Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang nangyari sa insidenteng nakaulat sa Exodo 4:24-26, at kaninong buhay ang nanganib?
Patungo si Moises sa Ehipto kasama ang kaniyang asawa, si Zipora, at ang kaniyang mga anak na lalaki, sina Gersom at Eliezer, nang mangyari ang sumusunod na insidente: “At nangyari sa daan, sa dakong tuluyan, na sinalubong siya ni Jehova at naghanap ng paraan upang patayin siya. Nang dakong huli ay kumuha si Zipora ng isang batong pingkian at pinutol ang dulong-balat ng kaniyang anak at pinasaling iyon sa kaniyang mga paa at sinabi: ‘Sapagkat ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.’ Sa gayon ay binayaan niya ito. Sa pagkakataong iyon ay sinabi niya: ‘Isang kasintahang lalaki ng dugo,’ dahil sa pagtutuli.” (Exodo 4:20, 24-26) Bagaman hindi malinaw ang tekstong ito at hindi posibleng matiyak ang kahulugan nito, nagbibigay naman ng ilang paliwanag ang Kasulatan hinggil sa mga talatang ito.
Hindi espesipikong binabanggit ng ulat kung kaninong buhay ang nanganib. Subalit makatuwiran nating mahihinuha na hindi buhay ni Moises ang nanganib, sapagkat katatanggap pa lamang niya noon ng atas mula sa Diyos na akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto. (Exodo 3:10) Waring malayong mangyari na sa kaniyang paghayo upang ganapin ang atas na iyon ay pagbantaan ng anghel ng Diyos ang buhay ni Moises. Kung gayon, malamang na ang buhay ng isa sa kaniyang mga anak na lalaki ang nanganib. Ang kautusan hinggil sa pagtutuli na nauna nang ibinigay kay Abraham ay nagsasabi: “Ang lalaking di-tuli na hindi magpapatuli ng laman ng kaniyang dulong-balat, ang kaluluwa ngang iyon ay lilipulin mula sa kaniyang bayan. Sinira niya ang aking tipan.” (Genesis 17:14) Lumilitaw na nakaligtaan ni Moises na tuliin ang kaniyang anak na lalaki, at dahil dito ay pinagbantaan ng anghel ni Jehova ang buhay ng bata.
Kaninong mga paa ang sinaling nang putulin ni Zipora ang dulong-balat ng kaniyang anak na lalaki sa pagtatangkang ituwid ang mga bagay-bagay? Ang anghel ni Jehova ang may kapangyarihang pumatay sa di-tuling anak na lalaki. Kung gayon, makatuwiran lamang na pasasalingin ni Zipora ang dulong-balat sa mga paa ng anghel, anupat inihaharap ito sa kaniya bilang katibayan ng pagtupad ni Zipora sa tipan.
Hindi karaniwan ang pananalita ni Zipora na “ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.” Ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa kaniya? Sa pamamagitan ng pagtupad niya sa mga kahilingan ng tipan sa pagtutuli, kinilala ni Zipora na may pakikipagtipan siya kay Jehova. Ipinakita ng tipang Kautusan na ipinakipagtipan nang maglaon sa mga Israelita na sa isang pakikipagtipan, maaaring ituring na asawang lalaki si Jehova at asawang babae naman ang turing sa nakikipagtipan sa Kaniya. (Jeremias 31:32) Kaya naman, sa pagtukoy kay Jehova (sa pamamagitan ng kaniyang kinatawang anghel) bilang “isang kasintahang lalaki ng dugo,” waring kinikilala ni Zipora ang kaniya mismong pagpapasakop sa mga kahilingan ng tipang iyon. Para bang tinanggap niya ang posisyon bilang asawang babae sa tipan sa pagtutuli, na ang asawang lalaki ay ang Diyos na Jehova. Anuman ang nangyari, dahil sa kaniyang dagliang pagsunod sa kahilingan ng Diyos, ang buhay ng kaniyang anak ay hindi na nanganib.