Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Pagkatapos ng Baha, nagpalipad si Noe mula sa arka ng isang kalapati na bumalik na may “dahon ng olibo.” Saan nakuha ng kalapati ang dahon?
Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang tubig ay umapaw sa lupa nang napakatindi anupat ang lahat ng matataas na bundok na nasa silong ng buong langit ay natakpan.” (Genesis 7:19) Habang kumakati ang tubig-baha, tatlong beses na nagpalipad si Noe ng kalapati—na sa bawat pagkakataon ay isang linggo ang pagitan. Sa ikalawang pagkakataon, bumalik ang kalapati na may “isang bagong-kitil na dahon ng olibo sa tuka nito, kaya napag-alaman ni Noe na ang tubig ay humupa na mula sa lupa.”—Genesis 8:8-11.
Siyempre pa, wala nang paraan ngayon upang malaman kung gaano katagal binaha ang isang partikular na bahagi ng lupa, sapagkat ang topograpiya ng lupa ay tiyak na nagbago dahil sa Delubyo. Gayunpaman, malamang na nalubog nang matagal sa tubig ang karamihan sa mga rehiyon na naging dahilan upang mamatay ang maraming punungkahoy. Subalit lumilitaw na nanatiling buháy ang ilan, anupat nakapag-usbong ng bagong mga supang nang kumati na ang tubig.
Hinggil sa punong olibo, sinasabi ng The New Bible Dictionary: “Kapag pinutol ito, umuusbong ang bagong mga supang mula sa ugat nito, anupat mga limang bagong supang ang maaaring umusbong. Ang nag-aagaw-buhay [halos lanta] na mga olibo ay karaniwan nang nakapag-uusbong din sa ganitong paraan.” “Para bang hindi napapawi ang sigla nito,” ang sabi ng The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge. Walang tao sa ngayon ang nakaaalam sa mga detalye, tulad ng alat at temperatura, ng tubig-baha. Dahil dito, hindi natin matitiyak ang potensiyal na epekto nito sa mga punong olibo at iba pang pananim.
Gayunman, ang ligáw na olibo ay hindi mabubuhay sa malamig na temperatura, tulad niyaong masusumpungan sa mas matataas na bundok. Karaniwan na itong lumalago sa mga lugar na mas mababa sa 1,000 metro, kung saan ang katamtamang temperatura ay mas mataas sa 10 digri Celsius. “Kaya,” ang sabi ng aklat na The Flood Reconsidered, “maaaring mahinuha ni Noe mula sa bagong-kitil na dahon na kumakati na ang tubig sa mas mabababang libis.” Nang pakawalan ni Noe ang kalapati pagkaraan ng isa pang linggo, hindi na ito bumalik, anupat nagpapahiwatig na mas dumami na ang pananim at mas marami nang potensiyal na mga pahingahang-dako para sa kalapati.—Genesis 8:12.