Ang Kapayapaan ng Westphalia—Isang Malaking Pagbabago sa Europa
Ang Kapayapaan ng Westphalia—Isang Malaking Pagbabago sa Europa
“TUNAY ngang isang pambihirang pangyayari ang magkatipong sama-sama ang napakaraming Europeong pinuno ng Estado na gaya ng pagkakatipon nila ngayon dito.” Ganiyan ang sinabi ni Roman Herzog, dating presidente ng Federal Republic of Germany, noong Oktubre 1998. Nang sabihin niya iyon, kabilang sa kaniyang mga tagapakinig ang apat na hari, apat na reyna, dalawang prinsipe, isang punong duke, at ilang presidente. Ang okasyon, na pinamatnugutan ng Council of Europe, ay napakahalaga sa 50-taóng kasaysayan ng makabagong estado ng Alemanya. Ano ba ang okasyong iyon?
Ang Oktubre 1998 ang ika-350 anibersaryo ng Kasunduan Ukol sa Kapayapaan sa Westphalia. Ang mga kasunduan ukol sa kapayapaan ay kadalasang mga panahon ng mahahalagang pagpapasiya na may malaking epekto sa kasaysayan, at dahil diyan kung kaya natatangi ang Kasunduan sa Westphalia. Ang paglagda sa kasunduang ito noong 1648 ang umakay sa pagwawakas ng Tatlumpung Taóng Digmaan at nagbigay-daan sa pagsilang ng makabagong Europa bilang isang kontinente ng independiyenteng mga estado.
Nayanig ang Isang Matagal Nang Sistema
Noong panahon ng Edad Medya, ang Simbahang Romano Katoliko at ang Banal na Imperyong Romano ang pinakamakapangyarihang mga institusyon sa Europa. Ang imperyo ay binubuo ng daan-daang lupain na may iba’t ibang laki at sumasaklaw sa isang lugar na nasasakupan ngayon ng Austria, Czech Republic, silangang Pransiya, Alemanya, Switzerland, Low Countries (mabababang rehiyon), at ng iba pang bahagi ng Italya. Yamang ang kalakhang bahagi nito ay binubuo ng mga lupain ng Alemanya, ang imperyo ay nakilala bilang ang Banal na Imperyong Romano ng Bansang Alemanya. Ang bawat lupain ay hindi gaanong ganap na pinamamahalaan ng isang prinsipe. Ang emperador mismo ay isang Romano Katoliko ng pamilyang Habsburg ng Austria. Samakatuwid, palibhasa’y hawak ng papado at ng imperyo ang kapangyarihan, ang Europa ay mahigpit na hawak ng Romano Katoliko.
Gayunman, noong ika-16 at ika-17 siglo, nayanig ang matagal nang sistema. Sa buong Europa, laganap ang reklamo sa mga pagmamalabis ng Simbahang Romano Katoliko. Ang relihiyosong mga repormador na sina Martin Luther at John Calvin ay nagsalita hinggil sa panunumbalik sa mga pamantayan ng Bibliya. Maraming sumuporta kina Luther at Calvin, at mula sa kilusang ito ay lumago ang Repormasyon at ang mga relihiyong Protestante. Dahil sa Repormasyon ay nagkabaha-bahagi ang imperyo sa tatlong pananampalataya—Katoliko, Luterano, at Calvinista.
Pinaghinalaan ng mga Katoliko ang mga Protestante, at kinasuklaman naman ng mga Protestante ang kanilang karibal na mga Katoliko. Ang kalagayang ito ay umakay sa pagbuo ng Unyon ng mga Protestante at Liga ng mga Katoliko noong unang bahagi ng ika-17 siglo. Ang ilang prinsipe ng imperyo ay umanib sa Unyon, ang iba naman ay sa Liga. Ang Europa—at partikular na ang imperyo—ay naging mitsa ng paghihinala na nangangailangan lamang ng isang siklab upang pagliyabin. Nang magkaroon nga ng gayong pagsiklab, pinasimulan nito ang isang alitan na tumagal nang 30 taon.
Pinagliyab ng Isang Nakamamatay na Siklab ang Europa
Sinikap ng mga tagapamahalang Protestante na impluwensiyahan ang Katolikong mga Habsburg upang pahintulutan ang higit na kalayaan sa pagsamba.
Ngunit urong-sulong ang pagbibigay ng kalayaan, at noong 1617-18, dalawang simbahang Luterano sa Bohemia (ang Czech Republic) ang sapilitang ipinasara. Ikinagalit ito ng mga maharlikang Protestante, na lumusob sa isang palasyo sa Prague, sinunggaban ang tatlong Katolikong opisyal, at inihulog ang mga ito mula sa bintana sa itaas. Ang pagkilos na ito ang siklab na nagpaliyab sa Europa.Bagaman dapat sana ay mga tagasunod sila ng Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo, ang mga miyembro ng magkalabang relihiyon ay nagdigmaan. (Isaias 9:6) Sa Digmaan ng White Mountain, lubusang nilupig ng Liga ang Unyon, na unti-unti namang nalansag. Ang mga maharlikang Protestante ay binitay sa pamilihan ng Prague. Sa buong Bohemia, ang ari-arian ng mga Protestante na hindi tumalikod sa kanilang paniniwala ay kinumpiska at ipinamigay sa mga Katoliko. Inilalarawan ng aklat na 1648—Krieg und Frieden in Europa (1648—Digmaan at Kapayapaan sa Europa) ang pagkumpiskang ito bilang “isa sa pinakamalaking pagbabago sa pagmamay-ari sa gitnang Europa.”
Ang relihiyosong alitan na nagsimula sa Bohemia ay lumaki tungo sa internasyonal na tunggalian sa kapangyarihan. Sa sumunod na 30 taon, napasama na sa digmaan ang Denmark, Pransiya, Netherlands, Espanya, at Sweden. Ang mga tagapamahalang Katoliko at Protestante, na kadalasa’y nauudyukan ng kasakiman at pagnanasa sa kapangyarihan, ay nakipagtagisan para sa higit na kapangyarihan sa pulitika at pakinabang sa komersiyo. Ang Tatlumpung Taóng Digmaan ay nahati sa maraming yugto, isinunod ang pangalan ng bawat isa sa pangunahing mga kaaway ng emperador. Binabanggit ng ilang reperensiyang akda ang apat sa gayong mga yugto: ang Digmaang Bohemian at Palatine, ang Digmaang Danish-Lower Saxony, ang Digmaang Sweko, at ang Digmaang Pranses-Sweko. Ang karamihan sa mga labanan ay naganap sa teritoryo ng imperyo.
Kabilang sa mga sandata noong panahong iyon ang mga pistola, iskupeta, mortar, at kanyon, at ang Sweden ang isa sa pangunahing tagasuplay ng sandata. Nagtagisan sa labanan ang mga Katoliko at Protestante. Ang mga sundalo ay sumisigaw ng “Santa Maria” o kaya ay “Sumasaatin ang Diyos” habang patungo sa digmaan. Nandambong at nagnakaw ang mga hukbo sa mga nadaraanan nila sa iba’t ibang lupain ng Alemanya, anupat tinrato na parang hayop ang mga kaaway at mga sibilyan. Nauwi sa barbarismo ang digmaan. Kaylaking kaibahan nito sa inihuhula ng Bibliya: “Sila ay hindi magtataas ng tabak, bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma”!—Mikas 4:3.
Isang salinlahi ng mga Aleman ang lumaki na walang nalalaman kundi digmaan, at pinanabikan ng pagod na mamamayan ang kapayapaan. Lumilitaw na posible sana ang kapayapaan kung hindi lamang dahil sa nagkakasalungatang mga pulitikal na interes ng mga tagapamahala. Lalo nang nabahiran ng pulitika ang digmaan anupat nawalan ito ng relihiyosong kulay at naging lalong sekular. Balintuna naman, ang tao na nagtaguyod ng pagbabagong ito ay isang mataas na opisyal ng Simbahang Katoliko.
Humawak ng Kapangyarihan si Kardinal Richelieu
Ang opisyal na titulo ni Armand-Jean du Plessis ay Kardinal de Richelieu. Siya rin ang punong ministro ng Pransiya mula 1624 hanggang 1642.
Tunguhin ni Richelieu na maging pangunahing kapangyarihan sa Europa ang Pransiya. Sa layuning iyan, sinikap niyang bawasan ang kapangyarihan ng kaniyang mga kapuwa Katoliko, ang mga Habsburg. Paano niya ito ginawa? Sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo sa mga hukbong Protestante ng mga lupaing Aleman, ng Denmark, Netherlands, at Sweden, na pawang lumalaban sa mga Habsburg.Noong 1635, nagpadala si Richelieu ng mga sundalong Pranses sa digmaan sa kauna-unahang pagkakataon. Ipinaliliwanag ng aklat na vivat pax—Es lebe der Friede! (Mabuhay ang Kapayapaan!) na sa huling yugto nito, “ang Tatlumpung Taóng Digmaan ay hindi na isang alitan ng magkakalabang relihiyon. . . . Ang digmaan ay naging tunggalian ukol sa pagiging pinakamakapangyarihan sa pulitika sa Europa.” Ang relihiyosong alitan na nagsimula sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante ay nauwi sa pakikipaglaban ng mga Katoliko kasama ng mga Protestante sa iba pang mga Katoliko. Ang Liga ng mga Katoliko, na humina na noong unang mga taon ng dekada ng 1630, ay nabuwag noong 1635.
Komperensiya Ukol sa Kapayapaan sa Westphalia
Ang Europa ay sinalanta ng pandarambong, pamamaslang, panghahalay, at sakit. Unti-unti, tumindi ang paghahangad ukol sa kapayapaan dahil sa pagkatanto na ito ay isang digmaan na doo’y walang mananalo. Sinabi ng aklat na vivat pax—Es lebe der Friede! na “sa pagtatapos ng dekada ng 1630, kinilala sa wakas ng namamahalang mga prinsipe na hindi na makatutulong sa kanila ang kapangyarihang militar upang matamo ang kanilang tunguhin.” Ngunit kung kapayapaan ang hinahangad ng lahat, paano ito matatamo?
Nagkasundo sina Emperador Ferdinand III ng Banal na Imperyong Romano, Haring Louis XIII ng Pransiya, at Reyna Christina ng Sweden na dapat idaos ang isang komperensiya kung saan ang lahat ng mga kabilang sa digmaan ay dapat magtipon at mag-usap tungkol sa mga kundisyon ukol sa kapayapaan. Dalawang lugar ang pinili para sa pag-uusap—ang mga bayan ng Osnabrück at Münster sa Westphalia na lalawigan ng Alemanya. Pinili ang mga ito dahil nasa kalagitnaan sila ng mga kabisera ng Sweden at Pransiya. Simula noong 1643, mga 150 delegasyon—ang ilan ay may malalaking pangkat ng mga tagapayo—ang dumating sa dalawang bayan, anupat ang mga sugong Katoliko ay nagtipon sa Münster, at sa Osnabrück naman ang mga delegadong Protestante.
Una, bumuo ng kodigo ng paggawi upang mapagtibay ang mga bagay na gaya ng titulo at ranggo ng mga sugo, kaayusan sa upuan, at mga pamamaraan. Pagkatapos ay nagsimula ang usapang pangkapayapaan, na may mga panukalang ipinapasa mula sa isang delegasyon tungo sa isa pa sa pamamagitan ng mga tagapamagitan. Pagkalipas ng halos limang taon—samantalang nagpapatuloy pa ang digmaan—napagkasunduan ang mga kundisyon ukol sa kapayapaan. Ang Kasunduan sa Westphalia ay binubuo ng mahigit sa isang dokumento. Ang isang kasunduan ay nilagdaan sa Osnabrück sa pagitan ni Emperador Ferdinand III at ng Sweden, ang isa naman ay sa Münster sa pagitan ng emperador at ng Pransiya.
Habang lumalaganap ang balita tungkol sa kasunduan, nagsimula ang mga pagdiriwang. Ang digmaan na nagsimula sa isang nakamamatay na siklab ay nagwakas sa pamamagitan ng literal na siklab ng mga kuwitis. Pinagliwanag ng mga ito ang kalangitan sa iba’t ibang lunsod. Nagtunugan ang mga kampana, dumagundong ang mga kanyon bilang pagsang-ayon, at nag-awitan ang mga tao sa mga lansangan. Maaasahan na kaya ngayon ng Europa ang namamalaging kapayapaan?
Posible Kaya ang Namamalaging Kapayapaan?
Kinilala ng Kasunduan sa Westphalia ang simulain ng soberanya. Nangangahulugan ito na sumang-ayon ang bawat panig sa kasunduan na igalang ang mga karapatan ng teritoryo ng lahat ng iba pang panig at hindi panghimasukan ang kanilang pambansang mga gawain. Sa gayon ay naisilang ang makabagong Europa bilang isang kontinente na may independiyenteng mga estado. Sa mga estadong iyon, ang ilan ay mas nakinabang sa kasunduan kaysa sa iba.
Naitatag ang Pransiya bilang isang pangunahing kapangyarihan, at nagtamo ng kasarinlan ang
Netherlands at Switzerland. Para sa mga lupain ng Alemanya, na marami sa mga ito ay nawasak ng digmaan, may mga disbentaha ang kasunduan. Ang kahihinatnan ng Alemanya ay pinagpapasiyahan sa isang antas ng ibang mga bansa. Nag-uulat ang The New Encyclopædia Britannica: “Ang mga pakinabang at kalugihan ng mga prinsipe ng Alemanya ay nakadepende sa kung ano ang makabubuti sa mga pangunahing kapangyarihan: Pransiya, Sweden, at Austria.” Sa halip na magkalapit at magkaisa bilang isang bansa, nagkakabaha-bahagi pa rin ang mga lupaing Aleman gaya ng dati. Bukod diyan, ang ilang teritoryo ay ipinagkatiwala sa pangangasiwa ng banyagang mga tagapamahala, gaya ng mga bahagi ng pangunahing mga ilog ng Alemanya—ang Rhine, ang Elbe, at ang Oder.Pantay-pantay ang ginawang pagkilala sa mga relihiyong Katoliko, Luterano, at Calvinista. Hindi ito ikinalugod ng lahat. Matindi ang pagsalansang ni Pope Innocent X sa kasunduan, anupat idineklara itong walang-saysay at walang-bisa. Gayunpaman, ang mga hangganan ng relihiyon na naitatag na ay halos nanatiling walang pagbabago sa sumunod na tatlong siglo. Bagaman hindi pa nakamit noon ang relihiyosong kalayaan ng indibiduwal, patungo na ito sa gayong direksiyon.
Winakasan ng kasunduan ang Tatlumpung Taóng Digmaan, at kasabay nitong nagwakas ang karamihan sa mga alitan. Ito ang huling malaking digmaan ng relihiyon sa Europa. Hindi naglaho ang digmaan, ngunit ang pinakasanhi ng mga ito ay naging pulitika o komersiyo na sa halip na relihiyon. Hindi ito nangangahulugan na nawala nang lubusan ang impluwensiya ng relihiyon sa mga alitan sa Europa. Noong mga Digmaang Pandaigdig I at II, ang hibilya ng sinturong suot ng mga sundalong Aleman ay may inskripsiyon na pamilyar sa pandinig: “Sumasaatin ang Diyos.” Sa nakapanghihilakbot na mga labanang iyon, muli na namang humanay ang mga Katoliko at Protestante sa isang panig upang labanan ang mga Katoliko at Protestante sa kabilang panig.
Maliwanag, hindi nagdulot ng namamalaging kapayapaan ang Kasunduan sa Westphalia. Gayunman, ang gayong kapayapaan ay malapit nang maranasan ng masunuring sangkatauhan. Ang Diyos na Jehova ay magdudulot ng walang-hanggang kapayapaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sa ilalim ng pamahalaang iyan, ang iisang tunay na relihiyon ay magiging puwersa ukol sa pagkakaisa, hindi sa pagkakabaha-bahagi. Walang makikipagdigma sa anumang dahilan, relihiyoso man o iba pa. Tunay ngang nakagiginhawa kapag lubusan nang namahala ang Kaharian sa lupa at “ang kapayapaan ay hindi [na] magkakaroon ng wakas”!—Isaias 9:6, 7.
[Blurb sa pahina 21]
Ang alitan na nagsimula sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante ay nauwi sa pakikipaglaban ng mga Katoliko kasama ng mga Protestante sa iba pang mga Katoliko
[Blurb sa pahina 22]
Ang mga sundalo ay humayo sa digmaan na sumisigaw ng alinman sa “Santa Maria” o “Sumasaatin ang Diyos”
[Larawan sa pahina 21]
Si Kardinal Richelieu
[Larawan sa pahina 23]
Iginuhit na larawan noong ika-16 na siglo na nagpapakita sa pagtutunggali nina Luther, Calvin, at ng papa
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Mula sa aklat na Spamers Illustrierte Weltgeschichte VI
[Picture Credit Lines sa pahina 23]
Nagtutunggaling relihiyosong mga lider: From the book Wider die Pfaffenherrschaft; mapa: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck