina 4]
Ang Nakalulunos na Bunga ng mga Digmaang Sibil
Sa mga digmaang sibil na walang matataas na uring sandata ngunit malulupit pa rin, 90 porsiyento ng mga namamatay ay mga sibilyan sa halip na mga kalaban. “Maliwanag na sa parami nang paraming kaso, ang mga bata mismo ang target, hindi aksidenteng napapatay, sa armadong labanan,” ang sabi ni Graça Machel, ang United Nations Secretary-General’s Expert on the Impact of Armed Conflicts on Children.
Ang panghahalay ay isa na ngayong taktika ng militar. Sa ilang lugar na ginigiyagis ng digmaan, hinahalay ng mga rebelde ang halos lahat ng mga babaing tin-edyer na kanilang nasusumpungan sa mga nayong nasasakop nila. Ang adhikain ng mga manghahalay na ito ay upang palaganapin ang kaguluhan o wasakin ang buklod ng pamilya.
Gutom at sakit ang kasunod ng digmaan. Ang digmaang sibil ay nangangahulugang kaunting pananim lamang ang maitatanim at aanihin, iilang pagamutan lamang ang bukás kung mayroon man, at kaunting tulong lamang mula sa ibang bansa ang makararating sa mga nangangailangan. Ibinunyag ng isang pag-aaral sa isang digmaang sibil sa Aprika na 20 porsiyento ng mga nasawi ay namatay sa sakit at 78 porsiyento naman ay sa gutom. Dalawang porsiyento lamang ang tuwirang namatay sa labanan.
Sa katamtaman, sa bawat 22 minuto ay may napuputulan ng kamay o paa o namamatay dahil sa nakatapak ng nakatanim na bomba. Tinatayang 60 milyon hanggang 70 milyong nakatanim na bomba ang nakakalat sa mahigit na 60 bansa.
Napipilitan ang mga tao na lisanin ang kani-kanilang tahanan. Sa buong daigdig, mayroon na ngayong 50 milyong nagsilikas at nawalan ng sariling tahanan—kalahati sa mga ito ay mga bata.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
PABALAT: Batang lalaki: Photo by Chris Hondros/Getty Images
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Photo by Chris Hondros/Getty Images