“Lubusan Mong Ganapin ang Iyong Ministeryo”
“Lubusan Mong Ganapin ang Iyong Ministeryo”
“Lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.”—2 TIMOTEO 4:5.
1, 2. Bagaman ebanghelisador ang lahat ng Kristiyano, ano ang hinihiling ng Kasulatan sa matatanda?
TAGAPAGHAYAG ka ba ng Kaharian? Kung oo, pasalamatan mo ang Diyos na Jehova sa kamangha-manghang pribilehiyong ito. Isa ka bang matanda sa kongregasyon? Karagdagang pribilehiyo iyan mula kay Jehova. Subalit hindi natin dapat kaligtaan na hindi sekular na edukasyon ni kakayahang magsalita nang mahusay ang dahilan upang ang sinuman sa atin ay maging kuwalipikado para sa ministeryo o para mangasiwa sa kongregasyon. Si Jehova ang nagpapangyaring maging lubusang kuwalipikado tayo para sa ministeryo, at dahil nakaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan ang ilang lalaking kasama natin kung kaya may pribilehiyo silang maglingkod bilang mga tagapangasiwa.—2 Corinto 3:5, 6; 1 Timoteo 3:1-7.
2 Ang lahat ng nakaalay na Kristiyano ay gumaganap ng gawain ng mga ebanghelisador, ngunit lalo nang kailangang magpakita ng magandang halimbawa sa ministeryo ang mga tagapangasiwa, o matatanda. Ang matatanda na “nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo” ay napapansin ng Diyos at ni Kristo, gayundin ng kanilang mga kapuwa Saksi ni Jehova. (1 Timoteo 5:17; Efeso 5:23; Hebreo 6:10-12) Sa lahat ng pagkakataon, dapat na nakapagpapalusog sa espirituwal ang turo ng isang matanda, sapagkat sinabi ni apostol Pablo sa tagapangasiwang si Timoteo: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo. Ikaw naman, panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng kasamaan, gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.”—2 Timoteo 4:3-5.
3. Ano ang kailangang gawin upang hindi maisapanganib ng maling mga turo ang espirituwalidad ng kongregasyon?
3 Upang matiyak na hindi maisasapanganib ng maling mga turo ang espirituwalidad ng kongregasyon, dapat sundin ng isang tagapangasiwa ang payo ni Pablo: “Panatilihin mo ang iyong katinuan sa lahat ng mga bagay, . . . lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Timoteo 4:5) Oo, kailangang ‘lubusang ganapin ng isang matanda ang kaniyang ministeryo.’ Dapat niyang gawin ito nang ganap, puspusan, o sa sukdulang antas. Ang isang matanda na lubusang gumaganap sa kaniyang ministeryo ay nagbibigay ng angkop na pansin sa lahat ng mga pananagutan niya, na walang iniiwang hindi nagawa o natapos. Matapat ang gayong tao maging sa maliliit na bagay.—Lucas 12:48; 16:10.
4. Ano ang makatutulong sa atin na lubusang ganapin ang ministeryo?
4 Ang lubusang pagganap ng ating ministeryo ay hindi laging humihiling ng mas maraming panahon, ngunit nangangailangan ito ng mahusay na paggamit ng panahon. Makatutulong sa lahat ng Kristiyano ang balanse at regular na paggawa upang maganap ang mga bagay-bagay sa ministeryo. Upang makagugol siya ng higit na panahon sa paglilingkod sa larangan, kailangan ng isang matanda ang mahusay na personal na pag-oorganisa upang maging timbang ang kaniyang iskedyul at malaman kung alin ang iaatas niya at kung paano ito gagawin. (Hebreo 13:17) Siyempre pa, ginaganap din ng isang kagalang-galang na matanda ang bahagi niya, tulad ni Nehemias, na personal na tumulong sa muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Nehemias 5:16) At dapat makibahagi nang regular ang lahat ng lingkod ni Jehova sa gawaing pangangaral ng Kaharian.—1 Corinto 9:16-18.
5. Ano ang dapat nating madama hinggil sa ministeryo?
5 Tunay ngang nakagagalak ang ating atas bilang mga tagapaghayag ng naitatag nang makalangit na Mateo 24:14) Bagaman tayo ay di-sakdal, mapatitibay tayo ng mga salita ni Pablo: ‘Taglay natin ang kayamanang ito [ng ministeryo] sa mga sisidlang luwad, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa ating sarili.’ (2 Corinto 4:7) Oo, makapag-uukol tayo ng kaayaayang paglilingkod—ngunit sa pamamagitan lamang ng bigay-Diyos na lakas at karunungan.—1 Corinto 1:26-31.
Kaharian! Tiyak na pinahahalagahan natin ang ating pribilehiyong magkaroon ng bahagi sa pangangaral ng mabuting balita sa buong tinatahanang lupa bago dumating ang wakas. (Ipinaaaninag ang Kaluwalhatian ng Diyos
6. Ano ang naging pagkakaiba ng likas na Israel at ng espirituwal na Israel?
6 Tinutukoy ang mga pinahirang Kristiyano, sinabi ni Pablo na ‘pinangyari ng Diyos na maging lubusang kuwalipikado tayo upang maging mga ministro ng isang bagong tipan.’ Ang bagong tipan na ipinakipagtipan sa espirituwal na Israel sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay inihambing ng apostol sa lumang tipang Kautusan na ipinakipagtipan sa likas na Israel sa pamamagitan ni Moises. Idinagdag pa ni Pablo na nang bumaba si Moises mula sa Bundok Sinai na dala ang mga tapyas na pinagsulatan ng Sampung Utos, napakaliwanag ng kaniyang mukha anupat hindi makatitig dito ang mga Israelita. Gayunman, nang maglaon, may mas maselan na nangyari sapagkat “ang kanilang mga kakayahang pangkaisipan ay pumurol” at may talukbong na tumakip sa kanilang mga puso. Ngunit kapag may pagbaling kay Jehova taglay ang buong-pusong debosyon, naaalis ang talukbong. Sa pagtukoy sa ministeryo na ibinigay sa mga kabilang sa bagong tipan, sinabi ni Pablo: “Tayong lahat, . . . na may mga mukhang di-natatalukbungan ay nagpapaaninag ng kaluwalhatian ni Jehova tulad ng mga salamin.” (2 Corinto 3:6-8, 14-18; Exodo 34:29-35) May pribilehiyo rin ang “ibang mga tupa” ni Jesus sa ngayon na ipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova.—Juan 10:16.
7. Paano maipaaaninag ng mga tao ang kaluwalhatian ng Diyos?
7 Paano maipaaaninag ng makasalanang mga tao ang kaluwalhatian ng Diyos, gayong walang tao ang makakakita sa kaniya at mabubuhay? (Exodo 33:20) Buweno, bukod sa personal na kaluwalhatian ni Jehova, nariyan din ang maluwalhating layunin niya na ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Kaharian niya. Ang mga katotohanan may kinalaman sa Kaharian ay bahagi ng “mariringal na mga bagay ng Diyos” na sinimulang ipahayag ng mga binuhusan ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:11) Dahil sa patnubay ng espiritu, lubusan nilang naganap ang ministeryong ipinagkatiwala sa kanila.—Gawa 1:8.
8. Hinggil sa ministeryo, ano ang determinadong gawin ni Pablo?
8 Determinado si Pablo na huwag hayaang makahadlang sa kaniya ang anumang bagay sa lubusang pagganap sa ministeryo niya. Sumulat siya: “Yamang taglay namin ang ministeryong ito ayon sa awa na ipinakita sa amin, hindi kami nanghihimagod; kundi tinalikuran na namin ang mga bagay na ginagawa nang pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan, ni binabantuan ang salita ng Diyos, kundi sa paghahayag ng katotohanan ay inirerekomenda ang aming sarili sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.” (2 Corinto 4:1, 2) Sa pamamagitan ng tinatawag ni Pablo na “ministeryong ito,” naihahayag ang katotohanan at malawakang naipalalaganap ang espirituwal na liwanag.
9, 10. Paano posibleng maipaaninag ang kaluwalhatian ni Jehova?
9 May kinalaman sa Pinagmumulan ng pisikal at 2 Corinto 4:6; Genesis 1:2-5) Yamang pinagkalooban tayo ng di-matutumbasang pribilehiyo na maging mga ministro ng Diyos, panatilihin nating malinis ang ating mga sarili upang maipaaninag natin tulad ng mga salamin ang kaluwalhatian ni Jehova.
espirituwal na liwanag, sumulat si Pablo: “Ang Diyos ang siyang nagsabi: ‘Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman,’ at siya ay sumikat sa ating mga puso upang bigyang-liwanag ang mga ito ng maluwalhating kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” (10 Hindi makita ng mga indibiduwal na nasa espirituwal na kadiliman ang kaluwalhatian ni Jehova o ang sinag nito mula kay Jesu-Kristo, ang Lalong Dakilang Moises. Ngunit bilang mga lingkod ni Jehova, natatanggap natin ang maluwalhating liwanag mula sa Kasulatan at ipinaaaninag ito sa iba. Upang makaligtas sa pagkapuksa ang mga nasa espirituwal na kadiliman sa ngayon, kailangan nila ang liwanag mula sa Diyos. Kung gayon, taglay ang matinding kagalakan at sigasig, sinusunod natin ang banal na utos na pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman sa ikaluluwalhati ni Jehova.
Pasikatin ang Inyong Liwanag sa mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya
11. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagpapasikat ng ating liwanag, at ano ang isang paraan upang magawa ito sa ating ministeryo?
11 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok. Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng basket na panukat, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara, at ito ay nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay. Sa gayunding paraan ay pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14-16) Maaaring magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ang iba dahil sa ating mainam na paggawi. (1 Pedro 2:12) At ang iba’t ibang aspekto ng ating gawaing pag-eebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon upang pasikatin ang ating liwanag. Ang isa sa ating pangunahing mga layunin ay ipaaninag ang espirituwal na liwanag mula sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagdaraos ng mabibisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Napakahalagang paraan ito upang lubusang maganap ang ating ministeryo. Anu-anong mungkahi ang makatutulong sa atin upang makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya na nakaaantig sa puso ng mga naghahanap ng katotohanan?
12. Paano nauugnay ang panalangin sa gawaing pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
12 Ang pananalangin kay Jehova hinggil sa bagay na ito ay nagpapakita ng ating masidhing hangarin na magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ipinakikita rin nito na alam natin ang kahalagahan ng pagtulong sa iba na magtamo ng kaalaman sa Diyos. (Ezekiel 33:7-9) Tiyak na sasagutin ni Jehova ang ating mga panalangin at pagpapalain ang ating puspusang pagsisikap sa ministeryo. (1 Juan 5:14, 15) Ngunit hindi lamang tayo nananalangin upang makasumpong ng taong mapagdarausan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos nating makapagtatag ng isang pag-aaral, ang panalangin at pagbubulay-bulay sa espesipikong mga pangangailangan ng estudyante sa Bibliya ay tutulong upang maidaos natin ang bawat sesyon sa mabisang paraan.—Roma 12:12.
13. Ano ang makatutulong sa atin upang makapagdaos ng mabibisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
13 Upang makapagdaos ng mabibisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, dapat tayong maghandang mabuti para sa bawat sesyon. Kung nadarama nating tila hindi sapat ang ating kakayahan, makatutulong nang malaki kung magmamasid tayo kung paano tinatalakay ng tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang aralin sa bawat linggo. Paminsan-minsan, maaari tayong sumama sa mga mamamahayag ng Kaharian na nagtatamo ng magagandang resulta sa pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Mangyari pa, lalong karapat-dapat na isaalang-alang natin ang saloobin at mga pamamaraan ng pagtuturo ni Jesu-Kristo.
14. Paano natin maaabot ang puso ng estudyante sa Bibliya?
14 Nalugod si Jesus na gawin ang kalooban ng kaniyang makalangit na Ama at ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Diyos. (Awit 40:8) Siya ay mahinahong-loob at nagtagumpay sa pag-abot sa puso ng mga nakikinig sa kaniya. (Mateo 11:28-30) Kaya sikapin nawa nating maabot ang puso ng ating mga estudyante sa Bibliya. Upang magawa ito, kailangan tayong maghanda para sa bawat pag-aaral anupat iniisip ang pantanging mga kalagayan ng estudyante. Halimbawa, kung siya ay nagmula sa kulturang walang kabatiran sa Bibliya, baka kailangan natin siyang kumbinsihin na totoo ang Bibliya. Kung gayon, maliwanag na kailangan nating basahin ang maraming kasulatan at ipaliwanag ang mga iyon.
Tulungan ang mga Estudyante na Maunawaan ang mga Ilustrasyon
15, 16. (a) Paano natin maaaring tulungan ang estudyanteng hindi nauunawaan ang ilustrasyon na ginamit sa Bibliya? (b) Ano ang maaari nating gawin kapag gumagamit ang ating mga publikasyon ng ilustrasyon na mahirap maunawaan ng isang partikular na estudyante sa Bibliya?
15 Maaaring hindi pamilyar ang estudyante sa Bibliya sa isang partikular na ilustrasyon na ginamit sa Kasulatan. Halimbawa, baka hindi niya maunawaan kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang paglalagay ng lampara sa ibabaw ng patungan ng lampara. (Marcos 4:21, 22) Tinutukoy ni Jesus ang sinaunang de-langis na lampara na may nagniningas na mitsa. Inilalagay ang gayong lampara sa isang pantanging patungan at sa gayon ay maiilawan ang isang dako ng bahay. Baka kailangan ang pagsasaliksik sa mga paksang “Lamp” at “Lampstand” sa publikasyong gaya ng Insight on the Scriptures upang liwanagin ang ilustrasyon ni Jesus. * Subalit tunay ngang kasiya-siya na maging handa at maghatid sa estudyante sa Bibliya ng paliwanag na mauunawaan at mapahahalagahan niya!
16 Baka may ginagamit na ilustrasyon ang isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na mahirap maunawaan ng isang partikular na estudyante. Gumugol ng panahon upang ipaliwanag ito, o gumamit ng ibang ilustrasyon na may gayunding punto. Baka idiniriin ng isang publikasyon na mahalaga sa pag-aasawa ang mahusay na kapareha at magkatuwang na pagsisikap. Upang ilarawan ito, baka may binabanggit na isang lalaki na naglalambitin sa trapeze, bumibitiw roon, at umaasa sa isa pang sirkero upang saluhin siya. Bilang panghaliling ilustrasyon, ang pangangailangan para sa mahusay na kapareha at magkatuwang na pagsisikap ay malamang na mailalarawan sa pagtutulungan ng mga manggagawa sa pagpapasa-pasa ng bitbit na mga kahon kapag nagbababa ng karga ng barko.
17. Ano ang matututuhan natin kay Jesus tungkol sa mga ilustrasyon?
17 Ang paggamit ng panghaliling ilustrasyon ay maaaring humiling ng patiunang paghahanda. Magkagayunman, isang paraan iyan upang ipakita ang ating personal na interes sa estudyante sa Bibliya. Gumamit si Jesus ng simpleng mga ilustrasyon upang linawin ang mahihirap na paksa. Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay nagbibigay ng mga halimbawa nito, at ipinakikita ng Bibliya na may magandang epekto sa mga tagapakinig niya ang kaniyang pagtuturo. (Mateo 5:1–7:29) Matiyagang ipinaliwanag ni Jesus ang mga bagay-bagay dahil may masidhing interes siya sa iba.—Mateo 16:5-12.
18. Ano ang iminumungkahi hinggil sa mga kasulatang binanggit sa ating mga publikasyon?
18 Uudyukan tayo ng ating interes sa iba na ‘mangatuwiran mula sa Kasulatan.’ (Gawa 17:2, 3) Humihiling ito ng taimtim na pag-aaral na may kalakip na panalangin at matalinong paggamit ng mga publikasyon na inilalaan ng “tapat na katiwala.” (Lucas 12:42-44) Halimbawa, sumisipi ng maraming kasulatan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan. * Dahil sa limitadong espasyo, ang ilan ay binabanggit na lamang. Sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya, mahalagang basahin at ipaliwanag ang kahit ilan man lamang sa binanggit na mga kasulatang ito. Kung sa bagay, ang ating turo ay salig sa Salita ng Diyos, at mayroon itong matinding lakas. (Hebreo 4:12) Gamitin ang Bibliya sa buong panahon ng bawat pag-aaral, anupat madalas na ginagamit ang mga kasulatan na masusumpungan sa mga parapo. Tulungan ang estudyante na malaman ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang partikular na paksa o landas ng paggawi. Sikaping ipakita sa kaniya kung paano siya makikinabang sa pagsunod sa Diyos.—Isaias 48:17, 18.
Magbangon ng Nakapupukaw-Kaisipang mga Tanong
19, 20. (a) Bakit mahalagang gumamit ng punto de vistang mga tanong kapag nagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya? (b) Ano ang maaaring gawin kung kailangang higit na talakayin ang isang partikular na paksa?
19 Ang mahusay na paggamit ni Jesus ng mga tanong ay tumulong sa mga tao na mangatuwiran. (Mateo 17:24-27) Kung magbabangon tayo ng punto de vistang mga tanong na hindi naman magiging dahilan upang mapahiya ang estudyante sa Bibliya, maaaring isiwalat ng kaniyang mga sagot ang kaniyang palagay tungkol sa isang partikular na paksa. Baka matuklasan nating nanghahawakan pa rin siya sa di-makakasulatang mga pananaw. Halimbawa, maaaring naniniwala siya sa Trinidad. Sa kabanata 3, itinatawag-pansin ng aklat na Kaalaman na hindi lumilitaw sa Bibliya ang salitang “Trinidad.” Sinisipi at binabanggit ng aklat ang mga kasulatang nagpapakita na si Jehova ay hiwalay kay Jesus at na ang banal na espiritu ay aktibong puwersa ng Diyos, hindi isang persona. Baka sapat nang basahin at talakayin ang mga tekstong ito sa Bibliya. Ngunit paano kung higit pa ang kailangan? Marahil pagkatapos ng susunod na regular na sesyon ng pag-aaral, maaaring gumugol ng ilang panahon sa kapaki-pakinabang na pagtalakay sa paksang ito na inilalahad sa ibang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, tulad ng brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? Pagkatapos nito, maaari na nating ipagpatuloy ang pag-aaral na ginagamit ang aklat na Kaalaman.
20 Ipagpalagay na ang sagot ng estudyante sa isang punto de vistang tanong ay nakagugulat o nakasisira ng loob. Kung ang nasasangkot ay paninigarilyo o iba pang maselan na paksa, maaari nating imungkahi na ituloy natin ang pag-aaral at talakayin na lamang ang bagay na iyon sa ibang pagkakataon. Ang pagkaalam na naninigarilyo pa rin ang estudyante ay magtutulak sa atin na humanap ng inilathalang impormasyon na makatutulong sa kaniya upang sumulong sa espirituwal. Habang sinisikap nating abutin ang puso ng estudyante, maaari nating ipanalangin na tulungan sana siya ni Jehova na sumulong sa espirituwal.
21. Ano ang maaaring mangyari kung iaangkop natin ang ating mga pamamaraan ng pagtuturo sa espesipikong mga pangangailangan ng estudyante sa Bibliya?
21 Sa pamamagitan ng paghahandang mabuti at ng tulong ni Jehova, walang-alinlangang maiaangkop natin ang ating mga pamamaraan ng pagtuturo sa espesipikong mga pangangailangan ng estudyante sa Bibliya. Sa paglipas ng panahon, baka matulungan natin siyang maglinang ng malalim na pag-ibig sa Diyos. Maaari rin tayong magtagumpay sa paglinang ng paggalang at pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova. At nakatutuwa nga kapag kinilala ng mga estudyante sa Bibliya na ‘ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna natin’! (1 Corinto 14:24, 25) Kaya magdaos nawa tayo ng mabibisang pag-aaral sa Bibliya at gawin natin ang ating buong makakaya upang tulungan ang iba na maging mga alagad ni Jesus.
Kayamanang Dapat Pahalagahan
22, 23. Ano ang kailangan upang lubusan nating maganap ang ating ministeryo?
22 Upang lubusang maganap ang ating ministeryo, dapat tayong umasa sa bigay-Diyos na lakas. Tinutukoy ang ministeryo, sumulat si Pablo sa kaniyang mga kapuwa pinahirang Kristiyano: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang luwad, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.”—2 Corinto 4:7.
23 Kabilang man sa pinahiran o sa “ibang mga tupa,” tayo ay tulad ng marurupok na mga sisidlang luwad. (Juan 10:16) Gayunman, maaari tayong bigyan ni Jehova ng kinakailangang lakas upang tuparin ang ating mga atas sa kabila ng mga panggigipit sa atin. (Juan 16:13; Filipos 4:13) Kung gayon, magtiwala nawa tayo nang lubusan kay Jehova, pahalagahan natin ang ating kayamanan sa paglilingkod, at lubusan nating ganapin ang ating ministeryo.
[Mga talababa]
^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 18 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang maaaring gawin ng matatanda upang lubusang maganap ang kanilang ministeryo?
• Paano natin mapasusulong ang pagkamabisa ng ating mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya?
• Ano ang gagawin mo kung hindi naunawaan ng estudyante sa Bibliya ang ilustrasyon o kailangan niya ng higit pang impormasyon tungkol sa isang partikular na paksa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 16]
Nagtuturo ang Kristiyanong matatanda sa kongregasyon at tumutulong magsanay sa kanilang mga kapananampalataya sa ministeryo
[Larawan sa pahina 18]
Ang pagdaraos ng mabibisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay isang paraan upang pasikatin ang ating liwanag