Kaaliwan Para sa Napipighati
Kaaliwan Para sa Napipighati
NANG dumanas ng kapighatian ang tapat na mga lalaki at babae noon, marubdob silang nanalangin sa Diyos para sa patnubay. Gayunman, gumawa rin sila ng mga hakbang upang maibsan ang kapighatian, gaya ng paggamit ng katalinuhan upang matakasan ang mga maniniil. Halimbawa, nakatulong kay David ang pananalig kay Jehova na may kasamang personal na pagsisikap upang mabata ang kaniyang paghihirap. Kumusta naman tayo sa ngayon?
Kapag dumaranas ng kapighatian, malamang na gumagawa ka ng hakbang upang lutasin ang iyong problema. Halimbawa, kung mawalan ka ng trabaho, hindi ba’t magsisikap kang makasumpong ng isang angkop na trabaho na tutustos sa iyo at sa iyong pamilya? (1 Timoteo 5:8) O kung ikaw ay pinahihirapan ng isang pisikal na sakit, hindi ka ba naghahanap ng sapat na medikal na tulong? Kapansin-pansin na kinilala ni Jesus, na may kapangyarihan mula sa Diyos na magpagaling ng lahat ng uri ng karamdaman, na ‘nangangailangan ng manggagamot ang mga may sakit.’ (Mateo 9:12) Gayunman, maaaring hindi laging maaalis ang iyong mga paghihirap; baka kailangan mong patuloy na batahin ang mga ito sa isang antas.
Bakit hindi idulog ang bagay na ito sa Diyos na Jehova sa panalangin? Bilang halimbawa, kapag naghahanap ng trabaho, tutulong sa atin ang may-pananalanging pananalig sa Diyos upang mapaglabanan ang anumang tukso na tanggapin ang trabaho na sumasalungat sa mga simulain ng Bibliya. Maiiwasan din natin na ‘mailigaw mula sa pananampalataya’ sa pamamagitan ng kasakiman o ng pag-ibig sa salapi. (1 Timoteo 6:10) Oo, kapag gumagawa ng mahahalagang pasiya hinggil sa trabaho o pamilya o sa kalusugan, masusunod natin ang payo ni David: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.
Tutulungan din tayo ng taos-pusong panalangin na mapanatili ang ating timbang na kaisipan upang hindi tayo madaig ng ating kapighatian. Bilang isang tunay na Kristiyano, sumulat si apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Paano tayo maaaliw ng taimtim na panalangin? “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ang kapayapaan ng Diyos ay “nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Samakatuwid, ito ay makapagpapatatag sa atin kapag napabibigatan tayo ng nakapipighating damdamin. ‘Babantayan nito ang ating mga puso at ang ating mga kakayahang pangkaisipan,’ sa gayo’y natutulungan tayong maiwasan ang pagkilos na padalus-dalos at may kamangmangan, na makadaragdag lamang sa ating kapighatian.
Maaaring malaki pa nga ang magawa ng panalangin upang mabago ang kalagayan. Nang mabilanggo si apostol Pablo sa Roma, mapagpakumbaba niyang hiniling sa mga kapuwa Kristiyano na ipanalangin siya. Bakit hiniling ito ni Pablo? “Pinapayuhan ko kayo na lalung-lalo nang gawin ito,” ang sulat niya sa kanila, “upang masauli ako sa inyo sa lalong madaling panahon.” (Hebreo 13:19) Sa ibang pananalita, alam ni Pablo na maaaring malaki ang magawa ng pagdinig ni Jehova sa matiyagang pananalangin ng kaniyang mga kapananampalataya sa kung kailan siya mapalalaya.—Filemon 22.
Mababago kaya ng panalangin ang kalalabasan ng ating kapighatian? Maaari. Gayunman, dapat nating matanto na maaaring hindi sagutin ng Diyos na Jehova ang ating mga panalangin sa paraan na ninanais natin. Ilang ulit na nanalangin si Pablo hinggil sa kaniyang “tinik sa laman,” marahil ay isang pisikal na problema. Gayunman, sa halip na alisin ang ikinapipighati, sinabi ng Diyos kay Pablo: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.”—2 Corinto 12:7-9.
Kung gayon, maaaring hindi kaagad maglaho ang ating kapighatian. Subalit magkakaroon tayo ng pagkakataong patunayan ang ating pananalig sa ating makalangit na Ama. (Santiago 1:2-4) Makatitiyak tayo na kahit hindi alisin ng Diyos na Jehova ang kapighatian, ‘makagagawa siya ng daang malalabasan upang mabata natin iyon.’ (1 Corinto 10:13) Kapansin-pansin na si Jehova ay tinatawag na ‘ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’ (2 Corinto 1:3, 4) Maibibigay sa atin ng Diyos ang kinakailangan natin upang makapagbata, at taglay natin ang pag-asang buhay na walang hanggan.
Nangangako ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, na “papahirin [ni Jehova] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:3, 4) Mahirap bang paniwalaan ang isang daigdig na wala nang kapighatian? Maaaring hindi ito kapani-paniwala kung ikaw ay sanay nang mamuhay sa hirap. Gayunpaman, ipinangako ng Diyos ang kalayaan mula sa takot at kalamidad, at tiyak na magtatagumpay ang kaniyang layunin.—Isaias 55:10, 11.
[Mga larawan sa pahina 9]
Mula sa kawalang-pag-asa tungo sa ginhawa