Nagmamalasakit ba sa Atin ang Diyos?
Nagmamalasakit ba sa Atin ang Diyos?
NAKIKIPAGPUNYAGI ka ba sa isang emosyonal na pasanin dahil sa mga problema sa iyong pamilya, kalusugan, trabaho, o sa iba pang mabibigat na responsibilidad? Maraming tao ang ganiyan. At sino sa ngayon ang hindi apektado ng kawalang-katarungan, krimen, at karahasan? Sa katunayan, ganiyan mismo ang sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Hindi kataka-taka na maraming tao ang nagtatanong: ‘Nagmamalasakit ba ang Diyos? Tutulungan ba niya tayo?’
Ganito ang sinabi ng pantas na si Haring Solomon sa Diyos sa panalangin: “Ikaw lamang ang lubos na nakaaalam sa puso ng mga anak ng sangkatauhan.” Nagtitiwala si Solomon na hindi lamang tayo nakikilala ng Diyos kundi nagmamalasakit din siya sa atin bilang mga indibiduwal. Nagawa niyang hilingin sa Diyos na ‘makinig mula sa langit’ at sagutin ang mga panalangin ng bawat indibiduwal na may takot sa Diyos na nagsisiwalat ng ‘kaniyang sariling salot at ng kaniyang sariling kirot’ sa Diyos.—2 Cronica 6:29, 30.
Sa ngayon, nagmamalasakit pa rin ang Diyos na Jehova sa atin at nag-aanyaya na tumawag tayo sa kaniya sa panalangin. (Awit 50:15) Nangangako siyang tutugunin ang taos-pusong mga panalangin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (Awit 55:16, 22; Lucas 11:5-13; 2 Corinto 4:7) Oo, nakikinig si Jehova sa ‘anumang panalangin, anumang paghiling ng lingap na gawin ng sinumang tao o ng kaniyang buong bayan.’ Kaya, kung magtitiwala tayo sa Diyos, mananalangin para sa kaniyang tulong, at lalapit sa kaniya, mararanasan natin ang kaniyang maibiging pangangalaga at patnubay. (Kawikaan 3:5, 6) Tinitiyak sa atin ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—Santiago 4:8.