Lumalago ang Tunay na Kristiyanismo
Lumalago ang Tunay na Kristiyanismo
NAGKAROON ng malaking epekto ang ministeryo ni Jesu-Kristo sa daigdig noong unang siglo. Ang mensahe niya ay nakapagpapalakas, nakapagbibigay-liwanag, nakagaganyak sa paraang nakapagpamangha sa mga tao. Marami sa mga nakarinig sa kaniyang magsalita ay lubhang naantig sa mga salita niya.—Mateo 7:28, 29.
Lakas-loob na tinanggihan ni Jesus na masangkot sa mapaniil na eklesyastikal at pulitikal na mga sistema noong panahon niya ngunit madali siyang lapitan ng pangkaraniwang tao. (Mateo 11:25-30) Hayagan niyang kinilala ang laganap na impluwensiya ng balakyot na mga espiritu sa lupa at itinanghal ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan sa kanila. (Mateo 4:2-11, 24; Juan 14:30) Mahusay na niliwanag ni Jesus ang saligang kaugnayan ng paghihirap at kasalanan, at maibigin niyang itinuon ang pansin sa Kaharian ng Diyos bilang namamalaging lunas. (Marcos 2:1-12; Lucas 11:2, 17-23) Minsan at magpakailanman niyang inalis ang talukbong ng kadilimang matagal nang nagkubli sa tunay na personalidad ng kaniyang Ama, anupat inihayag ang pangalan ng Diyos sa lahat ng tao na interesadong magkaroon ng personal na kaugnayan sa Kaniya.—Juan 17:6, 26.
Kung gayon, hindi nakapagtataka na sa kabila ng matinding relihiyoso at pulitikal na pag-uusig, mabilis na naipalaganap ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang dinamikong mensahe. Sa loob lamang ng humigit-kumulang na 30 taon, naitatag ang aktibong mga kongregasyong Kristiyano sa Aprika, Asia, at Europa. (Colosas 1:23) Naliwanagan sa simpleng mga katotohanan na itinuro ni Jesus ang puso ng mga taong mapagpakumbaba at matuwid sa buong Imperyo ng Roma.—Efeso 1:17, 18.
Gayunman, paano magsasama-sama ang lahat ng bagong mga alagad na ito mula sa magkakaibang pinagmulan ng kabuhayan, kultura, wika, at relihiyon sa tunay na nagkakaisang “isang pananampalataya,” gaya ng tawag ni apostol Pablo rito? (Efeso 4:5) Ano ang tutulong sa kanilang “magsalita nang magkakasuwato” upang hindi magkawatak-watak? (1 Corinto 1:10) Dahil sa malubhang kawalan ng pagkakaisa sa gitna ng nag-aangking mga Kristiyano sa ngayon, makabubuting suriin kung ano ang itinuro mismo ni Jesus.
Ang Saligan ng Kristiyanong Pagkakaisa
Noong nililitis siya sa harap ni Poncio Pilato, tinukoy ni Jesus ang saligan ng Kristiyanong pagkakaisa. Sinabi niya: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Kung gayon, ang pagtanggap sa mga turo ni Jesus at sa iba pang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay may mapuwersa at nagbubuklod na impluwensiya sa tunay na mga alagad ni Kristo.—1 Corinto 4:6; 2 Timoteo 3:16, 17.
Juan 16:12, 13) Kung gayon, tutulungan ng banal na espiritu ng Diyos ang tunay na mga alagad ni Jesus upang maunawaan ang katotohanan habang unti-unti itong isinisiwalat ng Diyos. Magluluwal ang espiritung iyon ng mga bunga, tulad ng pag-ibig, kagalakan, at kapayapaan, na magtataguyod din naman ng pagkakaisa sa gitna nila.—Gawa 15:28; Galacia 5:22, 23.
Sabihin pa, nagkaroon paminsan-minsan ng taimtim na mga tanong at di-pagkakasundo sa gitna ng mga alagad ni Jesus. Ano ang tutulong sa kanila? Nagpaliwanag si Jesus: “Kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan, sapagkat hindi siya magsasalita udyok ng kaniyang sarili, kundi anumang bagay ang kaniyang marinig ay sasalitain niya, at ipahahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating.” (Hindi ipinahintulot ni Jesus ang di-pagkakasundo o mga pagpapangkat-pangkat sa gitna ng kaniyang mga alagad; ni pinagkalooban man niya sila ng awtoridad upang muling bigyan ng kahulugan ang mga katotohanan sa Bibliya sa layuning bigyang-daan ang mga pangkultura at relihiyosong mga tradisyon ng mga taong makakausap nila. Sa halip, sa huling gabi na kasama niya sila, marubdob siyang nanalangin: “Humihiling ako, hindi lamang may kinalaman sa mga ito, kundi may kinalaman din sa mga nananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, upang sila rin ay maging kaisa natin, upang ang sanlibutan ay maniwala na isinugo mo ako.” (Juan 17:20, 21) Kung gayon, ang tunay na pagkakaisa sa espiritu at katotohanan ang pagkakakilanlang tanda ng mga alagad ni Kristo mula sa simula hanggang sa ating panahon. (Juan 4:23, 24) Magkagayunman, ang mga simbahan sa ngayon ay hindi nagkakaisa, kundi nagkakabaha-bahagi. Bakit nagkagayon?
Kung Bakit Nagkakabaha-bahagi ang mga Simbahan
Ang prangkang paliwanag sa napakalaking pagkakaiba-iba ng mga paniniwala at kaugalian ng nag-aangking mga Kristiyano sa ngayon ay ang hindi nila panghahawakan sa mga turo ni Jesus. Napansin ng isang manunulat: “Gaya noong nakalipas na panahon, kinukuha sa Bibliya ng bagong mga Kristiyano sa ngayon kung ano ang bagay sa kanilang pangangailangan—at ipinagwawalang-bahala kung ano ang hindi kasuwato ng sarili nilang katutubong relihiyosong mga tradisyon.” Ito mismo ang inihula ni Jesus at ng kaniyang mga apostol na mangyayari.
Halimbawa, sa ilalim ng pagkasi ay isinulat ni apostol Pablo sa kaniyang kapuwa tagapangasiwa na si Timoteo: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo.” Maililigaw ba ang lahat ng mga Kristiyano? Hindi. Nagpatuloy si Pablo: “Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:3-5; Lucas 21:8; Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1-3) Namuhay na kaayon ng kinasihang payong iyan si Timoteo at ang iba pang tapat na mga Kristiyano.
Nagkakaisa Pa Rin ang Tunay na mga Kristiyano
Tulad ni Timoteo, pinananatili ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang kanilang katinuan sa pamamagitan ng pagtatakwil sa pangangatuwiran ng tao at pagtanggap lamang sa awtoridad ng Kasulatan para sa kanilang mga paniniwala sa doktrina. (Colosas 2:8; 1 Juan 4:1) Bilang pagtulad sa mga Kristiyano noong unang siglo, isinasakatuparan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ministeryo sa mahigit na 230 lupain, anupat inihahatid ang orihinal na mensahe ni Jesus, ang mabuting balita ng Kaharian, sa mga tao sa lahat ng dako. Isaalang-alang ang apat na paraan kung paano nagkakaisa nilang tinutularan si Jesus at isinasagawa ang tunay na Kristiyanismo saanman sila nakatira.
Salig sa Salita ng Diyos ang kanilang mga paniniwala. (Juan 17:17) Ganito ang isinulat ng isang kura paroko sa Belgium tungkol sa kanila: “Ang isang bagay na matututuhan natin mula sa kanila [mga Saksi ni Jehova] ay ang kanilang pagiging handang makinig sa Salita ng Diyos at ang kanilang lakas ng loob na magpatotoo hinggil dito.”
Umaasa sila sa Kaharian ng Diyos bilang lunas sa pangglobong mga suliranin. (Lucas 8:1) Sa Barranquilla, Colombia, nakausap ng isang Saksi si Antonio, isang mahigpit na tagapagtaguyod ng pulitikal na kilusan. Hindi pumanig sa kaniya ang Saksi, ni itinaguyod man nito ang iba pang pulitikal na ideolohiya. Sa halip, inalok niyang makipag-aral ng Bibliya nang walang bayad si Antonio at ang kaniyang mga kapatid na babae. Di-nagtagal at natanto ni Antonio na ang Kaharian ng Diyos pala ang talagang tanging pag-asa ng taong mahihirap sa Colombia at sa iba pang bahagi ng daigdig.
Pinararangalan nila ang pangalan ng Diyos. (Mateo 6:9) Nang unang makausap ng mga Saksi ni Jehova si Maria, isang taimtim na Katoliko na nakatira sa Australia, hinayaan niyang ipakita sa kaniya ng mga Saksi ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Paano siya tumugon? “Nang una kong makita ang pangalan ng Diyos sa Bibliya, tumangis ako. Lubha akong naantig ng pagkaalam na maaari kong aktuwal na alamin at gamitin ang personal na pangalan ng Diyos.” Nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya si Maria, at sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay, nakilala niya si Jehova bilang isang persona at nakapagtatag ng isang namamalaging kaugnayan sa kaniya.
Pinagkakaisa sila ng pag-ibig. (Juan 13:34, 35) Nagkomento ang editoryal sa The Ladysmith-Chemainus Chronicle, sa Canada: “Anuman ang relihiyosong paniniwala mo, o wala ka man nito, dapat mong papurihan ang 4,500 Saksi ni Jehova na walang-tigil na nagpagal nitong nakaraang isa’t kalahating linggo upang magtayo ng 2,300-metro-kuwadradong Assembly Hall sa Cassidy . . . Ang paggawa nito nang maluwag sa kalooban at walang pagtatalo, di-pagkakasundo o paghahangad ng personal na kaluwalhatian ay isang tanda ng tunay na Kristiyanismo.”
Kaya isaalang-alang ang katibayan. Habang patuloy na kinakaharap ng mga teologo, misyonero, at mga nagsisimba sa Sangkakristiyanuhan ang napipintong unos ng kontrobersiya sa kanilang simbahan, lumalago naman sa buong daigdig ang tunay na Kristiyanismo. Sa katunayan, isinasakatuparan ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang iniatas na ministeryo ng pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kung isa ka sa mga “nagbubuntunghininga at dumaraing” dahil sa karima-rimarim na mga bagay na nagaganap ngayon at nababagabag sa kawalan ng pagkakaisa sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, inaanyayahan ka naming sumama sa mga Saksi ni Jehova sa nagkakaisang Kristiyanong pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova.—Ezekiel 9:4; Isaias 2:2-4.