Pinalakas Ako ng Makadiyos na Pagkakontento
Pinalakas Ako ng Makadiyos na Pagkakontento
AYON SA SALAYSAY NI BENJAMIN IKECHUKWU OSUEKE
Di-nagtagal pagkatapos kong makibahagi nang lubusan sa ministeryong Kristiyano, dumalaw ako sa tahanan ng aking mga magulang. Pagkakita niya sa akin, sinunggaban ng tatay ko ang aking kamisadentro at nagsimulang sumigaw, “Magnanakaw!” Kinuha niya ang kaniyang sable at inihampas sa akin ang lapad na panig nito. Palibhasa’y nabulahaw dahil sa ingay, nagpuntahan sa aming bahay ang iba pang taganayon. Ano ang ninakaw ko? Hayaan mong ipaliwanag ko.
IPINANGANAK ako noong 1930 sa nayon ng Umuariam sa timog-silangan ng Nigeria, at ako ang panganay sa pitong anak. Ang pinakamatandang kapatid kong babae ay namatay sa edad na 13. Anglikano ang aking mga magulang. Magsasaka si Itay, at may maliit namang negosyo si Inay. Naglalakad siya patungo sa lokal na mga pamilihan na mga 30 kilometro ang layo mula sa aming nayon upang bumili ng isang balde ng langis ng palma at bumabalik sa bandang hapon ng araw ring iyon. Pagkatapos, maaga kinabukasan, naglalakad siya patungo sa isang istasyon ng tren sa bayan na mga 40 kilometro ang layo upang ibenta ang langis. Kapag tumubo siya, karaniwan nang hindi hihigit sa mga 15 cent (U.S.), bumibili siya ng pagkain para sa pamilya at umuuwi sa araw ring iyon. Iyan ang rutin niya sa loob ng halos 15 taon hanggang sa mamatay siya noong 1950.
Nagsimula akong mag-aral sa aming nayon sa isang paaralang pinangangasiwaan ng Simbahang Anglikano, subalit upang magtapos sa elementarya, kailangan kong mangasera sa isang bahay na mga 35 kilometro ang layo. Yamang walang pera ang aking mga magulang upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral, naghanap ako ng trabaho. Sa simula ay nagtrabaho ako bilang isang katulong sa bahay ng isang guwardiya sa kompanya ng tren sa Lagos, kanluran ng Nigeria, at pagkaraan ay sa isang empleado ng gobyerno sa Kaduna, sa hilaga ng Nigeria. Sa Lunsod ng Benin, sa gitnang
kanluran ng Nigeria, nakasumpong ako ng trabaho bilang isang klerk ng isang abogado, at nang maglaon ay pumasok ako bilang isang trabahador sa isang lagarian. Mula roon ay naglakbay ako patungong Cameroon noong 1953 upang tumira sa aking pinsan na tumulong sa aking makasumpong ng trabaho sa isang taniman ng puno ng goma. Ang sahod ko sa isang buwan ay mga siyam na dolyar (U.S.). Mababa lamang ang uri ng trabaho ko, subalit kontento na ako basta may sapat akong makakain.Isang Dukha na Nagbigay ng Espirituwal na Kayamanan
Si Silvanus Okemiri, na isang kamanggagawa, ay Saksi ni Jehova. Ginamit niya ang bawat pagkakataon upang ibahagi sa akin ang kaalaman niya sa Bibliya samantalang nagpuputol kami ng damo at naglalagay ng pataba sa palibot ng mga puno ng goma. Bagaman nakikinig ako sa kaniya, hindi ako kumilos ayon sa narinig ko. Gayunman, nang malaman ng pinsan ko na nakikipag-ugnayan ako sa mga Saksi, ginawa niya ang lahat ng magagawa niya upang hadlangan ako. Binabalaan niya ako: “Benji, huwag kang dumalaw kay Ginoong Okemiri. Naniniwala siya kay Jehova at isang dukha. Ang sinumang nakikisama sa kaniya ay magiging gaya niya.”
Noong unang mga buwan ng 1954, palibhasa’y hindi ko na mabata ang mahirap na mga kalagayan sa pagtatrabaho sa kompanya, umuwi ako sa bahay. Noong panahong iyon, ang Simbahang Anglikano ay mahigpit hinggil sa moral na mga pamantayan. Lumaki ako na nasusuklam sa imoralidad. Subalit di-nagtagal, nasuklam ako sa pagpapaimbabaw ng mga kapuwa ko nagsisimba. Bagaman mariin nilang sinasabi na sinusunod nila ang mga pamantayan ng Bibliya, sinasalungat naman ng kanilang istilo ng buhay ang kanilang mga pag-aangkin. (Mateo 15:8) Paulit-ulit kaming nagtalo ni Itay, na lubhang nagpaigting sa aming ugnayan. Isang gabi, basta na lamang ako umalis ng bahay.
Lumipat ako sa Omoba, isang maliit na bayan na may kompanya ng tren. Doon ay muli akong nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Binigyan ako ni Priscilla Isiocha, na kakilala ko na noon sa aming nayon, ng mga buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian” at Pagkaraan ng Armagedon—Ang Bagong Sanlibutan ng Diyos. * Buong-pananabik ko itong binasa, anupat kumbinsido akong nasumpungan ko na ang katotohanan. Hindi namin pinag-aaralan ang Bibliya sa aming simbahan; nakatuon ang aming pansin sa mga tradisyon ng tao. Gayunman, ang literatura ng mga Saksi ay madalas na sumisipi sa Bibliya.
Pagkaraan ng wala pang isang buwan, tinanong ko sina Brother at Sister Isiocha kung anong araw sila nagpupunta sa kanilang simbahan. Nang dumalo ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon, wala akong naintindihan. Ang artikulo sa Bantayan ay tungkol sa pagsalakay ni ‘Gog ng Magog,’ na binanggit sa makahulang aklat ni Ezekiel. (Ezekiel 38:1, 2) Hindi pamilyar sa akin ang maraming salita, subalit humanga ako sa mainit na pagtanggap sa akin anupat nagpasiya akong bumalik nang sumunod na Linggo. Noong ikalawang pulong, narinig ko ang tungkol sa pangangaral. Kaya tinanong ko si Priscilla kung anong araw sila nangangaral. Noong ikatlong Linggo, sumama ako sa kanila, na dala ang isang maliit na Bibliya. Wala akong bag na gamit sa pangangaral ni anumang literatura sa Bibliya. Gayunpaman, naging mamamahayag ako ng Kaharian at nag-ulat ng paglilingkod sa larangan noong katapusan ng buwan na iyon!
Walang nakipag-aral ng Bibliya sa akin, subalit kailanma’t dumadalaw ako sa mga Isiocha, natututo ako ng mga salita ng pananampalataya at nagtatamo ng pampatibay-loob mula sa Kasulatan at nakakakuha ako ng ilang literatura sa Bibliya. Noong Disyembre 11, 1954, sa isang pandistritong kombensiyon sa Aba, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ang pinsan ko na aking pinakikipanuluyan at pinaglilingkuran bilang isang aprentis ay hindi na naglaan ng pagkain at pagsasanay at hindi na ako binayaran kahit isang kusing sa mga trabahong ginawa ko para sa kaniya. Gayunman, wala akong hinanakit sa kaniya; nagpapasalamat lamang ako
na nagkaroon ako ng personal na kaugnayan sa Diyos. Ito ang nagbigay sa akin ng kaaliwan at kapayapaan ng isip. Tinulungan ako ng lokal na mga Saksi. Binigyan ako ng pagkain ng mga Isiocha, at ang iba naman ay nagpahiram sa akin ng pera upang makapagsimula ako ng isang maliit na negosyo. Noong kalagitnaan ng 1955, bumili ako ng segunda-manong bisikleta, at noong Marso 1956, nagsimula akong mag-regular pioneer. Di-nagtagal pagkatapos nito, nabayaran ko na ang aking mga utang. Kaunti lamang ang kinikita ko mula sa aking negosyo, subalit kaya ko na ngayong tustusan ang aking sarili. Ang inilalaan sa akin ni Jehova ay sapat na para sa akin.“Ninanakaw” ang Aking mga Kapatid
Nang magkaroon na ako ng sariling tirahan, ang unang naisip ko ay tulungan sa espirituwal na paraan ang aking mga kapatid. Dahil sa kaniyang pagtatangi at matinding paghihinala, sinalansang ni Itay ang aking pagiging Saksi. Kaya, paano ko matutulungan ang aking mga kapatid na matuto ng katotohanan sa Bibliya? Nag-alok akong suportahan ang aking nakababatang kapatid na si Ernest, kaya pumayag si Itay na tumira siya sa akin. Mabilis na tinanggap ni Ernest ang katotohanan at nabautismuhan siya noong 1956. Ang kaniyang pagbabago ay lalong nagpatindi sa pagsalansang ng aking ama. Sa kabila nito, ang aking kapatid na babae na may-asawa na ay napasakatotohanan din kasama ng kaniyang asawa. Nang isaayos ko na magbakasyon sa akin ang ikalawang kapatid kong babae, si Felicia, bantulot na pumayag si Itay. Di-nagtagal, si Felicia man ay nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova.
Noong 1959, umuwi ako upang kunin si Bernice, ang aking ikatlong kapatid na babae, para tumira siya kasama ni Ernest. Iyan ang pagkakataong sinalakay ako ni Itay, na inaakusahan akong ninanakaw ang kaniyang mga anak. Hindi niya naunawaan na sila ang personal na nagpasiyang maglingkod kay Jehova. Sumumpa si Itay na hinding-hindi niya papayagang sumama sa akin si Bernice. Subalit hindi maikli ang kamay ni Jehova, sapagkat nang sumunod na taon, nagbakasyon si Bernice kay Ernest. Gaya ng kaniyang mga kapatid na babae, tinanggap niya ang katotohanan at nabautismuhan.
‘Natutuhan ang Lihim’
Noong Setyembre 1957, nagsimula akong maglingkod bilang isang special pioneer, na gumugugol ng mga 150 oras sa gawaing pangangaral sa bawat buwan. Kami ng kapareha ko, si Sunday Irogbelachi, ay naglingkod sa malawak na teritoryo sa Akpu-na-abuo, Etche. Sa unang pansirkitong asambleang dinaluhan namin samantalang naroon kami, 13 katao mula sa aming grupo ang nabautismuhan. Tuwang-tuwa kaming makita ngayon ang 20 kongregasyon sa lugar na iyon!
Noong 1958, nakilala ko si Christiana Azuike, isang regular pioneer na nakaugnay sa Kongregasyon ng Aba East. Humanga ako sa kaniyang sigasig, at noong Disyembre ng taóng iyon, kami’y nagpakasal. Noong unang mga buwan ng 1959, naatasan ako bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw at nagpapatibay sa mga kongregasyon ng aming espirituwal na mga kapatid. Mula noon hanggang 1972, kaming mag-asawa ay dumalaw sa halos lahat ng mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa silangan at gitnang kanluran ng Nigeria.
Magkakalayo ang mga kongregasyon, at ang bisikleta ang aming pangunahing paraan ng transportasyon. Kapag naglilingkod kami sa mga kongregasyon sa malalaking bayan, umaarkila ng taksi ang mga kapatid namin upang ihatid kami sa susunod na kongregasyon. Sa ilang kalagayan, ang mga silid na tinutuluyan namin ay lupa ang sahig at walang kisame. Natutulog kami sa mga higaang yari sa tingting. Ang ilang higaan ay may mga kutson na yari sa damo na sinapnan ng banig; ang iba naman ay walang mga kutson. Hindi problema sa amin ang dami at uri ng pagkain. Palibhasa’y natutuhan namin noon na maging kontento sa kaunting mga pangangailangan, nasisiyahan kami anumang pagkain ang inilalaan, at lubhang pinahahalagahan iyan ng aming mga tinutuluyan. Ang ilang lunsod ay walang kuryente noong mga panahong iyon, kaya lagi naming dala ang aming gasera. Subalit sa kabila ng mahihirap na kalagayan, marami kaming kasiya-siyang panahon kasama ng mga kongregasyon.
Noong mga taóng iyon, natanto namin ang kahalagahan ng paalaala ni apostol Pablo: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Sa pamamagitan ng kapighatian, natutuhan ni Pablo ang lihim na nakatulong sa kaniya upang manatiling kontento. Ano ba iyon? Nagpaliwanag siya: “Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom, kapuwa kung paano magkaroon ng kasaganaan at kung paano magtiis ng kakapusan.” Natutuhan din namin ang lihim na iyon. Sinabi rin ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya [ang Diyos] na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:12, 13) Totoong-totoo iyan sa aming kalagayan! Pinagpala kaming makaranas ng pagkakontento, ng lubos na nakapagpapatibay na mga gawaing Kristiyano, at kapayapaan ng isip.
Paglilingkod sa mga Kongregasyon Bilang Isang Pamilya
Noong huling mga buwan ng 1959, isinilang ang aming panganay na anak, si Joel, at noong 1962, sumunod ang ikalawang anak na lalaki, si Samuel. Kami ni Christiana ay nagpatuloy sa gawaing paglalakbay, anupat dumadalaw sa mga kongregasyon na kasama ang mga bata. Noong 1967, sumiklab ang gera sibil sa Nigeria. Isinara ang mga paaralan dahil sa walang-tigil na mga pagsalakay sa himpapawid. Ang aking asawa ay isang guro bago siya sumama sa akin sa gawain ko bilang naglalakbay na tagapangasiwa, kaya noong panahon ng digmaan, tinuruan niya ang mga bata sa bahay. Sa gulang na anim na taon, marunong nang bumasa’t sumulat si Samuel. Nang pumasok siya sa paaralan pagkatapos ng digmaan, nauna siya nang dalawang grado sa kaniyang mga kaedad.
Nang panahong iyon, hindi namin lubusang natatalos ang mga problema sa pagpapalaki ng mga anak samantalang kami’y nagpapatuloy sa gawaing paglalakbay. Gayunman, naging kapaki-pakinabang sa amin nang maatasan kaming maglingkod bilang mga special pioneer noong 1972. Nagpahintulot ito sa amin na manatili sa isang lugar upang mabigyan namin ng sapat na pansin ang espirituwalidad ng aming pamilya. Sa pasimula pa lamang, itinuro namin sa aming mga anak ang kahalagahan ng makadiyos na pagkakontento. Noong 1973, nabautismuhan si Samuel, at si Joel naman ay nag-regular pioneer nang taon ding iyon. Ang aming dalawang anak na lalaki ay kapuwa nag-asawa ng mahuhusay na babaing Kristiyano at ngayo’y nagpapalaki ng kanilang mga anak sa katotohanan.
Ang Kahapisang Dulot ng Alitang Sibil
Nang sumiklab ang gera sibil, naglilingkod ako sa isang kongregasyon sa Onitsha bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, kasama ng aking pamilya. Lalo pang ikinintal sa akin ng digmaang iyon ang kawalang-saysay ng pagkakamal ng materyal na mga bagay o pagtitiwala sa mga ito. Nakita ko ang mga taong tumatakas upang iligtas ang kanilang buhay—anupat iniiwan ang kanilang mahahalagang pag-aari sa mga lansangan.
Habang tumitindi ang digmaan, kinalap sa pagsusundalo ang mga lalaking may malalakas na pangangatawan. Maraming kapatid na tumangging magpatala ang pinahirapan. Hindi kami makakilos nang malaya. Nagdulot ng malaking kaguluhan sa lupain ang kakapusan sa pagkain. Ang presyo ng kalahating kilo ng kamoteng-kahoy ay tumaas mula 7 cent tungo sa 14 na dolyar (U.S.) at ang isang tasa ng asin mula sa 8 dolyar tungo sa 42 dolyar (U.S.). Naubos ang gatas, mantikilya, at asukal. Upang mabuhay, giniling namin ang papayang hilaw at inihalo ito sa kaunting harina ng kamoteng-kahoy. Kumain din kami ng tipaklong, balat ng kamoteng-kahoy, dahon ng gumamela, isang uri ng damo—anumang dahon na aming masumpungan. Mahal ang karne, kaya nanghuli ako ng bayawak upang makain ng mga bata. Sa kabila nito, kahit na hindi kanais-nais ang mga bagay-bagay, si Jehova ay laging naglalaan para sa amin.
Gayunman, mas mapanganib pa ang espirituwal na gutom na dulot ng digmaan. Ang karamihan sa mga kapatid ay lumikas mula sa lugar ng digmaan tungo sa kagubatan o sa iba pang mga nayon, at sa paggawa nito, naiwala nila ang karamihan o baka ang lahat pa nga ng kanilang mga publikasyon sa Bibliya. Bukod pa riyan, hindi rin makapasok ang bagong mga literatura sa Bibliya sa nasasakupan ng
Biafra dahil sa paghadlang ng mga hukbo ng pamahalaan. Bagaman sinikap ng karamihan ng mga kongregasyon na magdaos ng mga pulong, naapektuhan ang espirituwalidad ng mga kapatid dahil hindi makarating sa kanila ang tagubilin mula sa tanggapang pansangay.Pagdaig sa Espirituwal na Pagkagutom
Ginawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang lahat ng kanilang makakaya upang ipagpatuloy ang kaayusan na pagdalaw sa bawat kongregasyon. Yamang maraming kapatid ang lumikas sa mga bayan, hinanap ko sila saanman sila masusumpungan. Minsan, iniwan ko ang aking asawa at mga anak sa isang ligtas na dako at naglakbay akong mag-isa sa loob ng anim na linggo, na dumadalaw sa iba’t ibang nayon at mga kagubatan sa paghahanap sa mga kapatid.
Samantalang naglilingkod sa isang kongregasyon sa Ogbunka, narinig ko na may malaking grupo ng mga Saksi na malapit sa lunsod ng Isuochi sa distrito ng Okigwe. Kaya inihabilin ko na ipasa sa mga kapatid sa lugar na iyon ang mensahe na magtipon sa isang taniman ng kasoy na nasa nayon ng Umuaku. Kami ng isang may-edad nang kapatid na lalaki ay sumakay sa aming mga bisikleta at naglakbay nang mga 15 kilometro patungo sa taniman, kung saan nagkatipon ang mga 200 Saksi, pati na ang mga kababaihan at mga bata. Sa tulong ng isang sister na pioneer, natagpuan ko ang isa pang grupo ng mga sandaang Saksi, na nanganlong sa mga palumpong sa kagubatan ng Lomara.
Si Lawrence Ugwuegbu ay kabilang sa grupo ng mga kapatid na malalakas ang loob na nakatira sa bayan ng Owerri na ginigiyagis ng digmaan. Sinabihan niya ako na maraming Saksi sa lugar ng Ohaji. Hindi sila makakilos nang malaya, sapagkat nasakop ng mga sundalo ang lugar na iyon. Kaming dalawa ay sumakay sa aming mga bisikleta sa kadiliman ng gabi at nakipagtagpo sa mga 120 Saksi sa bakuran ng isang kapatid na lalaki. Ginamit din namin ang pagkakataong iyon upang dalawin ang iba pang mga Saksi sa kanilang mga pinagtataguan.
Isinapanganib ni Brother Isaac Nwagwu ang kaniyang buhay upang tulungan akong hanapin ang iba pang naitaboy na mga kapatid. Tinawid namin ang Ilog Otamiri sakay ng bangka upang makipagtagpo sa mahigit na 150 Saksi na nagkatipon sa Egbu-Etche. Isang brother na tagaroon ang napabulalas: “Ito na ang pinakamagandang araw sa buhay ko! Hindi ko iniisip na makakakita pa akong muli ng isang tagapangasiwa ng sirkito. Kung mamamatay ako ngayon sa kasagsagan ng digmaang ito, masaya na ako.”
Nanganganib akong makalap sa pagsusundalo, subalit paulit-ulit kong nadama ang proteksiyon ni Jehova. Isang hapon, habang pabalik ako sa aking tinutuluyan pagkatapos kong makipagkita sa mga 250 kapatid, pinahinto ako ng isang grupo ng mga kumandong militar sa isang barikada. “Bakit hindi ka sumali sa hukbo?” ang tanong nila. Ipinaliwanag ko na isa akong misyonero na nangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos. Natanto ko na determinado silang arestuhin ako. Pagkatapos ng isang mabilis at tahimik na panalangin, sinabi ko sa kanilang kapitan, “Pakisuyo, palayain ninyo ako.” Nakapagtataka, siya ay tumugon, “Sinasabi mo bang dapat ka naming palayain?” “Opo,” ang sagot ko, “palayain ninyo ako.” Sinabi niya, “Malaya ka nang umalis.” Wala nang sinabi pa ang mga sundalo.—Awit 65:1, 2.
Nagdadala ng Higit na mga Pagpapala ang Pagkakontento
Nang matapos ang digmaan noong 1970, nagpatuloy ako sa paglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng sirkito. Isang pribilehiyo na tumulong upang muling organisahin ang mga kongregasyon. Pagkatapos, kami ni Christiana
ay naglingkod bilang mga special pioneer hanggang noong 1976, nang minsan pa akong maatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito. Sa kalagitnaan ng taóng iyon, naatasan ako bilang tagapangasiwa ng distrito. Pagkaraan ng pitong taon, kaming mag-asawa ay inanyayahang maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria, ang aming kasalukuyang tahanan. Dito sa sangay, laging isang pinagmumulan ng malaking kagalakan para sa amin na muling makita ang mga kapatid na nakilala namin noong panahon ng gera sibil at noong iba pang panahon at may-katapatan pa ring naglilingkod kay Jehova.Sa nakalipas na mga taon, si Christiana ay naging isang kahanga-hangang alalay at matapat na kasama ko. Ang kaniyang positibo at determinadong espiritu, sa kabila ng pabalik-balik na mga problema sa kalusugan na tiniis niya mula noong 1978, ay nakatulong sa akin upang ako’y makapagpatuloy. Naranasan namin ang pagiging totoo ng mga salita ng salmista: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman.”—Awit 41:3.
Sa pagbabalik-tanaw sa mga taóng iyon ng teokratikong gawain, talagang nagpapasalamat ako kay Jehova sa kaniyang kamangha-manghang mga pagpapala. Sa pagiging kontento sa inilalaan niya, talagang masasabi ko na nakasumpong ako ng malaking kaligayahan. Ang kagalakan na makita ang aking mga kapatid, mga anak, at ang kani-kanilang pamilya na pawang naglilingkod kay Jehova kasama naming mag-asawa ay isang pagpapalang walang kapantay. Binigyan ako ni Jehova ng kasiyahan sa pagkakaloob sa akin ng mabunga at makabuluhang buhay. Walang isa man sa aking mga hangarin ang hindi natupad.
[Talababa]
^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Hindi na inililimbag ngayon.
[Kahon sa pahina 27]
Isang Napapanahong Kaayusan na Tumulong Upang Mapalakas ang Kapatiran
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, ang matinding poot sa pagitan ng etnikong mga grupo sa hilaga at silangan ng Nigeria ay humantong sa kaguluhan, paghihimagsik, katampalasanan, at etnikong karahasan. Ang mga pangyayaring ito ay labis na nagpahirap sa mga Saksi ni Jehova, na determinadong manatiling neutral sa labanan. Mga 20 sa kanila ang pinaslang. Ang karamihan ay nawalan ng lahat ng kanilang mga pag-aari.
Noong Mayo 30, 1967, humiwalay ang estado sa silangan ng Nigeria mula sa pederasyon, anupat nabuo ang Republika ng Biafra. Pinakilos ang hukbong pederal, at ipinatupad ang lubos na pagbarikada sa Biafra. Sumunod ang isang madugo at marahas na gera sibil.
Ang neutralidad ng mga Saksi ni Jehova sa Biafra ay naging dahilan upang maging mga tudlaan sila ng pagsalakay. Inilathala ng mga pahayagan ang matitinding komento, anupat pinukaw ang opinyon ng bayan laban sa kanila. Gayunman, tiniyak ni Jehova na ang kaniyang bayan ay tatanggap ng espirituwal na pagkain. Paano?
Maaga noong 1968, isang empleado ng gobyerno ang naatasan sa isang tungkulin sa Europa at ang isa pa ay naatasan sa pasilidad ng paliparan sa Biafra. Silang dalawa ay mga Saksi. Ang kanilang atas ay nagtalaga sa kanila sa magkabilang dulo na tanging nag-uugnay sa Biafra at sa daigdig sa labas. Nagboluntaryo ang dalawang Saksing ito sa mapanganib na atas ng pagdadala ng espirituwal na pagkain sa Biafra. Tumulong din sila sa paglalaan ng mga materyal na tulong sa ating napipighating mga kapatid. Patuluyang naisagawa ng dalawang kapatid ang mahalagang kaayusang ito sa buong panahon ng digmaan, na natapos noong 1970. Ang isa sa kanila ay nagsabi nang maglaon, “Ang kaayusang ito ay hindi maaaring iplano lamang ng mga tao.”
[Larawan sa pahina 23]
Noong 1956
[Larawan sa pahina 25]
Noong 1965, kasama ang aming mga anak, sina Joel at Samuel
[Larawan sa pahina 26]
Anong laking pagpapala na maglingkod kay Jehova bilang isang pamilya!
[Larawan sa pahina 27]
Sa ngayon, kami ni Christiana ay naglilingkod sa sangay sa Nigeria