Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo

ITO ay tunay na kasaysayan ng pagliligtas sa mga ‘inalipin nang may paniniil.’ (Exodo 1:13) Ito rin ay isang kapana-panabik na ulat ng pagsilang ng isang bansa. Kabilang sa lubhang kawili-wiling bahagi nito ang kagila-gilalas na mga himala, napakahuhusay na batas, at ang pagtatayo ng tabernakulo. Sa kabuuan, ito ang nilalaman ng aklat ng Bibliya na Exodo.

Inilalahad ng Exodo, na isinulat ng Hebreong propeta na si Moises, ang mga karanasan ng mga Israelita sa loob ng 145 taon​—mula nang mamatay si Jose noong 1657 B.C.E. hanggang sa matapos ang tabernakulo noong 1512 B.C.E. Gayunman, ang ulat ay hindi basta kasaysayan lamang. Bahagi ito ng salita, o mensahe, ng Diyos sa sangkatauhan. At bilang gayon, ito ay “buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Kung gayon, may tunay ngang kahulugan para sa atin ang Exodo.

“DININIG NG DIYOS ANG KANILANG PAGDAING”

(Exodo 1:1–​4:31)

Dumami nang napakabilis ang mga inapo ni Jacob na naninirahan sa Ehipto anupat ginawa silang mga alipin sa utos ng hari. Ipinag-utos pa nga ni Paraon na patayin ang lahat ng sanggol na lalaking Israelita. Nakaligtas sa gayong kahihinatnan ang tatlong-buwang sanggol na si Moises, na inampon ng anak na babae ni Paraon. Bagaman pinalaki siya sa maharlikang sambahayan, sa edad na 40 taon, pumanig si Moises sa kaniyang sariling bayan at pumatay ng isang Ehipsiyo. (Gawa 7:23, 24) Palibhasa’y napilitang tumakas, nagtungo siya sa Midian. Doon ay nag-asawa siya at namuhay bilang isang pastol. Sa isang palumpong na makahimalang nagniningas, inatasan ni Jehova si Moises na magbalik sa Ehipto upang palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin. Ang kaniyang kapatid na si Aaron ang hinirang na maging tagapagsalita niya.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

3:1—Anong uri ng saserdote si Jetro? Noong panahon ng mga patriyarka, ang ulo ng pamilya ang nagsisilbing saserdote para sa kaniyang pamilya. Maliwanag na si Jetro ang pinakaulong patriyarka sa isang tribo ng mga Midianita. Yamang ang mga Midianita ay mga inapo ni Abraham kay Ketura, marahil ay may nalalaman sila sa pagsamba kay Jehova.​—Genesis 25:1, 2.

4:11—Sa anong diwa ‘ginagawa ni Jehova ang pipi, bingi, at bulag’? Bagaman kung minsan ay pinangyayari ni Jehova ang pagkabulag at pagkapipi, hindi siya ang may pananagutan sa lahat ng gayong kapansanan. (Genesis 19:11; Lucas 1:20-22, 62-64) Ang mga ito ay bunga ng minanang kasalanan. (Job 14:4; Roma 5:12) Gayunman, yamang pinahintulutan ng Diyos na umiral ang mga ito, masasabi niyang siya ang “gumagawa” ng pipi, bingi, at bulag.

4:16—Paano magiging “parang Diyos” kay Aaron si Moises? Si Moises ay kinatawan ng Diyos. Kaya si Moises ay naging “parang Diyos” kay Aaron, na nagsalita bilang kinatawan ni Moises.

Mga Aral Para sa Atin:

1:7, 14. Sinuportahan ni Jehova ang kaniyang bayan nang siilin sila sa Ehipto. Pinalalakas din niya ang kaniyang makabagong-panahong mga Saksi, maging sa harap ng matinding pag-uusig.

1:17-21. Inaalaala tayo ni Jehova para “sa ikabubuti.”​—Nehemias 13:31.

3:7-10. Tumutugon si Jehova sa daing ng kaniyang bayan.

3:14. Laging isinasakatuparan ni Jehova ang kaniyang mga layunin. Kung gayon, makapagtitiwala tayo na pangyayarihin niya ang ating salig-Bibliyang mga inaasahan.

4:10, 13. Nagpamalas si Moises ng labis na kawalan ng pagtitiwala sa kaniyang kakayahang magsalita anupat kahit na tiniyak sa kaniya na aalalayan siya ng Diyos, nakiusap pa rin siya sa Diyos na iba na lamang ang isugo kay Paraon. Gayunman, ginamit pa rin ni Jehova si Moises at binigyan siya ng kinakailangang karunungan at lakas upang magampanan ang kaniyang atas. Sa halip na magtuon ng pansin sa ating kawalan ng kakayahan, manalig nawa tayo kay Jehova at buong-katapatang gampanan ang ating atas na mangaral at magturo.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

NAGDULOT NG KALIGTASAN ANG KAGILA-GILALAS NA MGA HIMALA

(Exodo 5:1–15:21)

Humarap sina Moises at Aaron kay Paraon, anupat hiniling na payagang ipagdiwang ng mga Israelita ang isang kapistahan kay Jehova sa ilang. Buong-katigasang tumanggi ang tagapamahala ng Ehipto. Ginamit ni Jehova si Moises upang magdulot ng sunud-sunod na matitinding dagok. Pagkatapos ng ikasampung salot saka lamang pinayaon ni Paraon ang mga Israelita. Gayunman, di-nagtagal at nagmamadali na naman siya at ang kaniyang hukbong militar sa pagtugis. Subalit nagbukas si Jehova ng rutang matatakasan sa Dagat na Pula at iniligtas ang kaniyang bayan. Nalunod ang tumutugis na mga Ehipsiyo nang magsara ang dagat sa kanila.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

6:3—Sa anong paraan hindi naipakilala ang pangalan ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob? Ginamit ng mga patriyarkang ito ang pangalan ng Diyos at tinanggap ang mga pangako mula kay Jehova. Gayunman, hindi nila nakilala o naranasan na si Jehova ang isa na nagpangyaring matupad ang mga pangakong ito.​—Genesis 12:1, 2; 15:7, 13-16; 26:24; 28:10-15.

7:1—Paano ginawang “Diyos kay Paraon” si Moises? Si Moises ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihan at awtoridad na nakahihigit kay Paraon. Kaya hindi siya kailangang matakot sa haring iyon.

7:22—Saan kinuha ng mga saserdote ng Ehipto ang tubig na hindi naging dugo? Maaaring ginamit nila ang tubig na nakuha mula sa Ilog Nilo bago ang salot na ito. Lumilitaw na maaari ring makakuha ng maiinom na tubig sa pamamagitan ng paghuhukay ng mga balon sa mamasa-masang lupa sa palibot ng Ilog Nilo.​—Exodo 7:24.

8:26, 27—Bakit sinabi ni Moises na magiging “karima-rimarim sa mga Ehipsiyo” ang mga hain ng Israel? Maraming iba’t ibang hayop ang sinasamba sa Ehipto. Kung gayon, ang pagbanggit sa mga hain ay nagdagdag ng puwersa at panghikayat sa paggigiit ni Moises na payagang yumaon ang Israel upang maghain kay Jehova.

12:29—Sinu-sino ang ibinilang na panganay? Mga lalaki lamang ang ibinilang na panganay. (Bilang 3:40-51) Si Paraon, na panganay rin, ay hindi pinatay. May sarili siyang sambahayan. Hindi ang ulo ng pamilya kundi ang panganay na lalaki ng sambahayan ang namatay bilang resulta ng ikasampung salot.

12:40—Gaano katagal nanirahan sa lupain ng Ehipto ang mga Israelita? Kabilang sa 430 taon na binanggit dito ang panahon na ginugol ng mga anak ni Israel “sa lupain ng Ehipto at sa lupain ng Canaan.” (Tingnan ang talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References.) Tinawid ng 75-taóng-gulang na si Abraham ang Ilog Eufrates noong 1943 B.C.E. nang patungo siya sa Canaan. (Genesis 12:4) Mula noon hanggang sa panahong pumasok sa Ehipto ang 130-taóng-gulang na si Jacob ay 215 taon ang lumipas. (Genesis 21:5; 25:26; 47:9) Nangangahulugan ito na mula noon, gumugol din ang mga Israelita ng 215 taon sa Ehipto.

15:8—Ang “namuo” bang tubig ng Dagat na Pula ay talagang nagyelong tubig? Ang pandiwang Hebreo na isinaling “namuo” ay nangangahulugang umurong o lumapot. Sa Job 10:10, ginagamit ang pananalitang ito may kaugnayan sa pagkurta ng gatas. Samakatuwid, ang namuong tubig ay hindi naman talaga nangangahulugang nagyelong tubig. Kung ang “malakas na hanging silangan” na binanggit sa Exodo 14:21 ay may sapat na lamig upang gawing yelo ang tubig, walang-alinlangang may mababanggit tungkol sa matinding lamig. Yamang walang nakikitang bagay na pumipigil sa tubig, nagmistulang namuo, nanigas, o lumapot ito.

Mga Aral Para sa Atin:

7:14–12:30. Ang Sampung Salot ay hindi basta nagkataon lamang. Inihula ang mga ito at natupad gaya ng pagkakahula. Buong-linaw na ipinakikita ng mga pangyayaring ito ang kontrol ng Maylalang sa tubig, liwanag ng araw, mga insekto, hayop, at tao! Ipinakikita rin ng mga salot na maaaring piliin ng Diyos na pasapitin lamang ang kapahamakan sa mga kaaway niya samantalang ipinagsasanggalang naman ang kaniyang mga mananamba.

11:2; 12:36. Pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan. Maliwanag na tiniyak niyang tatanggap ng kabayaran sa panahong iyon ang mga Israelita sa kanilang pagtatrabaho sa Ehipto. Pumasok sila sa lupain bilang malayang bayan, hindi mga bihag sa digmaan na aalipinin.

14:30. Makapagtitiwala tayo na ililigtas ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa dumarating na “malaking kapighatian.”​—Mateo 24:20-22; Apocalipsis 7:9, 14.

INOORGANISA NI JEHOVA ANG ISANG TEOKRATIKONG BANSA

(Exodo 15:22–​40:38)

Sa ikatlong buwan pagkatapos ng pagliligtas sa kanila sa Ehipto, nagkampo ang mga Israelita sa paanan ng Bundok Sinai. Doon, tinanggap nila ang Sampung Utos at ang iba pang kautusan, nakipagtipan sila kay Jehova, at naging isang teokratikong bansa. Gumugol si Moises ng 40 araw sa bundok, anupat tumanggap ng mga tagubilin hinggil sa tunay na pagsamba at sa pagtatayo ng tabernakulo ni Jehova, isang naililipat na templo. Samantala, gumawa ng isang ginintuang guya ang mga Israelita at sinamba ito. Pagbaba niya mula sa bundok, nakita ito ni Moises at nagalit nang husto anupat binasag niya ang dalawang tapyas na bato na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Matapos igawad ang karampatang parusa sa mga manggagawa ng kamalian, muli siyang umakyat sa bundok at tumanggap ng isa pang set ng mga tapyas na bato. Pagbalik ni Moises, sinimulan ang pagtatayo ng tabernakulo. Sa katapusan ng unang taon ng kalayaan ng Israel, nakumpleto at naitayo ang kamangha-manghang toldang ito at ang lahat ng kagamitan nito. Pagkatapos ay pinuno ni Jehova ng kaniyang kaluwalhatian ang tolda.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

20:5—Paano naglalapat ng “kaparusahan [si Jehova] . . . dahil sa kamalian ng mga ama” sa mga salinlahing darating? Pagsapit sa sapat na gulang, bawat indibiduwal ay hinahatulan salig sa kaniyang sariling paggawi at saloobin. Ngunit nang bumaling sa idolatriya ang bansang Israel, dinanas ng Israel ang masasamang bunga nito sa loob ng maraming salinlahi. Nadama maging ng tapat na mga Israelita ang mga epekto nito anupat naging mahirap para sa kanila na manatili sa landasin ng katapatan dahil sa relihiyosong pagkadelingkuwente ng bansa.

23:19; 34:26—Ano ang kahulugan ng utos na huwag pakuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina? Sinasabi na ang pagpapakulo sa batang kambing (o iba pang hayop) sa gatas ng kaniyang ina ay isang paganong ritwal na inaakalang magdudulot ng ulan. Bukod dito, yamang ang gatas ng ina ay pagkain ng kaniyang anak, ang pagpapakulo sa kaniyang anak dito ay isang kalupitan. Tumutulong ang kautusang ito na ipakita sa bayan ng Diyos na dapat silang maging mahabagin.

23:20-23—Sino ang anghel na binanggit dito, at paanong ang pangalan ni Jehova ay “nasa kaniya”? Malamang, ang anghel na ito ay si Jesus bago siya naging tao. Ginamit siya upang patnubayan ang mga Israelita sa kanilang pagtungo sa Lupang Pangako. (1 Corinto 10:1-4) “Nasa kaniya” ang pangalan ni Jehova sa diwa na si Jesus ang pangunahing nagtataguyod at nagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama.

32:1-8, 25-35—Bakit hindi pinarusahan si Aaron sa paggawa ng ginintuang guya? Si Aaron ay hindi taos-pusong sumang-ayon sa idolatriya. Nang maglaon, lumilitaw na sumama siya sa mga kapuwa niya Levita sa pagpanig sa Diyos at sa paglaban sa mga sumalansang kay Moises. Matapos patayin ang mga nagkasala, ipinaalaala ni Moises sa bayan na nagkasala sila nang malubha, na nagpapahiwatig na ang iba pa maliban kay Aaron ay tumanggap din ng awa ni Jehova.

33:11, 20—Paano nagsalita “nang mukhaan” ang Diyos kay Moises? Ang pananalitang ito ay nagpapahiwatig ng pribadong pag-uusap ng dalawang panig. Nakipag-usap si Moises sa kinatawan ng Diyos at tumanggap ng bibigang tagubilin mula kay Jehova sa pamamagitan nito. Ngunit hindi nakita ni Moises si Jehova, yamang ‘walang tao ang makakakita sa Diyos at mabubuhay pa.’ Sa katunayan, hindi personal na nakipag-usap kay Moises si Jehova. Ang Kautusan “ay inihatid ng mga anghel sa pamamagitan ng kamay ng isang tagapamagitan,” ang sabi ng Galacia 3:19.

Mga Aral Para sa Atin:

15:25; 16:12. Pinaglalaanan ni Jehova ang kaniyang bayan.

18:21. Ang mga lalaking pinili para sa mabibigat na tungkulin sa kongregasyong Kristiyano ay dapat ding maging may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at di-makasarili.

20:1–23:33. Si Jehova ang kataas-taasang Tagapagbigay-kautusan. Kapag sinunod ito, pinangyayari ng kaniyang kautusan na makasamba sa kaniya ang mga Israelita sa paraang maayos at masaya. Si Jehova ay may teokratikong organisasyon sa ngayon. Ang pakikipagtulungan dito ay aakay sa ating kaligayahan at katiwasayan.

Tunay na Kahulugan Para sa Atin

Ano ang isinisiwalat ng aklat ng Exodo tungkol kay Jehova? Ipinakikilala siya bilang maibiging Tagapaglaan, ang walang-katulad na Tagapagligtas, at ang Tagatupad ng kaniyang mga layunin. Siya ang Diyos ng teokratikong organisasyon.

Habang ginagawa mo ang lingguhang pagbasa sa Bibliya bilang paghahanda para sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, walang alinlangan na lubha kang mapakikilos ng iyong matututuhan mula sa Exodo. Kapag isinasaalang-alang mo ang sinasabi sa seksiyong “Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong,” magtatamo ka ng higit na kaunawaan sa ilang teksto sa Kasulatan. Ipakikita sa iyo ng mga komento sa ilalim ng “Mga Aral Para sa Atin” kung paano ka makikinabang mula sa pagbasa sa Bibliya para sa linggong iyon.

[Larawan sa pahina 24, 25]

Inatasan ni Jehova ang maamong lalaking si Moises upang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin

[Larawan sa pahina 25]

Ipinakita ng Sampung Salot ang kontrol ng Maylalang sa tubig, liwanag ng araw, mga insekto, hayop, at tao

[Larawan sa pahina 26, 27]

Sa pamamagitan ni Moises, inorganisa ni Jehova ang mga Israelita bilang isang teokratikong bansa