Pagtitipon sa “Pusod ng Daigdig”
Pagtitipon sa “Pusod ng Daigdig”
Narinig mo na ba ang mga salitang “Te Pito o Te Henua”? Nangangahulugan itong “Pusod ng Daigdig” sa Rapa Nui, ang orihinal na wikang ginagamit sa Easter Island. Bakit lubhang natatangi ang isang asamblea rito?
LIBLIB, mahiwaga, pambihira. Iyan ang ilan sa mga salitang ginagamit upang ilarawan ang Easter Island, o Rapa Nui, gaya ng tawag dito ng mga tagaroon. Talaga ngang liblib na lugar ito na matatagpuan sa laot ng Karagatan ng Timog Pasipiko, 3,790 kilometro mula sa Santiago, Chile. Naging probinsiya ito ng Chile noong Setyembre 9, 1888.
Ang hugis-tatsulok na islang ito, na may lawak na 166 na kilometro kuwadrado, ay pangunahin nang binubuo ng tatlong di-aktibong bulkan. Sa katunayan, tulad ng maraming isla sa Pasipiko, ito ay binubuo lamang ng mga taluktok ng pagkalalaking bundok na nakalubog sa tubig. Ang buong isla ay idineklara na isang likas na bantayog. Walang alinlangan na mas kilala ito dahil sa mahihiwagang estatuwang bato nito, na kilala bilang moai. *
Bukod sa kaakit-akit na mga tanawin at makasaysayang mga lugar, ang Easter Island ay may pambihira at sari-saring masasarap na pagkain. Ang lupain ay may mga prutas na gaya ng pinya, abokado, papaya, at siyam na uri ng saging. At ang dagat ay naglalaan ng maraming uri ng isda at iba pang pagkaing-dagat.
Katamtaman ang klima sa Easter Island, na may regular na pag-ulan at bahaghari, na nagbibigay sa mga bisita ng malinis na hangin at kagila-gilalas na mga tanawin. Sa kasalukuyan, mga 3,800 ang naninirahan dito. Ang makabagong
mga tumatahan dito ay nagmula sa unang mga nanirahan noon, na nahaluan ng mga Europeo, taga-Chile, at iba pang lahi. Daan-daang turista mula sa Europa at Asia ang dumadalaw sa isla, anupat naging mahalagang bahagi ng ekonomiya ang turismo.Unang Itinanim na mga Binhi ng Kaharian
Nag-ulat ang 1982 Yearbook of Jehovah’s Witnesses: “Noon ay mayroon kaming isang nakabukod na mamamahayag sa Easter Island. Tinulungan siya sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng pakikipagsulatan sa isang kapatid na misyonera na nasa tanggapan [sa Chile]. Bagaman siya ay bumalik na sa Chile mismo, mayroon naman kaming rekord ng mga suskritor ng Bantayan sa isla. Laking gulat namin nang makatanggap kami ng long-distance na tawag sa telepono, noong Abril 1980, mula sa isang interesadong tao na nagnanais malaman kung kailan ipagdiriwang ang Memoryal. Nang maglaon noong taon ding iyon, isang mag-asawa mula sa Valparaiso ang lumipat doon, at nagdaos sila ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa interesadong mga tao. Noong Abril ng 1981, idinaos sa kauna-unahang pagkakataon sa islang ito ang pagdiriwang ng Memoryal, na dinaluhan ng 13 katao. Laking tuwa namin na nakararating ang ‘mabuting balita’ sa nakabukod na lugar na ito!”
Nang maglaon, noong Enero 30, 1991, nagpadala ang sangay ng mag-asawang special pioneer, sina Dario at Winny Fernandez, sa isla. Nagugunita pa ni Brother Fernandez: “Dinala kami ng limang-oras na biyahe sa eroplano sa pinakaliblib na bahagi ng planeta, sa isang kultura na nababalutan ng hiwaga.” Kaagad na inorganisa ang mga pulong at gawaing pangangaral sa tulong ng isang lokal na kapatid na lalaki at isang kapatid na babae na dumating doon kamakailan kasama ang kaniyang dalawang anak. Sa kabila ng mga panggigipit sa pamilya, sigasig sa relihiyon, at ilang istilo ng pamumuhay na karaniwan sa mga kultura sa Polynesia, nakita nila ang pagpapala ni Jehova sa kanilang mga pagsisikap. Hindi na mga special pioneer sina Brother at Sister Fernandez, ngunit nanatili sila sa isla, kung saan nila pinalalaki ang kanilang anak na lalaki, na isinilang doon. Sa ngayon, may 32 maliligayang mamamahayag ng Kaharian doon. Kabilang sa mga ito ang mga katutubo ng Rapa Nui, gayundin ang ilan na nanirahan sa isla o lumipat doon upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan ukol sa mga tagapaghayag ng Kaharian.
Mga Paghahanda Para sa Isang Pansirkitong Asamblea
Dahil sa malayong distansiya sa pagitan ng isla at ng kontinente, tatlong beses sa isang taon ay nakatatanggap ang kongregasyon ng mga video tape ng mga programa ng pantanging araw ng asamblea, pansirkitong asamblea, at pandistritong kombensiyon. Ngunit sa pagtatapos ng 2000, ang ideya na magdaos ng kanilang sariling asamblea, na kauna-unahan doon, ay isinaalang-alang ng Komite sa Sangay sa Chile. Sa wakas, naipasiya na idaos ang isang pansirkitong asamblea noong Nobyembre 2001, at ang paanyayang dumalo sa pantanging okasyong ito ay ipinaabot sa limitadong bilang ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng Chile. Dahil sa iskedyul ng biyahe ng eroplano, idinaos ang asamblea sa araw ng Linggo at Lunes.
Ang 33 inanyayahang delegado ay sabik na maglakbay patungo sa isla upang makibahagi sa kauna-unahang pansirkitong asamblea na idaraos sa liblib na lugar na iyon. Pagkalipas ng mahabang paglipad sa ibabaw ng Karagatang Pasipiko, naginhawahan ang mga delegado sa malugod na pagtanggap ng lokal na mga kapatid na naghihintay sa kanila sa paliparan. Ang mga delegado ay pinasalubungan ng magagandang lei (mga kuwintas na
yari sa mga talulot ng bulaklak), isang pangkaraniwang regalo sa isla. Pagkatapos ay dinala sila sa kanilang mga tuluyan, at pagkaraan ng maikling pamamasyal sa isla, ang lahat ng makikibahagi sa programa ng asamblea ay nagtipon sa Kingdom Hall.Publisidad Mula sa Di-inaasahang Pinagmulan
Samantalang nagmamaneho patungo sa asamblea, nagulat ang ilang delegado nang marinig sa radyo ang lokal na pari na nagkokomento hinggil sa kanilang pagdalaw. Binanggit niya ang mga turista mula sa kontinente na dadalaw sa mga tahanan upang makipag-usap hinggil sa dumarating na katapusan ng mundo. Bagaman hinimok niya ang mga miyembro ng kaniyang parokya na huwag makinig sa mga bisita, ang kaniyang patalastas ay nakatulong upang ihayag ang pagkanaroroon ng isang malaking grupo ng mga Saksi ni Jehova sa isla. Pinukaw nitong maghintay ang mga tagaisla. Nang sumunod na mga araw, mataktikang ibinahagi sa kanila ng mga delegado ang nakapagpapatibay na mensahe ng mabuting balita.
Nagsimula ang Asamblea
Noong Linggo ng umaga, naghintay ang lokal na mga kapatid sa pasukan ng Kingdom Hall upang salubungin ang mga delegado sa kanilang pagdating sa unang araw ng asamblea. “Iorana Koe! Iorana Koe!” “Tuloy kayo!” Ang ilang kapatid na babae ay nagsuot ng tradisyonal na mga damit at pinalamutian ang kanilang mga buhok ng magagandang bulaklak sa istilong tunay na taga-Polynesia.
Pagkatapos ng isang kaayaayang panimulang musika, nagsama-sama ang sandaang tinig sa pag-awit ng “Maging Matatag, Di-Natitinag!” sa paraang hindi pa kailanman narinig sa isla. Napaluha ang lokal na mga kapatid nang ipaabot ng tsirman ang malugod na pagtanggap na ginagamit ang kanilang katutubong wika, ang Rapa Nui. Sa panahon ng intermisyon sa tanghali, sinagisagan ng tatlong bagong Saksi ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Nang matapos ang programa sa unang araw, nadama ng bawat isa na mas napalapit sila kay Jehova at sa buong kapatiran.—1 Pedro 5:9.
Pagpapatotoo sa Umaga
Dahil sa pantanging mga kalagayan sa isla, ang programa sa ikalawang araw ng pansirkitong asamblea ay pinasimulan pagkatapos mananghali. Kaya naman sinamantala ng mga delegado ang situwasyon at ginamit ang umaga sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Anong mga karanasan ang naghihintay sa kanila?
Isang matandang babae na may walong anak ang nagsabi sa mga Saksi na hindi siya maaaring makipag-usap sa kanila dahil siya ay Katoliko. Pagkatapos nilang sabihin sa kaniya na nais nilang ipakipag-usap ang tungkol sa mga problema na napapaharap sa lahat, tulad ng pag-aabuso sa droga at mga suliranin sa pamilya, sumang-ayon siyang makinig.
Malamig ang naging pagtanggap ng isang matandang babaing tagaroon sa isang mag-asawang Saksi. Sinabihan niya silang umalis na at makipag-usap na lamang sa mga tao sa kontinente na napakalupit sa iba. Sinabi sa kaniya ng mag-asawa na iniaalok sa lahat ang mensahe ng “mabuting balita ng kaharian” at na ang kanilang layunin sa pagpunta sa isla ay upang dumalo sa isang asamblea na tutulong sa lahat na mapalago ang pag-ibig sa Diyos. (Mateo 24:14) Tinanong nila siya kung masisiyahan siyang mabuhay nang mahaba sa malaparaisong mga kalagayan, katulad niyaong sa isla ngunit walang sakit at kamatayan. Pagkatapos nilang mangatuwiran sa kaniya hinggil sa kung gaano karaming taon nang umiiral ang mga bunganga ng bulkan sa isla, binulay-bulay niya ang kaiklian ng buhay at nagtanong: “Bakit nabubuhay lamang tayo nang gayon kaikling panahon?” Nagulat siya nang mabasa niya ang Awit 90:10.
Sa sandaling iyon, biglang nakarinig ang mga Saksi ng sigaw mula sa kabilang pinto. Bagaman hindi nila nauunawaan ang sigaw, sinabi sa kanila ng babae na sumisigaw ng mga pang-iinsulto ang mga kapitbahay at kanilang ipinakikita na ayaw nilang padalaw sa mga Saksi. Gayunman, ang babaing ito ang siyang nua, o panganay na anak na babae sa pamilya. Mula nang mamatay ang kaniyang ama, pananagutan na niyang magpasiya kung ano ang pinakamabuti sa pamilya. Sa harap ng kaniyang mga kamag-anak, ipinagtanggol niya ang mga kapatid na ginagamit ang kaniyang katutubong wika at may-kabaitang tinanggap ang mga publikasyong inialok sa kaniya. Di-nagtagal noong linggong iyon, nang madaanan niya ang mga Saksi habang nakasakay siya sa kotse, pinahinto niya ang kotse sa kaniyang kapatid na lalaki. Bagaman labag sa kalooban ng kaniyang kapatid na lalaki, nagpaalam ang babae sa mga kapatid at nagsabi na hangad niyang magtagumpay sila sa kanilang ministeryo.
Bagaman sa simula ay waring tinatanggihan ng mga tagaisla ang mensaheng ipinangangaral ng mga Saksi mula sa kontinente, naging maliwanag sa mga bisita na ang mga taga-Rapa Nui ay likas na mababait at palakaibigan. Ang karamihan sa kanila ay malugod na nakinig sa mabuting balita. Sa katunayan, 6 sa 20 Saksi na nabautismuhan sa isla ay mga tagaroon. Ang isa rito ay natuto ng katotohanan sa Bibliya sa pamamagitan ng pakikinig sa isang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos sa kaniyang asawang babae mula sa kalapit na silid. Siya at ang kaniyang asawa ay mga bautisadong Saksi na ngayon, at siya ay isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Nagpatuloy ang Espirituwal na Programa
Pagkatapos mananghalian, nagsimula na ang programa sa ikalawang araw. Minsan pa, ang 32 lokal na mga kapatid at ang 33 delegado ay sinamahan ng ilang interesadong tao. Halos isang daan ang nakinig sa programa, pati na sa pahayag pangmadla na “Kung Paano Dinaraig ng Pag-ibig at Pananampalataya ang Sanlibutan.” Sa katunayan, nakikita niyaong mga dumalo ang buháy na katibayan ng pag-ibig na umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova, maging sa gitna niyaong mga may iba’t ibang kultura.—Juan 13:35.
Sa panahon ng pansirkitong asamblea, nagdaos ng pantanging sesyon ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito kasama ng mga ministrong payunir. Ang tatlong regular pioneer sa isla ay sinamahan ng mga delegado na mga regular at special pioneer. Ang lahat ay lubhang napatibay.
Kinabukasan, ipinasyal ng ilan sa lokal na mga kapatid na nagsilbing mga giya ang mga delegado sa palibot ng isla. Pinuntahan nila ang tibagan ng mga bato kung saan inuukit ang moai, gayundin ang mga bulkan kung saan idinaraos ang sinaunang mga paligsahan at, siyempre pa, ang magandang dalampasigan ng Anakena na may ginintuang buhangin, kung saan dumaong ang unang mga nanirahan dito.Ang huling pagkakataon na nakasama ang lokal na mga kapatid ay sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Pagkatapos ng pulong, sinorpresa ng lokal na mga Saksi ang kanilang mga panauhin sa pamamagitan ng paghahanda ng tipikal na pagkain doon. Di-nagtagal, habang suot ang kanilang kostiyum, itinanghal nila ang isang magandang katutubong sayaw. Ang mga delegado, gayundin ang mga kapatid sa Rapa Nui, ay nakatitiyak na ang ginawang mga pagsisikap upang ihanda ang asamblea ay sulit na sulit.
Lubhang napamahal sa lahat ng dumating bilang mga delegado ang kanilang nakabukod na mga kapatid, na nakasama nila sa loob ng isang kapana-panabik na sanlinggo. Naging mahirap ang paglisan sa isla. Lagi nilang maiisip ang kanilang bagong mga kaibigan at ang espirituwal na pampatibay-loob na natanggap nila. Sa paliparan, pinalamutian ng lokal na mga kapatid ang mga leeg ng mga delegado ng mga kabibeng kuwintas na kanilang ginawa.
Habang papaalis ang mga delegado, nangako sila: “Iorana! Iau he hoki mai e Rapa Nui ee,” na nangangahulugang: “Paalam! Babalikan kita, Rapa Nui.” Oo, nananabik silang bumalik upang dalawin ang kanilang bagong mga kaibigan at espirituwal na kapamilya sa pambihira, liblib, mahiwaga, at palakaibigang Easter Island!
[Mga talababa]
^ par. 4 Tingnan ang Hunyo 22, 2000 ng Gumising!, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 27 Sa bunganga ng bulkang Rano Raraku ay masusumpungan ang maraming inskripsiyon sa mga bato. Nagsisimula sa Rano Kau ang isang paligsahan para sa mga nagnanais mamahala sa isla. Kasali sa paligsahang ito ang pagbaba sa dalisdis, paglangoy tungo sa isa sa maliliit na isla, pagkuha ng isang itlog ng isang lokal na ibon, paglangoy pabalik sa pangunahing isla, at pag-akyat muli sa dalisdis na dala ang di-nabasag na itlog.
[Kahon sa pahina 24]
Pagpapatotoo sa Easter Island
Mga dalawang taon bago ang di-malilimutang asambleang ito, isang tagapangasiwa ng sirkito kasama ng kaniyang asawa ang dumalaw sa isla at nagkaroon ng maraming magagandang karanasan. Halimbawa, gunigunihin ang pagkagulat nila nang ipaalaala sa kanila ng kapatid na babae na naghatid sa kanila sa kanilang tuluyan na pinagdausan pala nila siya ng pag-aaral sa Bibliya sa timugang Chile noong siya ay tin-edyer mga 16 na taon na ang nakalilipas. Nang maglaon, namunga ang binhing iyon sa Rapa Nui.
Nagkaroon din sila ng nakatutuwang karanasan na gaya nito: Ang may-ari ng isang tindahan ng subenir ay tumanggap ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan at ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na kapuwa inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Nang bumalik sila upang dalawin siya, sinabi niya sa kanila na hindi niya mabasa ang Bibliya. Ang naiwan pala nilang Bibliya sa kaniya ay limbag sa wikang Pranses, hindi sa wikang Kastila! Agad namang nalutas ang problema, at nasumpungan ng may-ari ng tindahan sa tulong ng lokal na mga Saksi at, siyempre pa, ng Bibliya sa sarili niyang wika na hindi pala mahirap unawain ang Bibliya.
[Mapa sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
EASTER ISLAND
CHILE
[Mga larawan sa pahina 23]
Dalawa sa mga nabautismuhan sa pansirkitong asamblea
[Mga larawan sa pahina 25]
Dalisdis ng bulkang Rano Raraku; nakasingit na larawan: Lumalaki sa isla ang ligáw na prutas na tinatawag na “guayaba”