“Sa Buong Lupa ay Lumabas ang Kanilang Tinig”
“Sa Buong Lupa ay Lumabas ang Kanilang Tinig”
“Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”—MATEO 28:19.
1, 2. (a) Anong atas ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (b) Bakit napakalaki ng naisagawa ng mga Kristiyano noong unang siglo?
NANG malapit na siyang umakyat sa langit, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: “Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Kaylaking atas iyon!
2 Isipin na lamang ito! Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 alagad ang tumanggap ng ibinuhos na banal na espiritu at nagsimulang tumupad sa atas sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba na si Jesus ang matagal nang ipinangakong Mesiyas, na sa pamamagitan niya ay matatamo ang kaligtasan. (Gawa 2:1-36) Paano maaabot ng gayon kaliit na grupo ang “mga tao ng lahat ng mga bansa”? Imposible ito sa pangmalas ng tao, ngunit “sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.” (Mateo 19:26) Taglay ng sinaunang mga Kristiyano ang suporta ng banal na espiritu ni Jehova, at alam nilang kailangan silang mag-apura. (Zacarias 4:6; 2 Timoteo 4:2) Kaya naman sa loob lamang ng ilang dekada, masasabi ni apostol Pablo na ipinahahayag na ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”—Colosas 1:23.
3. Ano ang tumakip sa dalisay na Kristiyanong “trigo” anupat hindi ito makita?
3 Sa kalakhang bahagi ng unang siglo, patuloy na lumaganap ang tunay na pagsamba. Gayunman, inihula ni Jesus na darating ang panahon na maghahasik ng “mga panirang-damo” si Satanas at ang tunay na Kristiyanong “trigo” ay matatakpan sa loob ng maraming siglo hanggang sa panahon ng pag-aani. Pagkamatay ng mga apostol, natupad nga ito.—Mateo 13:24-39.
Mabilis na Pagdami sa Ngayon
4, 5. Mula noong 1919, anong gawain ang sinimulan ng mga pinahirang Kristiyano, at bakit nagharap ito ng malaking hamon?
4 Noong 1919, panahon na para ihiwalay ang dalisay na Kristiyanong trigo sa mga panirang-damo. Alam ng mga pinahirang Kristiyano na kumakapit pa rin ang malaking atas na ibinigay ni Jesus. Matatag ang kanilang paniniwala na nabubuhay sila sa “mga huling araw” at batid nila ang hula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (2 Timoteo 3:1; Mateo 24:14) Oo, alam nila na maraming dapat gawin.
5 Gayunman, kagaya ng mga alagad noong 33 C.E., napaharap ang mga pinahirang Kristiyanong iyon sa isang malaking hamon. Iilang libo lamang sila na matatagpuan sa iilang bansa. Paano nila maipangangaral ang mabuting balita “sa buong tinatahanang lupa”? Tandaan, ang populasyon ng lupa ay dumami mula sa halos 300 milyon noong panahon ng mga Cesar tungo sa halos 2 bilyon pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig.
At sa buong ika-20 siglo, patuloy pa itong mabilis na darami.6. Sa anong antas naipalaganap ang mabuting balita noong dekada ng 1930?
6 Gayunpaman, sinimulan ng mga pinahirang lingkod ni Jehova, kagaya ng kanilang mga kapatid noong unang siglo, ang gawaing iniatas sa kanila taglay ang lubos na pananampalataya kay Jehova, at sumasakanila ang kaniyang espiritu. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1930, naipahayag na ng mga 56,000 ebanghelisador ang katotohanan sa Bibliya sa 115 lupain. Nang panahong iyon, marami nang gawain ang naisagawa, ngunit marami pa ring kailangang gawin.
7. (a) Anong bagong hamon ang nakaharap ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Sa tulong ng “ibang mga tupa,” gaano na ang isinulong ng gawaing pagtitipon hanggang sa kasalukuyan?
7 Pagkatapos, ang mas malalim na pagkaunawa sa pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” na binanggit sa Apocalipsis 7:9 ay nagharap ng isang bagong hamon at nangako rin ng tulong sa mga masisipag na Kristiyanong iyon. Kinailangang tipunin ang di-mabilang na pulutong ng “ibang mga tupa,” mga mananampalatayang may makalupang pag-asa, “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Juan 10:16) Ang mga ito ay ‘mag-uukol kay Jehova ng sagradong paglilingkod araw at gabi.’ (Apocalipsis 7:15) Nangangahulugan ito na tutulong sila sa gawaing pangangaral at pagtuturo. (Isaias 61:5) Dahil dito, lubhang nanabik ang mga pinahirang Kristiyano na makita ang pagdami ng bilang ng mga ebanghelisador mula sa sampu-sampung libo tungo sa milyun-milyon. Noong taóng 2003, isang bagong peak na 6,429,351 ang nakibahagi sa pangangaral—ang karamihan sa kanila ay kabilang sa malaking pulutong. * Pinahahalagahan ng mga pinahirang Kristiyano ang tulong na ito, at pinahahalagahan naman ng ibang mga tupa ang pribilehiyo na suportahan ang kanilang mga pinahirang kapatid.—Mateo 25:34-40.
8. Paano tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa matitinding panggigipit na naganap noong ikalawang digmaang pandaigdig?
8 Nang muli na namang lumitaw ang uring trigo, matinding nakipagdigma si Satanas laban dito. (Apocalipsis 12:17) Paano siya tumugon nang magsimulang lumitaw ang malaking pulutong? Sa pamamagitan ng labis-labis na karahasan! Mag-aalinlangan pa ba tayo na siya ang nasa likod ng pandaigdig na pagsalakay sa tunay na pagsamba na naganap noong ikalawang digmaang pandaigdig? Sa magkabilang panig ng labanan, napasailalim sa matinding panggigipit ang mga Kristiyano. Maraming mahal na mga kapatid ang dumanas ng kahila-hilakbot na mga pagsubok, anupat namatay pa nga ang ilan dahil sa kanilang pananampalataya. Gayunman, nakiisa sila sa mga sinabi ng salmista: “Kaisa ng Diyos ay pupurihin ko ang kaniyang salita. Sa Diyos ako naglalagak ng aking tiwala; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng laman?” (Awit 56:4; Mateo 10:28) Sama-samang nanindigang matatag ang mga pinahirang Kristiyano at ang ibang mga tupa, na pinalakas ng espiritu ni Jehova. (2 Corinto 4:7) Bilang resulta, “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago.” (Gawa 6:7) Noong 1939, nang sumiklab ang digmaan, 72,475 tapat na Kristiyano ang nag-ulat na nakikibahagi sa pangangaral. Gayunman, ipinakikita ng di-kumpletong ulat noong 1945, ang taon nang magwakas ang digmaan, na 156,299 na aktibong Saksi ang nagpapalaganap ng mabuting balita. Kaylaking pagkatalo para kay Satanas!
9. Anu-anong bagong mga paaralan ang ipinatalastas noong Digmaang Pandaigdig II?
9 Maliwanag, hindi nag-alinlangan ang mga lingkod ni Jehova na maisasakatuparan ang pangangaral sa kabila ng kaguluhan noong ikalawang digmaang pandaigdig. Sa katunayan, noong 1943, nang nasa kainitan ang digmaan, dalawang bagong paaralan ang ipinatalastas. Ang isa, na tinatawag ngayong Paaralang Teokratiko Ukol sa
Ministeryo, ay dinisenyong idaos sa lahat ng kongregasyon upang sanayin ang indibiduwal na mga Saksi na mangaral at gumawa ng mga alagad. Ang isa pa, ang Watchtower Bible School of Gilead, ay para sa pagsasanay ng mga misyonero na magpapasulong sa pangangaral sa ibang mga lupain. Oo, nang humupa sa wakas ang alab ng digmaan, handa na ang tunay na mga Kristiyano para sa pinag-ibayong gawain.10. Paano nakita ang sigasig ng bayan ni Jehova noong 2003?
10 At kamangha-mangha ngang gawain ang kanilang naisakatuparan! Palibhasa’y sinanay sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ang lahat—bata at matanda, magulang at anak, maging ang may-kapansanan—ay nakibahagi at patuloy na nakikibahagi sa pagtupad sa malaking atas na ibinigay ni Jesus. (Awit 148:12, 13; Joel 2:28, 29) Noong taóng 2003, sa katamtaman sa bawat buwan, ipinakita ng 825,185 ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan sa pamamagitan ng pakikibahagi, pansamantala man o patuluyan, sa paglilingkod bilang payunir. Noong taon ding iyon, gumugol ng 1,234,796,477 oras ang mga Saksi ni Jehova sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa mabuting balita ng Kaharian. Tiyak na nalulugod si Jehova sa sigasig ng kaniyang bayan!
Sa Banyagang mga Lupain
11, 12. Anu-anong halimbawa ang nagpapakita ng mainam na rekord ng mga misyonero?
11 Sa nakalipas na mga taon, ang mga nagtapos sa Gilead at, kamakailan lamang, ang mga nagtapos sa Ministerial Training School ay nakapagtatag ng napakahusay na rekord. Sa Brazil, halimbawa, mas kakaunti pa sa 400 ang mamamahayag doon nang dumating ang unang mga misyonero noong 1945. Ang mga ito at ang iba pang mga misyonerong sumunod sa kanila ay puspusang nagpagal kasama ng kanilang masisigasig na mga kapatid na taga-Brazil, at lubhang pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap. Kapana-panabik ngang makita ng sinumang nakaaalaala sa unang mga araw na iyon na ang Brazil ay nag-ulat ng isang bagong peak na 607,362 noong 2003!
12 Kuning halimbawa ang Hapon. Bago ang ikalawang digmaang pandaigdig, mga isang daan lamang ang mga mángangáral ng Kaharian sa lupaing iyan. Noong panahon ng digmaan, umunti ang kanilang bilang dahil sa malupit na pag-uusig, at nang matapos ang digmaan, iilang Saksi na lamang ang buháy sa espirituwal at pisikal. (Kawikaan 14:32) Tiyak na natuwa ang iilang natatanging tagapag-ingat ng katapatan na iyon noong 1949 nang malugod nilang tanggapin ang unang 13 misyonero na sinanay sa Gilead, at agad na napamahal sa mga misyonerong ito ang kanilang masisigla at mapagpatuloy na mga kapatid na Hapones. Pagkalipas ng mahigit na 50 taon, noong taóng 2003, nag-ulat ang Hapon ng peak na 217,508 mamamahayag! Tunay ngang mayamang pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa lupaing iyan. May gayon ding mga ulat mula sa marami pang ibang bansa. Talagang gumanap ng malaking bahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ang mga may kakayahang mangaral sa banyagang mga teritoryo, anupat noong 2003 ay narinig ito sa 235 lupain, isla, at teritoryo sa buong daigdig. Oo, nagmumula sa “lahat ng mga bansa” ang malaking pulutong.
“Mula sa Lahat ng . . . mga Tribo at mga Bayan at mga Wika”
13, 14. Sa anong paraan ipinakita ni Jehova ang kahalagahan ng pangangaral ng mabuting balita sa “lahat ng . . . mga wika”?
13 Ang unang iniulat na himala matapos pahiran ng banal na espiritu ang mga alagad noong Pentecostes 33 C.E. ay ang kanilang pagsasalita ng mga wika sa nagkatipong mga pulutong. Ang lahat ng mga nakarinig sa kanila ay maaaring marunong namang magsalita ng internasyonal na wika, marahil ay Griego. Palibhasa’y “mga lalaking mapagpitagan,” malamang na nauunawaan Gawa 2:5, 7-12.
din nila ang mga serbisyo sa templo sa wikang Hebreo. Ngunit talagang napukaw ang kanilang pansin nang marinig nila ang mabuting balita sa wikang natutuhan nila mula pa sa pagkasanggol.—14 Maging sa ngayon, maraming wika ang ginagamit sa pangangaral. Inihula na magmumula ang malaking pulutong hindi lamang sa lahat ng mga bansa kundi maging sa “mga tribo at mga bayan at mga wika.” Kasuwato nito, inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Zacarias: “Sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ” (Zacarias 8:23) Bagaman wala nang kaloob na mga wika ang mga Saksi ni Jehova, alam nila ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga wika ng mga tao.
15, 16. Paano hinarap ng mga misyonero at ng iba pa ang hamon ng pangangaral sa lokal na mga wika?
15 Totoo, may ilang wika ngayon na ginagamit nang malawakan, tulad ng Ingles, Pranses, at Kastila. Gayunman, sinisikap ng mga umalis sa kanilang sariling lupain upang maglingkod sa ibang mga bansa na matutuhan ang lokal na mga wika upang higit na maunawaan ng mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ang mabuting balita. (Gawa 13:48) Maaaring maging mahirap ito. Nang mangailangan ng mga publikasyon sa kanilang sariling wika ang mga kapatid sa bansang Tuvalu na nasa Timog Pasipiko, isa sa mga misyonero ang humarap sa hamon. Yamang walang magagamit na diksyunaryo, nagsimula siyang bumuo ng glosaryo ng mga salitang Tuvaluano. Nang maglaon, inilathala ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa * sa wikang Tuvaluano. Nang dumating sa Curaçao ang mga misyonero, walang literatura sa Bibliya at walang diksyunaryo sa lokal na wika, ang Papiamento. Marami ring di-pagkakasundo kung paano dapat isulat ang wikang iyon. Gayunpaman, sa loob ng dalawang taon mula nang dumating ang unang mga misyonero, nailathala sa wikang iyon ang unang Kristiyanong tract sa Bibliya. Sa ngayon, ang Papiamento ay isa na sa 133 wika na ginagamit sa paglalathala ng Ang Bantayan kasabay ng edisyong Ingles.
16 Sa Namibia, walang masumpungang Saksi na tagaroon ang unang mga misyonero upang tumulong sa kanila sa pagsasalin. Bukod dito, walang mga salita ang isang lokal na wika, ang Nama, para sa karaniwang ginagamit na mga konsepto, tulad ng “sakdal.” Nag-ulat ang isang misyonero: “Sa pagsasalin, pangunahin kong ginamit ang mga guro sa paaralan na nag-aaral ng Bibliya. Yamang kaunti lamang ang kanilang kaalaman sa katotohanan, kinailangan akong gumawang kasama nila upang matiyak na tumpak ang bawat pangungusap.” Gayunpaman, naisalin sa wakas ang tract na Life in a New World sa apat na wika sa Namibia. Sa ngayon, regular na inilalathala Ang Bantayan sa wikang Kwanyama at Ndonga.
17, 18. Anu-anong hamon ang hinaharap sa Mexico at sa iba pang mga bansa?
17 Sa Mexico, Kastila ang pangunahing wika. Gayunman, bago dumating ang mga Kastila, marami nang wika ang ginagamit doon, at ginagamit pa rin ang ilan sa mga ito. Dahil dito, ginagawa ngayon ang literatura ng mga Saksi ni Jehova sa pitong wikang Mexicano at maging sa Mexican Sign Language. Ang Ministeryo sa Kaharian sa wikang Maya ang unang de-petsang publikasyon sa wika ng mga Amerikanong Indian. Sa katunayan, ilang libong Maya, Aztec, at iba pa ang masusumpungan sa 572,530 mamamahayag ng Kaharian sa Mexico.
18 Kamakailan lamang, milyun-milyon ang nagsilikas patungo sa banyagang mga lupain, o kaya ay nandayuhan dahil sa kabuhayan. Bilang resulta, maraming bansa sa ngayon sa kauna-unahang pagkakataon ang may malaki-laking bilang ng mga mamamayan na banyaga ang wika. Hinarap ng mga Saksi ni Jehova ang hamong ito. Halimbawa, sa Italya, may mga kongregasyon at mga grupo sa 22 wika bukod pa sa wikang Italyano. Upang tulungan ang mga kapatid na mangaral sa mga taong nagsasalita ng ibang mga wika, inorganisa kamakailan ang mga klase upang magturo ng 16 na wika, kasali na ang Italian Sign Language. Sa marami pang bansa, gumagawa ng ganito ring pagsisikap ang mga Saksi ni Jehova upang maabot ang malalaking populasyon ng mga dayuhan. Oo, sa tulong ni Jehova, ang malaking pulutong ay talagang nagmumula sa napakaraming grupo na may iba’t ibang wika.
“Sa Buong Lupa”
19, 20. Anong mga salita ni Pablo ang natutupad sa kamangha-manghang paraan sa ngayon? Ipaliwanag.
19 Noong unang siglo, sumulat si apostol Pablo: “Hindi sila nabigong makarinig, hindi ba? Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ay lumabas ang kanilang tinig, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’ ” (Roma 10:18) Kung totoo ito noong unang siglo, gaano pa kaya sa ngayon! Milyun-milyon—marahil ay higit pa kaysa sa alinmang nagdaang yugto ng kasaysayan—ang nagsasabi: “Pagpapalain ko si Jehova sa lahat ng panahon; ang papuri sa kaniya ay laging sasaaking bibig.”—Awit 34:1.
20 Karagdagan pa, hindi bumabagal ang gawain. Patuloy na dumarami ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian. Parami nang paraming panahon ang ginugugol sa pangangaral. Milyun-milyong pagdalaw-muli at daan-daang libong mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. At patuloy na nagkakaroon ng mga bagong interesadong tao. Noong nakaraang taon, isang bagong peak na 16,097,622 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Maliwanag, marami pang dapat gawin. Patuloy nawa nating tularan ang matatag na integridad ng ating mga kapatid na nagbata ng matitinding pag-uusig. At maipamalas nawa natin ang sigasig ng lahat ng ating mga kapatid na gumugol ng kanilang sarili sa paglilingkod kay Jehova mula noong 1919. Patuloy tayong makiisa sa awit ng salmista: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!”—Awit 150:6.
[Mga talababa]
^ par. 7 Tingnan ang taunang ulat sa pahina 18 hanggang 21 ng magasing ito.
^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Anong atas ang sinimulang gampanan ng mga kapatid noong 1919, at bakit ito isang hamon?
• Sinu-sino ang tinipon upang sumuporta sa pangangaral?
• Anong rekord ang nabuo ng mga misyonero at ng iba pang naglilingkod sa banyagang mga lupain?
• Anong katibayan ang maaari mong sipiin upang ipakita na pinagpapala ni Jehova ang gawain ng kaniyang bayan sa ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 18-21]
ULAT SA 2003 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang publikasyon)
[Mga larawan sa pahina 14, 15]
Hindi nag-alinlangan ang mga Kristiyano na maipangangaral ang mabuting balita sa kabila ng kaguluhan noong ikalawang digmaang pandaigdig
[Credit Line]
Pagsabog: U.S. Navy photo; iba pa: U.S. Coast Guard photo
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Magmumula sa lahat ng mga tribo at mga wika ang malaking pulutong