Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ikaw ay Mas Maringal Kaysa sa mga Bundok’

‘Ikaw ay Mas Maringal Kaysa sa mga Bundok’

‘Ikaw ay Mas Maringal Kaysa sa mga Bundok’

ISANG di-malilimutang karanasan ang pagmamasid sa pagbubukang-liwayway sa taluktok ng Bundok Fuji. Sumisikat ang kulay-apoy na araw sa guhit-tagpuan, anupat pinagliliwanag ang puting niyebe at abuhing mga bato ng lava. Habang nagsisimula ang panibagong araw, mabilis na nilililiman nang ilang kilometro ng kitang-kitang anino ng bundok ang mga burol at libis.

Katulad ng Bundok Fuji​—na minsang isinulat sa mga titik na nangangahulugang “walang kapantay”​—​laging nakamamangha sa atin ang mariringal na bundok. Aba, baka manliit tayo sa pagkalaki-laking sukat ng mga ito! Gayon na lamang karingal ang mga bundok anupat maraming tao ang naniniwala na ang pinakamatataas na taluktok, na kadalasang nalalambungan ng maninipis at makakapal na ulap, ay mga tahanan ng mga diyos.

Ang tanging Diyos na talagang pinupuri ng mga taluktok ng bundok ay ang kanilang dalubhasang Maylalang, si Jehova. Siya lamang “ang Tagapag-anyo ng mga bundok.” (Amos 4:13) Halos sangkapat ng lupa ay bulubundukin, at nang lalangin ng Diyos ang ating planeta, itinatag niya ang mga puwersa na nang dakong huli ay nagluwal ng kagila-gilalas na mga taluktok at hilera ng mga bundok. (Awit 95:4) Halimbawa, pinaniniwalaan na ang hilera ng mga bundok sa Himalaya at sa Andes ay nabuo dahil sa malalaking pagbabago sa ilalim ng lupa at sa paggalaw ng mga bahagi ng pinakabalat ng lupa.

Hindi lubusang nauunawaan ng mga taong gaya natin kung paano at kung bakit umiral ang mga bundok. Sa katunayan, hindi natin masagot ang ganitong mga tanong na iniharap sa matuwid na si Job: “Nasaan ka nang itatag ko [ni Jehova] ang lupa? . . . Sa ano ibinaon ang may-ukit na mga tuntungan niyaon?”​—Job 38:4-6.

Gayunman, alam natin na ang ating buhay ay nakadepende sa mga bundok. Tinatawag ang mga ito na mga tangke ng tubig ng kalikasan, yamang ang tubig ng lahat ng pangunahing mga ilog ay nanggagaling sa mga bundok at kalahati ng mga tao sa lupa ay dumedepende sa mga bundok sa pagkuha ng tubig. (Awit 104:13) Ayon sa magasing New Scientist, “anim sa 20 pangunahing pagkaing halaman sa daigdig ay nanggagaling sa mga bundok.” Sa ilalim ng balanseng kalagayan ng ekolohiya sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, “magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”​—Awit 72:16; 2 Pedro 3:13.

Para sa marami, ang pagbanggit sa mga bundok ay nagpapagunita sa European Alps. Ang mga taluktok na ito, pati na ang Bundok Civetta na ipinakita rito, ay nagbibigay ng kalugud-lugod na patotoo hinggil sa kanilang Maylalang. (Awit 98:8) Pinupuri nila si Jehova, ang isa na ‘nagtatatag nang matibay sa mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.’​—Awit 65:6. *

Tunay ngang kasindak-sindak ang karilagan ng mga Alps, lakip na ang kanilang mayelong mga taluktok at tagaytay, ang kanilang mga dalisdis na natatakpan ng niyebe, ang kanilang mga libis at lawa, at ang kanilang mga parang. Ipinakilala ni Haring David si Jehova bilang ang “Isa na nagpapasibol ng luntiang damo sa mga bundok.”​—Awit 147:8.

Ang hanay ng mga burol​—tulad ng mga burol na ito sa Guilin, Tsina​—ay baka waring di-gaanong kagila-gilalas kung ihahambing sa mga Alps, ngunit natatangi ang ganda ng mga ito. Sa kahabaan ng Ilog Li, maraming hilera ng nakausling mga taluktok ng mga batong-apog ang hinahangaan ng mga panauhin dahil sa kanilang kagandahan. Ang pagmamasid sa malinaw na tubig na umaagos sa mga burol na ito na nalalambungan ng manipis na ulap ay magpapagunita sa isa sa mga sinabi ng salmista: “Isinusugo niya [ni Jehova] ang mga bukal sa mga agusang libis; sa pagitan ng mga bundok ay patuloy silang umaagos.”​—Awit 104:10.

Wasto lamang na hangaan natin ang mga bundok dahil kinikilala natin ang mga ito bilang maringal na bahagi ng maibiging paglalaan ng Maylalang para sa kapakanan at kasiyahan ng sangkatauhan. Gayunman, kagila-gilalas man ang mga ito, hindi pa rin mapapantayan ng mga bundok ang karingalan ni Jehova. Tunay na siya ay “mas maringal kaysa sa mga bundok.”​—Awit 76:4.

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, March/April.

[Kahon/​Larawan sa pahina 9]

Ang 10 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay nakatira sa bulubunduking mga lugar. Ngunit hindi iyon isang hadlang na di-mapagtatagumpayan ng mga naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Abalang-abala ang mga ministrong Kristiyanong ito sa maraming matataas na rehiyon. At “pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan!”​—Isaias 52:7.

“Ang matataas na bundok ay para sa mga kambing-bundok,” ang awit ng salmista. (Awit 104:18) Ang mga kambing-bundok, tulad ng Nubian ibex na may kahanga-hangang sungay, ay kabilang sa mga may pinakamatatag na paa sa lahat ng mga naninirahan sa bundok. Nagpapalipat-lipat sila sa nakausling mga bato na napakakitid anupat waring hindi madaraanan. Ang ibex ay lubos na nasasangkapan upang mamuhay sa mga dakong mahirap marating. Sa isang bahagi, dahil ito sa kayarian ng kaniyang mga paa. Ang biyak ng mga kuko nito ay maaaring lumaki dahil sa bigat ng kambing, anupat nakakakapit nang husto ang hayop kapag nakatayo ito o nagpapalipat-lipat sa makikitid na salansan ng mga bato. Tunay ngang isang obra maestra ng disenyo ang ibex!

[Larawan sa pahina 9]

Bundok Fuji, Honshu, Hapon