Ang Hapunan ng Panginoon—Paano Ito Ipinagdiriwang?
Ang Hapunan ng Panginoon—Paano Ito Ipinagdiriwang?
SA PAGPAPALIWANAG tungkol sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo: “Tinanggap ko mula sa Panginoon yaong ibinigay ko rin sa inyo, na ang Panginoong Jesus, nang gabing ibibigay na siya, ay kumuha ng tinapay at, nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin ang ginawa niya may kinalaman sa kopa, pagkatapos niyang makapaghapunan, na sinasabi: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo. Patuloy ninyong gawin ito, sa tuwing iinumin ninyo ito, bilang pag-alaala sa akin.’ Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.”—1 Corinto 11:23-26.
Gaya ng sinasabi ni Pablo, pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon “nang gabing [si Jesus ay] ibibigay” ni Hudas Iscariote sa Judiong mga lider ng relihiyon na gumipit sa mga Romano na ibayubay si Kristo. Naganap ang hapunang iyon noong gabi ng Huwebes, Marso 31, 33 C.E. Namatay si Jesus sa isang pahirapang tulos noong Biyernes ng hapon, Abril 1. Sapagkat ang mga araw sa kalendaryong Judio ay mula sa gabi ng isang araw hanggang sa gabi ng susunod na araw, kapuwa ang Hapunan ng Panginoon at ang kamatayan ni Jesu-Kristo ay nangyari sa iisang araw—Nisan 14, 33 C.E.
Dapat na ‘patuloy itong gawin’ ng mga nakikibahagi sa tinapay at alak bilang pag-alaala kay Jesus. Ayon sa isa pang salin, sinabi ni Jesus: “Gawin ninyo ito bilang isang memoryal sa akin.” (1 Corinto 11:24, The Jerusalem Bible) Ang Hapunan ng Panginoon ay tinatawag ding ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Bakit Dapat Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus?
Ang sagot ay nakasalalay sa kung ano ang nauugnay sa kamatayan ni Jesus. Namatay si Jesus bilang ang pangunahing tagapagtaguyod ng soberanya ni Jehova. Sa gayo’y pinatunayan niyang isang sinungaling si Satanas sa pagpaparatang na naglilingkod lamang ang mga tao sa Diyos dahil sa mapag-imbot na mga motibo. (Job 2:1-5; Kawikaan 27:11) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal na tao, ‘ibinigay rin ni Jesus ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mateo 20:28) Nang magkasala si Adan sa Diyos, naiwala niya ang sakdal na buhay-tao at ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Subalit “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Tunay, “ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.
Sa gayon, ang kamatayan ni Jesu-Kristo ay nauugnay sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig—ang dakilang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa sangkatauhan sa pagbibigay ng kaniyang Anak at ang mapagsakripisyong pag-ibig na ipinakita ni Jesus sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng kaniyang buhay bilang tao. Dinadakila ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus ang dalawang kapahayagang ito ng pag-ibig. Yamang tayo ang tumanggap ng pag-ibig na ito, hindi ba tayo dapat magpasalamat dito? Ang isang paraan upang gawin ito ay sa pamamagitan ng pagdalo sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon.
Ang Kahulugan ng Tinapay at ng Alak
Nang pasimulan ang Hapunan ng Panginoon, gumamit si Jesus ng isang tinapay at isang kopa ng alak na pula bilang mga emblema, o mga sagisag. Kinuha ni Jesus ang tinapay, at “nang makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at sinabi: ‘Ito [ang tinapay] ay nangangahulugan ng aking katawan alang-alang sa inyo.’ ” (1 Corinto 11:24) Ang tinapay ay kailangang pagputul-putulin upang maipamahagi at makain sapagkat ito ay medyo malutong na tinapay na ginawa mula sa harina at tubig nang walang lebadura, o pampaalsa. Sa Kasulatan, ang lebadura ay sumasagisag sa kasalanan. (Mateo 16:11, 12; 1 Corinto 5:6, 7) Hindi makasalanan si Jesus. Samakatuwid, ang kaniyang sakdal na katawang tao ay nagsilbing isang angkop na haing pantubos para sa sangkatauhan. (1 Juan 2:1, 2) Anong pagkaangkup-angkop nga na ang tinapay na ginamit upang kumatawan sa walang-kasalanang katawan ni Kristo ay walang lebadura!
Nagpasalamat din si Jesus para sa kopa ng dalisay na alak na pula at nagsabi: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo.” (1 Corinto 11:25) Ang alak na pula sa kopa ay kumakatawan sa dugo ni Jesus. Kung paanong pinagtibay ng dugo ng inihaing mga toro at mga kambing ang tipang Kautusan sa pagitan ng Diyos at ng bansang Israel noong 1513 B.C.E., pinagtibay rin ng dugo ni Jesus na ibinuhos sa kamatayan ang bagong tipan.
Sino ang Makikibahagi?
Upang matiyak kung sino ang wastong makikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, kailangang maunawaan natin kung ano ang bagong tipan at kung sinu-sino ang kasama rito. Sinasabi ng Bibliya: “ ‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ni Jehova, ‘at makikipagtipan ako ng isang bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ni Juda . . . Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon. At ako ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan. . . . Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.’ ”—Jeremias 31:31-34.
Ginagawang posible ng bagong tipan ang isang pantanging uri ng kaugnayan sa Diyos na Jehova. Sa pamamagitan ng tipang ito, isang grupo ng mga tao ang naging kaniyang bayan at siya ang naging kanilang Diyos. Ang kautusan ni Jehova ay nakasulat sa loob nila, sa kanilang puso, at maging yaong mga hindi tuling Judio ay maaaring makasama sa bagong tipang kaugnayang ito sa Diyos. (Roma 2:29) Binabanggit ng manunulat ng Bibliya na si Lucas ang layunin ng Diyos na ‘ibaling ang Kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.’ (Gawa 15:14) Ayon sa 1 Pedro 2:10, “dati ay hindi [sila] bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” Tinutukoy sila ng Kasulatan bilang “Israel ng Diyos,” yaon ay, espirituwal na Israel. (Galacia 6:16; 2 Corinto 1:21) Kung gayon, ang bagong tipan ay isang tipan sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng espirituwal na Israel.
Noong huling gabing kasama niya ang kaniyang mga alagad, si Jesus mismo ay nakipagtipan din sa kanila. “Nakikipagtipan ako sa inyo,” ang sabi niya sa kanila, “kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian.” (Lucas 22:29) Ito ang tipan ukol sa Kaharian. Ang bilang ng di-sakdal na mga tao na dadalhin sa tipan ukol sa Kaharian ay 144,000. Pagkatapos buhaying muli tungo sa langit, mamamahala silang kasama ni Kristo bilang mga hari at mga saserdote. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4) Kung gayon, yaong mga nasa bagong tipan ng Diyos na Jehova ay nasa tipan din ukol sa Kaharian kay Jesu-Kristo. Sila lamang ang angkop na makibahagi sa mga emblema sa Hapunan ng Panginoon.
Paano nalalaman ng mga dapat makibahagi sa mga emblema ng Memoryal na sila’y may pantanging kaugnayan sa Diyos at mga kasamang tagapagmana ni Kristo? Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Ang [banal na] espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu [ating disposisyon ng kaisipan] na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.”—Roma 8:16, 17.
Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, pinapahiran ng Diyos ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo. Ito ang tumitiyak sa kanila na sila nga ang mga tagapagmana ng Kaharian. Ito ang nag-uudyok sa mga pinahirang Kristiyano na magtaglay ng makalangit na pag-asa. Minamalas nilang personal na kumakapit sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa makalangit na buhay. Karagdagan pa, handa nilang isakripisyo ang lahat ng bagay na kaugnay ng makalupang buhay, pati na ang buhay sa lupa at ang lahat ng mga kaugnayang pantao. Bagaman natatalos ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu na ang buhay sa makalupang Paraiso ay magiging kamangha-mangha, hindi ito ang kanilang pag-asa. (Lucas 23:43) Hindi iyon bunga ng maling relihiyosong mga pangmalas kundi dahil sa pagkilos ng espiritu ng Diyos, mayroon silang di-mababagong makalangit na pag-asa at samakatuwid ay angkop na makibahagi sa mga emblema ng Memoryal.
Ipagpalagay nang hindi lubusang nakatitiyak ang isang tao na siya ay kasama sa bagong tipan at sa tipan ukol sa Kaharian. Paano kung wala rin siyang patotoo ng espiritu ng Diyos na siya ay kasamang tagapagmana ni Kristo? Kung gayon, magiging mali para sa kaniya na makibahagi sa mga emblema ng Memoryal. Tunay, hindi malulugod ang Diyos kung sinasadya ng isang tao na ipakilala ang kaniyang sarili bilang isa na tinawag upang maging makalangit na hari at saserdote kung wala naman talaga siyang gayong pagtawag.—Roma 9:16; Apocalipsis 22:5.
Gaano Kadalas Ito Dapat Ipagdiwang?
Dapat bang ipagdiwang ang kamatayan ni Jesus linggu-linggo o marahil ay araw-araw pa nga? Buweno, pinasimulan ni Kristo ang Hapunan ng Panginoon at walang-katarungang ipinapatay siya noong Araw ng Paskuwa. Idinaraos minsan lamang sa isang taon, kung Nisan 14, ipinagugunita ng Paskuwa ang pagliligtas sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Exodo 12:6, 14; Levitico 23:5) Kaya ang kamatayan ni ‘Kristo na ating paskuwa’ ay dapat alalahanin minsan lamang sa isang taon, hindi linggu-linggo o araw-araw. (1 Corinto 5:7) Sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, sinusunod ng mga Kristiyano ang pamamaraang gaya ng ginawa ni Jesus nang pasimulan niya ito.
Ano, kung gayon, ang kahulugan ng mga pananalita ni Pablo: “Sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya”? (1 Corinto 11:26) Sa tekstong ito, ginamit ni Pablo ang isang salitang nangangahulugang “sa bawat pagkakataon na,” o “kailanman.” Kung gayon, sinasabi niya na kailanma’t nakikibahagi ang mga pinahirang Kristiyano sa mga emblema, ipinahahayag nila ang kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.
Aalalahanin ng mga pinahirang Kristiyano ang kamatayan ni Kristo “hanggang sa dumating siya.” Ang pagdiriwang nito ay magpapatuloy hanggang sa pagdating ni Jesus upang tanggapin ang kaniyang mga pinahirang tagasunod sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli tungo sa espiritung buhay sa panahon ng kaniyang “pagkanaririto.” (1 Tesalonica 4:14-17) Kasuwato ito ng mga salita ni Kristo sa 11 matatapat na apostol: “Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Juan 14:3.
Ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo?
Kailangan bang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal upang makinabang sa hain ni Jesus at tumanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa? Hindi. Walang ipinahihiwatig sa Bibliya na pagkatapos silang buhaying muli sa lupa, ang mga taong may takot sa Diyos na gaya nina Noe, Abraham, Sara, Isaac, Rebeka, Jose, Moises, at David ay makikibahagi sa mga emblemang ito. Gayunman, sila at ang lahat ng iba pa na nagnanais ng buhay na walang hanggan sa lupa ay kailangang manampalataya sa Diyos at kay Kristo at sa paglalaan ni Jehova na haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:36; 14:1) Para magkaroon ng buhay na walang hanggan, ikaw man ay kailangang manampalataya. Ang iyong pagkanaroroon sa taunang pagdiriwang ng kamatayan ni Kristo ay nagsisilbing paalaala sa iyo ng dakilang hain na iyon at dapat nitong pasidhiin ang iyong pagpapahalaga rito.
Idiniin ni apostol Juan ang kahalagahan ng hain ni Jesus nang sabihin niya: “Isinusulat ko sa inyo [mga kapuwa pinahiran] ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. At gayunman, kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi lamang para sa atin kundi para rin naman sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:1, 2) Angkop na masasabi ng mga pinahiran na ang hain ni Jesus ay pampalubag-loob na pantakip sa kanilang mga kasalanan. Subalit ito rin ang hain para sa buong sanlibutan, anupat ginagawang posible ang buhay na walang hanggan para sa masunuring sangkatauhan!
Dadalo ka ba sa Abril 4, 2004, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus? Ang pagdiriwang na ito ay idaraos ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa kanilang mga dakong pulungan. Kung dadalo ka, makikinabang ka sa pakikinig sa isang napakahalagang pahayag sa Bibliya. Maipaaalaala nito sa iyo kung gaano kalaki ang nagawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa atin. Magiging kapaki-pakinabang din sa espirituwal na paraan ang makisama sa mga may matinding pagpapahalaga sa Diyos at kay Kristo at sa haing pantubos ni Jesus. Lubos na mapatitibay ng okasyon ang iyong pagnanais na maging isa sa tatanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, na umaakay sa buhay na walang hanggan. Huwag hayaang may humadlang sa iyo. Daluhan ang nakapagpapasigla-sa-pusong pagdiriwang na ito na nagpaparangal at nakalulugod sa ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.
[Larawan sa pahina 5]
Ang kamatayan ni Jesus ay nauugnay sa dalawang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig
[Larawan sa pahina 6]
Ang tinapay na walang lebadura at ang alak ay angkop na mga sagisag ng walang-kasalanang katawan ni Jesus at ng kaniyang itinigis na dugo